CHAPTER 8 MAHIGPIT ANG hawak ni Ziamber sa manibela habang pilit na kinakalma ang sarili. Sampung minuto na ang lumipas mula nang tumigil at mai-park niya ang sinasakyang kotse sa parking area ng building ng Tigress Empire kung saan siya magtatrabaho ngayon bilang personal assistant o secretary ng tumatayong CEO ng kompanya na si Luna Aballos. Kagaya ng napag-usapan ay naka-disguise nga siya. Ang buhok niyang mahaba na alagang-alaga niya ay kaniyang pinagupitan na nang sobrang iksi. Ang kaniyang personal information na nakalagay sa folder na hawak ay sinadyang peke. Mayroon din siyang pinalagay na pekeng tattoo sa ibabaw ng labi niya na magsisilbing nunal upang kahit paano ay maiba nang kaunti ang mukha niya. Peke lang naman iyon at maaaring matanggal habang dumadaan ang mga araw.