Sa pagsabog ng liwanag ay nakita nya ang lahat, hindi niya maatim tingnan ang liwanag ngunit ang nasisinagan nito ay tila nagiging isang masayang larawan na ipinipinta mismo sa kanyang harapan. Hindi magustuhan ang nararamdaman ay pinilit niyang maglakad palayo sa bahay na iyon.
Kinuha niyang muli ang panyo sa bulsa at ipinahid iyon sa kanyang ilong, wala nang bagong bakas ng dugo ngunit nararamdaman niya pa rin ang pagpintig ng ugat sa kanyang ulo.
"Lintik na tindahan 'yan...saan ba kasi meron?" bulong niya. Lumingon siya sa kanyang pinanggalingan at nakikita niya mula sa malayo ang babaeng katiwala ng bahay. Nakatayo lamang siya sa harap ng pinto habang hawak ang kanyang walis. Mababanaag sa kanyang mukha ang labis na pag-aala ngunit may iba pa siyang nakikita sa mga mata nito. Takot.
Napapikit siya sandali at tila nilaro nang di sinasadya ang kanyang mga mata dahil sa liwanag ng araw.
"Ano bang nangyayari dito?" bulong niya sa kanyang sarili.
"M-magandang umaga po," nakangiting bati ng kanyang nakasalubong na ginang. May dala itong isang bayong na naglalaman ng gulay at iba pa niyang pinamili.
Ngumiti na lamang si Daniel pabalik. Iba naman ang titig ng ginang na iyon. Nakatitig siya na para bang inosente at sinusubukang maging normal. Nahihiya nang kaunti marahil kaya't ipinagpatuloy ang kanyang paglalakad.
Nagpatuloy siya sa paglalakad patungo sa pangpang. May mga bahay sa gilid at sinisipat niya ang mga taong naroroon. Nakatingin lamang ang mga kababaihan sa isang banda, nagbulungan at ang iba pa ay akmang maglalakad palayo. Ang iba naman ay titingin sa kanya mula sa loob ng kanilang tahanan at bahagyang isasara ang pinto at ang kanilang mga bintana.
"Boss, may tindahan ba ritong malapit?" tanong ni Daniel. Isang lalaki na may edad na ang kanyang pinagtanungan. Payat ang kanyang pangangatawan ngunit makikita pa rin sa kanyang tindig ang pagiging malakas. Nakasuot siya ng sumbrerong gawa sa dayami at kasalukuyan niyang bitbit ang pangtabas ng d**o. Tumitig naman ang lalaking iyon at tiningnan siya mula paa hanggang ulo.
"Tingnan mo d'yan, maglakad-lakad ka lang," matipid na sagot ng lalaki.
"S-sige ho, salamat ho," sagot ni Daniel.
Agad naglakad palayo si Daniel. Kakaiba ang titig ng lalaking iyon sa kanya na tila naninindak ngunit kalmado lamang. Lumingon siyang muli sa kanyang likuran upang tunghayan ang matanda. Nakatayo lamang ang matandang iyon habang nakatitig sa kanya nang matalim at hawak ang dala nitong matulis na pangtabas ng d**o.
Sa pagpapatuloy ay isang maliit na tindahan ang nakita ng binata. Nagmamadali namang umalis ang isang babae na kakabili lamang.
"Pabili ho," wika ni Daniel.
"Ano ho iyon?" tanong ng tindera. Tumingin siya sa binata ngunit nang makita siya ay tila hindi na siya makatingin nang diretso sa binata.
"May yosi ho kayo?" tanong ni Daniel.
"M-meron ho."
"Isang pack, malboro," sagot ni Daniel.
Agad namang nagbigay ang babae ng isang pakete ng sigarilyo. Tinanggal ni Daniel ang balot nito at saka kumuha ng isang piraso. Kakapain niya sana ang kanyang bulsa ngunit hindi niya na iyon ginawa pa. Alam niya sa sarili niyang hindi niya dala ang lighter na binigay sa kanya ng kanyang editor.
"May panindi po?" tanong ni Daniel.
Kinuha ng babae ang isang lighter at sinubukan iyong sindihan. Hindi iyon sumisindi. Ilang segundo ring naghintay si Daniel upang masindihan ang yosi sa kanyang bibig. Sa inis ay kinuha niya ang kamay ng babae at piniga iyon nang mariin. Sumindi iyon at nang magliyab na ang dulo ng kanyang sigarilyo ay saka niya ito binitawan. Nanginginig namang hinatak ng babae ang kanyang kamay. Tinitigan ni Daniel nang masama ang babaeng iyon at saka naglakad palayo.
Mainit ang kanyang ulo at siya'y nakakaramdam ng pagkairita. Muling sumakit ang kanyang sintido. Hinilot niya iyon nang bahagya at saka hinithit ang yosi na kanyang hawak. Hinithit niya iyon na tila pinupuno ng usok ang kanyang baga.
"Sir," wika ng isang mangingisda na bumati sa kanya habang hawak ang kanyang isdang huli.
Napatingin si Daniel sa kanya at pinilit na ngumiti. Nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang sa malapit na siya sa pangpang. Ang iba pang mangingisda ay napatingin sa kanya. Nag-alisan ang iba at isa lamang ang natira.
"Iba ho ang mga tao dito, ano? Ilag sila pag may bisita," wika ni Daniel.
Napatingin naman ang mangingisdang iyon sa kanya. Kasalukuyan niyang inaayos ang kanyang lambat at tila hinahango ito mula sa pagkakabuhol sa bangka.
"A-ahh. Ikaw yung nasa puting resort, ano?" tanong ng mangingisda. Tila nabuhayan naman ng loob si Daniel dahil sa pag-asa niyang may matino rin siyang makakausap sa lugar na iyon.
"Opo, rest house ni sir Marco," wika ni Daniel. Pinagpatuloy niya ang paghithit ng yosi hanggang sa naging maliit na lamang ito.
"Pagpasensyahan mo na ang mga tao rito, ganyan talaga pag may dayo," wika ng mangingisda. Kinakausap niya ang binata ngunit hindi rin siya tumitingin sa kanya nang diretso. Pilit niyang tinatanggal ang mga nagbuhol na tali ng lambat sa kanyang bangka.
"Sayang naman ho ang ganda ng lugar na 'to kung hindi nila iwe-welcome ang mga tao," wika ni Daniel.
"Pili lang ang pinakikitunguhan ng mga tao dito. Hindi rin naman masyadong dinadayo ng mga turista ang lugar na 'to. Kung minsan eh, sila na lang din ang lumilipat ng lugar, dahil hindi nila gusto ang pakitungo ng mga tao," kwento ng mangingisda.
"Buti pa ho kayo, manong,"bulong ni Daniel.
"Ano kamo?"
"Ang sabi ko ho, buti pa po kayo, nakikipag-usap sa akin," wika ng binata. Napangisi na lamang ang lalaki na kanyang kausap.
"Ano ho palang pangalan nyo manong?"
"Tonyo..." matipid na sagot ng mangingisda. Halata na sa kanya ang hirap sa pagsalansan ng kanyang lambat na naipit sa loob ng bangka.
"Wala naman ho sigurong mga aswang o maligno rito sa lugar n'yo, ano ho?" tanong ni Daniel habang natatawa.
"Hindi natin alam, may ibang naniniwala, mayroon ding hindi. Eh, ikaw naniniwala ka ba?" tanong ng mangingisda. Napatingin siya sa binata ngunit umiwas din siya agad nang tingin. Nabitawan naman ni Daniel ang hawak na yosi dahil sa init na umabot na sa pwet ng sigarilyo nito.
"s**t," bulong ni Daniel. Napailing naman ang mangingisda habang alanganing napapangiti at nahihirapan sa pagsalansan ng kanyang lambat.
"Eh mang Tonyo, tulungan ko na ho kayo."
"Nako, wag na. Madudumihan ka pa," sagot naman ng lalaki.
"Sige, ayos lang ho 'yan," wika ni Daniel.
"'Wag na sabi," wika ng mangingisda.
Kinuha ni Daniel ang gilid ng nakasalansan na lambat. Sa inis ng mangingisda ay hinatak nya nang matindi ang lambat hanggang sa maputol iyon. Saglit lamang na nakahawak si Daniel sa lambat na iyon at agad niya rin itong binitawan. Nagulat siya sa naging reaksyon ng mangingisda.
"Sabi nang wag na, eh. Kaya ko 'to," wika ng mangingisda. Nakuha niya nga ang kanyang lambat ngunit napansin naman ni Daniel ang napunit na parte nito na nakakabit pa sa bangka.
"Tumutulong lang naman ho. Pasensya na," wika ni Daniel.
"Kung ako sa'yo, tulungan mo na lang ang sarili mo. Hindi mo alam kung anong pwedeng mangyari sa'yo dito. Hindi ka rin pwedeng magtiwala at makipag-usap sa kung sino-sino lang d'yan, baka bukas, eh...hindi natin alam," wika ng lalaki. Tila napakunot naman ng noo si Daniel at napalunok ng kaunting laway. Di niya mawari kung pagbabanta ba ang sinabi ng kanyang kausap o isang babala.
Kinuha ng mangingisda ang kanyang lambat at ang kanyang mga huling isda at tuluyang naglakad nang hindi nagpapaalam. Naiwan lamang si Daniel sa pangpang na nakatitig sa kanya at palayo. Pilit niyang iniintindi ang totoong kahulugan ng mga salitang iniwan sa kanya ng lalaking iyon.
Muli siyang tumingin sa bangka ng lalaki, tinititigan niya ang lambat na napunit at naipit pa rin dito at saka niya tiningnan ang kabuuan nito. Nakita niya ang pangalan na nakapintura sa gilid ng bangka. 'Agua Kosing.'