"Hindi mo naman kailangang gawin 'yon Daniel. Puwede mo namang itanong sa kanila kung nasaan yung phone mo. Ano bang iniisip mo?" tanong ni Marco mula sa kabilang linya. Nakaupo lamang si Daniel sa kama habang hinihilamusan ang kanyang mukha gamit ang kanyang kamay. Si Mang Jojo naman ay hawak ang ilang piraso ng mga putol na hanger.
"S-sir, bababa ho muna ako," wika niya. Sumenyas naman si Daniel na puwede na syang umalis. Malungkot pa rin ang guhit sa kanyang mukha at tila dismayado.
"Nag-usap na tayo dyan 'di ba? Kung may kailangan ka magsabi ka lang sa kanila. Susundin ka naman ng mga 'yan," wika muli ni Marco. Umiling-iling naman si Daniel. Tinitigan niya si Mang Jojo habang dahan-dahang isinasara ang pinto ng kwarto.
"Sir...alam mo naman ako. Ayoko na ginagalaw ang mga gamit ko. Hindi ko alam kung saan ko hahanapin kapag kailangan ko na," sagot ni Daniel.
"Eh, pagpasensyahan mo na. Nakalimutan kong sabihan, eh. Ako na ang humihingi ng pasensya sa mga 'yan. Pero pambihira naman, Daniel. Hindi mo naman kailangang umasta ng gano'n. Ano bang nangyayari sa'yo?" tanong ni Marco. Hinihilot naman ni Daniel ang pagitan ng kanyang mga mata. Hindi siya sumagot.
"Kanina nagsumbong sa akin si Susan. Eh, may mga ingay daw dyan sa taas. Hindi niya alam kung anong nangyayari sa'yo. Dumudugo daw ang ilong mo. Magsabi ka nga. Ano bang nararamdaman mo? Masama ba ang pakiramdam mo?" tanong muli ni Marco. Kinuha naman ni Daniel ang panyo mula sa kanyang bulsa kung saan kumukulay ang kanyang dugo.
"Hindi ko alam, sir. Siguro sa klima lang. Pero madalas akong mairita, eh. Siguro...stress."
"Baka naninibago ka lang. Namamahay..."
"Hindi ko alam, sir. Kung ano-ano kasing nakikita ko dito. May nagpapakita sa akin, babae. Hindi ko alam kung anong gusto niya," sagot ni Daniel. Kinukusot niya ang kanyang mga mata at pagkatapos ay titingin sa bintana.
"Imposible 'yang sinasabi mo. Walang multo dyan Daniel. Aba! Pina-bless ko 'yan pagkatapos i-renovate tapos sasabihin mo lang na may multo?" natatawang sambit ni Marco.
"Eh, baka nakukulangan ka lang, pambihira 'tong batang 'to. Hayaan mo magpapadala ako ng babae d'yan," pagbibiro niya. Natawa naman nang kaunti si Daniel ngunit agad ring naging seryoso ang mukha.
"Pwera biro, sir. Iba talaga ang pakiramdam ko dito, eh. Pati mga tao..." wika ni Daniel. Tumingin muna siya sa pinto at saka tumayo.
"Anong ibig mong sabihin? Sila Jojo? Dyos ko...sa akin lang sumusunod ang mga 'yan. Pagkatiwalaan mo sila. Hindi masama ang mga taong 'yan."
"Hindi sir. Yung mga tao sa labas. Iba yung tingin nila sa'kin, eh. Iba yung pakiramdam ko. Parang may tinatago sila sa'kin. Hindi ko alam pero baka...may kulto dito o ano. Malay ko isang araw bigla na lang akong bitbitin ng mga tao dito tapos ialay sa kung ano," pag-aalala ni Daniel.
"Haha! Teka...teka, 'wag ka muna nga mag-isip ng ganyan. Kilala ko rin ang mga tao d'yan. Mainit sila tumanggap ng mga bisita. Ikaw talaga Daniel, oh. Kung ano-anong iniisip mo," sambit ni Marco.
"Pero sir..."
"Daniel. Makinig ka. Iwas-iwasan mo ang pag-iisip ng sobra. Yung temper mo. Dyan tayo nagkakaproblema, eh. Alam mo naman ang advice sa'yo ng doktor mo," wika ng lalaki. Napakamot naman ng sintido ang binata.
"Yun na nga sir, eh. Madalas din sumakit ang ulo ko ngayon. Migraine ko umaatake. Eh, hindi ba ako puwedeng makahingi ng gamot kay doktora Christine?" tanong ni Daniel. Ilang segundo namang hindi nakasagot ang kanyang kausap.
"Jusmiyo. Eh paano ko naman ipapadala 'yon? Ganito na lang. Sige susubukan kong tapusin ang mga ginagawa ko dito at nang makauwi ako agad diyan. 'Tong batang 'to...ang laki na eh, naho-home sick pa."
"Sir naman. Eh pasensya na rin ho. Siguro ako lang din 'to...baka nga naho-home sick na ako kaya kung ano-ano ang naiisip ko. Pero kung maaari lang din sana, sir, kung puwede kong makausap si Dok Christine. Baka mabigyan niya ako ng gamot tsaka ma-advice niya ako sa gagawin ko."
"'Yan na nga kasi. Kaya ka nga na'ndyan para kumalma. Alisin mo 'yang galit mo. Hindi 'yan makakatulong sa therapy mo," wika ni Marco.
"S-susubukan ko, sir," sagot ni Daniel.
"Anong susubukan? Gawin mo! Eh huwag kang mag-alala magpapabili ako kay Jojo ng gamot para sa sakit ng ulo mo."
"Salamat po, sir."
"At please naman...Daniel. Ako na ang nakikiusap. Tratuhin mong parang pamilya 'yan sila Jojo, mababait ang mga 'yan," paalala ng kanyang editor.
"Oo naman, sir...talagang sumabog lang po."
"Iwasan mo 'yan. Tandaan mo, ha...hindi libre ang pag-stay mo d'yan. Kailangang mabigyan mo ako ng magandang output...magandang storya. Nami-miss na ng mga fans mo ang mga kwento mo! Naghahanap sila ng bago," wika ni Marco.
"Hindi ko nga ho alam kung magiging maayos pa ang isusulat ko eh. Lost ako sa sinusulat ko, sir. Pero ginagawan ko naman ng paraan," sagot ng binata.
"Alam mo nami-miss na ng mga readers mo ang mga love story mo. Pero yung mga huling sulat mo ang talagang nagbigay ng impact sa kanila. Sinong mag-aakala na puwede palang paghaluin ang romance at thriller? Ikaw lang ang Nakagawa noon! Kahit nagbago ang istilo mo eh nagustuhan pa rin nila, kaya please lang. Do yourself a favor hijo. Help yourself naman. Kaya mo 'yan! Naniniwala akong kaya mong isulat 'yan at kaya mong maging best-selling author ulit...ha?" wika ng kanyang editor. Natahimik lamang si Daniel. Muli siyang umupo sa kama at tumingin sa bintana. May naglalarong muli sa kanyang isipan. Ang pagsusuklay ng babae na kanyang nakita sa bintanang iyon.
"Hindi ako makakapangako, sir. Pero gagawin ko ho...isusulat ko po kung ano ang gusto nilang mabasa," sagot ni Marco.
"Ayan! Ganyan nga...aasahan ko 'yan, ha?"
"Opo sir...nasimulan ko na naman, eh. Basta ho...kailangan kong makausap si Dok Christine. Itatanong ko lang kung anong magandang gamot sa ganito. Tsaka kung may pampakalma ba siyang maibibigay."
"Ay nako, huwag mo nang alalahanin. Ako na ang kakausap sa kanya. Tatawagan ko siya pagkatapos nito. Basta...focus!" wika ni Marco.
"Sige, sir...salamat po," sagot naman ni Daniel.
Pinatay niya ang tawag at muling tumingin sa bintana. Sumisilay sa labas ang papalubog na araw at kumakalat naman ang liwanag nito sa buong kwarto. Naglalaro ang mga imahe at anino ng mga dahoon ng puno sa loob ng kwartong iyon.