Chapter 5: Pagdududa

954 Words
Magulo ang isip at tila may pait sa kanyang panlasa, naglalapat ang kanyang mga tingin sa bawat silay ng mga tao na kanyang nakakasalubong. Tila ang lahat ay ilag at may inililihim sa kanya. Ang mga tingin na minsang nakakasunog, nakakatakot at nagbibigay sa kanya ng malalim na pag-aalala ay unti-unting bumabaon sa kanyang isipan. Nagmadali siyang maglakd papasok ng puting bahay at tila hinihingal pa nang isara niya ang pinto. "Oh, nakabalik ka na pala, idol," wika ni Jojo na sa pagkakataong iyon ay inilalabas ang kanyang mga pinamiling gulay, prutas at iba pa mula sa palengke. Hindi iyon pinansin ni Daniel. Dali-dali siyang umakyat ng hagdan upang magtungo sa kanyang kwarto. Pagtataka naman ang maaaninag sa mukha ni Mang Jojo. Sinundan niya lamang ng tingin ang binata hanggang sa makapasok ito sa kanyang kwarto. Nang makapasok ay nakita niyang malinis na ang kanyang kwarto. Ang gusot na kumot ay maayos na nakatabing sa kanyang kama at sa ulunan nito ay nakapatong ang unan. Ang mga papel sa mesa ay nakasalansan nang maayos sa tabi ng typewriter at sa kabilang tabi nito ay maayos na nakapatong ang flower vase na mayroong bulaklak na sunflower. Nakahiwalay ang tabing na kurtina ng bintana na nagpapaliwanag sa buong kwarto ngunit tila sakit lamang ng ulo ang kanyang nararamdaman dahil sa liwanag na nakikita. "Tang ina..." bulong niya. Hindi niya mapigilan ang panggigigil nguit sa hindi maipaliwanag na dahilan. Nanginginig ang kanyang mga kamay nang lapitan niya ang mesa at galugarin ang loob ng drawer nito. Miski ang wala nang laman na ash tray ay itinaas niya na para bang may hinahanap. Binuksan niya ang cabinet na malapit sa kanyang kama ngunit wala roon ang kanyang hinahanap. Mga damit lamang na nakasabit nang maayos sa hanger ang naroon at mga ilang nakatuping damit. Ang mga gamit pati ang kanyang bag ay nasa ibaba. Hindi siya sanay sa ganoong klaseng ayos ng kwarto. Iniwan niya iyong magulo at puno ng kalat dahil sa nilamukos na mga papel at ilang upos ng sigarilyo. Pinaghahablot niya ang mga damit na iyon mula sa hanger hanggang sa magkabali-bali ang mga ito. Maging ang kumot na maayos na nakasapin sa kanyang kama ay kanyang tinanggal at hinagis iyon sa sahig. "Putang ina, nasa'n na ba 'yon?!" sigaw niya. Nagtungo siya sa banyo ng kwartong iyon, ganoon din ang kanyang natunghayan. Maayos na nakasalansan ang kanyang toothbrush, panghugas sa mukha maging ang kanyang twalya. Hinalungkat niya ang kabinet ngunit wala rin doon ang kanyang hinahanap. Muli siyang lumabas at dumapa upang tingnan kung nasa sulok at ilalim ba ang kanyang hinahanap. "PUTANG INA!" sigaw niyang muli. Lalong sumakit ang kanyang ulo at siya'y napapikit nang siya'y tumayo. Sa inis ay pinukpok niya ang kanyang ulo gamit ang kanyang kamay nang ilang beses. Tila iba naman ang kanyang nakita matapos ang ilang hampas. Nakita niyang duguan ang kanyang kamay at ang kwartong iyon ay tila namula sa kanyang paningin. "...hindi mo alam kung anong puwedeng mangyari sa'yo dito..." muling umalingawngaw sa kanyang isipan ang mga salitang iyon na sinabi sa kanya ng mangingisdang si Mang Tonyo. Tila lalong sumidhi ang kanyang inis at pagkairita. "...hindi ka puwedeng magtiwala sa kung sino-sino lang d'yan," muling sambit ng boses. "PUTANG INAAA! NASAAN NA 'YON!" sigaw niya. Nang imulat niya ang kanyang mga mata ay nawala na ang dugo sa kanyang mga kamay at paningin. Tanging inis na lamang ang kanyang nararamdaman. Napagdiskitahan niya ang kanyang kama at sa inis ay buong lakas niya iyong binuhat at itinaob. Bumalabag ang kamang iyon nang patagilid at dinig sa buong bahay ang ingay na ginawa nito. Dali-dali namang kumlabog ang hagdan dahil sa nagmamadaling mga paa. Agad binuksan ni Mang Jojo ang pinto at nakitang nakatapad sa mesa ang hinihingal na binata. Nakita niya ang gulong nangyari sa kwarto. Ang mga damit sa sahig, ang mga laman ng drawer at cabinet at ang nakatagilid na kama. "S-sir? Ano hong nangyari dito?" pag-aalangang tanong ni Mang Jojo. "Yung cellphone ko! Nasaan yung cellphone ko?! Sinong nagsabi sa inyo na galawin ang mga gamit ko?!" Nanginginig sa galit ang kanyang kalamnan at maging ang kanyang mga mata ay nanginginig at nanlilisik na nakatitig sa kanila. Napaluha naman si Susan sa takot kaya siya'y napaatras. "E-eh relax lang sir hahanapin natin 'yan. Hindi naman puwedeng..." "YUNG CELLPHONE KO, NASAAN NA!" Napailing na lamang si Mang Jojo. "Ikaw ang naglinis dito kanina, 'di ba? Nasaan na ang cellphone ni sir?" "NASAAN NA?!" bulyaw muli ni Daniel. Nanginginig namang kinuha ni Susan ang cellphone sa kanyang bulsa at inabot ito habang nakayuko at umiiyak. "P-pasensya na po sir...nakita ko po kasing nakalagay sa sahig ang cellphone niyo kanina kaya nung nilinis ko po..." "Nakapatong ang cellphone ko kanina sa mesa! Alam ko ang bawat detalye ng kwartong 'to at kung saan ko inilalagay ang mga gamit ko pati ang mga kalat!" Gigil na hinablot ni Daniel ang kanyang cellphone at tumalikod. "Sorry po sir...hindi ko na po ulit gagalawin ang mga gamit niyo," wika ni Susan habang umiiyak. "Sige na bumaba ka na roon. Ako na ang bahala dito," bulong ni Mang Jojo. Dali-dali namang bumaba ng hagdan si Susan habang umiiyak. Dahan-dahan namang pumasok ng kwarto si Mang Jojo upang ayusin ang kama na nakatagilid. Si Daniel naman ay tila hindi mapakali, iikot siya at maglalakad patungo sa banyo at sa bintana habang nagpipipindot sa kanyang cellphone. Humihinga siya nang malalim at pinapahupa ang kanyang inis. Kumuha siya ng isang stick ng yosi mula sa kanyang bulsa at sa loob ng drawer ay kinuha nya ang binigay na lighter ng kanyang editor at sinindihan ang kanyang natatanging bisyo. Palihim namang sumisilay si Mang Jojo sa kanyang ginagawa habang inaayos ang pwesto ng kama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD