Five years ago...
---
"Sasama ako sa inyo, Rhia," saad ni Manang Nely habang tinutulungan kaming magligpit ni Ate Sandra.
"Pero, manang... wala na kaming ipapasahod sa inyo," malumanay kong sagot at pinipigilan lamang ang mapaiyak. Ayaw kong ipakitang mahina ako. "Nakahanap si Kuya Rigor ng maliit na boarding house at hindi ko alam kung—"
Hinawakan ni Manang Nely ang mga kamay ko. "Walang kaso sa akin, Rhia. Kayo na lang ang matatawag kong pamilya ko. Nangako ako sa lolo mo na hinding-hindi ko iiwan ang papa mo at tutuparin ko iyon sa iyo."
Ang luhang pinipigilan ko ay kusa nang umagos na walang pag-aalinlangan. Naghalo-halo na ang lahat ng sakit, hinanakit, at kalungkutan. Sa isang iglap ay nawala sa akin ang lahat. Anong klaseng pagsubok ba ito.
"Huwag kang mag-alala, Manang Nely. Marami akong alam na raket. Basta makakain lang tayo ng tatlong beses sa isang araw, ayos na iyon," nakangiting saad ni Ate Sandra kahit na namumugto na ang mga mata niya.
Nasa kalagitnaan kami ng pagliligpit nang dumating si Uncle Garry kasama si Uncle Raul. Bakas sa mga mukha nila ang lungkot. Pero hindi iyon ang kailangan ko ngayon— suporta sa pinansyal at moral ang gusto kong makita mula sa kanila.
Pero...
"Pwede ka sa bahay, Rhianne," saad ni Uncle Raul. "Pero ikaw lang."
Napangisi ako. Ayaw ni Uncle Raul kay Ate Sandra. "Salamat na lang, Tito. Pero hindi ko iiwan ang kapatid ko."
"Pero hindi mo siya kap—"
"Sumama ka na sa kanila, Rhia. Okay lang ako. Kaya ko ang—"
"Kung wala kayong magandang sasabihin o maitutulong, Tito, pwede na po kayong umalis."
Natahimik silang lahat. Walang kibo naman si Uncle Garry. Palipat-lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa. Pumirme ang mga mata ko kay Uncle Raul. "Alam ko na ayaw mo kay Ate Sandra. Tutol ka noong inampon siya nila Papa. Dahil akala mo ay nanakawin niya ang kayamanan ni Papa pagdating ng panahon. Pero sa huli, kapatid lang din pala ninyo ang aahas sa Papa ko."
Nalipat naman ang tingin ko kay Uncle Garry. "Takot na takot kang kupkupin kami, Tito, kasi baka ikaw naman ang balikan ni Tita Amanda. Naiintindihan ko na mas mahalaga ang pera kaysa sa pamilya."
Isang sampal ang natanggap ko mula kay Uncle Raul. "Sino ka para magsalita nang ganyan sa amin!"
Hinila naman siya kaagad ni Uncle Garry at pumagitna naman sina Manang Nely at Ate Sandra. Pero hindi ako nagpatinag. "Tandan ninyo ito. Hinding-hindi ako lalapit sa inyo, ano man ang mangyari! Kalimutan ninyong may pamangkin pa kayo na anak ni Gerome Zamora!"
Hindi na nakasagot pa si Uncle Raul dahil kaagad na siyang nahila papalabas ni Uncle Garry. Niyakap naman ako ni Ate Sandra. "Magiging maayos din ang lahat, Rhia. Hinding-hindi kita iiwan at aalagaan kita hanggang sa pagtanda."
Nang araw na iyon ay nilisan namin ang mansyon kung saan ako lumaki. Dala ko lamang ang masasayang mga alaala namin kasama sina Mama at Papa. Pinapangako kong tatayo kami kahit ilang ulit nila kaming pabagsakin.
Nakatira kami sa isang maliit na boarding house, may isang kwarto at isang banyo. Sa sala ako natutulog kasama si Manang Nely. Mas kailangan nila Ate Sandra ng kwarto lalo pa at buntis na siya.
Nagpatuloy ako sa pag-aaral sa isang publikong eskwelahan. Si Kuya Rigor naman ay namamasada gamit ang nirerentahang jeep. Si Manang Nely naman ay nagtitinda ng ulam at meryenda sa harap mismo ng boarding house namin. Si Ate Sandra naman ang nagtitinda.
Naglalakad lang ako kapag uuwi o papasok ng eskwelahan. Walking distance lang naman. Mabuti na lang din at bago lang nagpasukan kaya nakapag-transfer pa rin ako. Kasalukuyan akong nasa junior year ko.
Maraming nagtatanong kung kaano-ano ko raw ang mga Zamora. Magkaapelyido lang— iyan ang lagi kong sagot. Hindi ako nabu-bully. Ewan ko ba. Wala naman akong ginagawa pero parang takot lahat sa akin.
Siguro dahil nakalimutan ko na paano ang ngumiti. Hindi ako sanay sa buhay na mayroon kam ngayon. Pero wala ako sa lugar para mag-inarte. Kaya minsan na wala kaming ulam, lagi akong tinatanong nila Ate Sandra kung anong ulam daw ba ang gusto ko, kasi mag-aasin o hindi kaya ay toyo lang daw sila. Hindi ako nagde-demand kaya kung anong ulam nila ay ganoon din ang sa akin.
Ang binibigay nilang baon sa akin ay tinatabi ko para pandagdag sa bayad namin sa renta. Student assistant ako kaya libre na ang matrikula ko. Hindi ako kumakain tuwing reses para hindi mabawasan ang baon ko. Minsan ay swerte sa pamamasada si Kuya Rigor kaya nabibigyan nila ako nang medyo malaking baon. Iyon ang binibigay ko sa magkakaibigan na namamalimos sa kalye— sina Ate Lorna, Jenny, Nicole, at Joy.
Tumakas sila sa bahay-ampunan dahil hindi naman daw sila nabibigyan ng saktong pagkain doon. Isa pa ay paalisin din naman daw sila kasi matatanda na sila kaya walang aampon sa kanila.
"Uy! Bente!" sigaw ni Joy nang ibigay ko sa kanila ang sobra sa baon ko. "Mukhang nakadilehensya ka ngayon, Ate Rhia, ah?"
Umupo ako sa karton na ginawa nilang banig. Literal silang nasa gilid ng kalye nakatira. Mga pinagtagping karton at sako ang naging bahay nila. Wala namang sumisita sa kanila kasi parang parte na ang kalye na ito sa squatter na nasa unahan lang.
Awang-awa ako sa kanila sa tuwing umuulan. Gustuhin ko man silang kupkupin ay hindi rin pwede.
"Salamayt, Ate Rhia! May pambili na kami ng toyo at mantika," nakangiting saad ni Nicole.
Magkakaedad lang sina Jenny, Nicole, at Joy. Matanda ako sa kanila ng dalawang taon. Samantalang si Ate Lorna naman ay matanda sa akin ng apat na taon.
"Rhia!"
Sabay naming nilingon ang papalapit na sina Ate Lorna at Jenny. Sa kanilang apat kasi, silang dalawa ang masasabi kong matalino. Nakakahanap sila ng kung ano-anong raket. Kung hindi lang ako nag-aaral ay sasama ako sa mga raket nila. Kaso ang sabi ni Ate Sandra ay kailangan kong magpatuloy sa pag-aaral.
"May nakita kaming hiring doon sa malapit na computer shop na binabantayan ko," salubong na sabi sa amin ni Ate Lorna. "Pwedeng-pwede ka roon, Rhia!"
"Ako? Anong trabaho?"
Ilang minutong paglalakad ay nasa harapan na kami ng isang bar na sinasabi ni Ate Lorna.
"Loka ka, Ate Lorna! Binubugaw mo ba si Ate Rhia?" saway ni Joy kay Ate Lorna.
Nakatanggap naman siya ng sapak. "Singer kasi!"
Mabuti naman ay pumayag sina Ate Sandra na magtrabaho ako. Tuwing gabi ang duty ko. Simula alas syete hanggang alas onse. Sinusundo ako ni Kuya Rigor. Nakaluwag-luwag kami simula ng magtrabaho ako sa bar.
Hanggang sa isang gabi na katatapos lang ng duty ko...
"Oh, Rhia? Wala pa ba si Rigor?" tanong ni Kuya Randy— ang guard ng bar na pinagtatrabahuan ko.
"Wala pa po, eh. Kanina pa dapat, pero hindi ko alam kung bakit wala pa si kuya," nag-aalala kong sagot. Baka may nangyari? Kabuwanan pa naman ni Ate Sandra. Baka manganganak na siya? Wala akong ibang maisip na posibleng nangyari. "Kapag pumunta si Kuya Rigor dito, kuya, pakisabi na pauwi na ako."
Nakakatawa pero wala kaming mga cellphone. Binenta namin. Si Ate Sandra lang ay may cellphone sa amin at de keypad pa.
Mag-aalas dose na kaya medyo wala ng mga taong naglalakad sa daan. Kinakabahan man ay tinatagan ko ang loob. Ilang minutong lakad lang naman ang layo mula sa bar ang boarding house namin.
Pero hindi yata panig ang tadhana sa akin.
May dalawang lasing akong makakasalubong. Nanginginig na ang mga tuhod ko kaya hindi ako nakapagtago kaagad. Tumigil silang dalawa sa harapan ko.
"Pare, shiks, oh!" bulalas ng lalaking isang ihip na lang ng hangin ay matutumba na.
"Oo nga!" sagot naman ng isa pa na akala mo ay airport ang noo.
Kapag manyak talaga ang isang tao ay walang takas kahit ang mga kagaya kong halos balot na balot na ang katawan. Bago pa man ako makatakbo ay nahila na ng payat na lalaki ang buhok ko. Hinawakan naman ako ng isa pang lalaki sa kamay ko at hinihila nila ako papunta sa isang eskinita.
Lahat na yata ng santo ay natawag ko na sa sobrang takot ko. Sisigaw na sana ako pero bukod sa suntok ay nasampal pa ako. Wala akong ibang nagawa kung hindi ang umiyak. Nagdadasal na sana ay makauwi ako ng buhay at walang mangyari sa akin na masama.
"Ako muna, pare, ah."
"Anong ikaw? Ako muna!"
"Ako na muna, tayong-tayo na si manong ko!"
"Ako na muna, pare!"
Abala sila sa pag-aaway kaya buong lakas akong tumayo at tatakbo na sana. Kaso nahila nila ako ulit at sa kasamaan palad ay naramdama ko na lang ang malamig na bagay ang bumaon sa gilid ng tiyan ko.
"Gago, pare, bakit mo sinaksak!"
"Hindi ko alam bakit may dala ako nito!"
Mga adik yata ang mga hayop na ito! Mukhang nahimasmasan sila dahil nag-uunahan pa silang tumakbo.
Damang-dama ko ang hapdi at kirot sa tagiliran ko. Pero hindi pa ako pwedeng mamatay. Ipaghihiganti ko pa sila Papa. Babawiin ko pa ang kumpanya kay Tita Amanda! Buong lakas akong tumayo kahit nanghihina na.
Nagiging malabo na ang paningin ko. Nakapaglakad ako hanggang sa may makita akong kotse na nakaparada. Nilapitan ko iyon at kahit nanghihina na ay kitang-kita ko pa ang ginagawang kababalaghan ng dalawang lalaki sa loob ng kotse.
"Holy s**t!" tili ng isang lalaki. Bading yata.
"T-Tulong..."
Hindi ko na alam nangyari dahil nawalan na ako ng malay. Kinabukasan niyon ay nagbago ulit ang takbo ng buhay ko..