Kabanata 1

1027 Words
Tirik na tirik ang araw pero para kay Heaven ay wala lang iyon. Patuloy lang ito sa pag-iigib ng tubig na gagamitin nila ng Nanay n'ya sa paglalaba ng mga labahan na raket ng kaniyang Nanay. Nang mapuno ang baldeng asul ay binuhat n'ya ito, hindi alintana ang bigat. Kinse anyos pa lang s'ya pero kayang kaya na n'ya ang mga mabigat na gawain dahil unat na ang katawan n'ya sa ganito. Nag iisang anak na babae s'ya sa pamilya nila, at mayroon s'yang dalawang kuya. Pero ang mga iyon ay hindi rin naaasahan kung kaya't s'ya palagi ang isinasama ng Nanay nila sa bawat raket nito. “Napakabagal mo namang bata ka. Gagabihin tayo rito dahil sa'yo! Bilis bilisan mo naman ang kilos!” angil ng Nanay n'ya sa kanya. Pagkalapag n'ya ng dalawang balde ay agad s'yang pumunta sa kinalalagyan ng kanilang dalang bag para uminom ng tubig at kainin ang biscuit na dala dahil kanina pa s'ya nagugutom dahil sa pabalik balik na pag iigib. Napakahaba ng pila sa igiban kaya kanina pa kumakalam ang sikmura niya. Mahapdi rin ang balat niya dahil matagal itong nababad sa ilalim ng araw. Ngunit para s'yang pinagbagsakan ng langit nang makitang wala na roon ang baon n'yang biscuit na magsisilbing tanghalian n'ya sana at tanging kakaunting tubig na lang ang naroon. “Nay, nasaan po ang biscuit ko?” tanong n'ya sa Ina na nagsisimula nang magbanlaw ng labahan. “Aba, kinain ko na. Nagutom ako dahil napakarami nitong nilalabhan ko. Wala ka namang masyadong ginawa kaya paniguradong hindi ka pa gutom. Mamayang hapunan ka na lang kumain.” sagot nito. Napabuntong hininga siya at ininom na lang ang tubig na natitira. Kakaunti na lang iyon at kulang na kulang sa kanya pero hindi na siya nagsalita pa. Ayos lang naman kung mamayang hapunan pa siya kakain, kaya naman niyang tiisin kahit pa wala siyang kinain kaninang almusal dahil inubos ng dalawa n'yang kapatid ang sampung pandesal na binili ng Nanay nila. Sanay na s'ya na isang beses lang kung kumain sa isang araw kaya hindi na ito big deal sa kanya. “Umuwi ka na muna roon at magsaing ka para pagkatapos ko rito ay makakain na ako ng kanin.” utos ng Ina. Agad naman s'yang tumayo at umalis. Habang naglalakad ay nadadaanan n'ya ang mga batang masayang naglalaro at nagtatawanan. Ang iba naman ay nasa bintana ng kanilang mga bahay at abala sa pagbabasa ng librong hawak. Nakaramdam s'ya ng kirot sa puso nang maisip na dapat ay gano'n din siya. Kaedad n'ya lang ang mga ito pero ang trabahong ginagawa niya ay pang matanda na. Hindi s'ya marunong sumulat at kaunti lang ang kaya n'yang basahin dahil kahit kinse anyos na s'ya, ilang buwan lang s'yang nakapag aral. Ni hindi s'ya nakatapos ng isang taon sa eskwela dahil sa kakapusan sa pera at ayaw din ng mga magulang n'ya na mag-aral s'ya dahil gastos at malaking abala lang daw iyon. Ang dalawa n'yang Kuya ay nakatapos ng anim na taon sa elementarya pero tamad ang mga itong turuan s'ya kaya nagsasariling sikap na lamang s'ya para kahit papaano ay matutunan n'ya ang pagbasa at pagsulat. Minsan ay sumasama s'ya sa mga grupo na libreng tinuturuan ang mga batang tambay sa lansangan at doon ay may natututunan s'yang kaunti. Hindi n'ya nga lang matuloy-tuloy ang pagsali doon dahil palagi s'yang kailangan ng Nanay nila at marami din s'yang ginagawang gawaing bahay. Nang makarating sa bahay ay nadatnan n'ya ang Ama na nag iinuman sa tapat ng bahay nila kasama ang panganay na kapatid. Ang pangalawang kapatid na lalaki naman niya ay natutulog sa sala, galing ito sa galaan kasama ang barkada at umaga na kung umuwi parati. Agad na dumeretso s'ya sa kusina para magsaing. Hinugasan n'ya na rin ang mga pinggan na nakakalat sa lababo dahil wala namang magkukusang hugasan iyon, sa huli ay sa kanya din iuutos ng Nanay nila ang pagliligpit doon kaya't inunahan n'ya na. Habang inaantay na maluto ang sinaing ay nagligpit muna s'ya ng mga kalat na iniwan sa sala. Ang mga damit at mga bote ng alak na nagsilbing palamuti ng tahanan dahil halos araw-araw ay naroon ang mga ito. Nang matapos ay saka lang s'ya umupo sa silya para magpahinga. Gusto na n'yang ipikit ang mga mata dahil pagod na ang katawan n'ya at namamanhid na din ang balikat n'ya dahil sa ilang ulit na pagbubuhat ng dalawang mabigat na balde pero hindi pwede dahil kailangan n'ya pang bumalik sa Nanay n'ya para tulungan itong magsampay. “Ven, may sinaing na ba?” maya-maya ay sigaw ng Kuya niya na si Vanz nang magising ito. “Opo. ” sagot n'ya nang makitang luto na ang kanin. Agad na sumandok ng kanin ang Kuya Vanz n'ya at naglagay ng toyo't mantika rito upang magsilbing ulam. Mukhang wala silang matinong ulam na kakainin mamaya dahil nasa inuman ang kanilang Tatay at paniguradong nagastos na nito ang pambili sana nila ng ulam. Bumalik si Heaven sa kinaroonan ng Ina at saktong nagsasampay na ito. Ilang minuto lang ay natapos na nila ang pagsasampay kaya't sa loob loob n'ya ay masaya s'ya dahil makakapag pahinga na s'ya. Nang makauwi sa bahay ay agad n'yang tinapos ang pagkain sa kanin na may toyo't mantika at pumasok na sa sariling silid. Kinuha n'ya ang alkansya at inihulog doon ang 50 pesos na bigay sa kanya ng Nanay Belen n'ya dahil sa pagtulong n'ya rito. Natutuwa s'ya dahil kahit papaano ay binibigyan s'ya nito ng pera sa t'wing isasama s'ya nito sa raket dahil makakaipon s'ya ng pambili ng libro. Gusto n'ya sanang mag aral sa susunod na pasukan kaya pagtitiisan n'ya ang pag iipon para may maipa-aral s'ya sa kanyang sarili. Matagal na rin siyang nag-iipon pero alam niyang hindi pa iyon sapat para tustusan ang kakailanganin niya sa pag-aaral kaya nagsusumikap siya at tinatanggap ang bawat raket na ibigay sa kanya. Malalim ang buntong hiningang kanyang pinakawalan at padapang humiga sa kamang may kalumaan na at malapit na ring bumigay. Balang araw ay giginhawa din ang buhay n'ya, 'yan ang laging nasa isipan n'ya bago ipikit nang tuluyan ang mga mata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD