Chapter 2

2542 Words
Chapter 2 Carli’s POV Umunat ako nang magising ako. Kinusot-kusot ko pa ang mga mata ko dahil akala ko ay panaginip lang ang lahat. Napahugot ako ng buntung-hininga nang matiyak na nasa mansion na nga ako. Masigla akong bumangon at dumako sa banyo. Matapos akong maligo at bumihis ay lumabas na ako sa aking silid. Para tuloy akong bata na pasayaw-sayaw habang tinatahak ko ang daan pababa mula sa palapag ng aking kuwarto patungo sa aming malapad at malaking sala. “Magandang hapon, señorita!” sabay na bati ng dalawang katulong na naghintay sa aking pagbaba. Ngumiti ako sa kanila bilang tugon. Hindi ko maipaliwanag kung gaano ako ka-saya ngayong araw. Bumalik na nga ako sa mansion namin. Señorita na ulit ang tawag ng mga tao sa akin. “Handa na ang iyong pagkain, señorita. Sinabihan kami ni Don Lauro na ipaghanda ka dahil hindi sila uuwi buong araw. May importante kasi silang lakad,” imporma ng isa sa akin. Tumango-tango lang ako dahil inaaral ko pa ang buong paligid. Hindi naman masyadong nag-bago ang mansion, mas naging matingkad lang at moderno ang disenyo nito. “Bumalik na nga ako sa mansion,” umiiling kong sabi. Ganito kasi ang palaging set-up namin ng mga magulang ko, wala sila buong araw at gabi lang kami nagkikita. Nasanay na rin naman ako sa set-up na iyan at alam ko naman na masikap na mga tao ang mga magulang ko. Bukod sa marami silang business sa labas ng hacienda ay may mga plantasyon pa silang inaalagaan. Mahal ang pinya at saging kaya ay todo bisita sila sa mga site para matiyak na inaaruga ng maayos ang mga tanim. Umupo ako sa tapat ng mesa. Ang upuang sinasandalan ko ay siya ring upuan ko noong hindi pa ako nag-layas. Marami akong na-miss dito sa mansion dahil sa pag-ibig. Hindi ko rin naman pinagsisisihan ang nangyari. Hindi ko naman sinayang ang buhay ko dahil sumikap akong makapagtapos ng kolehiyo at nakilala ko pa ang mga Armano na siyang tumulong sa akin para maging matatag. “Maiiwan muna namin kayo, señorita. Enjoy your food,” sabi ng isa pang katulong na medyo matanda sa akin ng ilang taon. Sinimulan ko nang kumuha ng kanin at mga ulam. Inamoy ko muna ang tinolang manok. Napahigop ako nang wala sa oras dahil sobrang nasasabik ako sa lasa ng native na manok. Kumain ako nang kumain at hindi ko na inisip na halos isang bandehado na ang naubos kong kanin. Nang matapos akong kumain ay lumabas ako upang magliwaliw. Bigla kong naalala ang caballerong humatid sa akin dito. “Nasaan na kaya iyon?” tanong ko sa hangin. Lumakad lang ako nang lumakad. Ang layo na pala nitong narating ko. Nasa tapat na kasi ako ng malaking bahay kung saan naka-quadra ang mga kabayo ng pamilya namin. Higit isang daan ang mga kabayo namin, lahat ay malulusog at matatambok. Maamo ang mga kabayo namin kaya ay hinahayaan ako ni Papa na magliwaliw sa buong bahay na ito. Parang pamilya na kung iturin ni Papa ang mga kabayo namin. Kapag napapalpak ang unang mga caballero ng pamilya namin ay pinapalitan agad ito ni Papa. Ayaw niya na mapahamak ang kahit na isa sa mga kabayo dahil para sa kaniya ay hindi lamang hayop na libangan ang mga kabayo namin, mga anak ang turin niya sa mga ito. Kaya siguro ay tumagal-tagal ang lalaking iyon dahil malinis siya kung magtrabaho. Hindi rin masangsang sa ilong ang amoy ng buong paligid. Paisa-isa kong hinawakan ang ulo ng mga kabayo na nagmistulang mga kawal na gumawa ng maliit na daanan sa gitna upang tahakin ko. May pula, itim, puti at ang iba naman ay sari-sari ang kulay. May ibang kabayo na may puti sa noo. Napukol ang tingin ko sa isang kabayo na kulay puti. Ngumiti ako nang bahagya nang matiyak na siya ito, si Lucy. Si Lucy ang kabayo ko. Sa akin mismo nakapangalan si Lucy kaya ay mahal na mahal ko ito. Tumakbo ako papalapit sa kaniya at niyakap siya sa kaniyang leeg. Humiyaw siya dahil sa tuwa kaya naman ay napaluha ako nang bahagya. “Lucy, miss na miss na kita,” sabi ko at hinalikan ang noo ng kabayo ko. Sumigla ang mga mata ni Lucy. Maliit pa pa lang siya noong iniwan ko siya pero ngayon ay ang laki na niya. Nagpaalam ako kay Lucy nang may narinig akong kakaibang tunog. May humihilik. Pinakinggan kong mabuti ang hilik na iyon. Inisip ko na baka mga kabayo ang humihilik pero impisible na may kabayong humihilik. Isa pa, hindi naman ngayon ang oras ng pag-tulog ng mga kabayo. Lumakad pa ako hanggang sa makita ang isang lalaki na naka-higang patihaya sa ibabaw ng mga damong pinapakain sa mga kabayo at nakatayo ang isang tuhod habang ang kaniyang sumbrero ay nakatabon sa kaniyang mukha. “Paano kaya kung sabihin ko kay Papa ang ginagawa mo, Matheurozo Caballero?” diin kong sabi. Halos mapahalakhak ako nang nakita kung paano siya nagulat. Tumayo siya nang bahagya. Ang mga d**o ay dumikit sa kaniyang mga damit at sa kaniyang buhok. Para tuloy siyang tau-tauhan sa gitna ng palayan na may mga d**o sa ulo at sa bawat dulo ng mga kamay. Halatang mahimbing ang tulog nito. “Pasensiya na ho, señorita,” pag-hingi niya ng tawad. Tinaasan ko siya ng kilay. Ngayon na siguro ako makakapaghiganti sa ginawa niyang pambobola at pang-aasar sa akin kagabi. “Isusumbong kita kay Papa!” deklara ko at agad akong tumalikod sa kaniya. Hinabol niya ako at agad niyang hinila ang kamay ko. “Señorita, naman! Huwag ka namang ganiyan sa akin,” aniya. Hinila niya ako paharap sa kaniya. Binawi ko ang kamay ko at humalukipkip ako patitig sa kaniyang mga matang namumula. Nakakatawa talagang tingnan ang caballerong ito dahil sa pangambang dumaan sa kaniyang mga mata. “Oras ng trabaho pero natutulog ka, Matheurozo!” “Rozo na lang, señorita,” sabi niya at nagawa niya pang kumindat sa kabila ng pangamba. Umirap ako dahil sa inis. Tingin niya siguro sa sarili niya ay sobrang guwapo—Guwapo naman kasi talaga kaso siya ay masyadong hambog. Tahimik lang ang mga naging caballero namin nnoon. Iba si Rozo sa kanila. Ibang-iba! “Basta! Isusumbong kita kay Papa dahil hindi ka nagtatrabaho nang maayos!” Tumawa siya bigla dahil sa sinabi ko. Kahit ako naman ay hindi kombinsido sa turan ko. Hindi ka nga mandidiri na kumain sa lugar na ito dahil sa linis, makintab ang sahig at mabango ang paligid. “Señorita, para sabihin ko po sa inyo, tapos na ang trabaho ko kaya ay umidlip ako saglit,” sabi niya. “H-Hindi pa rin rason iyan, Rozo Caballero! You are not allowed to sleep during your duty hours,” sabi ko sa kaniya. Huminga siya nang malalim. Lumapit siya sa akin at bigla siyang yumuko. Inangat niya ang kaniyang sulyap sa akin. “Wala na po akong mapagtatrabahuhang iba, señorita. Sana po ay palagpasin niyo na lang ito. Napuyat kasi ako ako kagabi sa pagbabantay sa iyo,” bigla niyang sabi. Lumambot ang aking puso dahil sa sinabi niya. “Sinungaling. Ang sarap rin kaya ng tulog mo kagabi,” hindi kombinsidong sabi ko. Umismid siya nang kaunti. Tumitig siya sa aking mga mata. Nawala ang pagiging hambog niya at bigla siyang sumeryuso. “Kakaidlip ko pa lang nang nagising kayo kaninang madaling araw. Sabi ni Madam Bebs na ingatan kita dahil anak ka ni Don Lauro. Anak ka ng amo ko, kaya ay amo rin kita, responsibilidad kong tanurin ka, señorita. Maniwala ka man o hindi, binantayan kita kagabi kaya ay napuyat ako at nag-resulta ito ng bagay na naabutan mo, nakatulog ako,” paliwanag niya. Yumuko siya matapos siyang mag-salita. Naawa tuloy ako sa kaniya. Pasalamat talaga itong Rozo Caballero na ito dahil hindi na ako ang Carli na matigas ang puso noon. Tumikhim ako kaya ay muli siyang napatitig sa akin. Blangkong titig ang pinukol ko sa kaniya. “Sige, hindi na kita isusumbong kay Papa!” “T-Talaga?” “Oo! Pero sa isang kondisyon,” sabi ko sa kaniya. “A-Ano naman iyon, señorita?” Dumighay ako. “Hindi ba sabi ni Papa sa iyo na simula kanina ay ikaw na ang magiging personal na bantay ko? Marami ka rin namang kasamahan sa pag-aalaga ng mga kabayo, hindi ba? Hayaan mo silang magtrabaho rito at magmomonitor ka lang. Ako na ang sasamahan mo simula ngayon,” sabi ko sa kaniya. Napakamot siya sa kaniyang batok. Halos mag-salubong ang mga kilay ko dahil sa ekspresyon na pinakita ni Rozo matapos kong sabihin ang bagay na iyon sa kaniya. “Bakit, Rozo? Ayaw mo ba akong bantayan? Hindi ba at umuo ka na sa Papa ko?” tanong ko sa kaniya. Umiling siya kahit na halata naman sa kaniya na mas gusto niyang bantayan ang mga kabayo kumpara sa akin. “G-Gusto, señorita! S-Saan mo pala balak magliwaliw?” tanong niya. “Good,” sabi ko. Inikot ko ang aking tingin. Iniisip ko ang manggahan sa hacienda. Alam ko na maraming bunga iyon kapag ganitong buwan. “Pumunta tayo sa manggahan!” Nanlaki ang mga mata niya na parang gulat na gulat siya sa kaniyang narinig. “S-Señorita? B-Bunt—” “Sira! Hindi ako buntis! Gusto ko lang kumain ng mangga, Rozo! Kapag ba gustong kumain ng mangga, buntis agad? Puwede naman sigurong trip lang, hindi ba?” Tumango siya at parang baliw na tumawa. Bumabalik na naman siya sa pagiging Rozo Caballero na hambog. “Ano? Tara na? Sasakyan kita—este, ang trip mo pala!” Umirap ako dahil sa sinabi niya. Pasalamat siya dahil guwapo siya. Kahit na hambog siya ay hinahayaan ko na lang siya kasi nga ay mukhang hanggang salita lang naman siya. Mabuti na lang din kasi hambog lang siya at hindi manyak. Nilagpasan niya ako at tumungo siya sa isang quadra. Hinanda niya ang kabayong dadalhin namin. Gusto ko sanang si Lucy ang dadalhin pero hindi na ako nag-abala pang mag-salita tungkol doon. Hinayaan ko na lang siya na mag-desisyon, mas kilala niya naman ang mga kabayo rito kaya ay may tiwala ako sa kaniya. “Haw!” Pinatigil niya sa tapat ko ang kabayo. Nilahad niya ang paa niya upang maging silbing tapakan ko palundag sa ibabaw ng kabayo. Nang makasakay na ako ay agad niyang hinila ang tali ng kabayo paharap sa pupuntahan namin. Napakapit ako sa kaniyang braso nang binilisan niya ang pagpapatakbo sa kabayo. “Hiyah! Takbo Zoro! Takbo!” maawtoridad niyang sigaw. Naramdaman ko kung paano sumunod ang kabayo sa kaniya. Ngayon ko lang din nakilala ang kabayong sinasakyan namin ngayon. Ito rin pala ang kabayo na sinakyan namin kagabi at kaninang umaga. Napansin ko na tinigil ni Rozo ang pagmamadali sa kabayo. Nilalayo niya rin ang likod niya sa dibdib ko. Bigla akong nahiya dahil sa ginawa niya. Hindi ko kasi namalayan na dikit na dikit pala ako sa kaniya. “Bakit si Zoro pa ang dinala mo? Hindi ba ay pagod siya?” tanong ko upang maalis ang awkwardness sa pagitan namin. “Kailangan kong ihanda si Zoro dahil may karera siyang sasalihan. Mas mabuti na masanay siyang tumakbo nang matulin patungo sa malayo para tiyak na mananalo siya,” paliwanag niya. “Ganoon pala. Sana manalo si Rozo—si Zoro pala!” “Ginawa mo pa akong kabayo, señorita,” pabirong sabi niya. May tumulak sa akin na ilapit ang ilong ko sa likod niya. Inamoy ko siya at napapikit naman ako dahil sa bango niya. Inisip ko na baka ay nagbababad talaga siya sa talulot ng rosas dahil sa amoy niya. “Sino naman ang magmamaneho kay Zoro sa laban niya?” tanong ko. “Ako,” maikli niyang sabi. "T-Talaga?” hindi ko makapaniwalang tanong sa kaniya. Ang lakas kasi ng dating ng mga lalaking mahilig sa kabayo para sa akin. Kaya siguro ay tinitiis ko ang hambog na ugali ni Rozo at tanging pag-irap at pagbabara lang ang kaya kong gawin dahil sa rason kong iyon. A man on top of the horse is the hottest man for me. Nadale lang ako ni Andrew dahil sa mga pangako niyang bumaluktot ang landas, pati pala siya ay baluktot ang landas na tinahak niya. “Oo, señorita,” pagkompirma niya. Bigla akong nakaramdam ng pagka-excited. Iniimagine ko tuloy ang mukha ng hambog na ito kapag nasa ibabaw siya ng kabayo na mabilis tumakbo. He will look hotter; I am sure of that. Nasa tuktok na kami ng burol patungo sa manggahan. Ilang minuto ang kakabayuin kapag pumunta roon. Dati ay naglalakad lang kami ng mga kaibigan ko papunta roon. Hindi ko na nga maalala kung ano ang hitsura ng lugar na iyon. Oo, maraming mangga pero baka hindi na ito tulad ng dati na masaya dahil wala na si Andrew na lagi kong kasamang kakain ng mangga roon, kasama rin ang isa pa naming kaibigan na si Handrei. Ako, si Handrei at si Andrew ang matalik na magkakaibigan. Lumaon ang mga taon na nahulog ako kay Andrew. Sino ba kasi ang hindi magkakagusto sa lalaking iyon? Bukod sa guwapo ay mayaman, matipuno ang katawan, matalino at mahilig sa mga halaman. Sayang nga ang talino niya dahil naging bobo siya sa buhay. Hindi niya inisip na ang Maynila ay puno ng sugal at droga, kapag mahina ang kapit mo ay madadale ka sa mga patibong na iyan hanggang sa masira ang buhay mo nang tuluyan. “Señorita, bakit naman bigla kang natigilan diyan?” tanong ni Rozo. “W-Wala, Rozo, iniisip ko lang ang mga nakaraan ko sa lugar na ito,” sabi ko nang makababa na ako mula sa kabayo. Bumaba na rin si Rozo at agad niyang pinunasan ang mga pawis ni Zoro. Humarap siya sa akin at inaral niya ang aking ekspresyon. “Siguro ay naaalala mo ang kasintahan mo, ano?” Hindi ako makapaniwala sa tanong ni Rozo. Paano niya nalaman na iniisip ko si Andrew? “P-Paano mo naman iyon naisip, Rozo?” usisa ko. Pumulot siya ng bato at agad na hinagis sa itaas. Nahulog ang maraming mangga matapos na magtapon ng bato si Rozo. “Naisip ko lang. Isa pa ay nabalitaan ko ang nangyari kanina sa mga trabahante sa palayan niyo, señorita,” sabi ni Rozo. Pinulot ni Rozo ang mga mangga at dinala niya ang mga ito patungo sa gawi ko. Nakaupo ako ngayon sa malaking ugat ng mangga habang nakatanaw sa malayo. Ngayon ko lang naisip ang kahihiyang ginawa ko. “Pinagtatawanan ba nila ako dahil sa ginawa ko, Rozo? Siguro ay iniisip nila na bumalik ako dahil sira na ang buhay ko,” bigla kong sabi. Umupo sa tabi ko si Rozo. Pakiramdam ko ay tumititig rin siya kung saan nakapukol ang aking mga sulyap. “Ang iba, oo. Ang iba naman ay masaya dahil bumalik ka, señorita. Sabi kasi nila na suwerte ka raw sa negosyo at sa mga tanim ng Papa mo. Sinusuwerte raw ang mga taong nakakasama mo,” seryusong sabi ni Rozo. “Señorita?” tawag niya pa sa akin. “Ahm?” Tumingin ako sa kaniya. Kanina pa siguro siya nakatitig sa akin. “Puwede ka bang sumama sa laban namin ni Zoro para suwertehin kaming dalawa?” he asked with gentleness.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD