Kabanata 2

1763 Words
MAAGANG nagising si Heaven dahil may libreng turo ngayon sa may covered court sa dulo ng iskinita nila. Ito ang mga pagkakataong tuwang-tuwa s'ya dahil walang raket ngayon ang Nanay n'ya kaya pwede s'yang makisali roon. Nang makaligo at makapagbihis ay naisipan n'yang ayusan ang sarili. Kinse anyos pa lang s'ya pero marunong na s'yang mag ayos dahil rumaket din s'ya noon sa baklang kaibigan ng Nanay n'ya sa parlor at binigyan s'ya nito ng libreng pangpaganda. Isa ito sa masaya s'yang ginagawa, ang pag-aayos ng sarili. Mahirap man sila pero gusto n'yang presentable ang itsura n'ya. Ipinusod n'ya ang kanyang mahabang buhok at naglagay ng pulbos at kaunting lip gloss. Inayusan rin n'ya ng kaunti ang makapal na kilay at pilik mata. Maraming nagagandahan sa kanya kaya palagi s'ya noong kasali sa mga pageant sa lugar nila, pero ngayon ay madalang na lang ang gano'n. Sayang nga dahil malaki laki rin ang premyo kapag nananalo kaya malaking kabawasan sa ipon n'ya ang pagtigil ng mga contest. Nang makarating sa court ay napansin n'yang kaunti pa lang ang tao. Ayos 'yun dahil sa unahan s'ya makakaupo. Pinasadahan n'ya ng tingin ang ayos ng buong court, at namamangha s'ya dahil mukha itong classroom talaga. Maliit lang ang covered court nila kaya madali itong ayusan. May blackboard at mga silyang galing talaga sa eskwelahan. Ang mga nakasabit din sa gilid ay magpaparamdam sa'yo na nasa loob ka talaga ng eskwelahan. Abala parin ang mga guro sa pagpapaganda ng buong paligid kaya't pinagsawa n'ya ang paningin sa pagmamasid sa mga ito. Balang araw ay gusto n'ya rin ang maging isang guro. Sa totoo lang ay marami s'yang pangarap. Parang lahat ay gusto n'yang gawin. Gusto n'yang magtrabaho sa parlor, maging abogado, maging negosyante at maging guro. Sa tuwing nakakakita s'ya ng isang professional na tao ay pinapangarap n'ya ring maging gano'n. “Bakit ka nandito?” natigil ang pagmumuni-muni n'ya ng marinig ang mataray na boses. Tiningnan n'ya ang katabi at nakataas ang kilay nito sa kanya. “Ha?” takang tanong n'ya. “Hindi ka naman kasali dito. Bawal dito ang mga anak ng magnanakaw!” sigaw nito sa kanya na ikinabigla n'ya. “Hindi magnanakaw ang magulang ko.” “Anong hindi, eh yung tatay mo nga ay nagnakaw sa kabilang iskinita! Lumayas ka rito at baka nakawan mo pa kami.” napatigil s'ya sa narinig. Palaging may hindi magagandang balita patungkol sa Tatay n'ya pero hindi ang pagnanakaw. Basagulero at lasinggero ang Tatay n'ya pero kailanman ay hindi ito nagnakaw. Namumula ang mata na tumayo s'ya at patakbong lumabas ng covered court. Habang pauwi ay nakita n'ya ang ilang taong nagkukumpulan sa harap ng bahay nila. Agad s'yang sumingit para makita ang nangyayari at laking gulat niya ng makita ang Tatay at ang Kuya niya na nakikipag sapakan sa mga barangay tanod. “Ang titigas ng mga bungo ninyo. Nakuha n'yo pang pumalag!” sigaw ng Barangay Captain matapos hampasin ng batuta sa ulo ang Tatay at Kuya n'ya at posasan ang mga ito. “Kapitan saan niyo po dadalhin ang Tatay at Kuya ko?” naiiyak na tanong n'ya. “Sa prisinto. Sabihin mo sa Nanay mo sumunod s'ya roon.” sagot nito at dinala na ang Tatay at Kuya n'ya pasakay sa kanilang sasakyan. Ang mga tao ay agad na nagbulungan nang makaalis ang mga 'to. Napapahiyang pumasok s'ya sa loob ng bahay nila at doon umiyak. Naaawa s'ya dahil bugbog sarado ang itsura ng Tatay at Kuya n'ya. Halatang lasing ang mga ito dahil pagewang-gewang pa ang lakad. Ang buong akala n'ya ay sa construction site ang punta ng dalawa kanina para rumaket, ayon pala ay uminom at nagnakaw. Lumabas s'ya ng bahay upang hanapin ang Nanay n'ya. Nakita n'ya itong naglalaro ng sugal kasama ang kaibigan nitong bakla. “Nay, si Tatay at si Kuya po dinala sa prisinto!” hinihingal na balita n'ya. “Naku, hayaan mo ang dalawang 'yon. Tatanga-tanga. Magnanakaw na lang, magpapahuli pa!” inis na sigaw nito matapos humithit ng sigarilyo. “Nay, hindi po ba natin sila pupuntahan?” naiiyak na tanong n'ya. Mas lalo s'yang pinanghinaan ng loob ng makitang walang pakialam ang Nanay n'ya. “Puwede ba, Heaven lumayas ka nga rito. Minamalas ako sa'yo.” pagtataboy nito sa kanya. Labag man sa loob ay umalis siya roon at hinanap ang Kuya Vanz n'ya. Hindi n'ya ito makita sa loob ng bahay kaya hindi na n'ya alam ang gagawin n'ya, hindi naman n'ya kilala ang mga tropa nito dahil taga ibang lugar ang mga 'yun. Wala rin s'yang cellphone para kontakin ito kaya nagpasya siyang makihiram ng telepono sa kapit-bahay. “Naku, Heaven umalis na ata ang Kuya Vanz mo, nakita ko s'ya kanina na maraming dalang gamit at sumakay sa magarang sasakyan.” paliwanag ni Aling Tisay. Nanlumo siya at naupo na lang sa isang tabi. Imbis na nakikinig s'ya ngayon sa guro, heto s'ya at nag iisip kung paano mailalabas ang Tatay at Kuya n'ya doon sa prisinto. Wala s'yang nagawa kundi kunin ang itinago n'yang ipon. Mahigit limang libo na ang ipon n'ya na sana'y pambili ng gamit sa eskwela at libro pero ngayon ay gagamitin n'ya para sa Tatay at Kuya n'ya. Ilang taon n'ya rin itong inipon, at nagpa raket raket sa kung saan kaya nanlulumo s'yang pumunta sa prisinto. Nang makarating sa prisinto ay agad n'yang kinausap ang Head officer. Pumayag ito sa limang libong bayad pero kailangan pang manatili ng isang linggo ng Tatay at Kuya n'ya sa loob. Mabigat ang loob na ibinigay n'ya ang pera rito at pumunta sa kinaroroonan ng Tatay at Kuya n'ya. “Oh, bakit ka nandito?” tanong ng Tatay n'ya. Ang Kuya n'ya ay prenteng nakahiga sa sahig at ngumunguya pa ng bubble gum. “Binayaran ko na po, Tay. Pwede na po kayong lumabas pagkatapos ng isang linggo.” “Ano? Nagbayad ka? Magkano?” gulat na tanong ng Kuya Erik n'ya. “Limang libo po.” “Napaka inutil mo naman! Makakalabas din naman kami rito pagkatapos ng isang buwan. Bakit ka nagbayad? Edi sana'y ibinigay mo na lang sa amin ang limang libo. Nagsasayang ka ng pera! Lumayas ka nga sa harap ko at baka masampal kita.” inis na sabi ng Tatay n'ya. “Saka dito masarap ang ulam. Bakit ka nagbayad? Sinabi ba namin na makialam ka?” pilit inaabot ng Kuya Erik n'ya ang buhok n'ya dahil sa pang gigigil sa kanya. Maluha luha s'yang lumayo doon dahil baka masabunutan s'ya nito. Pagkalabas ng prisinto ay naupo s'ya sa may hagdan at hindi napigilan ang pagbuhos ng mga luha n'ya. Hindi n'ya inaasahan na gano'n ang magiging reaksyon ng mga 'to. Ngayon ay labis ang panghihinayang n'ya sa limang libong naipon. Magkano na lang ang natira sa ipon n'ya at paniguradong hindi na naman s'ya makakapag enroll sa pasukan. “Bakit ka umiiyak? Nasa prisinto ba ang magulang mo?” tanong ng isang lalaking tumabi sa kanya. Gulat na tiningnan niya ito. Halos kaedad n'ya