Kagaya ng sinabi ni Edward ay sinamahan ni Adriano si Sandra na magpunta sa Alpha Bank ilang minuto ang layo sa hotel na kanilang tinutuluyan. Wala silang kibuan sa byahe kanina. Bukod sa nagkakahiyaan pa ay pawang mga pagod din sa naging byahe kaninang umaga.
Nang makarating sa bangko ay tinulungan siya ng binata makipag-negosasyon sa teller ng bangko. Ipinagpasalamat niyang naroon ito kasama niya kung kaya't napadali ang proseso ng pagpapadala ng kaniyang remittance sa Pilipinas.
Bago sila lumabas ng nasabing establisimyento ay sinubukan ni Sandrang mag-overseas call sa Pilipinas. Ala-una noon sa Greece dahil katatapos lang nilang mag-lunch kanina sa hotel kaya natitiyak niyang alas-siyete na noon sa kanila sa Pilipinas. Tamang-tama at nandoon tiyak lahat sa kanila pati ang kaniyang ama. Dali-dali niyang idi-nial ang numero ng kapatid na si Juvy. Binigyan naman siya ng pagkakataon ni Adriano na kausapin ang kaniyang pamilya. Bahagya itong lumayo sa kaniya.
Makailang ring pa lamang ay agad namang sinagot ng kaniyang kapatid na Juvy ang kaniyang tawag.
"Hello, ate Sandra?"
"Hello, Juvy. Pakisabi kay Nanay kapapadala ko lang ng pera." bungad niya sa kapatid.
"Oo, Ate, nandito na rin si Tatay. Sandali, lalabas lang ako ng kuwarto. Naggagawa kasi ako ng mga assignments ko sa school."
"Sige."
Napangiti si Sandra sa sinabi ng kaniyang kapatid. Buti na lamang at masipag itong mag-aral. Sulit ang kaniyang pagod sa pagta-trabaho, sabi niya sa isip. Habang nawala sa linya si Juvy ay nagawa niyang lingunin ang kaniyang kasamang si Adriano saktong nakatingin naman ang binata sa kaniya. Sumenyas ito sa kaniya kung okay lang ba siya, hindi marahil nito inaasahan na lilingunin niya ito. Sumenyas din siya rito na okay lang siya. Ngumiti naman ito saka hinayaan na muli siyang makipag-usap sa kabilang linya. Noon naman biglang nagsalita ang kaniyang ina sa kabilang linya.
"Oh, anak, kumusta ka na diyan?"
"Mabuti naman po, Inay. Kapapadala ko lang po ng inyong remittance, Nay."
"Oo nga, nasabi na sa akin ni Juvy. Salamat anak ha. Eh nasaan kayo niyan ngayon?"
"Sa Greece po, 'Nay. Ang ganda-ganda rito sa Santorini. Ang laki ng hotel na tinutuluyan namin." pagbibida niya sa ina.
Natuwa naman ang matanda sa pagkukuwento ng kaniyang anak.
"Talaga? O siya, mag-enjoy ka lang diyan. Mag-iingat kang palagi, anak." ang sunod-sunod na bilin ni Aling Martha kay Sandra.
"Opo naman, Inay. Kayo din diyan. Saka ibili niyo po bukas lahat ng inyong gusto lalo na sa dalawang kapatid ko, 'Nay."
"Oo sige, anak. Maraming maraming salamat ha." At tumagal pa ng ilang minuto ang kanilang tawag nang magpaalaman na ang mag-iina. Pati ang kaniyang ama ay nakiagaw na ng telepono. Halos kandasamid siya sa itinanong ng kaniya ama.
"Anak, ramdam ko ang kakaibang kasiyahan mo sa boses mo. May manliligaw ka na ga, riyan?" painosenteng tanong ng kaniya ama.
Halos masamid si Sandra sa sinabing iyon ng kaniyang tatay. Hindi agad siya nakasagot.
"H-ho?" saka niya tinanggal ang bara sa kaniyang lalamunan. "Aba, 'Tay wala po. Wala pong magkamali." sawata niya rito.
"Ako'y nagtatanong lang naman, anak. Isa pa, hindi ka na bumabata. Kailangan mo rin ng inspirasyon. Aba, ganyang edad ng nanay mo noon ay magdadalawa na ang aming anak. Ikaw ba ay wala pang balak mag-asawa ha, Sandra?"
Lalo namang nasamid si Sandra. Kung kanina ay nasa manliligaw lang ang pagtatanong ng kaniyang ama ay napunta na iyon sa pag-aasawa at pagkakaroon ng anak. Natatawa na lang siya buti na lang at medyo malayo si Adriano sa kaniya kaya hindi nito maririnig ang usapan nila ng kaniyang tatay. Nang makahanap ng pagkakataon ay nagpaalam na siya sa tatay niya at pinutol na ang tawag. Baka kung saan saan pa mapunta ang kanilang usapan ay pag-asawahin na siya nito agad-agad. Wala pa sa kaniyang plano ang pag-aasawa. Marami pa siyang pangarap. At bago pa lang siya nagsisimula. Kailangan ay maipagawa pa niyang pagandahin ang bahay nila sa Pilipinas. Pangako niya iyon sa kaniyang sarili. Saka na niya po-problemahin ang pag-aasawa.
Nang matapos ang kaniyang overseas call ay nilapitan niya si Adriano. Nagulat pa ito nang nasa harap na siya nito.
"Are you done talking to them?" Tukoy nito sa kaniyang pamilya sa Pilipinas.
"Yeah... Let's go?" yaya niya dito saka sila lumabas na ng Alpha Bank. Nagulat pa si Sandra nang hawakan siya nito sa kaniyang kamay saka inakay na palabas.
Magka-holding hands nilang nilakad ang kahabaan ng kalye ng Fira, Santorini. Hanggang sa mapapadpad sila sa beach side. Hindi muna sila bumalik sa kanilang hotel. Hindi na siya nagpakipot pa. Masaya ang puso ni Sandra na makasama niya si Adriano nang mga oras na iyon.
Naupo sila sa may benches under an umbrella na nakita nila sa beach side. sumilong sila doon dahil mainit pa sa balat ang sikat ng araw. Buti na lamang at nakapag-apply siya ng sunblock kanina. Tahimik lang silang magkatabing naupo roon. Maya-maya ay inihilig ni Adriano ang ulo ni Sandra sa balikat nito. Hindi naman tumanggi ang dalaga sa nais ng binata. Hindi maintindihan ni Sandra kung pagdating sa binata ay nawawala na ang kaniyang katarayan. Pakiramdam niya ay secure siya sa binata. Sinubukan niyang ipikit ang kaniyang mga mata habang nakahilig sa matitipunong balikat ni Adriano.
"I want us to be like this... forever. If you will allow me, Sandra." mahinang usal ni Adriano.
Hindi iyon inaasahan ni Sandra kaya halos naitulos siya sa kaniyang kinauupuan. Anong gutsong ipahiwatig ni Adriano at binanggit nito ang 'forever'? Ayaw niyang umasa ngunit, kung siya ang tatanungin sakaling maging sila ay sana hanggang huli na. Hindi siya nagmulat ng mga mata. Hinintay niyang muling dugtungan ni Adriano ang sasabihin nito subalit tumahimik na ito. Naramdaman niyang nilingon siya nito, nakita marahil na nakapikit siya at inakalang tulog na kaya hindi na muli itong nagsalita pa. Na ikinadismaya niya nang lihim. Nais pa sana ni Sandra na marinig ang mga confessions ng binata pero nahihiya siyang salubungin ang mga malalagkit na titig nito sa kaniya. Kaya naman pinanindigan na lamang niya ang pagpapanggap na nakaidlip siya. Hanggang sa narinig niyang binulong ni Adriano sa kaniya na nagpakilig nang husto sa kaniyang puso.
"'Te Amo, Sandra Velasco." saka banayad na hinaplos nito ang kaniyang buhok. Grabe ang pagpipigil ni Sandra na huwag mahalata ni Adriano na nagtutulug-tulugan lang siya. Ramdam ni Sandra ang lakas ng kabog ng puso niya sa sobrang kaligayahan nang mga sandaling iyon.