"Gusto mong pumasok?" alanganing sabi ko sa kaniya. Mahigpit kong hawak ang bag ko na parang doon ako kumukuha nang lakas ng loob. Pababa na sana siya ng kotse nang natitigilang tumingin sa akin.
"Sigurado ka?" Yumuko pa siya para silipin ang bahay na nasa gilid namin.
Sa halos isang buwan naming paglabas-labas, hindi ko siya pinapasok minsan man sa loob niyon. Tanging sa labas lang kami nagkikita. E, hindi naman kasi kami.
Subalit, naganap na kanina ang matagal ko nang inaasam-asam. Nagtapat siya sa akin sa harap mismo ng madlang pipol habang iniaalay ang kaniyang huling kanta ngayong gabi. Alam kong marami ang nais akong ilibing ng kanilang matatalim na tingin. Sa akin ba naman nag-I love you ang kanilang iniidolo?
At ngayong kami na, siyempre sinagot ko rin siya sa harap ng mga lumuluhang fans, nais kong iparamdam na may tiwala ako sa kaniya.
Marahan akong tumango bago mabilis siyang umibis ng sasakyan. Nakangiting inalalayan niya akong bumaba at magkahawak-kamay naming tinungo ang gate.
Mag-isa na lang akong namumuhay. Namatay ang aking magulang at bunsong kapatid sa isang aksidente. Pinilit kong mamuhay kahit pa hirap na hirap ako. At napatunayan kong kaya ko nga.
Pinaupo ko muna siya sa sofa at sinabihang magpapalit lang ako ng damit. Makahulugan ang ngiting iniwan ko sa kaniya bago pumasok sa loob ng aking silid. Hindi ko ini-lock ang pinto para makuha niya ang nais kong iparating.
Nang makapasok sa loob, agad kong binuksan ang speaker at ipinatong dito ang aking Iphone. Hinanap ang paborito kong kanta at nakangiting pinindot ang play.
Sinimulan ko nang hubarin ang aking pantaas habang pumapailanlang ang malamyos na tugtog. Mayamaya pa ay naramdaman ko nang pumasok na siya. Hindi ako lumingon bagkus ay hinintay kung ano man ang maaari niyang gawin. Naramdaman ko na lamang na niyakap niya ako mula sa likuran. Napapikit ako sa sensasyong nadama bago namumungay ang matang humarap sa kaniya.
"Mahal na mahal kita, Yanna." saad niyang madamdaming nakatingin sa akin.
Hubad-baro na siya na agad akong siniil nang halik na siyang nagpahiga sa amin sa kama. Paulit-ulit niyang sinasambit na mahal na mahal niya ako. Masarap pakinggan ang bawat kataga niya na sumasabay sa pag-indayog ng aming katawan.
Nang simulan niya akong halikan pababa, agad kong kinapa ang itinatago ko sa ilalim ng aking unan. Nakangising hinawakan ko ito nang mahigpit at walang pag-aalinlangan na inundayan ko siya nang saksak sa may batok. Napaigik siya sa sakit pagkatapos na agad kong bunutin ang kutsilyo.
Sapo niya ang nasaktang batok habang unti-unting napapahandusay sa sahig. Mabilis akong bumangon at tuwang-tuwang nilapitan siya para pagsasaksakin ng walang humpay. Nagtatanong ang kaniyang mga mata habang nakatingin sa akin.
Bakit?
Damang-dama ko ang bawat pag-ulos nang mahabang kutsilyo sa kaniyang katawan lalo pa at sumasabay sa paligid ang paborito kong kanta. Pinipilit niyang manlaban subalit napakarami ng dugo ang tumagas sa kaniya. Tuluyan ko nang sinaksak ang kaniyang leeg para manahimik na siyang tuluyan.
jhavril---