Chapter 16: Ang Misteryo sa Alon

1506 Words
Palinga-linga si Daniel sa kanyang kama habang tulog. Tumatagaktak ang pawis sa kanyang noo maging sa kanyang dibdib. Nakahubad siya nang gabing iyon habang nakakumot. Iba na naman ang kanyang nakikita niya sa kanyang panaginip. Umaalon ang lahat. Naroon pa rin siya sa loob ng pulang kwarto at naririnig pa rin niya ang lumang tugtugin na tila pangsayaw. Umaalon man ang lahat ay binuksan niya pa rin ang pinto upang matunghayan lamangang mga hagdan na tila naglalaro ang mga baytang. Sinubukan niya pa rin iyong babain. Sa kanyang panaginip ay tila wala siyang emosyon. Nakatulala lamang siya sa kawalan, hawak ang riles ng hagdan habang bumababa. Umaalon din ang tugtugin sa paligid ng namumulang paligid. Ang mga anino ng mga gamit ay unti-unting lumilinaw ngunit ang iba ay naglalaho naman at lumilipad. Nang makababa siya sa huling baytang ay isang mabilis na puting usok ang agad na yumakap sa kanya. Mulat na mulat ang babaeng iyon at nakangiti habang nakadikit ang pisngi nito sa kanya. "HYAAAAAAAAAAAAA!" sigaw ng puting usok na iyon na sinabayan pa ng matinis na tunog. Napabalikwas naman si Daniel mula sa kanyang pagkakatulog. Nanginginig pa ang kanyang mga kamay habang hinahawakan ang kanyang ulo. Umupo siya sa gilid ng kama at kinalmot nang bahagya ang kanyang binti. Marahil ay sinisigurado kung siya ay totoong gising na. Nang maramdaman niya ang sakit ay saka siya tumingin sa paligid. Kinapa niya rin ang kanyang kama at hinanap ang kanyang cellphone. Binuksan niya iyon at nakita ang oras: 2:15 AM. "Shit..." bulong niya. Ilang segundo matapos ang pagmumukmok ay tumayo siya upang magpunta sa banyo. Binuksan niya ang ilaw at siya ay tumayo sa harapan ng inidoro upang umihi. Matapos noon ay naghugas siya ng kamay. Mayroong salamin sa lababong iyon, nakatitig lamang siya dito at pinagmamasdan ang kanyang mukha. Napasimangot na lamang siya at napakunot ng noo. "Haay...sir. Ano ba kasing mayro'n dito sa lugar na 'to?" bulong ni Daniel. Matapos maghugas ng kamay ay sinunod naman niya ang kanyang mukha. Yumuko siya upang hugasan ang kanyang mukha ng tubig. Nang siya ay muling tumingin sa salamin ay laking gulat niya nang makita niya ang galit na imahe ng babae na nakita niya sa bintana. Agad siyang napaatras at napasandal sa pader. Sa isang kurap lang ay nawala naman agad ang imaheng iyon. Nanginginig siyang lumabas ng banyo at muling nagtungo sa kanyang higaan. Muli na naman niyang naririnig ang tahol ng aso mula sa bintana. "Tang ina, ano ba? Tigilan niyo na ako..." pagmamakaawa niya. Sa inis ay nagtalukbong na lamang siya ng kumot at inilagay ang unan sa kanyang ulo bilang pangtakip. Idiniin niy na lamang iyon upang hindi marinig ang pagtahol ng aso ngunit umaalingawngaw pa rin sa kanyang isipan ang bawat tahol na iyon na unti-unti ay nagiging kulog sa kanyang isipan. Naglalaho na lamang ito nang dahan-dahan habang siya ay muling nakakatulog. ______________________________      May mga bulong-bulungan sa kanyang isipan. Madilim ngunit naririnig niya sa paligid ang mga taong nag-uusap. Nasa kawalan siya pero ang liwanag ay nakikita niya sa dulo. Gumising siya, iminulatang kanyang mga mata at makikita niya ang tuluyang pagsikat ng araw mula sa kanyang bintana. Nagpatuloy naman ang mga usapan sa labas ng kwarto. Umupo siya sa kama...tumayo, nagpunta sa banyo, naghilamos at nagpunas ng tuwalya sa kanyang mukha. Dahan-dahan siyang lumabas ng kwarto. Hindi niya gustong makagawa ng kaunting ingay kaya't isinara niya rin ito nang dahan-dahan. May mga tao sa ibaba...sa sala. Mga mangingisda ang ilan sa mga ito at kausap nila si mang Jojo. "Sinabi ko naman sa inyo eh…kung ano-ano kasing paniniwala niyo. Edi nakita niyo rin kung saan galling,” wika ni mang Jojo. “Hindi pa rin puwedeng sabihin na wala lang ito, Jojo. Namatay yung balyena…walang mga kagat ng pating. May malaking sugat lang sa ulo!” paliwanag ng isa. Muli namang nakita ni Daniel ang kanyang sariling imahe, nakaputi at umaagos ang sariling dugo mula sa kanyang ulo. Napapikit na lamang siya. “Mga coast guard ang humila. Nasa pangpang. Hindi pa nga alam kung saan ililibing ‘yon, eh,” sambit naman ng isa pang mangingisda. “Eh, sige. Mainam na makita muna kung gaano kalaki para malaman kung saan natin ililibing,” sagot ni mang Jojo. Ininom muna niya ang natitirang kape bago ilapag ang tasa sa mesa at tumayo. Nang makaalis naman ang lahat ay saka lamang bumaba si Daniel. Hindi niya mapigilang usisain kung ano ang nangyayari sa dalampasigan kaya’t siya ay sumunod. Inayos niya ang kanyang buhok at isinuot ang tsinelas at saka naglakad. Sa malayo pa lang ay nakikita na niya ang pagkukumpulan ng mga tao nang umagang iyon. Naglakad pa siya nang kaunti at nakita niya ang malaking balyena na nakahiga sa buhangin. May Malaki itong sugat sa kanyang ulo at umaagos pa rin ang dugo mula rito. Makikita naman sa gilid ang mga naka-itim na unipormeng coast guard. Ang kanilang mga bangka ay nakadaong naman sa dalampasigan. “Ang laki,” wika ng isang lalaking tumatakbo patungo sa balyena. Naglakad pa rin papalapit si Daniel. Pumupunga-pungas pa at kinukusot ang kanyang mga mata habang papalapit sa dambuhalang hayop. Patuloy naman ang pagdagsa ng mga tao at tila dinadaanan lamang siya. “Busog tayo lahat kung kakarnehin ‘to,” pagbibiro ng isa habang papalapit din sa balyena. “Paalala lang po…’wag po tayo masyadong lalapit,” sigaw ng isa sa mga sundalo ng coast guard gamit ang megaphone. “Ang p******y o pagkuha po ng laman ng patay na hayop ay ipinagbabawal po,” dagdag pa niya. Hindi magkamayaw ang mga tao sa pag-uusisa. Namamangha sila sa kanilang nakikita. Ang iba naman ay takot pa rin ang nananaig. Mababanaag iyon sa kanilang mga mukha. Hindi na lumapit pa sa kumpulan ng mga tao si Daniel. Sapat nang makita niya kung ano ang kasalukuyang nangyayari. Tumigil na lamang siya sa kanyang pwesto sa di kalayuan habang tinititigan ang patay na balyenang iyon. “Paalala lang po ulit…lumayo po tayo sa patay na hayop. Baka kayo naman po ay magkasakit,” sambit ulit ng sundalo gamit ang megaphone. “Chief…paano naman namin ililibing ito? Ang laki nito, eh. Kapag nagtagal pa ‘to dito eh mabubulok ito,” tanong ni mang Jojo. “Pagtutulungan ho natin. Pero suhestyon po ng munisipyo ay dalhin muna sa mga kinauukulan para mapag-alaman kung ano ang kinamatay,” sagot ng sundalo. Tumango na lamang ang lalaki at muling pinagmasdan ang dambuhalang hayop. May babae sa tabi ni mang Jojo at tila nakikinig din sa kanilang usapan. Nakakapit pa ito sa braso niya. Noon una ay inisip niyang si Susan lamang ito ngunit napansin niya rin ang mahaba nitong buhok. Tinitigan niya ang babaeng nakatalikod, unti-unti itong humarap sa kanya at nagbigay ng nakakagimbal na ngiti. Napalunok na lamang ng kaunting laway si Daniel at kinusot ang kanyang mga mata. Kasabay naman ng pagdaan ng isang matandang babae sa kanyang harapan ay siya namang pagkawala nito. Hinanap niya ang babaeng iyon sa paligid ngunit agad siyang nawala. “Sige na po…wag na po tayong lalapit. Mamaya ay darating na rin po ang mga taga DENR para mag-imbestiga. Wala pong himala o kung ano man dito. Hindi po ito isang signos o babala…aksidente po ang nangyaring ito,” sambit muli ng sundalo na may hawak na megaphone matapos marinig ang ilang bulong-bulungan na isa nga itong masamang senyales. Natatawa na lamang ang ilang mga sundalo sa kanilang narinig. “Sir Daniel. Gising na po pala kayo,” wika ni mang Jojo nang siya ay lumapit sa kanya. “Paano ‘yan napadpad dito?” tanong ng binata. “Hinatak kanina ng mga mangingisda at coast guard. Eh, halos nasa pangpang na rin,” paliwanag ni mang Jojo. “Ano ho bang kinamatay?” tanong ng binata. “Sa itsura ng sugat niya eh parang tumama sabato, eh. Tingnan mo, oh…pero parang sinadya niya. Kasi kung aksidenteg tumama lang yan sa bato hindi naman ganyan kalala ‘yan. Tingnan mo, parang basag ang bungo,” paliwanag ni mang Jojo. Tinitigan naman nila ang sugat na iyon. Totoo ngang parang basag ang bungo ng balyenang iyon. Napailing na lamang si Daniel, tila kinikilabutan habang iniisip ang nangyari sa kawawang nilalang. “Eh, at least alam na ng mga tao kung saan galing and dugo.” “Kaso hindi mo naman masisisi ang mga taong ‘yan. Hanggang ngayon naniniwala pa rin sila sa mga signos…maligno…multo…aswang. Hindi pa kasi masyadong naabot ng sibilisasyon ang lugar na ito. Tingnan mo pinagtatawanan nga lang sila ng mga sundalo,” kwento ni mang Jojo. Nagsimula silang maglakad pabalik ng rest house. “Buti iba ho kayo sa kanila,” sambit ni Daniel. “Tagal ko ring nagtrabaho sa bayan. Kahit di ako nakapag-aral, eh marami akong natututunan sa mga tao roon,” paliwanag naman ng katiwala. “May dahilan kung bakit nangyayari ang mga bagay-bagay…minsan kailangan lang natin hanapin at hintayin…lalabas din ‘yan. Tingnan mo,” wika ni mang Jojo habang tinuturo ang malaking balyena sa kanilang likuran. Napangisi na lamang ang dalawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD