Mabilis na dumaan ang mga araw at buwan. Naging mas matibay ang relasyon ng magkasintahang Sandra at Adriano. Ilang araw bago ang flight ni Sandra pauwi ng Pilipinas. Bukas ng umaga nakatakdang dumaong sa Los Angeles, California ang barkong kinaroroonan nila. Doon siya manggagaling sa LA palipad sa Pilipinas.
Sa LA na rin nila balak magpadespidida para sa kaniya nalalapit na pagbabalik sa Pinas. Siyempre pa ay si Edward ang punong abala na isang buwan na ring nakakabalik mula nang umuwi ito para magbakasyon din sa Pilipinas. Balak ni Sandra na makatapos ng Pasko at Bagong Taon saka siya muling babalik para mag-apply muli pa-Barko. Buwan ng Setyembre sa kasalukuyan ng mga panahong iyon.
Kasalukuyang nag-eempake ng mga gamit niya si Sandra nang mga oras na iyon. Kahapon ang kaniyang last day sa kaniyang trabaho. Naabutan siya ni Edward sa kanilang cabin room na abalang-abala.
"Wow! Handang-handa na talaga ang balikbayan. Naitawag mo na ba sa inyo? Alam na nila ang pag-uwi mo?"
"Oo naman. Excited na nga ako." sagot niya. "Ito ang first time na pauwi ako ng Pilipinas mula nang magtrabaho ako dito."
"Ganyan talaga 'pag first time, 'no? Masasanay ka rin. Sure ka ba na hindi ka dito magpa-Pasko? Mas malaki ang tip kapag peak season."
Bumuntung-hininga siya. Nakokonsensiya kasi siya sa mga pangyayari, masyadong naging mabilis ang mga kaganapan sa pagitan nila ni Adriano kaya naman nais niyang sa Pilipinas sana siya mag-Pasko kasama ng pamilya niya roon upang makabawi siya sa mga. Nais rin sana niyang ipaalam sa personal sa mga ito lalo na sa kaniyang mga magulang ang tungkol sa kanila ng kaniyang nobyo.
"O-oo." mahinang sabi niya.
"E bakit parang malungkot ka? Iniisip mo ba si Chef Adriano? Naku, huwag kang mag-aalala. Bantay-salakay este bantay-sarado sa akin iyon. Yung patay na patay sa iyo iyong taong iyon e makuha pa bang magloko?" Sunod-sunod na litanya ni Edward na nagpangiti sa kaniya.
"Nope, may tiwala naman ako sa kaniya."
"Iyon naman pala e. Bakit bigla kang na-sad? Sayang ang beauty mo! Ganyan dapat, laging naka-smile para pretty pa rin."
At tuluyan na siyang napangiti. Tinapos na niya ang kaniyang pag-eempake, sa LA na lang niya balak mamili ng ilang pasalubong o kaya naman ay sa Duty Free. Ang iba naman ay naunti-unti na niyang nabili kapag naglalakbay sila sa iba't ibang bansa. Nakalagay na ang mga iyon sa kaniyang maleta. Iilan lang naman ang kaniyang mga pasasalubungan. Ang kaniyang pamilya at ilang kaibigan at naging ka-trabaho gaya ni Cheska.
Nang minsang mag-overseas call siya sa kaniyang kaibigan ay nahimigan agad nito na inlababo siya kaya nahulaan agad nito na nagkakaroon na daw ba siya ng lovelife roon. Hindi na rin niya magawang maglihim pa rito subalit ipinakiusap niyang huwag na munang babanggitin sa mga magulang niya. Masaya naman ito para sa kaniya lalo pa't noon pa siya binubuyo nito para magka-boyfriend.
"I'm happy for you, ghorl. Finally, nagka-jowa ka na rin!" sabi nito sa kaniya nang makausap niya ito sa telepono.
"Yeah."
"Kasama mo ba siyang uuwi dito sa Pilipinas?"
"Hindi e, may trabaho din kasi siya dito." ani Sandra.
"Ayy, sayang hindi ko pala makikilatis maige. Anyway, magtatagal ka ba dito sa Pilipinas o babalik ka agad diyan?" pag-uusisa ni Cheska sa kaniya.
"Tatagal siguro ako ng three months. Diyan ako magpa-Pasko,at hindi rito."
"Ganoon ba? Tiyak mami-miss mo siya, LDR pala ang peg n'yo."
Napag-alaman niyang nasa Seattle's pa rin ito nagta-trabaho hanggang ngayon. Balak niyang pumasyal sa Seattle's na dati niyang pinagta-trabahuhan kapag nakabalik na siya sa Pilipinas. Okay din naman kasi doon, hindi nga lang niya magawang tanggihan ang magandang opportunity na kumatok sa kaniya. Naisip niya rin kung hindi siya nagpakalayo-layo ng trabaho, hindi niya makikilala ang lalaking magpapatibok sa kaniyang puso.
Natigil ang kaniyang pagbabalik-tanaw nang tumunog ang kaniyang cell phone. Napangiti siya nang mabasa kung sino ang nagpadala ng text sa kaniya--ang kaniyang nobyong si Adriano. Naka-break daw ito ngayon kaya nagawang magtext sa kaniya. Kinakumusta nito kung tapos na daw ba siyang mag-empake.
"Naku, kuntodo na naman ang ngiti ng isang inlove diyan. Maiwan na nga muna kita at babalik na ako sa duty ko." ang kunwari ay naiimbyernang paalam sa kaniya ni Edward. Iiiling-iling pa itong lumabas ng cabin room nang hindi man lang niya magawang tapunan ito ng tingin dahil engross na engross siya sa pagkakatitig sa kaniyang cell phone. Tahimik niyang binabasa ang mga chat sa kaniya ni Adriano. Humiga muna siya sa kaniyang kama bago tumipa ng ire-reply niya dito.
I'm done packing my things na. I miss you, too. Reply niya kay Adriano. Nilagyan pa niya iyon ng puso na emoji sa hulihan. Mistulang teenager siya na kilig na kilig sa palitan nila ng chat messages nito. Sinabi nito sa kaniya na magpahinga siya nang maaga para bukas.
Nang magpaalam itong babalik na muli sa duty ay nagpasya siyang magpahinga na para hindi ngarag ang kaniyang beauty para bukas. Natitiyak niyang mapapalaban na naman siya nang husto dahil iyon na ang huli nilang pagsasama ni Adriano bago siya tumulak sa kaniyang pagbabakasyon. Matatagalan na muli ang kanilang pagkikita. Ngayon pa lang ay namimiss na niya ito. May tatlong buwan din siyang mamamalagi sa Pilipinas kung kaya't susulitin na nila bukas ang oras na magkakasama sila. Bubukod sila ng room ni Adriano pagkatapos ng kaniyang padespida. Siyempre pa ay suportado iyon ng kanilang mga lukaret na kasamahan.
Nasa ganoon siyang ayos nang muling tumunog ang kaniyang cell phone. Ang kapatid niyang si Juvy ang tumatawag.
"Hello?"
"Hello, Ate Sandra. Kakausapin ka daw ni Nanay."
"Oh, anak, kumusta? Ready ka na ba sa flight mo? Ang mga gamit mo hija?" Sunod-sunod na tanong ng kaniyang ina.
"Opo, Inay. Katatapos ko lang pong ayusin ang maleta ko.
"Sige, anak. Mag-iingat ka sa byahe mo ha."
"Opo, Inay. Salamat po."
"O siya sige na anak, baka naaabala ka na kita."
"Sige po, tatawag na lang po ako sa inyo kapag nakasakay na ako sa eroplano pauwi diyan sa Pilipinas."
"Sige, anak. Aarkila uli ang tatay mo ng van para daw masundo ka namin sa airport. Huwag mo kalimutang mag-pray bago ka umalis. Gabayan ka ng Diyos, anak. Sige na, ba-bye na."
"Bye po." paalam niya sa kaniyang ina. Ilang araw na lang ang ipaghihintay niya at makakauwi na siya sa kanila. Miss na miss na niya ang kaniyang ina. Sana ay maunawaan siya ng mga ito kapag nagawa na niyang aminin ang tungkol sa kanila ni Adriano.
Dala ng antok ay hindi na niya namalayan na nakatulog na pala siya matapos ang kanilang pag-uusap ng kaniyang ina.