Hindi tumigil ang asong iyon sa pagtahol at dahil sa labis na pagkairita ay dali-daling bumaba si Daniel bitbit ang kanyang cellphone. Tiningnan niya ang oras, 11:00 na ng gabi. Binuksan niya ang pinto, hindi niya maaninag ang nilalang dahil sa dilim na bumabalot sa paligid kaya't binuksan niya ang flashlight ng kanyang cellphone.
"Tang ina, nasa'n ka na?" gigil niyang sambit. Lalo namang nag-ingay ang aso nang siya ay makalabas na ng bahay ngunit hindi niya pa rin ito naaaninag.
"Kung ano mang klaseng diyablo ka...labas!" bulyaw niya.
Mula sa dilim ay lumabas naman ang itim na aso at nagtungo sa aandap-andap na ilaw ng maliit na poste. Patuloy siyang tumahol habang nakatingin sa kanya. Napalunok naman ng kaunting laway ang binata habang pinagmamasdan ang asong iyon. Tila ito'y nagpapahabol sa kanya. Kumuha siya ng bato at sinundan ang asong iyon.
"Sige...takbo," bulong niya.
Hinabol niya ang asong iyon. Tumakbo naman ang aso patungo sa liblib na parte. Humangos siya ng takbo dahil sa gigil. Mas inuna niyang maramdaman ang galit upang pagtakpan ang takot na nararamdaman.
"Nasaan ka na?" bulong niya.
Hindi niya na narinig ang tahol ng asong iyon. Ginalugad niya ang paligid gamit ang flashlight ng kanyang cellphone. Itinaas niya ang ilaw at nakita niyang napapaligiran na siya ng mga naglalakihang puno.
May kung anong kumaluskos sa likuran ng bungkos ng mga talahib. Tinutukan niya iyon ng ilaw, wala syang nakita kahit isang anino. Naglakad siya palayo at hinanap ang daan pabalik ngunit napansin niya sa kanyang kanan ang nilalang na kanyang hinahanap. May hinuhukay ito sa lupa.
"Na'ndyan ka pala, ah," bulong ni Daniel. Yumuko siya nang bahagya at pinatay ang ilaw ng kanyang cellphone. Kinapitan niya nang mahigpit ang dalang bato at naglakad nang tahimik patungo sa nilalang na kanyang hinahabol.
Nang makatyempo ay binato niya ito. Nadaplisan ang aso sa tagiliran at umungol ito na animo'y umiiyak. Tumakbo ang aso palayo habang tumatahol. Napatingin naman si Daniel sa hinukay nito.
"Ano 'to?" bulong ni Daniel.
Sa gitna ng dilim ay sumilip ang buwan at sa pagkakataong iyon ay nakita niya na ang paligid. Ang lugar na iyon ay napapalibutan ng mga puno at sa gitna mismo ng masukal na kagubatan ay ang kaunting espasyo. Gamit ang kanyang paa, hinukay niya ang lupa nang bahagya upang usisain kung ano ang hinuhukay ng asong iyon. Binuksan niya ang kanyang cellphone upang lalong makita ang paligid. Kapansin-pansin ang pagtubo ng kakaunting halaman na matinik sa pinaghuhukayan ng aso. Muli niyang itinutok sa lugar kung saan tumakbo ang nilalang na kanyang hinahabol. Kahit anino ay hindi na maaaninag pa ang asong iyon. Miski ang kanyang pag-iyak at tahol ay wala na rin.
"Buwisit," bulong niya.
Tiningnan niyang muli ang lupa. Inayos niya ang lupa at muli itong pinantay. Matapos iyong gawin ay naglakad siya palayo. Tinunton niya ang daan palabas ng masukal na parte ng lugar na iyon. Dahan-dahan ngunit sigurado.
Muli naman siyang nakaramdam ng kaluskos sa kanyang likuran. Agad niya iyong nilingon at tinutukan ng ilaw mula sa kanyang cellphone. Walang tao o kung ano mang nilalang sa lugar na iyon. Kakaiba rin ang paligid dahil ni walang huni ng hayop ibon o kung ano man sa paligid. Nagpatuloy siya sa paglalakad. Patuloy ang kaluskos, patuloy din ang pagtutok niya ng ilaw sa bawat d**o at puno.
Nang humarap siya sa kanyang daraanan ay laking gulat niya nang mukha ng matandang babae ang kanyang makita. May dala itong tungkod, nakasampay sa kanyang ulo ang tela na dumudugtong sa dalang kahon sa kanyang likuran. Marumi ang kanyang suot at tila nangingitim na ang kanyang damit dahil sa dungis. Bahagyang nakahukot ang kanyang likod. Nakatitig at nanlalaki ang kanyang mga mata habang nakangiti at nakatingin sa mga mata ng binata.
"HAAH!" sigaw ni Daniel. Napaatras sya at tuluyang napaupo sa lupa. Nabitawan niya pa ang kanyang cellphone.
"Hahahaha..." kakaibang boses naman ang lumabas mula sa matanda na lalo pang nagdala ng takot sa binata.
Agad niyang kinuha ang kanyang cellphone at kumaripas ng takbo palabas ng masukal na gubat na iyon. Nang makalayo-layo ay muli niyang itinutok ang ilaw sa matanda. Nakatakip na ang hintuturo nito sa kanyang bibig.
"Ssshhhhhh," usal ng matanda.
Pumikit na lamang si Daniel at humarap sa kanyang dinaraanan. Kahit hingal na hingal na ay ipinagpatuloy niya ang pagtakbo hanggang sa makarating siya sa kanyang pinanggalingan.
___________________________
Bago pumasok ng bahay ay tinutukan niya muna ng ilaw ang kanyang likuran. Walang nakasunod sa kanya, wala ring tao sa paligid. Lumunok siya ng kaunting laway at pinunasan ang pawis sa kanyang mukha. Binuksan niya ang pinto at mula sa kusina ay nakita niyang lumabas si Mang Jojo. Nagpupunas pa sya ng basang kamay gamit ang tuyong tuwalya.
"S-sir. Lumabas ka pala?" tanong niya. Tumango na lamang si Daniel, hindi maitago ang hingal at pagod.
"Mukhang pagod na pagod ka sir, ah. Ano ho bang ginawa niyo? Mag-a-alas dose na po, ah," tanong muli ni Mang Jojo.
"Ah, wala, may hinabol lang akong asong kalye. Nagsusulat kasi ako, ang ingay. Panay ang tahol," sagot naman ng binata.
"Ah gano'n ho ba? Nako 'wag niyo na hong pansinin 'yon. Minsan ho ay napunta 'yun dito para manghingi ng tirang pagkain," wika ni Mang Jojo. Muli namang tumango si Daniel.
"Kumusta na po pala ang pakiramdam niyo? Masakit pa po ba ang ulo niyo?"
"Medyo okay na. Salamat po Mang Jo."
"Ay teka lang, para ho mas maigi eh...kunin niyo na ito," wika ni Mang Jojo. Nagtungo siya sa maliit na mesa sa gilid at iniabot ang isang banig ng gamot kay Daniel. Kinuha naman iyon ng binata.
"Salamat po," wika ni Daniel.
"Kung gusto niyo hong kumain, nagtira ako ng ulam sa ref. Initin nyio na lang po sir kapag nagutom kayo." Bumuntong hininga naman ang binata. Tumango na lamang siya nang marahan at akmang aakyat ng hagdan.
"Salamat po ulit, Mang Jo. At pasensya na. Magpapahinga po muna ako," wika ni Daniel.
Muli niyang hinilot ang kanyang sintido. Marahil dahil sa sobrang tensyon at takot kaya't bumalik ang sakit ng kanyang ulo. Pinanood lamang ng caretaker ng bahay na iyon ang pag-akyat ng binata hanggang sa pagpasok niya ng kwarto.