Hindi maiwasan ni Millie sa sulyapan ng palihim ang kanyang guwapong boss.
Nakasuot ito ng white long sleeves na may navy blue neck tie habang ang buhok nito na naka-wax ay neat na neat ang pagkakasuklay pa-one sided na lalong nakadagdag sa kaguwapuhan nito.
Lalaking-lalaki ang dating nito dahil sa makakapal nitong mga kilay na binagayan ng abuhin nitong mga mata na mayroon ding malalago na mga pilik. Ang matangos nitong ilong ay tila inukit ng isang magaling na skultor dahil perpekto ang hugis at tangos nito. At ang kanyang mga labi...
'Masarap siguro siyang humalik dahil parang ang lambot ng kanyang mga labi.' Komento niya sa isip habang lihim na napapangiti sa pagitan ng kanyang pagnguya.
'Hay nako, Millie. Don't be naughty. Hindi mo pa nga naranasan ang mahalikan kaya paano mo naiisip 'yan?' Saway niya sa sarili dahil sa pilyong naisip.
"What's funny, Ms. Garcia?" Tanong ng lalaki sa kanya habang nakataas ang isang kilay.
Millie suddenly sat up straight. Then she cleared her throat before she responded. "Wala po, Sir. May naalala lang po ako." Pagdadahilan niya.
Hindi naman na sumagot ang kanyang boss. Tinitigan lamang siya nito na akala mo binabasa ang lamang ng kanyang utak. Pagkatapos ay pinagpatuloy na ang pagkain.
Napayuko na lamang siya at nag-focus na lang din sa kanyang pagkain.
"By the way, ang kuwarto mo ay nasa second floor, katabi ng library sa bandang kanan. Ang mga suit ko ay nasa bandang kaliwa naman sa tabi ng aking kuwarto," saad nito sabay tingin sa kanyang suot na relo. Pagktapos ay muling nagsalita. "Let's go to office at 9:00 o'clock. Mag-unpack ka muna ng mga gamit mo."
"Noted, Sir." Maikling tugon niya na may kasamang tipid na ngiti sa kanyang mga labi dahil natuwa siya sa sinabi ng kayang boss. Sa loob-loob niya ay makakapagpahinga pa siya ng kaunti.
Maya-maya ay may biglang pumasok sa isip ni Millie na nagpakunot sa kanyang noo.
"Sir, sabi n'yo po kanina ay hindi kayo sanay kumain ng mag-isa. Sino po ang kasabay n'yo dating kumain?" Hindi niya napigilang itanong dahil napansin niyang wala naman itong kasama sa bahay. Ngunit huli na nang ma-realize niya na baka ang dati nitong assistant ang kasa-kasabay nitong kumain.
"I'm done. I'll just go to the library," wika nito sabay tayo at mabilis ng tumalikod.
She pouted her lips habang sinusundan ng tingin ang lalaki dahil hindi man lang ito nag-abalang sagutin ang tanong niya. Kaya inisip na lamang niya na maaaring ang dati nga nitong assistant ang kasabay nito.
Matapos niyang kumain ay iniligpit na niya ang kanilang pinagkainan at hinugasan ang mga ito. Pagkatapos ay bumalik siya sa sala upang kunin ang kanyang maleta at iakyat sa kanyang kuwarto.
Ngunit laking gulat niya dahil hindi niya makita ang kanyang maleta kung saan niya ito iniwan kanina. Wala namang ibang tao sa bahay kundi siya at ang kanyang boss. Imposible namang pinasok sila ng magnanakaw dahil mas maraming mamahaling gamit sa loob ang pwede nitong kunin kaysa sa mumurahin niyang maleta.
Maya-maya ay tumunog ang kanyang cellphone na nasa bulsa ng suot niyang bistida. Kinuha niya ito at nakita ang isang text message.
[Your luggage is already in your room.] Sabi sa text ng isang unknown number.
Napakurap-kurap naman siya dahil sa pagtataka, iniisip kung tama ba ang hinala niya na ang boss niya ang nag-text sa kanya. Ibig sabihin ay ito ang nag-akyat ng kanyang maleta?
