Mabilis na lumipas ang limang taon.
“Ahhhhh!” Napatili si Millie at maluha-luha sa tuwa nang kanyang mabasa ang email na tanggap na siya sa trabahong inapplyan bilang isang assistant. Sobrang saya ng kanyang pakiramdam dahil ito na ang simula ng kanyang pagbabagong buhay.
Biglang bumukas ang pinto ng kanyang silid at iniluwa ang kanyang kaibigang si Aira.
“Anong nangyari sa'yo, Millie?” Kunot-noong tanong nito sa kanya.
“Aira, tanggap na ako sa trabaho!” Maluha-luhang sagot niya na may matamis na ngiti sa kanyang mga labi.
Umaliwalas naman ang mukha ni Aira. “Talaga? Magandang balita yan.” Natutuwang niyakap siya ng kaibigan. Niyakap din niya ito sabay ng pagpatak ng kanyang luha. Tears of joy sabi nga.
“Aira, makakapagbagong buhay na ako.” Usal niya matapos nilang magbitiw sa pagkakayakap.
“Masaya ako para sayo, Millie.” Nakangiting bati sa kanya ng kaibigan.
“Pwede ka na ding tumiwalag sa grupo. Ako na ang bahala sa panggastos natin sa araw-araw.”
Nakilala niya si Aira noong dinala niya sa ospital ang kanyang Lola Fely. Nakita siya nito habang umiiyak sa labas ng operating room kung saan inooperahan ang kanyang lola dahil inatake ito sa puso.
Pakiramdam nya noon ay para siyang binagsakan ng langit at lupa. Hindi niya alam ang kanyang gagawin dahil walang wala talaga siya. Bukod sa wala na silang tutuluyan ay wala din siyang pera pambayad ng hospital bills.
Para namang anghel na ihinulog ng langit nang makilala niya si Aira dahil hindi ito nagdalawang isip na tulungan sila. Pinatuloy din sila nito sa kanyang bahay nang malaman na wala silang matutuluyan dahil mag-isa lamang daw siya at ulila ng lubos.
Hindi nagtagal, nalaman ni Millie na ang trabaho ni Aira ay ang pag-scam sa mga tao sa pamamagitan ng pag-hack sa kanilang mga debit o credit card. Tinanong siya nito kung nais niyang sumali sa grupo nang sabihin niya na gusto niyang kumita din ng pera dahil nahihiya na siya dito.
Noong una ay tinanggihan niya ito. Naghanap siya ng maayos na trabaho at sa kabutihang palad ay natanggap siya bilang kahera sa isang fast food chain. Panggabi ang kanyang naging schedule dahil 'yon lamang ang bakante ng mga panahong iyon. Ngunit dahil likas na maganda ay muntik na siyang magahasa isang gabi matapos ang kanyang shift sa trabaho. Mabuti na lamang, may tumulong sa kanya at binugbog ang m******s na lalaki na tiniktikan pala ang kanyang pag-uwi.
Matapos no'n ay naghanap siya ng ibang mapapasukan. Napasok siya ulit bilang kahera sa isang clothing store. This time, pang araw na ang kanyang naging shift. Maayos na sana ang lahat dahil mabait ang kanyang manager at natutuwa kung paano siya magtrabaho. Subalit ang hindi niya inaahasan ay naiinggit na pala sa kanya ang isa niyang kasamahan. Kaya naman gumawa ito ng paraan upang matanggal siya sa trabaho.
Lihim itong nagpuslit ng damit at inilagay sa kanyang bag. Inutusan din siya nito na kumuha ng limang libong piso sa cash box dahil utos daw ng manager. Ngunit matapos niyang magawa ang utos nito, ay bigla na lamang siya nitong inakusahan na nagnanakaw at isinumbong sa kanilang manager. Nahirapan naman siyang itanggi dahil kitang kita sa CCTV na siya ang talagang kumuha ng pera sa cash box. Dahil do'n ay nasisante siya at pinablacklist pa. Kaya naman hindi na siya muling nakapaghanap pa ng ibang trabaho.
Wala na siyang pagpipilian noon kundi ang sumabay sa agos ng buhay at tanggapin ang kanyang kapalaran. Matapos makapag-isip ng mabuti ay nagdesisyon siya na sundan na lamang ang yapak ng kaibigan. Ipinakilala siya ni Aira sa kanyang boss. At hindi nagtagal ay napabilang na nga siya sa grupo.
“Millie, ayaw kong maging pabigat sa iyo.” Tanggi ni Aira habang umiiling.
