Chapter 3: Mga Anino sa Tinta

1465 Words
Mayroong matinis na tunog siyang naririnig sa kanyang isipan nang umagang iyon. Nakapikit lamang si Daniel habang nakakunot ang noo. Hinilot niya ang kanyang sintido at saka binuksan ang kanyang mga mata. Uminom nang kaunti sa tasa ng kape at saka inilapat ang mga kamay sa typewriter na kanyang kaharap. "Ano? Saan? Paano?..." bulong niya sa kanyang sarili. Hindi niya marahil maimulat ang kaisipan sa paunang salita na kanyang ilalagay sa papel ni hindi niya alam kung anong klaseng kwento ang kanyang isusulat. Naghintay siya ng ilang segundo at nang handa na siyang pindutin ang typewriter na iyon ay saka naman tumunog ang kanyang cellphone. Dali-dali siyang tumayo at nagtungo sa kanyang kama kung saan nakapatong ang kanyang cellphone. "Sir Marco?" "Oh, gising ka na pala. Kumusta naman ang tulog mo r'yan?" tanong ng kanyang editor. "Ayos lang naman ho. Siguro namamahay lang, sir, pero okay naman lahat," sagot naman ni Daniel. Tumayo siya at naglakad patungo sa bintana. "Eh pasensya ka na. Sabi ko nga babalik ako ng umaga 'di ba? Nagka-emergency ako ngayon, eh. May mga kailangan akong asikasuhin sa publishing," wika ng lalaki. "S-sir? Eh okay lang naman ho. Eh kailan ho ang balik nyo?" wika ni Daniel na may halong pag-aalala. "Eh, 'wag kang mag-alala. Kapag naayos ko na yung mga problema sa publishing saka ako babalik. Siguro mga isang linggo rin," sagot ng lalaki. "Eh, sige po, sir. Wala naman akong magagawa," sagot na lamang ni Daniel, halatang nag-aalala ngunit sinusubukang pakalmahin ang sarili. "Asikasong-asikaso ka naman dyan nila Jojo. Tsaka pwede mo naman akong tawagan kahit kailan. Eh, sadyang marami lang gagawin. Nami-miss ka na nga nila doon. Tinatanong ako lagi kung kailan daw ba ilalabas ang bago mong libro." "Saktong-sakto nga po, sisimulan ko na nga hong magsulat ngayon, eh," sagot ni Daniel. "Ayan! 'yan ang gusto ko. O pano? Baka nakakaabala na ako sa'yo." "Di naman po, sir Marco," sagot ni Daniel. "Eh, sige, basta ang payo ko ah. Isulat mo lang lahat ng iniisip mo. Just like the old days 'di ba? Napakadali lang sa'yo nyan!" wika ni Marco. "Sige sir! Makakaasa po kayo." "Kung medyo naiinip ka eh lumabas-labas ka. 'Wag ka lang lalayo masyado at baka mapa'no ka dyan," bilin ng lalaki. "Sige po, sir Marco. Salamat po!" sagot ni Daniel bago patayin ang tawag sa cellphone. Umupo siyang muli sa harap ng kanyang typewriter at muling tumitig sa tila napakalawak na kawalan ng puting papel sa kanyang harapan. Inisip niyang Mabuti kung ano nga ba ang dapat na titulo ng kanyang isusulat at kung ano ang tema ng kwentong iyon. 'The Unknown' Napangisi siya nang i-type ang mga letrang iyon ngunit dahil wala siyang maisip ay iyon na lamang ang kanyang nilagay. 'By D.N.Regalla' Sunod niyang inilagay ang kanyang pen name sa unang pahina ng papel. Tinanggal niya ang papel at kumuha ng panibago. ...ngunit ang pag-ibig na nabibilang lamang sa iilan ay akin nang nasisilayan sa aking harapan. Hindi ko alintana ang ingay ng mga tao sa paligid. Sa aking pakikinig sa kanyang natatanging tinig ay iminulat ko ang aking mga mata...sa unang pagkakataon...muli...iminulat ko ang aking mga mata, sa napakadilim na gabi, sa wakas...nakita ko rin siya. Napatigil siya nang maisulat ang mga katagang iyon, napangiti siya at napailing. Sa ilang minutong pagtitig lamang sa papel ay tila ba nagkaroon ng sariling buhay ang kanyang mga daliri. Ngunit alam niya sa pagkakataong iyon na hindi pa niya dapat ilabas ang mga salitang iyon sa kanyang kwento. Tinanggal niya ang papel, inilapag sa gilid ng kanyang mesa at muling naglagay ng panibago. Sa pangalang ibinigay ay walang inireklamo. May masasabi ba ako kung sa ganoong pagkakataon ay ipinanganak ako sa gitna ng kaguluhan, sa gitna ng karahasan, sa pagbaksak ng rehimen na kanilang kinasusuklaman at sa pagbubukas ng panibagong yugto. Ni wala akong nasambit, marahil ang ginagawa ko lamang ng mga panahong iyon ay umiyak, huminga, magutom,, damdamin kung ano ang nasa paligid...iyon lamang ang magagawa ko. Ako ito, Danilo ang aking pangalan. Ito ang aking kuwento, ito ang aking kuwento kung paano ako nabuhay...at kung paano ko siya nakilala. Naniwalang kahit sa mundo ng anino ay nagkaroon pa rin ng liwanag sa aking buhay...kahit papaano... Ipinagpatuloy niya ang kanyang pagsusulat hanggang siya ay nauhaw. Kinuha niya ang tasa ng kape sa kanyang tabi ngunit nang iinumin niya na ang laman nito ay tila patak na lamang ang lumabas. Inilapag niya itong muli sa mesa at huminga nang malalim. Muling sumakit ang kanyang ulo, hinilot niyang muli ang kanyang sintido ngunit kasabay ng paghilot na iyon ay lumitaw muli ang kakaibang pangitain sa kanyang isipan. Ang babaeng nagsusuklay na nakita niya sa bintanang iyon. Ngumiti ang babaeng iyon sa kanya. Sa gulat ay napatayo siya, natumba ang upuan sa sahig, mabilis ang t***k ng kanyang puso at tila naghahabol siya ng hininga. "Buwisit!" bulong na lamang niya nang itayo ang upuan. Kinapa niya ang kanyang bulsa. May pakete ng yosi doon, tinaktak niya ito ngunit wala na itong laman. Saka naman bumukas ang pinto sa kanyang likuran. "Sir? Ayos lang po ba kayo?" tanong ng babaeng katiwala na si Susan. "Ayos lang, pasensya na..." "Narinig ko po kasi ang ingay sa baba," wikang muli ng babae. "Ah, oo. Natabig ko lang yung upuan. Sorry," sagot naman ni Daniel. "K-kung may kailangan po kayo sir baba na lang po kayo, ah?" sambit ng katiwala. Tumango na lamang si Daniel ngunit nakakunot ang kanyang noo. Mas nararamdaman niya ang pagpintig ng ugat sa kanyang ulo. Sa pagsara ng pinto ay dahan-dahan namang naupo si Daniel. Nilukot niya sa kanyang kamay ang pakete ng yosi at inilapag iyon sa pinggan na wala nang laman. Tumingin siya sa labas at sa kanyang pangitain ay nakikita niya pa rin ang kanyang sarili nang una siyang sumilay sa bintanang iyon. Unti-unti ay naglalaho ang kanyang imahe. Nakita niya ang isang kakaibang ibon na nakadapo sa sanga ng puno na nasa harap ng bintana. Tumayo siyang muli at binuksan ang salamin na bintana upang damhin ang hangin sa labas. Sabay naman ang paglipad ng ibon na iyon papalayo. Sinundan na lamang ni Daniel ng tingin ang ibon na iyon hanggang sa makita niya ang nagniningning na tubig ng karagatan sa di kalayuan. Napangiti siya. ________________________________ "Ay! Sir!" wika ni Susan nang makitang nakatayo na si Daniel sa pinto ng kusina. Sa pagkagulat ay napapitik pa ang pareho niyang balikat habang hawak ang dalang tray na naglalaman ng malamig na tubig. "Ayos ka lang ba?" tanong ni Daniel. "Eh opo, nagulat lang po," sagot ng babae. Napaiwas siya ng tingin kay Daniel at inilapag na lamang sa lababo ang tray. "Sorry naman," natatawang sambit ng binata. "Okay lang po, sir." "Para sa akin ba 'yan?" tanong ni Daniel. "Opo, sir. Dadalhin ko sana sa taas eh, baka po kailangan niyo," sagot naman ni Susan. Tumingin-tingin si Daniel sa paligid, tila ba may hinahanap ang kanyang mga mata. "Wala ba si Mang Jojo?" "Nasa bayan po, namili po ng pang-ulam na lulutuin," sagot ng babae. Tumingin sa kanyang mga mata si Daniel ngunit umiwas naman ng tingin ang babae. "A-ah, sige po, sir. Maglilinis lang po ako," wika ng babae. Dali-dali siyang naglakad palabas ng kusina. Napatingin naman si Daniel, nagtataka siya sa inaasta nito. Kinuha niya na lamang ang baso at ininom ang tubig na laman nito. Inilapag niya ang baso ngunit sa kanyang paglapag ay hindi niya napansin ang dugong sumasayaw sa malamig na likido. "May hindi ako naisabay kasi na ipabili eh, may tindahan ba sa malapit?" tanong ni Daniel. Kasalukuyan namang nagwawalis sa sala si Susan. Hindi siya tumingin ngunit sinagot niya ang tanong ng binata. "K-kung gusto niyo, sir ako na lang ang bibili," wika niya. Hindi pa rin niya tiningnan ang binata. "Sige ako na lang siguro. Maglalakd-lakad na lang muna ako," wika ng binata. Akma na niyang bubuksan ang pinto ngunit kinapitan siya ng babae. "Ay, sir!" wika ni Susan. Agad tumingin ang binata sa kanya. Gulat naman ang ekspresyon ni Susan habang tinitingnan ang kanyang mukha. "S-sir dumudugo po ang ilong niyo..."wika niya. Agad namang kinuha ni Daniel ang pamunas sa kanyang bulsa at pinahid ang dugo mula sa kanyang ilong. Pinagmasdan niya ang puting panyo na iyon na nababahiran ng dugo. Napalunok siya nang kaunti at muling ipinahid ang panyo. "Ayos lang po ba kayo?" tanong ni Susan. Muling tinitigan ni Daniel ang dugo sa kanyang panyo. Iba ang kanyang nakita, nakita niya ang dugo sa kanyang mga kamay na biglang naglapat sa kanyang mukha. Sa pagkagulat ay nahatak niya ang kanyang braso mula sa pagkakakapit ng babae. "S-sir?" "A-ayos lang ako," wika ni Daniel. Sa pagkairita ay napakunot siya ng noo at tuluyan nang lumabas ng bahay na iyon. Sumabog ang liwanag ng araw na tila lalong nagpasakit ng kanyang ulo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD