Simula noon ay halos araw-araw na kaming magka-text. Minsan, kapag wala siyang gig, lumalabas kami. Kung saan-saan lang kami nagpupunta. Madalas sa park, habang may bitbit siyang gitara at kakantahan ako. Kahit anong gusto kong kanta, kakantahin niya. Na habang ako e, nakatitig lang sa mukha niya at nakikinig.
"Anong gusto mong kanta?" Napalingon ako sa kaniya mula sa mga nilalabas kong pagkain. Ibinaba ko muna ang plastic container na kinalalagyan ng adobo bago pakunwaring nag-isip.
Umupo naman siya malapit sa akin. Nasamyo ko na naman ang nagiging pamilyar na niyang amoy.
"Sus, kunwari pang nag-iisip e, isang kanta lang naman ang nire-request mo." Nakangiting nagsimula siyang tumipa sa kaniyang gitara. Kinikilig namang pinakinggan ko ang Sa Aking Puso na ginawan na rin niya ng cover sa Youtube. Totoo, ito ang kantang pinakapaborito ko sa lahat. At para sa kaniya lang iyon, tanging sa kaniya lang.
"Ikaw ang laging hanap-hanap sa gabi't araw
Ikaw ang nais kong sa tuwina ay natatanaw
Ikaw ang buhay at pag-ibig
Wala na ngang iba
Sa 'king puso'y tunay kang nag-iisa"
Ang saya-saya ko kapag kasama ko siya. Nais kong tumigil ang oras para mas matagal ko pa siyang makapiling. Kahit pa wala pa siyang sinasabi, kahit pa wala pa kaming label na matatawag. Darating din kami roon.
Tiwala lang.
***
"Hoy, girl! Kainis ka, ha? Boyfriend mo pala si Jaden Lao? Magkuwento ka naman, kailan pa?" Tumabi sa akin ang baklang si Harry. Hinawakan niya pa ang braso ko at inuga-uga. Namali tuloy ang itina-type ko sa computer.
"Bakla ka! Huwag ka ngang maingay, nasa loob lang si boss," mahina pero madiin kong sabi. Inginuso ko pa ang opisina nang masungit at matandang dalaga naming boss. Isa akong secretary sa isang engineering firm. Dati akong nurse sa isang pampublikong hospital. Dahil sa isang pangyayari, nag-resign ako at nag-aplay rito dalawang taon na ang nakakalipas. At ang bakla namang ito e, isang engineer.
"Okay lang iyon. Lumabas sila at narinig kong hindi na babalik. Hindi mo napansin kasi busy-busy-han ka diyan. Ano, magkuwento ka na dali! Malaki ba?" Napangiwi ako sa sinabi ng baklang ito. Kahit kailan talaga hindi napipigilan ang bunganga nito.
Kinuha ko muna ang cellphone kong nasa drawer lang at tsinek kung may text ba siya o tawag kaya. Limang text messages at dalawang missed call ang nakita ko. Lahat galing sa kaniya.
"Malaki ang alin?" nagsimula na akong mag-reply sa kaniya. Alas quatro y media na pala. Naghahanda na marahil ito para sa gig mamya.
"Sus, pa-girl pa ba, 'te? Siyempre 'yong ano niya... malaki ba?" Bahagya niya pang inilapit ang mukha sa akin. Nanlaki ang mga mata ko nang maisip kung ano ang ibig sabihin ng baklang ito.
"Hoy, mahiya ka nga! Virgin pa ako." Nanghihilakbot na itinulak ko pa siya palayo sa akin bago itinuloy ang pag-reply sa text ni Jaden.
"Hala ka! Hindi ko tinatanong kung virgin ka pa. Ang sabi ko, malaki ba ang pag-asa niya sa matamis mong oo. Kaloka!" sabay tawa nito nang malakas.
Hinampas ko siya sa balikat sa inis. Alam ko naman hindi iyon ang nais niyang sabihin.
"Ikaw rin. Kung ako sa 'yo bilis-bilisan mo na. Maraming may gustong masungkit 'yang yummy na si papa Jaden. Bahala ka, maunahan ka pa ng iba. Gaya ko!" At tumayo na ito at pakendeng pang naglakad palayo.
Napaismid naman ako sa tinuran niya, pero napag-isip din naman. Mabilis kong binura ang ise-send ko sana sa kaniyang text. Bago nakangiting nag-type muli ng bago.
Baka nga maunahan pa ako ng iba.
It's now or never!
jhavril---