Chapter 12: Sorpresa

1193 Words
Naging matiwasay ang mga nakaraang araw ni Sandra, hindi na siya muling kinulit pa ni Adriano. Subalit isang araw matapos ang nakakapagod niyang pag-duty sa mess crew, pagpasok niya sa kanilang cabin room ay nasorpresa siya sa kaniyang nadatnan doon. Punong-puno ng mga tsokolate ang kaniyang kama, mayroong isang malaking teddy bear doon na halos kasing-laki niya. Napapakunot-noo siya nang lapitan niya iyon. Hindi siya magkandatuto kung saan niya ilalagay ang mga iyon. Para namang nahuhulaan na niya kung sino ang may pakana noon. Pero sino naman kaya ang nautusan niya na maipasok ang mga ito dito sa kuwarto? Pinili niyang magpahinga muna. Pinaglalagay niya sa isang malaking paper bag ang mga tsokolate. Samantalang napilitan siyang itabi sa higaan ang teddy bear dahil wala siyang makitang puwedeng pagpuwestuhan noon. Nagpabiling-biling sa paghiga ang dalaga. Pinikit niya ang kaniyang mga mata upang makaidlip subalit masyado iyong mailap. Napagpasyahan niyang ibalik ang mga iyon kay Adriano. Subalit natigilan siya sa naisip. Sigurado ka bang sa kaniya nanggaling ang mga iyon? tanong niya sa isip. Napabangon tuloy siya sa kaniyang pagkakahiga. Hindi ba masyado siyang advance mag-isip para isiping kay Adriano nga nanggaling ang mga iyon? Kahit hindi pa man niya nakukumpirma, may isang bahagi siya na nahihinuha na niyang sa binata iyon nanggaling. Tiningnan niya ang orasan sa bedside table. May kulang isang oras pa siya para makaidlip. Kailangang pilitin niyang makatulog para may energy pa siya mamaya pagbalik niya sa mess crew. Saglit na iwinaglit niya sa isip ang tungkol sa mga naabutang tsokolate at teddybear kanina pero paano niyang gagawin iyon kung halos sakupin na ng teddybear ang buong kama niya. Naiinis niyang inabot iyon saka sumalampak ng higa. Bibitawan na sana niya iyon nang bigla siyang nakaramdam ng antok. Maya-maya pa ay iginupo na siya nang matinding antok habang yakap-yakap ang malaking teddy bear na iyon. Hanggang sa makatulog na siya nang mahimbing ni hindi niya namalayan ang pagpasok doon nina Cindy. Tunog ng kaniyang alarm clock ang nakapagpagising kay Sandra. Nagulat pa siya nang magisnan ang malaking teddy bear sa kaniyang gabi. Nilingon niya ang kabilang kama, mga pawang tulog din sina Cindy. Nakita kaya ng mga ito na yakap-yakap ko yung teddy bear? Baka kung anong isipin nila huh. Bago pa niya pagalitan ang sarili ay dali-dali na niyang inayos ang sarili bago muling bumalik sa kaniyang duty. Muli niyang sinipat ang kaniyang sarili sa salamin nang masigurong maayos naman ang kaniyang hitsura ay lumabas na siya ng kanilang silid. Nang naglalakad na siya ng lobby ay nakasalubong niya si Edward halata ang panunukso sa mukha nito. At tama ang kaniyang hinala, may kinalaman ito sa nadatnan niya kanina sa kaniyang kuwarto. "How dare you!" sabay kurot niya sa tagiliran nito. "Stop! Ano ba, Sandra!" tili pa nito kaya pinagtitinginan sila ng mga taong nakakasalubong nila. Sinimangutan niya ito. "Kanino galing ang mga iyon, huh? Talipandas ka talaga! Binebenta mo na ako!" Kunwari ay galit-galitan niya dito. "Sus! Pakipot ka pa, friend. If I know, kinikilig ka naman. Aminin?!" Tudyo pa nito sa kaniya. "At saka, hello?! Tinatanong mo pa talaga kung kanino galing ang mga iyon? How dense can you get? Duh!" Sunod-sunod na talak nito sa kaniya na pinaikot pa ang mga mata. "Sa hindi ko nga alam e! Tatanungin pa ba kita kung alam ko?" pagmamaktol niya sa kabigan. Magkaharap sila nito nang biglang matahimik ito at may kung anong inginunguso sa kaniyang likuran. Hindi naman niya matanto kung ano iyon kaya minabuti niyang lingunin kung ano iyong inginunguso nito na siya namang itinulos niya sa pagkakatayo. Hindi niya inaasahang makikita roon si Adriano. Ilang araw na ring hindi ito nangungulit sa kaniya, bagay na na-miss din niya. Para siyang naestatwa sa kaniyang kinatatayuan lalo na nang lapitan sila ng binata. "Ciao, Sandra!" bati nito sa kaniya na parang musika sa kaniyang pandinig. Saglit na ipinilig niya ang kaniyang ulo para sawayin ang sarili. Pilit niyang kinalma ang kaniyang sarili bago magsalita. "H-hello, Adriano." "Did you get what I gave to you?" walang pasakalyeng tanong nito. "Hmmm... Yes, Edward gave it to me. Thank you." Ewan niya kung bakit iyon ang nanulas sa kaniyang bibig. Hindi niya makuhang magsuplada ngayon sa harap nito. Akmang iiwanan na sana sila ni Edward doon nang hatakin niya ito sa braso. "Dito ka lang, may kasalanan ka pa sa akin." bulong niya kay Bakla na ikinatawa naman nito pero sumunod naman sa banta niya at hindi nga sila iniwan ni Adriano namapagsolo roon. "Don't mention it, Sandra." narinig pa niyang sabi ni Adriano sa kaniya. "It's my pleasure to give them to you. I hope you like it." "She did, yakap-yakap pa nga daw niya kanina sa pagtulog." nadulas na sabi ni Edward kay Adriano dahilan para manlaki ang mga mata ni Sandra sa kahihiyan. Pinukol niya ng masamang tingin ang kaniyang kaibigan. Kunwari naman ay natakot ito kaniya itinikom na nito ang bibig nito subalit halatang pigil-pigil ang pagtawa. Isang matamis na ngiti naman ang iginawad ni Adriano sa kaniya. "Really?! It warmed my heart." Naiinis lalong binalingan niya ang kaibigan na ng mga sandaling iyon ay nag-iwas na ng tingin sa kaniya. Mamaya ka sa akin, bakla ka! Sabi ni Sandra sa isip, siguro ay nadatnan siya nina Cindy sa ganoong ayos at nai-tsismis na agad siya sa baklang kaibigan. At ang mahaderang bakla ay ipinagkanulo naman agad siya kay Adriano. Paano pa niya tatarayan ang binata? Baka isipin pa ni Adriano ay easy-to-get siya. Pero masyado yata siyang pa-hard-to-get, sabi pa niya sa kaniyang sarili. "Well, paano Chef, we have to go back to our duty. Thanks for the presents." Sabi niya rito akmang lalampasan na niya ito habang hila-hila ang baklita sa braso nito. "Wait... Sandra, can I have your number?" narinig pa niyang tanong ng binata. "Ehem..." ani Edward halatang nagpipigil tawa lang ito. Pasimpleng kinurot naman niya ito sa tagiliran. "No." ang sabi ni Sandra. "I don't give my number to any stranger." Iyon lang at iniwan na nilang natulala si Adriano roon. Humahagikgik naman si Edward nang tudyuin siya. "Ang lupit mo, Sandra!" Hindi na ito pinansin ng dalaga at tumuloy na sa pagsakay sa elevator na maghahatid sa deck na kinaroroonan ng mess crew. "Tigilan mo nga ako, bakla! Kasalanan mo talaga ito e." maktol niya sa kaibigan. "Anong iisipin nong tao at sinabi mo pang yakap-yakap ko iyong teddy bear na bigay niya?" "Aba! Ano at naging kasalanan ko? Ikaw itong natulog na yakap-yakap iyon e. Natural naabutan ka nina Cindy at himbing pa nga daw ang tulog mo, tingnan mo ito oh." Sabay kuha ng cellphone nito at ipinakita ang kaniyang larawan habang tulog na yakap-yakap ang teddy bear na bigay sa kaniya ni Adriano. Bigla siyang nakaramdam ng hiya para sa sarili. Huli siya sa akto. Bakit ba naman kasi natulog siya na hindi itinago ang teddy bear na iyon kanina? "Heh!" Inirapan lang niya ang kaibigan bilang sagot na siya namang lalong ikinatawa nito. Hinayaan na lang niya ito sabay bumukas ang elevator saka sila naglakad patungo sa mess crew. Maya-maya lang ay abala na sila roon kaya natigil ang pang-aalaska nito sa kaniya bagay na lihim niyang ipinagpasalamat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD