Chapter 15: Isang Signos

1356 Words
Nagtakbuhan ang mga tao patungo sa dalampasigan ng Sitio Danao. Nakatitig lamang sila sa dagat at mababanaag ang takot sa kanilang mga mukha. May mga batang nakakapit sa kanilang mga ina habang nagtatago sa kanilang mga likuran. May mga mangingisdang nagmamadali sa pagpalaot at atila sabik na maapakan ang buhangin dahil sa takot. Umatras sila sa dagat, nagtataka, natatakot. Dali-dali namang lumapit si mang Jojo sa dagat. Nang makarating malapit dito ay saka siya dahan-dahang naglakad. Nakasunod naman sina Daniel at Susan at tila nakaramdam din ng takot nang makita ang dagat. "Ang dagat...bakit namumula?" tanong ng isang babae. Napatingin na lamang si Daniel sa dagat at tila pinagpawisan ng malamig. "Ano ito?" bulong ni mang Jojo. "Kani-kanina lang namin napansin. Kukunin sana namin ang mga lambat sa dagat...ganyan na ang nakita namin," sagot naman ng isang mangingisda. Napatitig naman si Daniel sa dagat na iyon. Muling nagbalik ang mga imahe sa kanyang isipan. Ang dugo sa kanyang mga kamay. Ang itim na aso at ang matandang babae na tila nakasunod sa kanya. Ipinikit niya na lamang ang kanyang mga mata at hinilot ang kanyang sintido. "Dugo! Dugo ang nasa dagat! Dagat ng dugo!" sigaw ng isang mangingisda nang kunin niya ang tubig sa kanyang palad at iyon ay amuyin. Ganoon din ang ginawa ng iba pa. Kumuha sila ng kaunting tubig mula sa dagat at iyon ay inamoy. "Dugo nga..." ""Dugo nga ito," "Anong ibig sabihin nito?" Nagpatuloy ang bulong-bulungan. Tila lalong nakaramdam ng takot ang mga tao. Kapansin-pansin naman ang unti-unting pamumula ng langit habang papalubog ang araw. "Masamang pangitain?" bulong ng isa. "Hindi...'wag kayo maniwala sa ganyan. Sigurado akong may pinanggagalingan 'yan," wika naman ni mang Jojo. "Tonyo...Andoy. Tingnan niyo kung saan nanggagaling ang dugong 'yan. Kayo lahat...tingnan niyo," wika ni mang Jojo. "Eh paano kung may mangyari sa amin?!" "Hindi natin puwedeng pabayaan 'yan dahil kung may pinanggagalingan 'yang dugong 'yan...tiyak pepestehin tayo," dagdag ni mang Jojo. "Malansa 'yan eh...kukuha ng atensyon 'yan ng mga langaw," dagdag pa niya. "Isa itong signos. Malinaw na malinaw...tingnan niyo ang araw, namumula rin. May ibig sabihin ito lahat!" sigaw naman ng matandang babae sa kanilang tabi. Nagyakap naman ang iba pang mga kababaihan pati ang kanilang mga anak. "Anong gagawin natin?" "Diyos ko pong maawain...Santa Maria, ano ang nangyayari sa amin?" "Masamang babala nga ito...kailangang may gawin tayo!" "Kung hindi niyo hahanapin...eh ako na lang," sambit ni mang Jojo. Agad siyang lumapit sa isang bangka at animo'y sasampa rito. Nakakaramdam man siya ng kaba ay iniisip niyang may totoong dahilan kung bakit namula dahil sa dugo ang karagatang iyon. "Teka...teka mang Jo. Baka nga delikado talaga," pigil ni Daniel sa kanya. "'Wag na...kami na lang. Susubukan naming hanapin," sambit ng isang mangingisda. Napatigil na lamang ang lahat at nagkatinginan muna. "Sige. Kayo na. Hanapin niyo...sigurado akong may pinagmumulan 'yan," sagot ni Mang Jojo. "Tulungan ko na po kayo," prisinta ni Daniel. Itutulak niya na sana ang bangka sa laot ngunit pinigilan siya ng isa. "'Wag na! Dito ka na lang, baka kung mapaano ka pa," wika ng lalaki. Inalis niya ang kamay ng binata sa bangka at itinulak na lamang iyon mag-isa. "Daniel. Dito ka na. Hayaan mo na sila," saway ni mang Jojo. Natahimik na lamang si Daniel at umatras. "Nangyari na rin ito noon...isa itong masamang senyales. Isang signos. May banta dito sa isla natin. Simula lang ito ng lahat," wika ng matandang babae. Tila lalo namang namula ang papalubog na araw. Pinagmasdan nila ang mga mangingisda sa kanilang pagpalaot at paglayo mula sa pangpang. Tiningnan naman ni Daniel ang kanyang cellphone. alas-tres pa lamang ng hapon at nagdidilim na agad ang paligid. Napansin niya naman ang mga mata ng ilan sa kanila. Nakapako ang mga ito sa kanya at tila pinagmamasdan ang kanyang bawat galaw. "May badya ang Diyos sa atin. Dahil ito sa mga kasalanan...mga kasalanang nagawa natin. Hindi tayo pinapatawad ng Diyos...at ito ang ibinibigay niya sa atin," wika ng matanda. "Dapat tayong magsisi sa ating mga kasalanan. Dapat natin itong pagdusahan!" sagot naman ng isa pa. "Ang mga dayo mula sa sanlibutan ay nagdadala ng kapahamakan. Kailangan silang linisin. Sa apoy sila ay magkakaroon muli ng bagong buhay," sagot ng matandang babae. "Kailangang may mag-alay. Kailangang ialay ang mga makasalanan," bulong naman ng isa pang matanda. Hindi maintindihan ni Daniel ang kanyang mga naririnig ngunit hindi maganda ang kanyang pakiramdam. Ang lahat ay nakatingin sa kanya, matalas man ang kanilang tingin ay tila mga patay naman ang kanilang mga kaluluwa na ipinapakita ng kanilang mga mata. Napalunok naman nang kaunti si Daniel habang napapaatras nang kaunti. "S-sandali...sandali lang. Ano bang sinasabi niyo?" tanong naman ni Mang Jojo. "Alam mo ang ibig sabihin nito Jojo. Kapahamakan ang mangyayari sa atin," sagot ng matandang babae. "Walang basehan 'yang mga sinasabi niyo. May dahilan kung bakit kumalat ang dugo sa dagat. Hindi 'yan tungkol sa mga signos signos niyo. Hindi 'yan totoo!" "Paano mo maipapaliwanag ang pamumula ng dagat? Ang pagdilim?" tanong ng isa pang lalaki. "Nagkataon lang 'yan. May dahilan 'yan lahat...sigurado ako!" "Matakot ka Jojo. Matakot ka sa mga sinasabi mo. Alam mo kung ano ang nangyari noon...huwag mong isantabi ang nangyari," sambit ng matandang babae. "Alam ko...may paraan para diyan. Hindi sa ganitong paraan!" sagot ni mang Jojo. Dahan-dahan namang naglapitan sa kanila ang mga tao. Si Susan ay napakapit na lamang kay mang Jojo. Si Daniel naman ay patuloy sa pag-atras kahit na alam niyang may mga tao rin sa kanyang likuran. "Daniel...umuwi ka na. Sumama ka na Susan," wika ni mang Jojo. Agad namang kinapitan ni Daniel si Susan at nagmadali sa paglalakad. "Hindi mo puwedeng pigilan ang mangyayari, Jojo!" sigaw ng isang lalaki. Naglakad rin si Jojo kasunod nila. Kinapitan niya na lamang sina Daniel at Susan sa kanilang likuran at inalalayan sila palayo. Hindi naman mapigilan ni Susan ang panginginig ng kanyang mga kamay. Tuluyan siyang napaiyak dahil sa takot. Isang lalaki naman ang agad na humablot ng kamay ni Jojo, si Andoy. Tila pinipigilan siya sa paglayo. "Alam mo kung ano ang mangyayari...hindi titigil ang mga tagarito, Jojo," bulong ni Andoy. "Hindi sa ganitong paraan!" gigil na bulong ni mang Jojo. Nagkatitigan nang matalim ang dalawa bago magbitiw. "Sige na...bilis. Umuwi na tayo," utos ni mang Jojo. Nagpatuloy sila sa paglalakad. Naiwan naman ang mga taong na sa dalampasigan. Ang lahat ay nakatingin sa kanila habang nakatigil sa kanilang mga pwesto. Patuloy na namumula ang kalangitan at makikita naman na nadudungisan na ng dugo ang buhangin malapit sa dagat. ___________________________ Sa takot ay napatakbo na lamang si Susan sa kanyang kwarto. Hindi naman mawari ang nararamdaman ni Daniel. Nagtataka siya kung bakit ganoon ang trato sa kanya ng mga tao sa kanyang paligid. Natatakot na rin siya para sa kanyang kaligtasan. Tila nag-iisa lamang siya sa lugar na iyon. Ang tangi niya lamang kakampi ay si mang Jojo at Susan. Malinaw sa kanya ang banta ng mga taong iyon. Nakita naman ni mang Jojo ang takot sa kanyang mga mata. Tinapik na lamang siya sa kanyang likuran upang siya ay pakalmahin. "Hayaan mo na yung mga taong 'yon, sir. Hanggang ngayon kasi ay nagpapapaniwala pa rin sila sa mga alay na 'yan. Hindi naman 'yan totoo," sambit ni mang Jojo. "S-sige ho, mang Jo. Magpapahinga na lang muna siguro ako sa kwarto," wika ni Daniel. Tumango lamang si mang Jojo bilang pagsang-ayon. Dahan-dahan namang naglakad paakyat ng hagdan ang binata. Tila may tanikalang nakakabit sa kanyang mga paa dahil sa bigat ng kanyang pakiramdam. Nanginginig rin siya habang umaakyat kaya't napakapit na rin siya sa hawakan. Nang buksan niya ang pinto ng kanyang kwarto ay sumabog ang pulang liwanag galing sa bintana. Isang pitik ng segundo ay tila nakita niya ang babae mula a kanyang panaginip. Ang pagsusuklay nito habang nakatingin sa kanya. Matapos ang sandaling iyon ay dahan-dahan siyang pumasok ng kwarto. Naalala niya ang kanyang panaginip. Ang pagtugtog ng isang musika nang mabagal at tila niluma na, pula ang paligid ng kwartong iyon...gaya ng kanyang panaginip. Napaupo na lamang siya sa kama, niyakap ang kanyang mga tuhod at yumuko. Nanginginig naman ang kanyang mga kamay habang unti-unting tinatakpan ang kanyang mga tenga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD