Mabait na Estranghero
Naglalakad pauwi sa kanilang bahay galing ng paaralan si Millicent. Nagmamadali siya sa paghakbang dahil nakita niya na madilim ang kalangitan. Senyales na anumang oras ay bubuhos ang isang malakas na ulan.
At hindi nga siya nagkamali, matapos umihip ang isang malakas na hangin ay biglang bumuhos ang isang napakalakas na ulan. Ang likod niya na basa ng pawis, ngayon ay basa na ng tubig ulan at nagdulot ng lamig sa kanyang buong katawan.
Mabuti na lamang at malapit na siya sa isang waiting shed. Dali-dali siyang tumakbo at sumilong dito. Pansamantala muna siyang huminto upang magpatila ng ulan.
Subalit nabasa na ang kanyang unipormeng suot kaya naman nangangatog ang kanyang buong katawan dahil sa ginaw. Namumutla na din ang kanyang mga labi. Maya-maya pa ay inuubo na siya at nakaramdam ng hirap sa paghinga.
Dahil sa biglang pagkabasa sa ulan ay sumumpong ang kanyang asthma. Inihit siya ng inihit ng ubo sa sobrang lamig na kanyang nararamdaman
Animo siya isang basang sisiw na nakaupo sa pinakagitna ng waiting shed habang yakap ang kanyang nilalamig na katawan. Tahimik na nagdadasal na sana ay tumila na ang ulan upang makauwi na siya ng bahay.
Ngunit lumipas ang maraming minuto ay hindi tumila ang ulan. At walang senyales na titila ito anumang oras. Bagkus ay lalo pang lumalakas sabay ng malalakas na kulog at kidlat. Nakaramdam na siya ng pagkahilo. Ilang saglit pa ay nawalan na siya ng malay dahil sa magkahalong ginaw at hirap sa paghinga.
Makalipas ang ilang minuto ay may huminto na isang magarang sasakyan sa tapat ng waiting shed at bumaba ang isang lalaki. Napansin niya ang babae na nakahiga sa basang sahig nang siya ay mapadaan at tila may malakas na pwersa na mala-magneto ang humatak sa kanya pabalik upang tignan ang babae.
Hindi mawari ng lalaki ang kanyang naramdaman nang makita ang maganda ngunit maputlang mukha ng dalaga. Biglang bumilis ang t***k ng kanyang puso na tila ba siya ay kinabahan at na-excite sa magandang mukhang kanyang nasilayan.
Ngunit nang mapagtanto niya na walang malay ang dalaga ay dali-dali niya itong isinakay sa kanyang sasakyan at dinala sa pinakamalapit na ospital. Napansin din niya na parang hirap ito sa paghinga kaya naman binilisan din niya ang pagmamaneho.
Habang nasa daan ay hindi mabilang kung ilang beses sinulyapan ng lalaki ang babae sa pag-aalala na tuluyan na itong hindi makahinga.
Pagdating sa emergency room ay kaagad rumesponde ang nurse at doctor na naka-duty ng mga oras na iyon. Mabilis nilang pinalitan ng hospital gown ang basang damit ng dalaga at chineck ang kanyang vital signs.
“Doc, mababa ang oxygen level ng pasyente, 86 below normal at may fever din siya. 38.7 ang temperature niya kaya siguro siya nawalan ng malay.” Mabilis na ulat ng nurse.
“Inject Acetaminophen for her fever and corticosteroids to reduce inflammation in the lungs and airways. Then, monitor the oxygen level if it will improve.” The doctor responded calmly.
Nang marinig ng lalaki ang usapan ng doctor at nurse ay nagmamadali siyang lumapit sa mga ito at sumulyap sa maputla pa ding mukha ng dalaga.
“Will she be alright?” Tanong niya na may bakas ng pag-aalala sa kanyang mukha.
Kalmado na bumaling ang babaeng doctor sa lalaki. “Don’t worry, Sir. Magiging okay siya kapag umepekto na ang mga gamot. Kaano ano n’yo po ang pasyente?” Tanong nito sa lalaki.
The man cleared his throat. “Nadaanan ko siya kanina na walang malay. Kaya tinulungan ko at dinala ko kaagad dito.”
Ngumiti ang doctor dahil sa kanyang narinig. Kakaunti na lamang ang may mabuting puso tulad ng sa lalaki. “Mabuti na lang, Sir. Dahil kung nagpatuloy sa pagbaba ang oxygen level ng pasyente ay maaaring malagay ang buhay niya sa panganib.”
Nakahinga ng maluwag ang lalaki sa sagot ng doctor. Ibig sabihin ay ligtas na ang babae sa kapahamakan. Sasagot pa sana siya, but the nurse butted in. “Doc, hindi po nag-iimprove ang oxygen level ng pasyente.”
Muli na namang napalundag ang puso ng lalaki dahil sa kaba habang napakunot ang kanyang noo nang tumingin siya sa doctor.
“Inject another corticosteroid.” Relax na muling nagbigay ng instruction ang doctor.
“Noted, doc.” Tumango ang nurse at mabilis na sinunod ang utos ng doctor.
Makalipas ang ilang minuto ay napangiti na ang nurse. “Doc, unti-unti na pong umaayos ang paghinga ng pasyente at tumataas na din ang oxygen level niya.”
“Good. Continue to monitor her oxygen level. I’ll attend to other patients.”
“Okay po, doc.” Magalang na sagot ng nurse.
Nagpakawala naman ng isang malalim na buntong hininga ang lalaki nang marinig na nagiging maayos na ang kalagayan ng babae. Tinitigan niya ang maamong mukha nito na unti-unti ng nagkakakulay. Isang matipid na ngiti ang kumawala sa kanyang maninipis na mga labi.
Nagstay ang lalaki hanggang sa maging stable ang vital signs ng babae. Nalaman niya na Millicent ang pangalan nito base sa school ID na nakita niya sa bag nang hinanapan siya ng pagkakakilanlan nito sa ospital.
Nang mawala ang lagnat at maging normal ang oxygen level ni Millicent ay inilipat na siya sa isang private room. Umaga na ng magmulat siya ng kanyang mga mata. Bakas ang pagtataka sa kanyang mukha nang kanyang masilayan ang kulay puting mga dingding at kisame ng kuwarto. Gayundin ang malambot na kama na kanyang hinihigaan. Napansin din niya ang suwero na nakakabit sa kanyang kamay.
Maya-maya pa ay bumukas ang pinto at pumasok ang isang nakaputing babae na sa isip niya ay isang nurse na sa tingin niya ay nasa early twenties ito.
“Good morning, gising ka na pala. Kumusta ang pakiramdam mo?” Mabait na tanong ng nurse habang chinecheck ang kanyang IV drip.
“Maayos naman po. Nasaan po ako?” Tanong niya. Alam niya na nasa ospital siya subalit hindi niya alam kung saang ospital ba ito.
“Naka-confine ka ngayon dito sa Saint John Private Hospital. Mabuti na lang at nadala ka kaagad dito at naagapan ang asthma mo.” Paliwanag ng nurse habang inilalagay ang oximeter sa kanyang index finger.
“S-sino po ang nagdala sa akin dito?” Nagtatakang tanong niya. Naalala niya na mag-isa lamang siya sa waiting shed nang mawalan siya ng malay.
“Hindi siya nagpakilala e pero isang napakagwapong lalaki." Kinikilig na sagot ng nurse habang nagsusulat at saka nagpatuloy. "Kakaalis lang niya. Dumaan siya ngayong umaga upang tignan ang lagay mo pero natutulog ka pa kanina. Hinatid siya ngayon ng lola mo sa labas.” Paliwanag pa nito.
“Ang lola? Andito po ang lola?” Gulat na tanong ni Millicent.
“Oo, dumating siya kagabi matapos tawagan ang numero sa school ID mo.”
Hindi na siya nakasagot dahil biglang bumukas ang pinto at pumasok si Lola Fely.
“Millie, mabuti naman at gising ka na.” Nakangiting bungad ni Lola Fely nang makita na gising na ang kanyang mahal na apo.
“Lola, patawad po. Binigyan ko pa kayo ng alalahanin.” Malungkot na saad niya.
“Ano ka ba, apo? Alam kong hindi mo ginusto ang nangyari. At huwag kang mag-alala. Napakabuti ng taong tumulong sa iyo dahil binayaran na niya lahat ng gastusin dito sa ospital.”
“Talaga po?” Hindi makapaniwalang tanong ng dalaga.
“Oo, apo. Kaya magpalakas at magpagaling ka upang makauwi na tayo.”
“Malakas na po ako, lola. Pwede na po tayong umuwi?”
Hindi nakasagot si Lola Fely. Tumingin siya sa nurse na parang nagtatanong kaya ang nurse na ang sumagot para sa kanya.
“Kailangan mo pa daw magpahinga sabi ng doctor. Pero kapag hindi na bumalik ang lagnat mo at hindi na sumumpong ang hika mo ay pwede ka ng lumabas bukas.” Nakangiting tugon ng nurse.
Tumango na lamang si Millie bilang tugon. Pagkatapos magbilin ng nurse ay lumabas na ito.
Dumaan ang maghapon na nakahiga lamang si Millie at matiyagang hinintay ang pagbabalik ng lalaki na tumulong sa kanya upang personal na makapagpasalamat. Subalit sumapit na ang gabi ay hindi na muling nagpakita pa ang lalaki.
Hindi na din daw natanong ng lola niya ang pangalan nito nang makita kaninang umaga dahil sa pagkataranta nang malaman na ang lalaki ang tumulong sa kanya.
May halong lungkot at panghihinayang naman ang naramdaman ni Millie dahil hindi man lamang niya nakilala ang mabait na estranghero na nagligtas sa kanya.