Genevieve's POV
Halos apat na buwan na rin ang lumipas mula ng maikasal kami ni Ezi, at hindi naging madali ang lahat para sa aming dalawa. Katulad ng dati ay para pa rin kaming si Tom and Jerry na laging nag-kakabanggaan. At least si Tom and Jerry ay madalas magkasundo, samantalang kaming dalawa ay parang laging may giyera sa pagitan namin.
Hindi ko na rin kinakalimutan lumabas ng aking silid na hindi ako nagpapapangit. Kung minsan ay naiisip kong nasasanay na lang yata si Ezi sa kapangitan ko... dahil madalas ay hinahayaan nya lang akong bumabandera sa harapan niya at hindi na niya ako pinapansin pa. 'Yung parang nilalagpasan na lang niya ako at hindi na siya nagugulat sa akin. Kung sabagay, halos apat na buwan na rin naman na magkasama kaming dalawa kaya siguro nasasanay na rin ito sa kung ano ang hitsura ko.
Ilang katok sa pintuan ang nagpalingon sa akin. May inaasahan kayang bisita si Ezi ng hindi ko alam? Baka naman isa sa kaniyang mga kaibigan. Tinungo ko ang pintuan, at pagsilip ko sa peephole ay nagulat ako ng makita kong si Enzo ang kumakatok. Ang laki ng pagkakangiti ko, buti pa si Enzo ay laging mabait sa akin kahit na ano pa ang hitsura ko.
Mabilis kong binuksan ang pintuan. Hindi mawala ang ngiti ko ng pagbukas ko sa pinto ay inilahad agad sa akin ni Enzo ang carrot cake na ipinangako niya sa akin. Sabi kasi niya sa akin na kapag hindi siya busy ay ipag bake daw niya ako ng carrot cake. Ang swerte ng magiging asawa ni Enzo, masyado siyang mabait at mapagmahal.
"Halika pasok ka sa loob." Sobrang saya ko at hinila ko pa talaga siya papasok dito sa loob.
"Kaya ko ring mag-bake ng carrot cake, hindi mo naman kailangang mag-request sa kakambal ko." Boses ni Ezi na ikinalingon namin. Sinibangutan ko lang siya. Hindi nga kami magkasundo na dalawa, sa tingin niya kaya niyang mag-bake ng ganito para sa akin? Baka nga lasunin pa niya ako.
"Wala namang masama kung ako ang mag-bake ng cake para sa kanya. Kaya kong mag-spare ng time para sa kanya basta magsabi lang siya." Sagot ni Enzo na ikinangiti ko. Napatingin sa akin si Ezi, at hindi ko alam kung bakit tila naiinis siya sa akin. Wala naman kaming pakialaman sa isa't isa, so bakit ganito ang reaksyon niya sa akin?
"At sa tingin mo hindi ko kayang magbigay ng oras para sa ASAWA KO?" Inis na sagot niya sa kakambal niyang si Enzo, at ipinag-diinan pa talaga niya ang salitang asawa ko. Akala mo naman ay totoong may relasyon kaming dalawa kung makapag salita siya.
"Nagseselos ka ba sa akin?" Tanong ni Enzo na ikinataas ng kilay ko at napatingin ako kay Ezi. Halos lumuwa ang mga mata ni Ezi ng marinig niya ang tinuran ng kanyang kakambal. Tumawa pa ito sabay tingin sa akin, at mas lalo pa niyang nilakasan ang tawa nito.
"Nababaliw ka na ba? Ako magseselos? Hilarious!" Inirapan ko siya. Nasasaktan ako at hindi ko alam kung bakit. Hindi naman pala siya nagseselos, so okay lang kahit kumapit ako kay Enzo, hindi ba? Tignan ko lang talaga.
Nilapitan ko nga si Enzo at kumapit ako sa kanyang braso. Inihilig ko pa ang aking ulo sa kanyang balikat na para bang kaming dalawa ang totoong mag-asawa. Ngumiti ako at maglalakad na sana kami patungong kusina ng bigla akong hinila palayo ni Ezi.
"Pakilinis nga ng bed ko, masyadong magulo." Nagulat naman ako dahil bigla niya akong inutusan. Mag-aapat na buwan na kaming nagsasama dito sa condo niya, pero ni minsan ay hindi niya ako inutusang gumawa ng kahit na ano sa kanyang silid. Hindi pa rin ako nakakapasok sa silid niya.
"Bakit ako? Ikaw na lang dahil kakain kami ng cake ni Enzo." Nakanguso kong ani sa kanya.
"Linisin mo na, ipagluluto kita ng paborito mong carbonara, 'yung maraming tidbits bacon." Sabi niya kaya namilog bigla ang aking mga mata ng marinig ko ang sinabi niya. Ano ba ang nakain ng taong ito at ipagluluto ako ng pagkain? Anuman ang nakain niya ay hindi na mahalaga sa akin, ang importante ay 'yong pagkaing lulutuin niya. Mabilis akong pumasok ng kanyang silid at iniwanan ko na si Enzo. Kahit linisin ko ang buong silid niya ay okay lang basta ipagluto nya lang ako ng carbonara.
Pagkapasok ko sa loob ng kanyang silid ay nagulat naman ako dahil malinis naman dito at maging ang kama niya ay malinis. Maayos ang lahat at pati ang alikabok ay mahihiyang dumapo sa kahit na saang sulok ng parte ng silid ni Ezi. Wow naman, malinis naman pala sa paligid ang isang 'yon, lalong-lalo na dito sa kanyang silid. Napakamot ako ng ulo kaya mabilis akong lumabas ng kanyang silid at pinuntahan ko sila sa kusina.
"Sabi mo magulo ang..." Hindi ko na natapos pa ang sasabihin ko ng bigla akong hinila ni Ezi patungo sa silid niya. Pagkapasok namin ng kanyang silid ay ginulo niya ang kanyang kama. Binuksan din ang closet niya at ginulo ang mga damit niya na ikinagulat ko. May saltik na ba sa utak ang lalaking ito?
"There! Ang dami mong aayusin diyan kaya hindi ka lalabas ng silid ko ng hindi mo naaayos lahat ng 'yan." Ani niya. Napakunot ako ng noo sa kanya. Mukhang may saltik na nga sa utak ang isang ito. Malala na at kailangan ng ikulong sa mental.
Sinibangutan ko lang siya at iniwanan na din agad niya ako. Namaywang ako sa harapan ng kanyang kama at napapailing na lang ako ng aking ulo. Napatingin ako sa malaking salamin sa kanyang dingding at pinagmasdan ko ang aking sarili.
"Wala sa hitsura ang ganda ng isang tao." Nagulat ako sa taong nagsalita na nakatayo sa pintuan.
"Nanggugulat ka naman, Ezi!" Inis kong ani sa kanya, pero nagustuhan ko ang binitawan niyang salita sa akin. Hindi na siya nagsalita pa at tinalikuran na ako. Napangiti naman ako at ewan ko ba... bigla na lamang ako naging energetic and inspired.
Pagkatapos kong maglinis ng kanyang silid ay lumabas na ako at inabutan ko si Ezi na nagluluto. Si Enzo naman ay nakaupo sa sofa sa living room at hinihintay ako. Naupo ako sa tabi niya at isinandig ko ang aking ulo sa kanyang balikat. Dati na kaming ganito, kasi siya lang naman ang mabait sa akin nuon. Crush ko nga siya dati, pero nuon 'yon.
"Tired?" Bulong na tanong niya kaya tumango lamang ako. Hihimasin nya sana ang pisngi ko ng may isang kamay ang pumigil sa kanya.
"Hindi ba at may meeting ka kamo? Sige na at baka mag-back out pa ang bagong investors ng kumpanya natin." Napatingin ako kay Ezi. Humugot naman ng malalim na paghinga si Enzo at napatingin sa kanyang orasang pambisig, at pagkatapos ay tumayo na ito at nakangiti na nakatingin sa akin.
"Try kong bumalik mamaya, dadalhan kita ng macaroni salad." Sa tuwa ko ay nayakap ko si Enzo at hinalikan ko siya sa kanyang pisngi. Sobrang saya ko. Talagang mukhang mabubusog ako sa magkapatid na ito.
"Genevieve Reed! Hindi 'yan gawain ng babaeng may asawa!" Sigaw sa akin ni Ezi na ikinataas ng kilay namin ni Enzo.
"Hindi ba at wala ka namang pakialam kay Genevieve, ha Ezi? Ikaw ang may sabi sa akin na hindi naman magtatagal ang pagiging mag-asawa ninyo dahil hindi ang katulad ni Genevieve ang gusto mo, hindi ba?" Aray ko naman. Ewan kung bakit parang may kumurot sa puso ko ng marinig ko ang tinuran ni Enzo. Bakit kaya nasasaktan ako?
"Tumigil ka Enzo! Umalis ka na nga at kanina ka pa hinihintay ng ka meeting mo." Galit na si Ezi. Hindi na sumagot pa ang kanyang kakambal. Nagpaalam na lang siya at nagmamadali na ding umalis. Si Ezi naman ay naupo sa sofa na masamang nakakatitig sa akin.
"Huwag mo masyadong pagpantasyahan ang mukha ko, alam kong maganda ako, huwag kang maglaway diyan." Nakakainis siya. Talaga palang nuknukan ng pangit ang tingin niya sa akin para sabihin niya ang mga 'yon sa kakambal niya. Nakakainis talaga! Akala ko pa naman ay nagbabago na ang lalaking ito, nagkakamali lang pala ako.
Bakit nga ba ako naiinis? Hindi ba at ito naman talaga ang gusto kong mangyari? Hindi ba at sinadya kong magpapangit upang hindi niya ako magustuhan? Bakit ngayon ay nakakaramdam ako ng inis ng malaman ko na hindi ang isang katulad ko ang gusto niya?
"Ano ba ang nasa isip mo at natahimik ka diyan? Huwag mong sabihin sa akin na iniisip mo ang kakambal ko? Genevieve umayos ka! Ako ang asawa mo at hindi si Enzo." Hindi ko na lang siya pinansin. Patungo na sana ako sa aking silid ng muli siyang nagsalita.
"Halika na at baka lumamig pa ang niluto ko. Mas masarap naman ang niluto ko kaysa sa carrot cake na bake ng kapatid ko." Natawa ako ng mahina. Kung hindi ko siya kilala iisipin ko na nagseselos siya, pero sa bibig na mismo ng kakambal niya nanggaling na hindi naman magtatagal na ang pagiging mag-asawa namin, at sa isiping 'yon ay nasasaktan ako ng hindi ko maunawaan.
Kinuha niya ang kamay ko kaya napatingin ako sa kamay naming magkahawak. Pinagsalikop niya ang aming palad at hindi ko maunawaan kung bakit may kakaibang t***k ang puso ko. Ang pagtibok ng puso ko ay pabilis ng pabilis kaya tinignan ko ang mukha niya. Natatalo na ba ako sa sarili kong kalokohan?
Nakatayo lamang kaming dalawa, hawak kamay kami ng bigla niya akong halikan sa aking labi na ikinagulat ko. Nanlaki ang mga mata ko, sa unang pagkakataon ay hinalikan ako ni Ezi.
"E-Ezi?" Bulong ko. Itutulak ko sana siya pero bigla niyang hinapit ang baywang ko at siniil ako ng halik. Halos mahulog yata ang makakapal kong kilay sa sobrang pagkagulat dahil sa ginawa niyang paghalik sa akin. Ito ang first kiss ko. Wala pang lalaki na nakahalik sa akin. Ang sabi ko sa aking sarili ay hahayaan ko lamang na halikan ako ng lalaking mamahalin ko. Pero bakit ko hinayaan si Ezi?
Halos mapugto na ang hininga namin ng tinigilan niya ang labi ko. Nanlaki ang mata ko ng makita ko na ang pulang lipistik ko ay nalipat na sa nguso niya. Pilit kong pinipigilan ang huwag matawa, pero sa tuwing magsasalita siya ay nakikita ko ang lipstick ko sa labi niya kaya napatalikod ako upang maiwasan ko ang matawa.
"Ba-bakit mo ako hinalikan?" Tanong ko at ayokong tumingin sa kanya.
Una ay nahihiya ako dahil hinalikan niya ako. Pangalawa ay natatawa ako dahil mukha siyang bakla na may lipistik sa labi, at ang pangatlo ay ayokong makita niya... o mabasa niya sa mga mata ko na nagustuhan ko ang ginawa niya. Hindi ko alam kung ano ngayon ang nararamdaman ko, pero totoong nagustuhan ko ang ginawa niyang paghalik sa akin.
"Asawa naman kita, hindi ba? Wala ba akong karapatan na humalik sa asawa ko?" Sagot niya at hindi na rin siya makatingin sa akin.
Oh my! Nahuhulog na ba siya sa akin kahit ganito ang hitsura ko? Imposible! Kilala ko ang isang Ezi, pero bakit niya ako hinalikan?
"Hindi pa nga tayo nakakapag honeymoon, saan mo ba gusto?" Nagulat ako sa sinabi niya, kaya pagkarinig ko ay mabilis akong tumakbo sa aking silid at kinandado ko agad ang pinto. Naririnig ko ang malakas na tawa ni Ezi. Napansandal ako sa pintuan at hinaplos ko ang dibdib ko. Ang bilis ng pagtibok ng puso ko na halos hindi na ako makahinga ng maayos. Bakit ganito? Hindi ako pwedeng mahulog sa kanya.
"Huwag kang mag-alala, alam kong virgin ka pa kaya dadahan-dahanin kita." Sigaw niya. Tinakpan ko agad ng dalawang kamay ko ang magkabilang tainga ko. Ayokong marinig ang sinasabi niyang kalokohan.
"Oh my gosh! Shut up, Ezi! Ayokong marinig 'yang mga sinasabi mo sa akin. Impakto!" Malakas kong sigaw, sabay takbo ko sa aking kama at dumapa ako. Itinaklob ko ang aking unan sa ulo ko dahil ayokong marinig ang pagtawa niya. Bakit ba ayaw tumigil ng mabilis na pagtibok ng aking puso?