“Hindi ka pabigat sa akin, Aira. At kahit kailan hinding hindi ka magiging pabigat. Sobrang laki ng utang na loob ko sa iyo dahil naging maayos ang aming buhay." Nakangiti na salaysay niya.
“Pag-iisipan ko, Millie.”
Makalipas ang tatlong araw ay first day na ni Millie sa trabaho. Isang manufacturing company ng mga damit ang kanyang napasukan at magiging assistant daw siya ng isang manager doon na nagngangalang Paloma Del Rosario.
Dahil maaga pa naman ay dumaan muna siya sa isang coffee shop upang bumili ng paborito niyang kape.
“Isang cappuccino please.” Order niya sa kahera.
Matapos sabihin ang kanyang order at makapag-abot ng bayad ay napasulyap siya sa kabilang kahera nang marinig ang baritonong tinig ng isang lalaki. Umorder ito ng Caffè Americano.
‘In fairness, ang gwapo niya at kutis mayaman.’ Sambit niya sa isip bago siya tumalikod at humanap ng mauupuan habang hinihintay ang kanyang order.
Makalipas ang ilang minuto ay narinig na niya ang kanyang pangalan na nangangahulugang ready na ang kanyang inorder na kape.
Dalawa ang cup ng kape sa counter. Kinuha niya ang isa nang makita niya ang letter M na nakasulat dito. Hindi na siya nag-abala pang basahin ang buong salita dahil naisip niya pangalan niya iyon.
Muli siyang naupo upang doon magpalipas ng oras habang umiinom ng mainit na kape. Subalit sa kanyang unang paghigop ay bigla siyang napangiwi habang pilit na nilulunok ang kape dahil sa sobrang pait ng lasa nito.
Pagkatapos ay nanlaki ang kanyang mga mata habang pinupunasan ang kanyang mga labi dahil nabasa niya ang nakasulat na pangalan sa cup.
'Mr. M'
Nagulat si Millie dahil hindi pala iyon ang kanyang inorder na kape. Maya-maya lamang ay narinig niya ang pamilyar na baritonong tinig ng isang lalaki.
“Excuse me, Miss.” Sabi nito.
Lumingon siya at nakita na ito nga ang guwapong lalaki sa kabilang kahera kanina.
“I think that’s my coffee.” Seryosong dagdag nito sabay turo sa kape na nakapatong sa lamesa.
Napatingin naman siya sa hawak nitong kape at nakita na nakasulat ang pangalan niya dito. She bit her lower lip in shame. Naramdaman din niya ang pag-init ng kanyang mga pisngi tanda na namumula ang mga ito.
“Hmm.. I-I’m sorry. Nagkamali ako ng nakuha. Oorder na lang kita ng bago.” Medyo nauutal na paghingi niya ng dispensa sabay tayo sa kanyang kinauupuan.
“No need. I was in a hurry.” Tanggi nito habang inilalapag ang hawak na cup at kinuha ang cup sa kanyang lamesa.
Ang aksyon ng lalaki ay lalong nagdulot ng pamumula sa kanyang mga pisngi dahil sa pagkakalapit nila sa isa’t isa. Naamoy niya kasi ang fragrant manly scent nito.
She stood frozen from her spot, not able to think properly. Pakiramdam niya ay tumigil ang kanyang paligid at sila lamang dalawa ng lalaki ang kanyang nakikita.
Bumalik lamang siya sa tamang wisyo nang makitang ininom ng lalaki ang kape na kinuha nito sa lamesa niya bago ito naglakad paalis. Muli na lamang niyang nakagat ang kanyang ibabang labi dahil hindi niya nagawang sabihin na ininuman na niya ang cup kanina.
Napabuntong hininga na lamang siya. "Never mind. Hindi naman na siguro kami magkikita." Bulong niya sa sarili.
Pagkatapos ubusin ang kanyang kape ay tumungo na siya sa papasukang kumpanya. Huminga muna siya ng malalim bago pumasok sa magarang building.
Subalit paglapat na paglapat pa lamang ng kanyang mga paa sa lobby ng kompanya ay nakarinig na siya ng sigaw ng isang lalaki na nagpahinto sa kanyang paglalakad. Nakatalikod ito sa kanya at parang galit na galit sa tono ng boses nito.
“Ms. Cruz, I want a new assistant in 24 hours!” Mariing sabi ng lalaki sa HR Manager na siyang nag-interview sa kanya noong nag-aapply pa lamang siya.
’Teka, bakit parang pamilyar ang boses niya at ang kanyang suot?’ Biglang bumilis ang t***k ng kanyang puso nang maisip ang lalaki kanina sa coffee shop.
'Mr. M? Hindi maaari.' Kinakabahang usal niya sa kanyang isip.