Chapter 7: Bistro Rubio

1683 Words
Kung gaano kainit ang panahon ay ganoon naman kalamig ang aking pakiramdam. Hindi na ako nakisimpatya pa sa mga maling pangangatwiran ng aking tiyo. Hindi iyon ang gusto kong landas na hahakbangan. Mas mainam pang kumalas sa sistemang ipinaglalaban nila, tanging kamatayan lamang ang mapapala ko roon. Naglakad ako, naglakad patungo sa isang gusali kung saan maraming ilaw ang naglalaro. Kung saan buhay ang musika at ang mga tawanan ng tao ay maririnig mula sa labas. "Maligayang pagdating sa Bistro Rubio, ginoo," bati sa akin ng bantay sa labas. Tinanggal ko ang aking sombrero at yumuko nang marahan bago pumasok. Napakaraming tao sa loob at napupuno na ng usok ang paligid dahil sa mga hinihithit na sigarilyo at tabako ng bawat kalalakihan at ilang mga kababaihan. Saliw sa tugtuging jazz ang umaalingawngaw habang ang ilang mga kalalakihang nakatayo sa likuran ay tila mayroong hinihintay. Ang lahat ay nakasuot ng presentable, kagalang-galang kung tutuusin...ngunit hind maaaring maging kampante sa ganitong pagkakataon. Lalo na sa ganitong klaseng lugar at panahon. Kinawayan ako ng isang waiter sa 'di kalayuan. Sa kanyang tabi ay isang bakanteng mesa ang naghihintay. Agad akong nagtungo sa kanyang kinalalagyan. Inalalayan niya ako sa pamamagitan ng paghatak ng upuan upang ako'y makaupo. Inilagay niya ang puting panyo sa aking harapan, inilapag ang isang baso at sinalinan iyon ng wine. Saka niya inilapag ang kanilang menu at umalis. Maririnig sa paligid ang mga bulong-bulungan, mga usapang ibinubulong ngunit tila naihahayag sa loob ng napakalaking bulwagan habang ang saliw ng malungkot na tugtugin ng piano at cielo sa paligid ay nakakapagbigay ng kakaibang pakiramdam. Tila nagiging mapusyaw ang kulay ng lahat ngunit ang natitira lamang ay ang kulay na pula sa bawat detalye ng bawat bagay at suot ng mga tao. "Nakapili na po ba kayo ng o-order-in niyo, sir?" tanong ng waiter sa akin. "Isang roast steak with mash potato, saka isang beer," sambit ko. Yumuko naman nang marahan ang waiter na iyon at saka umalis. Ipinalagay ko ang aking loob sa lugar na iyon. Ang mabigat na pakiramdam ay unti-unting gumagaan. Sa bawat nguya ng aking kinakain at sa serbesa na aking iniinom ay masasabi kong naging simpleng langit ang pagkakataong iyon upang ako'y makatakas. Lumilipas ang oras at nawawalan ako ng pakialam sa bawat pagpintig nito. Ine-enjoy ko lamang ang mga tugtugin ng banda sa harap ng malaking bulwagan. Sumasaglit ang pag-iisip sa mga problem ana kinakaharap ngunit agad napupukaw ang aking isipan ng mga tugtuging iyon. Ni hindi ko namamalayang nakakailang bote na pala ako ng serbesa dahil kinukuha rin ng waiter ang mga boteng walang laman na dapat ay nakapatong lamang sa aking mesa. Matapos masimot ang huling patak ng serbesa ay napailing na lamang ako at ngumiti. Tila nag-iba naman ang saliw ng tugtugin, nadagdagan iyon ng saxophone at ang ilaw sa paligid ay nag-iba. Nagpalakpakan nang marahan ang mga taong nanonood at pagkatapos ay tumahimik. Sa entablado ay nakita ko siya. Isang babaeng nakasuot ng pula, maayos na nakapusod ang kanyang buhok sa likuran at marahang kumanta, napakalambing na tono ng kanyang boses, nang-aakit, tila niyayaya ang aking tenga na sumabay sa indak ng bawat bitaw ng kanyang salita. Kung nasusuklian lamang ng pag-ibig ang bawat palakpak na kanyang natatanggap sa pagkakataong iyon ay siguradong marami ang nagmamahal sa kanya. Marami...marahil...ngunit ang pag-ibig na nabibilang lamang sa iilan ay akin nang nasisilayan sa aking harapan. Hindi ko alintana ang ingay ng mga tao sa paligid. Sa aking pakikinig sa kanyang natatanging tinig ay iminulat ko ang aking mga mata...sa unang pagkakataon...muli...iminulat ko ang aking mga mata, sa napakadilim na gabi, sa wakas...nakita ko rin siya. ________________________ Napatigil si Daniel sa kanyang pagsusulat. Nanlalaki ang kanyang mga mata habang nakatitig sa papel at sa typewriter at ngumiti pagkatapos. Huminga siya nang malalim at napahawak sa kanyang bibig. "Ito na 'yun," wika niya. Sisimulan niyang muli ang pagsusulat ngunit nagambala siya ng katok sa pinto. "Sino 'yan?" tanong niya. "Sir, kape po. Baka gusto niyo lang po," wika ni Mang Jojo. Agad na tumayo si Daniel upang buksan ang pinto. Nakasimangot na bumungad si Daniel ngunit agad na iniba ang emosyon nang makita ang kape na iniaabot sa kanya. "S-salamat po, Mang Jo." "Wala hong ano man. At ito rin po pala, gamot sa sakit ng ulo niyo. Eh, di pa po kayo bumababa simula kanina para kumain. Kaya nagdala na lang ako ng kape at gamot niyo," wika ni Mang Jojo habang alanganing nakangiti. "E-eh, sige ho di ko na muna kayo aabalahin at mukhang marami na po kayong naisulat," sambit niya. Napasilip pa sya sa typewriter sa mesa at dahan-dahang isinara ang pinto. "Mang Jo," sambit naman ni Daniel. Hindi naituloy ng lalaki sa pagsara ng pinto at hinintay ang sasabihin ng binata. "Pasensya na ho kanina," wika niya. "Ay...wala ho iyon. Nabilin din naman ni sir Marco na medyo moody kayo. Artist ba. Kaya naiintindihan naman po namin," sagot ni Mang Jojo. Ngumiti naman nang matipid si Daniel at isinara ang pinto. Ipinatong niya ang tasa ng kape sa gilid ng typewriter, tinitigan niya muna iyon nang ilang segundo bago amuyin ang laman nito. Dahil natakam ay saka niya ininom ang kape. Kinuha rin niya ang gamot na nakapatong sa maliit na plato at ininom iyon, ginawa niyang panulak ang kape at pagkatapos ay nagsindi ng yosi. Huminga muna siya nang malalim at saka nagsimulang magsulat muli. ___________________________ Ilang gabi rin akong nagpabalik-balik sa lugar na iyon. Hindi dahil sa masarap na pagkain, hindi dahil sa ganda ng lugar, hindi dahil sa napakagandang tugtugin. Sa bawat gabi na pagpunta ko sa lugar na iyon ay tanging siya lamang ang dahilan. Noong una ay manonood lang ako sa likurang bahagi. Kalaunan ay sa gitna, ngunit isang beses ay sinubukan kong pumwesto sa harapang bahagi kung saan mas makikita ko siya nang malapitan. Hindi ako napahiya. May pagkakataong kumakanta siya at nakatitig lamang ako sa kanyang mga mata. Hindi ko na alam kung anong klaseng ekspresyon ba ang aking pinapakita, basta ang alam ko lang ay napapatulala lang ako kapag siya na ang nasa harapan. Napangiti marahil, sinuklian niya rin iyon nang ngiti. Sa hiya ay napaiwas ako ng tingin ngunit hindi ko mapigilan ang hindi siya silayan sa tuwi-tuwina. Sinubukan kong siya'y hintayin nang gabing iyon. Halos pasara na rin ang bistro at kaunti na lamang ang mga tao. Last order na ngunit hindi ako kumibo sa waiter na nagtatanong. "Yung bill na lang po, boss," wika ko. "Ay, boss sandali lang," sambit ko. "Sir?" "Yung babaeng kumakanta kanina, umuwi na ba siya?" tanong ko sa waiter. "A-ahh. Hindi pa po. Pero maya-maya aalis na siya," sagot sa akin ng waiter. Tumango na lamang ako at sumilay sa gilid ng entablado. Ilang saglit lang ay nakita ko rin siyang lumabas kasama ang kanyang mga kabanda. Sakto ring dumating ang waiter dala ang aking bill. Hindi ako magkanda-ugaga sa paglabas ng pitaka ko. Inilabas ko ang pera at nilapag sa mesa at saka tumayo. "Sir, may sukli pa po kayo," sabi ng waiter. "Sige okay na 'yan," sagot ko. Agad akong naglakad patungo sa babae na kanina lamang ay pinapanood ko. Naharangan ko pa ang kanilang dadaanan. Ang mga salitang nais ko sanang sabihin ay tila nawala. Nabarahan ng kung ano. Ilang segundo rin akong nakatayo sa kanilang harapan habang nakatingin sa kanya. Natatawa na rin ang kanyang mga kasama. "Mukhang alam ko na 'to," sambit ng isa niyang kabandang lalaki na may pagkamahinhin ang boses. "Boys, tara na. Tayo na lang ang mag-date," dagdag niya. "Huy, saan kayo pupunta?!" wika ng babae. "Ay, hindi pa ba malinaw? Mukhang ikaw ang pakay nito. Sige na, lover boy, mag-usap muna kayo," wika niya habang inaayos ang kwelyo ko sabay alis kasama ang kanyang mga kasama. "P-pasensya na, gusto ko lang sanang makipagkilala," nauutal kong sambit. Alanganin namang ngumiti ang magandang binibini at ipinalagay ang kanyang loob. Tumango lamang sya at at muling ngumiti sa akin. _________________________ Napatigil si Daniel sa pagsusulat nang marinig niya ang pagtahol ng isang aso sa labas. Uminom muna siya ng lumalamig nang kape at hinithit ang kanyang yosi bago niya silayan ang bintana. Tumayo siya at sumilip. Wala siyang naaaninag na kung ano man sa labas. Wala siyang nakikita kundi ang mga sanga ng puno sa malapit at ang kadiliman. Patuloy na tumahol ang aso ngunit sa pagkakataong iyon ay sa malayong ibayo na ang ingay nito. Muling humithit ng yosi si Daniel at dinikdik iyon sa ash tray pagkatapos. Muli siyang umupo at inusisa ang mga papel na nalapatan na niya ng letra. Tinanggal niya iyon sa typewriter, naglagay ng bago at ipinagpatuloy ang kanyang pagsusulat. "...Danilo...Danilo ang pangalan ko," wika ko. Nakatitig lang ako sa maamo niyang mga mata habang ipinapakilala ang aking sarili. Tila sumasabay ang mga bituin sa langit. Nagniningning sila ngayong gabi para sa amin. Nagpatuloy kami sa paglalakad sa walang katao-taong kalye sa tabi ng look. Tanging mga ilaw ng poste sa malayo at ang mga bituin ang aming gabay. Muling napatigil sa pagsusulat si Daniel. Naglalaro ang kanyang isipan kung ano ang ipapangalan niya sa babaeng karakter sa kanyang nobela. Umaalingawngaw lamang sa kanyang isipan ang iisang pangalan ngunit tila hindi siya mapakali sa tuwing maririnig niya iyon sa kanyang isipan. "Christine, Christine ang pangalan ko." "Ch-Christine," bulong niya. Ilang mabilis na imahe ang kanyang nakita. Imahe ng rosas, tawanan at hagikgikan. Ang imahe ng babae sa kanyang sinusulat ay tila lumilitaw sa kanyang isipan ngunit ang mga sumunod na imahe ay kakaiba. Nakita niyang muli ang babaeng nagsusuklay sa kwartong iyon mula sa kanyang bintana, ang pag-ulan ng mga talulot ng rosas na unti-unti ay nagiging dugo at ang kanyang mga kamay na tila naliligo sa dugo. "Haaah!" Sa gulat ay natabig niya ang baso na naglalaman ng kaunting kape. Sinabayan pa iyon ng tahol ng aso mula sa kanyang bintana. Hinilot ang kanyang sintido dahil sa muli nitong pagsakit. Matapos noon ay lumapit siya sa bintana upang tingnan ang nilalang na nag-iingay. Nakita niya sa labas ang isang itim na aso, nakatingin ito sa kanya habang patuloy na tumatahol. "Putang...kanina ka pa, ah," bulong niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD