Nagising si Sandra sa tunog ng kaniyang alarm clock, 7 AM na noon ayon sa orasan. Pupungas-pungas pang bumangon ang dalaga. May hang over pa siya dala ng pag-inom nila kagabi. Nilingon niya sina Cindy sa kabilang kama, mahimbing pa rin ang tulog ng mga ito kahit pa napakalakas ng tunog ng kaniyang alarm. Palibhasa ay wasted ang mga ito kagabi.
Inabot niya ang orasan sa side table saka iyon ini-off. Bumangon na siya nang tuluyan saka mabilis na tinungo ang banyo. Napatingin siya sa salamin matapos maghilamos. May hang over man ay hindi siya puwede mag-day off ngayon, at di rin naman uso iyon kapag ganoong nasa barko na sila. Kalimitan ay relyelbuhan ang schedule nila.. kaya mamaya na lang siya babawi ng pahinga kapag nagising na sina Cindy. Isa pa, katatapos lang ng day off nila kahapon kaya kailangan niyang kumayod nang husto para sa kaniyang pamilya, ang paalala niya sa kaniyang sarili.
Dali-dali siyang naligo para maginhawahan ang kaniyang pakiramdam. Hihingi na lang siya kay Chef David ng concoction para maibsan ang hang over niya. Si Chef David ang isa sa mga senior chef doon sa barko. Mabait ang matanda at kasundo niya. Tiyak na abala na agad iyon ngayon sa kitchen. Agad niyang tinapos ang pagligo. Itinapis niya ang tuwalya niya sa kaniyang katawan saka lumabas ng banyo.
Nananatiling mahimbing ang tulog ng mga kasama niya sa kuwarto. Dumiretso si Sandra sa kinaroroonan ng closet niya. Kumuha siya ng damit pamalit. Bitbit ang mga uniporme ay tinungo niya pabalik ang banyo para doon magbihis.
Makalipas ang ilang minuto ay nakabihis na siya. Nag-ayos ng kaunting make-up at ipinuyod ang mamasa-masa pang mga buhok saka ipinaloob iyon sa hairnet bago siya lumabas ng kanilang silid. Tinungo niya ang kitchen gaya ng inaasahan ay naroon na nga si Chef David ngunit hindi ito nag-iisa roon. May kasama itong bagong chef dahil hindi pamilyar ang mukha ng lalaki. Habang balang-abala naman ang ibang kitchen staff na naroon sa pagpe-prepara ng mga kakainin lahat ng mga nasa barko.
“Good morning, Chef David. Do you have anything for hang over?” bati niya kay Chef David, hindi siya nag-abalang tingnan ang isang kasama nito roon.
“Hello good morning, Sandra, hija. Oh yes, I prepared some this morning because I know all of you from last night might need it.” Nakangiting sagot nito sa kaniya.
Tinungo nito ang kalan. Saka ito nagsalin ng sabaw sa isang mangkok. Pagharap nitong muli sa kaniya ay iniabot nito iyon sa kaniya.
“Here, drink this.”
“Thank you, Chef David.” Nakangiti niyang kinuha iyon mula dito.
“You’re welcome, hija.” Narinig pa niyang sagot nito bago siya muling tumalikod.
Nagtungo siya sa kinaroroonan ng buffet table na aayusan niya mamaya. Hindi niya natapos kahapon ang pagpapalit ng cover noon. Napansin niyang iilan pa lang silang crew ng barko ang mga gising na ng mga oras na iyon. Tiyak na tulog pa ang iba sa kanila dahil mga nagliwaliw din kagabi. At mamayang gabi ay magkakaroon naman sila ng crew party na gaganapin doon sa barko.
Hinigop niya ang hang over soup na binigay sa kaniya ni Chef David. Mainit-init pa iyon, bagay na gusto niya para mabawasan ang kaniyang hang over. Nang maubos niya ang laman ng mangkok ay nakaramdam siya ng kaginhawahan. Pansumandali siyang nagtungo sa side ng cruise ship para sumagap ng kaunting hangin. Kumapit siya sa railings niyon.
Sinubukang hanapin ng kaniyang mga mata kung naroon na rin ang kaibigang si Edward. Bigo siyang makita ang bakla. Tiyak na bagsak pa ang bruha! Sobrang wasted din noon kagabi e!
Nang masigurong okay na ang kaniyang pakiramdam ay itinuloy niya ang naiwang gawain kahapon. Tinapos niyang palitan ng mga cover ang mga buffet table na gagamitin para mamaya. Mamaya na lang siya kakain ng almusal.
Nag-check din siya sa stock room ng ibang gagamitin nila mamaya. Inihanda na niya ang mga iyon katulong ng iba pang kasamahang buffet attendant. Nang masigurong wala ng problema ay nagpasya siyang kumain na sa kanilang canteen. Pagpasok niya ay amoy na amoy ang sarap ng mga putaheng nakahain roon.
“Good morning, Sandra.” Bati sa kaniya ni Rafael, isa sa mga staff na naroon. Inabutan siya nito ng pinggan. Agad naman niya iyong kinuha mula rito.
“Thank you, Raffy!” Kiming ngumiti siya rito saka pumila na upang kumuha ng kaniyang pagkain.
Sumandok siya ng vegetable salad. Naglagay rin siya ng toasted garlic bread at dalawang boiled egg sa kaniyang pinggan. Kumuha siya ng isang basong pineapple juice saka tinungo ang isang table na malapit.
Nakakailang subo pa lang siya ng pagkain nang umupo sa katapat niya si Edward. Gulo-gulo pa ang buhok nito halatang bagong gising.
“Good morning.” Bati nito sa kaniya.
Saglit siyang natawa sa hitsura nito.
“Hindi ka pa yata nakakapaghilamos, gaga.” Natatawang bati niya sa kaibigan.
“Hindi pa nga, mamaya na lang. Nagising akong kumakalam ang tiyan ko kaya dito na ako dumiretso. Napakasakit pa ng ulo ko, susme!” sinapo pa nito ang noo nito para i-emphasize ang sinabi.
“Go to Chef David. Kanina lang ay masakit din ang ulo ko dala ng hang over. Pero agad din namang nawala. Humingi ka ng hang over soup sa kaniya doon sa kitchen.” Sabi niya sa kaibigan.
“Wow! Talaga? Chef David never fails talaga. Oh paano, maiwan muna kita dito saglit ha. Sobrang sakit talaga ng ulo ko, ipapabunot ko na kaya ito?” natatawang biro pa nito sa kaniya saka siya tuluyang iniwan para tunguhin ang daan papunta sa kitchen.
Ipinagpatuloy niya ang tahimik na pagkain ng kaniyang almusal pagkaalis ni Edward. Hindi na niya hinintay na makabalik ito. Tinapos na niya ang pagkain dahil kailangan na niyang bumalik sa pagta-trabaho.
Binalikan na niya ang kaniyang trabaho. Katulong ng iba pang staff na naroon ay naglinis sila ng CR.Dahil mamayang gabi ay dadagsa ang mga bisita nila para sa gaganapin roong party. Bukas pa sila ng umaga muling lalayag sa karagatan kaya maraming turista o mga Italyano ang tiyak niyang dadayo roon para makisaya. Todo kudkod siya ng tiles at bowl para lalong kumintab sa linis ang mga iyon. Walang arte-arte para kay Sandra, kailangan niyang magtrabaho para sa kaniyang pamilya. Kung hindi matibay ang kaniyang sikmura ay baka naisuka niya ang kaniyang kinain na almusal kanina. Makalipas ang dalawang oras ay natapos nilang linisin ang anim na comfort rooms na naka-assign na linisin niya.
Tumatagaktak pa ang kaniyang pawis nang lumabas siya sa panghuling CR na nilinisan niya. Nagulat siya nang patili siyang salubungin ni Edward. Nakaligo at nakapagpalit na ito ng kanilang uniporme.
“Sandra!” patili pa nitong tawag sa pangalan niya.
“Oh? Bakit? Makatili naman itong…” tanong niya rito habang nagpupunas ng kaniyang pawis sa buong mukha gamit ang baon niyang panyo.
“Hulaan mo, sister! Jusko, hanggang ngayon kinikilig pa rin ako!” saka maarteng palantik pa itong nagpose sa harap niya hawak hawak kunwari ang dibdib na halatang kilig na kilig. Sanay na siya sa kaibigan, ganito ang asal nito basta nakakita ng guwapong lalaki.
“Wala akong gana, pagod ako. So spill it out. Anong nakakakilig?”
“Sandra!” Tili pa nito. Kaya naman hinila niya ito sa hindi mataong lugar. Muli itong nagpatuloy. “Nakita mo na ba iyong bagong chef natin? Jusko day! Ang guwapo! Makalaglag panty!”
“Sus! OA mo, isa pa, panty nga ba ang suot mo?” Nakangising buska niya dito dahilan para hampasin siya nito sa braso.
“Hoy! Excuse me, hampaslupang babaita! Mas maganda pa ang suot kong T-back kesa sayo.” Ganting pang-aasar nito sa kaniya.
Tinawanan niya lang si Edward sa tinuran nito.
“So ayun nga, sister. Napaka-guwapo. He’s an Italian chef for your information.” Kinikilig pang sabi nito. “Teka, saan ko ba nakita iyon? He looks familiar kasi e.” Sandali itong napaisip. Hindi niya masyado pinansin.
“Naku, baka hawig lamang ng isa sa mga naging lalaki mo, bakla. Tigilan mo nga ako. Lahat naman ng lalaki para sa ‘yo ay guwapo.”
“No! This time, I’m telling you nothing but the truth! Napaka-guwapo talaga niya. You should see it for yourself.” Hindi pa rin tumitigil na sabi ni Edward.
As if I care! Sabi niya sa kaniyang isip. Kahit pa iyan ay kasing guwapo ng kung sinumang artista, wala siyang pake. Dahil masyado siyang focus sa kaniyang trabaho ay wala na siyang oras para sa kaniyang love life. At matagal na iyong tanggap ni Sandra. Isa pa, gaya ng matagal na niyang sinasabi sa lahat ay trabaho ang kaniyang ipinunta roon at hindi ang paghahanap ng lalaki.
“Ikaw na lang.” matabang niyang sabi sa kaibigan.
“Ang KJ mo talaga!” kunwari ay naiinis na sabi ni Edward, “Ikaw din baka maunahan ka pa ng iba.”