“Aira, paanong gagawin ko?” Tanong ni Millie sa kaibigan sa tonong nag-aalala.
“Huwag kang mag-alala, Millie. Andito naman ako. Ako na ang bahalang mag-alaga kay Lola Fely.” Suhestiyon ni Aira upang mapanatag ang kaibigan.
“Pero paano ako magpapaalam? At paano kung hindi nya ako payagan?”
“Sigurado akong maiintindihan ka n’ya. Tutulungan kitang magpaalam, okay? Hmm.. ano kaya ang magandang maidahilan?” Nakapalumbaba habang nag-iisip si Aira.
Habang kumakain ng hapunan ay nag-ipon ng lakas ng loob si Millie upang magpaalam sa kanyang lola. Ito ang unang pagkakataon kasi na magkakahiwalay sila.
“Kumusta ang unang araw mo sa trabaho, apo?” Interesadong tanong ni Lola Fely sa kanya.
Itinigil niya ang aktong pagsubo at ngumiti sa kanyang lola. “Maayos naman po, lola. Mababait ang mga katrabaho ko.”
“Mabuti naman kung ganoon. Masaya ako para sa iyo. Mabait din ba ang boss mo?” Natutuwang tugon ng kanyang lola.
Hindi lingid sa kaalaman ni Lola Fely ang gawain ni Millie at Aira na panlalamang sa kapwa kaya tunay na masaya siya dahil sa wakas ay hindi na siya mag-aalala na baka isang araw ay mahuli ang kanyang apo ng mga pulis.
“Huh? Ahh, opo, lola. Mabait din po ang boss ko." Wika niya kasabay ng isang pilit na ngiti.
“Alam mo ba, lola? Sa sobrang bait nga po ng boss niya ay binigyan niya si Millie ng living allowance para mangupahan malapit sa opisina nila, 'diba Millie? Malayo daw po kasi masyado ang biyahe mula dito papuntang opisina nila.”
“Ganoon ba, Millie? Ibig sabihin ay lilipat tayo ng bahay?”
“Ahh--”
“Naku, hindi po pwede lola kasi pang isahan lang yung kuwarto na tutuluyan ni Millie. Tsaka paano po siya makakapag-concentrate sa trabaho kung andon po tayo?”
“Sabagay, tama ka diyan, Aira. Kaso Millie, kaya mo na bang mamuhay mag-isa? Ngayon lang tayo magkakahiwalay simula ng isilang ka.”
"Nako, lola. Kayang kaya po ni Millie yan. Twenty-four years old na sya. Matanda na para dumepende pa sa'yo.”
“Teka, Aira, bakit ba ikaw ang sagot ng sagot? Si Millie ang kinakausap ko.”
Napakagat ng labi si Aira, habang si Millie naman ay napaubo. Kinuha niya ang baso ng tubig sa lamesa at ininom lahat ang laman nito.
“Masakit daw po kasi ang lalamunan ni Millie, lola. Sobrang saya niya po kasi kakawento sa akin kanina. Kaya ngayon hindi na po siya masayadong makasalita.”
“Talaga ba, apo? Teka at ipaglalaga kita ng salabat. Inumin mo bago ka matulog.”
“Salamat po, lola.” Pilit na ngumiti si Millie kasabay ng simpleng sulyap kay Aira. Kinindatan naman siya ng kaibigan.
Pagkatapos maghapunan ay nag-ayos na si MIllie ng kanyang mga gamit.
“Salamat, Aira. Pero tama ba na nagsinungaling tayo kay lola?” Nag-aalalang tanong niya sa kaibigan.
“Sa tingin mo ba kung sinabi mo ang totoo, papayagan ka niya?” Balik-tanong naman sa kanya ni Aira habang umuupo sa kanyang higaan upang tulungan siyang mag-empake.
“Hindi ko alam. Pero kung hindi man niya ako payagan, maghahanap na lang ako ng ibang trabaho.” Malungkot na wika niya.
“Millie, alam natin pareho na hindi madali ang makahanap ng trabaho lalo na sa undergraduate na tulad mo. Maswerte ka nga at nakahanap ka ng maayos na trabaho at sa President ka pa mismo magtratrabaho. Bihira ang mga ganyang kagandang opportunity.” Mahabang salaysay naman ni Aira.
“Sabagay, may point ka diyan.” Pagsang-ayon niya. Pagkatapos ay kinuha na niya sa kanyang cabinet ang mga damit na dadalin upang ilagay sa maleta.
“Pero teka, gwapo ba talaga yung boss mo?” Interesadong tanong ni Aira na nagsimula ng tulungan siya.
“Yup. Sana pala napicturan ko para naipakita ko sa’yo.”
“Eh di describe mo na lang siya at imaginine ko na lang ang itsura niya.”
Napakunot ang kanyang noo habang iniimagine ang itsura ng kanyang boss. “Hmm… matangkad siya, maganda ang mga mata, makapal ang kilay, matangos ang ilong, at manipis ang mga labi.”
“Ano ka ba naman, Millie? Wala ka namang ka-feelings feelings magdescribe. Guwapo ba talaga? Mukhang hindi ka naman na-attract.” Hindi makapaniwalang komento ni Aira sa kaibigan.
Napabuntong hininga naman si Millie. “Paano mo naman gusto ko siya idescribe?”
“Hay nako, Millie. Ewan ko sa’yo. Picturan mo na lang at i-chat mo sa akin, okay?" Naiiling na sabi ng kanyang kaibigan.
“Okay.”
“Teka, kumusta naman ang ugali? Kanina hindi ka agad nakasagot kay lola ng tinanong ka niya kung mabait ang boss mo."
"Mabait din naman daw siya sabi ng mga kaopisina ko kaso masamang magalit. Parang kanina, muntik na akong umuwi sa takot." Kuwento niya.
“Lahat naman ng tao masamang magalit. Nakaka-curious naman ang boss mo.”
“Sabagay, mukha naman siyang mabait. At isang araw ko pa lamang naman siya nakasama kaya hindi ko pa talaga masabi kung ano ba talaga ang ugali niya."
“Tama ka diyan. Malay mo siya pala ang future sweetheart mo. Uuuuyyy!" Tukso sa kanya ng kaibigan.
“Magtigil ka nga Aira, baka mamaya marinig ka pa ni lola. At isa pa, hindi ko pa nga alam kung magtatagal ako sa kanya.”
“Uyy, e bakit ka namumula?”
“Huh? Hindi ah. At saka Aira, langit at lupa ang pagitan namin. Impossible na magustuhan ako non."
“Bakit? Maganda ka naman. Tignan mo ang mukha mo sa salamin. Matangos din ang ilong mo, makipot at mapupula ang mga labi, makinang ang mga mata na may mapilantik na mga pilik. Ang ganda din ng natural brown hair mo na parang inunat ng plantsa. Saan ka makakahanap ng natural beauty na tulad mo? Kahit nga hindi ka magmake up ay maganda ka.”
“Huwag ka ngang exaggerated diyan.” Natatawang wika ni Millie habang nakatitig sa salamin.
“Hindi ako exaggerated. Sinasabi ko lang ang totoo.” Nangingiting sambit naman ni Aira.
“Kaibigan lang kita kaya mo nasasabi yan. O siya, magpapahinga na ako dahil maaga pa akong gigising bukas.” Taboy niya sa kaibigan.
“Okay. Good luck sa trabaho mo.”
“Salamat.”
Kinabukasan ay maagang gumising si Millie. Kailangan niyang makarating ng maaga sa bahay ng boss niya upang ipaghanda ito ng breakfast. Mabuti na lang at nakasakay siya kaagad ng taxi. Ayaw pa man din ng daw ng boss niya ng nale-late.
Pagkababa niya ng taxi ay namangha siya sa ganda ng bahay sa kanyang harapan. Mataas na bakal na mga rehas ang gate nito. Sobrang laki ng bahay at halatang mayaman talaga ang nakatira. Paanong hindi e nakapaloob ito sa isang exclusive subdivision sa siyudad na puro milyonaryo at bilyonaryo lamang ang may afford.
'Hay, kailan kaya ako makakapagpatayo ng sarili naming bahay?’ Tanong niya sa isip habang pinagmamasdan ang bawat sulok ng bahay.
Dali-dali niyang kinuha ang susi sa kanyang bag at binuksan ang lock ng gate. Hinila niya ang kanyang maleta na bagong bili lang niya kahapon para sa kanyang paglipat. Kaunti lang naman ang kanyang dinalang gamit na halos lahat ay mga damit, toiletries, at personal care.
Lalo siyang namangha nang tuluyan siyang makapasok sa loob ng bahay. Namimilog ang kanyang mga mata habang iniikot niya ang paningin sa kabuuan ng eleganteng living room na may magagarang kasangkapan. Ang ganda ng sopa at chandelier na nakapagitna sa sala. Na-imagine niyang bigla ang kanyang sarili na nakasuot ng gown habang pababa ng eleganteng hagdanan.
"Wow, dito ba talaga ako titira?” Hindi makapaniwalang tanong niya sa sarili.
Maya-maya pa ay tumunog ang kanyang alarm. Ibig sabihin ay dapat magsimula na siyang magprepare ng breakfast dahil maya-maya lang ay mag-aalmusal na ang kanyang boss.
Nagmamadali niyang hinanap kung nasaan ang kusina.
“Iyon na siguro ang pinto papuntang kusina.” Sambit niya habang lumalakad patungo sa direksyon.
Ngunit nagulat siya nang biglang may malaking taong bumulaga sa kanyang harapan.
“Ay, engkanto!” Bulalas niya. Sa sobrang kaba ay natabig niya ang isang malaking vase na malapit sa kanya. Nanlalaki ang mga mata na pilit niyang inabot ng kanyang mga kamay ang vase sa takot na mabasag ito. Mukha pa man din itong mamahalin at sa tingin niya ay hindi niya makakayang bayaran.
Subalit sa pilit niyang paghabol sa nabubuwal na vase ay nawalan na din siya ng balanse at akto na siyang masusubsob kasama nito. Naipikit na lamang niya ng madiin ang kanyang mga mata upang hindi masaksihan ang kanyang pagbagsak sa sahig.