Nakaramdam siya ng tuwa sa kanyang puso. Napagtanto niya na mabait naman nga pala talaga ang kanyang boss.
Dali-dali siyang umakyat dahil excited na siyang makita ang kanyang magiging silid. Dahan-dahan muna niyang binuksan ang pinto at saka siya sumilip sa isang silid upang siguraduhin na iyon nga ang kanyang kuwarto. At pagsilip niya ay nakita niya na nandoon ang kanyang maleta, nakalagay sa gilid ng kama. Nangangahulugan lamang na iyon na nga ang kanyang magiging kuwarto.
Subalit halos lumuwa ang kanyang mga mata nang masilayan ang loob ng silid dahil sa laki nito.
Marahan siyang pumasok patungo sa direksyon kung nasaan ang kanyang maleta habang palinga-linga sa kabuuan ng silid.
Una na niyang napansin na airconditioned ang kuwarto. Kulay puti ang mga dingding nito pati na ang kisame. Mayroon itong queen size bed na may pink beddings na nakapagitna dito. Ang malalaking bintana ay tinernuhan din ng pink curtains na nagpangiti sa kanya.
"Nakakatuwa naman. Paboritong kulay ko pa talaga ang beddings at mga kurtina." kausap niya sa sarili habang pinagmamasdan ang ang kanyang magiging silid.
Lumuwang ang kanyang ngiti nang mapansin niya ang isa pang pinto sa loob ng silid na sa tingin niya ay bathroom.
"Ayos, may sarili akong bathroom," wika niya.
May vanity table din sa kuwarto na nakapuwesto malapit sa bintana at cabinet naman sa bandang dulo.
Napataas naman ang kilay niya dahil napansin niya na may pink roses pa na nakalagay sa flower vase na nakapatong sa bedside table sa magkabilang side ng kama.
Pero inisip na lamang niya na ang dating assistant ng kanyang boss ang gumamit ng kuwarto kaya may feminine touch ito.
"Baka favorite color din niya ang pink pati na ang pink roses," wika niya habang papaupo sa kama.
"Wow, sobrang lambot ng kama. Ang sarap tiyak matulog dito." Nakangiting bulalas niya habang pinatalbog-talbog ang kanyang katawan sa kama na parang bata.
Hindi pa siya nakuntento. Maya-maya ay humiga siya dito at dinama ang kalambutan ng kama na animo bulak sa lambot. Hindi mapunit ang ngiti sa kanyang mga labi dahil napakakomportable ng kanyang hinihigaan.
"Bakit kaya nag-AWOL ang dati niyang assistant kung ganito na parang kuwarto ng prinsesa ang tinutulugan niya?" Pagtataka niya.
Pagkatapos ay tinignan niya ang oras sa kanyang cellphone at nakitang alas otso pa lang ng umaga.
"Maaga pa, makaidlip muna," bulong niya sabay pikit ng kanyang mga mata.
At hindi nga nagtagal ay nakatulog siya dahil sobrang aga niyang gumising kanina.
Subalit napasarap si Millie ng tulog. Hindi niya namalayan na ang simpleng idlip na plano niya ay nauwi na sa isang mahimbing na pagtulog.
Napabalikwas na lamang siya ng bangon nang makarinig ng malalakas na katok sa pinto.
Pagtingin niya sa kanyang cellphone ay may five missed calls na siya. Ngunit nanlamig ang buong katawan niya ng mapansin ang oras dahil pasado alas nuwebe na.
"Oh my, lagot ako nito." Nakangiwing usal niya habang mabilis na tumatayo mula sa kama at halos ilang hakbang lang ang ginawa niya upang buksan ang pinto ng kanyang silid.
Pagkabukas niya ng pinto ay nakita niya ang madilim na guwapong mukha ng kanyang boss na animo may paparating na bagyo.
"Ms. Garcia, are you really trying my patience?" Galit na tanong sa kanya ng lalaki na halos magdikit na ang mga kilay habang nanlilisik ang mga mata na nakatingin sa kanya.