lang ito pero presentable ang kasuotan. Tumango s'ya dahil ayaw n'yang magsalita. “Ako rin eh. Ang yaya ko nakulong.” malungkot na sabi nito. Napatigil s'ya sa pag iyak nang makita ang malungkot nitong mukha. “Bakit?” tanong n'ya. “Ninakaw n'ya kasi ang mga alahas at pera ni Mommy at Daddy. Akala ko pa naman mabait s'ya.” kwento nito. “Nagnakaw din ang Tatay at Kuya ko, pero hindi ibig sabihin nun na masamang tao na sila.” sagot n'ya. “Pero kahit saang anggulo tingnan, masama parin ang ginawa nila. Ang masama ay masama kahit sabihin pang ginawa 'yun para sa mabuti.” paliwanag nito na ikinatahimik n'ya. Tama s'ya. Masama nga ang ginawa ng Tatay at Kuya n'ya pero gusto parin n'ya itong ipagtanggol. “Huwag ka nang malungkot, makakalabas din sila.” bigla ay sabi nito nang hindi matagalan ang katahimikan. Tango lang ang naisagot niya. “Ako nga pala si Skyler, pero pwede mo 'kong tawaging Sky.” pagpapakilala nito at inilahad ang kamay sa kanya. Nahihiyang inabot niya iyon, “Ako si Heaven.” “Ang ganda ng pangalan mo. Pwede ba tayong maging magkaibigan?” tanong nito na ikinabigla niya. Ito ang unang beses na may gustong makipagkaibigan sa kanya. “Oo naman.” nakangiting sagot niya rito, “Pero bawal sa lugar namin ang mayaman na gaya mo kaya hindi rin tayo magkikita.” “Bakit naman?” takang tanong nito. “Dahil hindi ka nababagay doon.” maikling sagot n'ya. Bata pa lang ay namulat na s'ya sa katotohanang iyon. Hindi maganda ang nangyayari sa tuwing nagsasama ang mahirap at mayaman, lalong lalo na sa street nila. “Edi mag usap na lang tayo sa cellphone.” “Wala akong ganun.” nahihiyang sagot niya. “Edi bibigyan kita.” mabilis na sagot nito na ikinagulat n'ya. Mayaman nga ito. Napakadali lang ang magbigay ng cellphone samantalang ilang taon n'ya 'yun kailangan pag ipunan bago mabili. “Wag na. Marami namang iba d'yan, sa katulad mo ikaw makipagkaibigan. Mauna na 'ko, Sky.” ayon lang at tumayo na s'ya. Hindi parin nawawala sa isip n'ya ang limang libong ipon kaya malungkot s'ya habang naglalakad. Pero nagulat s'ya ng makitang nakasunod sa kanya si Skyler. “Anong ginagawa mo?” takang tanong n'ya rito. “Sinusundan ka. Ayaw mo kasing kunin ang cellphone na ibibigay ko kaya aalamin ko na lang kung saan ang bahay mo.” nakangiti nitong sagot. “Sinabi nang bawal ka nga roon.” “Kung ayaw mong sumunod ako sa'yo roon, kunin mo na itong cellphone.” sagot nito at ipinakita ang cellphone na kulay pula. “Sige na nga, akin na.” pilit ang ngiti na kinuha n'ya iyon. Kahit naman gusto n'yang magkaroon ng cellphone ay hindi n'ya naman magagamit dahil wala s'yang pang load at baka kunin lang ng Tatay n'ya. “Ayan may makakausap na 'ko. Ayoko kasi sa mga kaklase ko. Masasama ang ugali nila.” nakangusong sabi nito. “Paano ka nakakasiguro na hindi masama ang ugali ko?” tanong n'ya rito. “Wala lang, alam ko lang.” nakangiting sagot nito. “Sige na mauna na 'ko.” pagpapaalam n'ya. “Okay, bye langit!” nakangiting sagot nito habang kumakaway. Natawa s'ya sa tinawag sa kanya nito, wala pang tumatawag sa kanya ng ganun. Umuwi s'yang may ngiti sa labi sa hindi malamang dahilan. Siguro ay dahil sawakas meron nang gustong makipag kaibigan sa kanya, isang bagay na matagal na n'yang hinihiling. Nawalan nga s'ya ng limang libo, nagkaroon naman s'ya ng kaibigan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD