Chapter 1: Pamilya
6:30 A.M. Nagising si Sandra sa kaniyang alarm. Pupungas-pungas siyang bumangon mula sa maliit na higaan na iyon. Kinuha niya ang tuwalya na nakasabit sa likod ng pintuan at saka siya lumabas ng kuwarto. Pumasok siya ng banyo saka naligo dahil alas-nuwebe ng umaga ang pasok niya sa kaniyang trabaho.
Magbabanlaw na sana siya ng kaniyang buhok nang biglang mawalan ng tubig ang gripo sa banyo. Ubos na pa naman ang nasa timba.
“’Nay! ‘Nay! Bakit ho nawalan ng tubig? ‘Di pa ko tapos magbanlaw oh!” sigaw niya mula sa banyo. Panay bula pa naman ang kaniyang ulo.
“Naku! Pasensya na anak, hindi pa nga pala ako nakakabayad sa tubig natin baka naputulan tayo.” Sagot sa kaniya ni Aling Martha na kasalukuyang nagsasangag ng kaning bahaw sa harap ng kalan.
“Hay! Ang malas ko talaga. Wala po bang tubig diyan kahit kaunti? Pambanlaw lang sa buhok ko. Patapos na po sana ako e.”
“Teka, eto oh. May kaunti dito sa pitsel, pagkasyahin mo na lang anak.”
Bantulot niyang kinuha ang iniaabot nitong pitsel na may lamang kaunting tubig. Hindi niya alam kung paano niya iyon napagkasya sa pagbabanlaw ng kaniyang buhok. Pagkatapos ay binalutan na niya ng tuwalya ang kanyang buhok saka siya lumabas ng banyo.
Napabuntung-hininga siya pagpasok sa kuwarto upang magbihis. Pagkabihis niya ay kinatok na siya ng kanyang ina.
“Sandra, anak, nakahanda na ang mesa. Mag-almusal ka muna anak bago ka pumasok sa trabaho mo.” Bungad nito sa kaniya pagkabukas niya ng pinto. “Pasensya ka na nga pala at naputulan tayo ng tubig. Mahina kasi ang pasada ng tatay mo noong nakaraan, ipinambayad ko ng matrikula ng kapatid mo ‘Yong binigay mo sa aking pera noong nakaraan.”
Pagkatapos niyang isuot ang kaniyang unipormeng blusa ay saka niya hinarap ang kaniyang ina.
“Okay lang po iyon, ‘Nay. Bukas pagsahod ko bayaran niyo na agad ang tubig natin.”
“Sige anak. Salamat sa iyo. Pasensya ka na.”
Sabay na silang mag-inang lumabas ng kaniyang kuwarto at nagpunta sa mesa sa kusina kung saan naghihintay ang hinanda nitong almusal para sa kaniya. Kanina pa nagsipasok sa paaralan ang dalawa niyang kapatid.
Mayamaya pa ay tinatahak na niya ang byahe papasok sa kaniyang trabaho.
“Good morning, Sandra. Mukhang malungkot ka yata, hija.” Bati sa kanya ng guard pagdating niya sa Seattle’s Best Coffee kung saan siya nagtatrabaho bilang waitress.
“Good morning din po, Mang Gerry,” ganting bati niya dito. “Marami lang pong iniisip.” Saka siya tipid na ngumiti sa matanda habang nagpa-punch in sa biometrics machine na naroon at tumuloy na pagpasok sa pintuan ng resto.
Naabutan niya si Cheska na inaayos na ang mga upuan. Isa ito sa mga ka-close niya sa trabaho. Dumiretso muna siya sa locker’s room at saka iniwan doon ang kaniyang bag. Isinuot niya ang baong hairnet at nag-ayos ng kaunti saka lumabas roon. Mayamaya pa ay tinutulungan na niya sina Cheska sa pag-aayos ng mga gamit doon bago ang pagbubukas ng Seattle’s.
“Uy! Kanina ka pa walang kibo ah? Bakit sambakol yang mukha mo? Byernes Santo na ba?” Untag sa kaniya ni Cheska nang lapitan siya nito during their breaktime.
Nang dahil sa tinuran nito ay napangiti siya. Kalog talaga ang kaibigan niyang ito. “Huh? Halata ba?” Ganting tanong naman niya rito.
“Tatanungin ba kita kung hindi, aber? So ano ngang problema? Hindi ako sanay na ganyan ka. Daig mo pa ang problemado sa jowa!” At nanlaki ang mga mata nito nang titigan siya. “Don’t tell me, may jowa ka nga?” At mariin siya nitong tinitigan sa mga mata at sinipat kung magsasabi ba siya ng totoo.
Natatawa niya itong hinampas sa braso. “Sira! Wala akong jowa ano! Sino namang lalaki ang magkakagusto sa hampaslupang kagaya ko?” At saka niya ito pinandilatan ng mga mata.
“Gaga! ‘Wag mo nga maliitin ang ganda mo ‘no? Maganda tayo! Malay mo ‘pag natuloy ka na mangibang bansa doon mo makilala ang prince charming mo. Kundi ka lang talaga pihikan, naku…” Hindi na nito itinuloy ang sinasabi.
Marami na ang nagsasabi na maganda siya, morena ang kaniyang kutis, 5’3” ang taas, may balingkinitang katawan at binagayan ng itim at mahabang buhok. Asset niya ang kaniyang mapupungay na mata at matangos na ilong na namana niya sa kaniyang ina na bumagay sa kaniyang maamong mukha.
“’’Yon ay kung matutuloy.” Sambot niya sa tinutukoy ni Cheska. Nag-apply kasi siya bilang buffet attendant sa isang barko. Naniniwala siyang makakaahon din siya sa laylayang kinasasadlakan niya. Kaya naglakas-loob siyang mag-apply mangibang bansa. Sa ngayon ay naghihintay pa siya ng tawag ng kompanyang kaniyang inapplyan. May katagalan na rin siyang naghihintay kaya nakakaramdam na siya ng pagkainip at kahinaan ng loob.
Sapat lang ang kaniyang sinasahod sa Seattle’s kaya nang mabigyan ng oportunidad na makapag-apply sa barko ay hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. Siya ang breadwinner ng kanilang pamilya. Panganay siya sa kanilang tatlong magkakapatid. Si Juvy ang sumunod sa kaniya ay nasa second year na nito sa kolehiyo, kumukuha ng kursong Education, at ang kanilang bunso naman na si Lorenz ay kasalukuyang grade 7 sa isang pampublikong paaralan sa kanilang lugar.
Two-year vocational course lang ang kaniyang natapos. Sinuwerte na nakapagtrabaho agad sapagkat hindi sapat ang kikinikita sa pamamasada ng kaniyang ama. Isa itong jeepney driver ng byaheng Rosario-Pasig Palenke kung saan sila nakatira. Hindi biro ang magpaaral ng tatlong anak kaya nang makatapos siya ng vocational course ay tinulungan na niya ang kaniyang ama sa paghahanapbuhay para sa kanilang pamilya.
“Matutuloy ‘yon! ‘Wag kang negatron ‘noh!” Sulsol pa nito sa kaniya. “So tell me, ano ngang problema? Kung pera yan wala din ako!” At humalakhak pa ito sa kanya pagkasabi niyon.
“Oo, pera. Naputulan kami ng tubig kaninang umaga.” Pagsusumbong niya sa kaibigan. At muli ay napabuntunghininga siya.
“'Di bale sahod na naman natin kinabukasan. Tiis tiis lang. Pag natuloy ka na mag-abroad, bilhin mo ang Maynilad para hindi na kayo maputulan ng tubig.” Biro pa nito.
“Hay buhay, parang life.”
“Tama na ‘yang chismisan niyo, bumalik na kayo sa trabaho! Tapos na ang breaktime!” paismid na sabi ni Flor nang lapitan sila nito. Sa lahat ng kanilang ka-trabaho, tanging ito lang ang mainit ang dugo sa kaniya. Nagkatinginan na lang sila ni Cheska habang pabalik sa pwesto nila.
“Eto na naman ang bruha! Insecure kasi sa beauty mo!” Ngisi pa ng kaibigan sa kaniya. At agad naman niya itong sinaway habang pinandidilatan niya ito ng mata. Lalo pa itong napahagikgik dahil sa kaniyang ginawa.
Marami silang naging dine-in costumers nang araw na iyon kaya naman 9P.M. na ay full swing padin sila. Oras na ng uwian nang yayain siya ni Cheska na kumain sa isang pares house na madadaanan nila papuntang sakayan pauwi sa kani-kanilang tirahan. Ito ang lagi niyang kasabay pauwi galing trabaho.
“Sulitin mo na ang kain mo niyan, walang pares don sa barko.” Sabi nito habang kumakain na sila ng mainit na pares. “Kailan nga ba ang alis mo? May balita na ba?”
“Wala pa ulit update, eh. Hinihintay ko pa ang schedule ng PDOS ko.” Sagot niya sa tanong ni Cheska. “Sana nga nang makasampa na ako. Ang hirap ng buhay dito sa Pinas.”
“Mahirap para sa mga dayukdok na katulad natin. Pero naniniwala akong kaya mong maiahon sa hirap ang pamilya mo, masipag ka naman at madiskarte. Isa pa malakas ang loob mo kaya kaya mo ‘yan! Ikaw pa ba?” Sabi pa nito para palakasin ang kaniyang loob.
“Oo kakayanin ko, nakakasawa na rin magtiis sa hirap. Kahit anong kayod dito sa atin sa Pinas wala din.” Dagdag himutok pa niya.
“Pakaseryoso mo naman! Pag natuloy ka na, ang una mong harapin ay kung paano magka-jowa ng foreigner!” tudyo pa nito sa kaniya para pangitiin siya.
“’Loka ka! Kababasa mo ‘yan ng Hampaslupa Buddies ‘noh? Trabaho ang ipupunta ko ‘ron, hindi lalaki o anupaman.” Natatawang sabi niya rito.
“Okay, okay, wala na akong sinabi,” awat nito sa sinasabi niya habang iwinawasiwas pa ang dalawa nitong kamay sa harap niya. “Basta wag na wag mo akong kalilimutan kapag naging kasapi ka na ng mga alta.” Dagdag sabi pa nito na ang tinutukoy ay ang mga maykaya na sa buhay o buhay-mayaman.
“Syempre naman, ikaw pa ba?”
Matapos nilang ubusin ang tig-isang pares ay nagkayayaan na silang umuwi na magkaibigan. Saktong dating nila sa sakayan ay may dumaan na jeep at sabay na silang sumakay rito. Malapit sa Pasig Palengke ang inuuwian nito samantalang siya naman ay sa Rosario pa.
“Manong, bayad po, isang Palengke at isang Rosario.” Hindi na niya tinanggihan nang pati sa pamasahe ay nilibre siya nito. Ililibre na lang din niya ito bukas pagdating ng sahod nila sa Seattle’s.
Pagdating niya sa kanilang bahay ay nadatnan niyang nanonood ng TV sa salas ang kaniyang tatay at nanay. Nagmano siya sa mga ito at saka tumuloy na sa kaniyang maliit na kuwarto. Kumuha siya ng pamalit pantulog sa aparador na naroroon. Mayamaya pa ay himbing na siya sa pagkakatulog dala ng sobrang pagod maghapon sa restawran.