CHAPTER 3
MULING BINASA ni Ziamber ang email mula kay Calix. Hindi kasi niya matukoy kung nasa exact location ba siya o hindi. Nakasandal siya sa kotse at salitang pinagmamasdan ang phone at ang nasa harapan nya.
Ayon sa email ng kaibigan, ang Rancho Olympus ay isang hide out pero mukhang hindi ganoon ang napuntahan niya. Kung kaninang pagpasok sa loob ng malawak na lupain ng Rancho Olympus ay puno siya ng paghanga, ngayon naman ay purong pagtataka na ang naiisip niya dahil sa nakikita.
Isang simpleng barn na may kalakihan ang nasa harap niya ngayon.
Nasa paanan bahagi ng bundok nakatayo ang Rancho ng Olympus. Sa parteng Norte ng Rancho matatagpuan ang Stable o Kabalyerisa. Sa bandang Silangan matatagpuan ang kural ng mga baka. At sa gawing hilagang kanluran naman nito ay ang isang hardin na kung saan makikita ang halos anim na talampakan taas na laberinto na sa bandang gitnang parte nito ay may gazebong naghihintay sa kung sino man ang makalusot roon.
Sa Kanlurang bahagi naman nito ay ang malawak na parking lot.
May mga tanim ng mais, tubo at kung ano-anong gulay sa bandang Timog. Sa gitna lang bahagyang malinis dahil daanan ng mga sasakyan.
"May tao ba rito? Parang mali naman ang address, e." Muli niyang pinasadahan ng tingin ang kabuuan ng rancho. Napabuntonghininga na lang siya bago humarap mula sa kaniyang sasakyan.
Akmang sasakay na sana siya roon nang makarinig ng mga yabag ng tao. Bumangon ang kaba sa dibdib niya. Papadilim na at wala pa naman siyang kasama. Dali-dali siyang sumakay at binuhay ang makina pero paglingon sa labas ng bintana ay labis siyang nagulat.
"Oh My Jesus!" Napahawak pa siya sa sariling dibdib sa sobrang gulat.
Isang babaeng nakadamit ng floral duster, manipis na tsinelas at maiksi ang buhok na hanggang balikat ang nandoon at nakangiti ito sa kaniya. "May hinahanap ka ba, hija?" tanong nito.
Hinawi muna ni Ziamber ang buhok bago naisipang tumango. "G-good evening po," aniya rito.
"Magandang gabi naman sa iyo. Anong hinahanap mo?"
"Ahm, kasi po..." Bumaba siyang muli ng kotse saka hinarap ang ginang. "Hinahanap ko po kasi 'tong address na 'to," aniya sabay pakita ng email. "Alam po ba ninyo kung saan 'to? Mukha po kasing mali ang napuntahan ko."
"Hmm... mabuti pa, pumasok ka na muna at nang makakain ka. Mukhang malayo ang pinanggalingan mo, hija." Tumalikod na ito at nagsimulang humakbang. Ngunit napansin yata nito ang hindi niya pagsunod dito kaya lumingon ito sa kaniya. "Alam kong gutom ka na kaya huwag ka na mahiya."
Napapahiyang sumunod si Ziamber sa ginang.
'Halata ba na gutom na ako?'
Kahit nahihiya, tila nawala na iyon sa katawan ni Ziamber nang pumasok sila sa loob ng barn. Halos mapanganga siya sa ganda ng lugar. May mga kuwadra ng mga kabayo at kambing pero mukhang high technology ang gamit.
"Wow! I-is this the—"
"Ako po si Syoleng. Ang tagapamahala ng Rancho Olympus. Aling Syoleng na lang ang itawag ninyo sa akin." Bahagya pa itong yumukod saka tinuro ang isang box na nakadikit sa pader. "Pakilagay lang po ang passcode na bigay ni Sir Celix. Salamat."
Hindi makapaniwalang tumingin sa ginang si Ziamber. Hindi niya akalain na ito na nga ang lugar kung saan ang pakay niya. Nanginginig na lumapit doon si Ziamber at mabagal na nagtipa. Sinigurado niyang tama ang lahat ng code na ilalagay doon.
Maya-maya pa ay napalunok siya nang biglang bumukas ang isang pader na gawa sa kahoy. Ilang sandali pa, isang malawak at maaliwalas na silid ang naabungaran niya roon.
Ginala niya ang paningin doon. Halos mapanganga siya dahil iba't ibang high tech machines, computers and stuff ang makikita roon. Kahit ang mga muwebles ay kakaiba at kakikitaan ng karangyaan.
"I didn't expect—"
"Welcome to the Head Quarters of Olympus Goddesses, Ms. Buenviaje," magalang na wika ni Aling Syoleng sa kaniya.
Halos malaglag ang panga ni Ziamber nang makita niyang bumukas ang isang parte ng pader. Lumabas doon at bumukas ang isang malaking flat screen TV.
May mga ilang larawan ang siyang nandoon ngunit hindi pamilyar sa kaniya ang iba maliban sa isa. Ang gwapo nitong mukha, ang panga nitong tamang-tama ang pagkakahulma, ang mga mata nitong natural na mapungay ngunit tila may panganib na dala. Tila nakita na niya ito sa kung saan.
"Hello, Ms. Buenviaje. Mabuti naman at napaunlakan mo na ang imbitasyon namin kahit tatlong taon na ang lumipas." Iyon na naman ang boses ng lalaki na siya rin na kumontak sa kaniya pagkaraang mamatay ng kaniyang kapatid.
Umayos siya ng tayo. "Just call me Zia." Huminga siya nang malalim. "Thank you rin dahil bukas pa rin ang offer ninyo sa akin."
"You're always welcome, Zia. Alam namin kung bakit ka ngayon nandito at kailangan mo ng tulong, di ba?"
Taas ang noong tumingin siya nang diretso sa screen ng TV. "Oo. Kailangan kong maipaghiganti ang pagkamatay ng ate ko. Sino ang ang gumawa nito sa kaniya? Kilala ba ninyo?" tanong niya.
"Of course. Kilala namin siya."
Kumuyom ang mga palad ni Ziamber kasabay nang panginginig ng kaniyang mga kalamnan . "S-sino?"
Biglang nag-zoom ang isang larawan ng lalaking may edad. Kumunot ang noo niya dahil hindi naman niya ito kilala.
"This is Leoncio Aballos. And founder ng La Tigresa. Isang sikretong organisasyon na kagaya ng Olympus Goddesses ngunit ang kaibahan, may mga kalalakihan silang agent."
"Anong kinalaman niya sa pagkamatay ng kapatid ko?" tanong niya. Tutok na tutok sa screen ang mga mata kahit nakikita niyang naglalagay ng isang baso na may laman na juice si Aling Syoleng sa mesa.
Bigla namang nag-zoom ang larawan ng babaeng pamilyar sa kaniya. Sa hindi inaasahan ay biglang kumabog ang puso niya.
"This is Luna Aballos. Ang nag-iisang tagapagmana ni Leoncio Aballos. Kilala rin siyang Seductress sa kabila ng galing niya sa pagpapatakbo ng mga negosyo kabilang na ang La Tigresa."
"Luna..."
"Hija, inumin mo muna ito."
Napalingon si Ziamber kay Aling Syoleng nang magsalita ito. Tinulak nito nang bahagya ang basong nasa lamesita. "T-thank you." Muli niyang tinuon ang pansin sa screen ng TV. "Kaibigan ba ng kapatid ko ang Luna na iyan?"
"Hindi pero nagkaroon ng pagtatalo ang ate mo saka si Luna gabi bago siya mamatay."
"Tungkol saan ang pinagtalunan nila?"
"Hindi naman lingid sa kaalaman mo na isa ring agent ang ate mo rito sa Olympus Goddesses. At isa ang La Tigresa sa mga misyon na napunta sa ate mo. Si Agent Lily ang nakatuklas ng isang transaksyon ng La Tigresa sa Black Market."
"At anong transaksyon iyon?"
"Nagbebenta ng iba't ibang uri ng mga armas."
Nagsalubong ang mga kilay niya. "A-anong pakialam ng Olympus Goddesses sa anumang transaksyon ng La Tigresa?"
"Sila ang pinakamahigpit nating kakumpetensya."
Napalingon siya kay Aling Syoleng. "Nagbebenta rin ng mga armas na mataas ang kalidad ang organisasyon natin. Si Agent Lily ang inatasan upang makipag-deal sa mga taga-European ngunit sumingit ang La Tigresa kaya nagkaroon sila ng engkwentro."
"Hindi ko maintindihan. Paano? Anong nangyari?" Naguguluha niyang tanong sa mga ito.
"Mas mabuti pang maupo ka na muna, hija at ipapaliwanag namin sa iyo ang lahat," wika ni Aling Syoleng.
Hindi niya alam kung anong nangyari tatlong taon na ang nakararaan at gusto niya malaman ang lahat. Masama siyang tumingin sa screen ng TV kung saan nandoon ang mukha ni Luna Aballos.
'Ikaw pala ang pumatay sa ate ko. Humanda ka sa akin. Ipaghihiganti ko ang kapatid ko.'