Chapter 9: Isang Lumang Tugtugin

774 Words
Paikot-ikot, hindi mapakali, pinagpapawisan ng malamig at pakiramdam niya ay umiikot ang paligid. Hindi makatulog si Daniel nang gabing iyon. Panaka-naka ay nakikita niya sa kanyang isipan ang itsura ng matandang babae na nakita niya sa gubat. Iyon din ang matandang sumalubong sa kanya pagdating pa lamang sa islang iyon. Minsang susulpot ang mukha ng babae sa bintana habang nagsusuklay. Hindi na ito nakangiti sa kanya. Seryoso na ang mukha nito at matalim ang pagkakatitig sa kanya. Pinilit niyang pumikit. Idiniin niya ang talukap ng kanyang mga mata ngunit lalo lang siyang nakakaramdam ng sakit ng ulo. Paulit-ulit niyang pinukpok ang kanyang ulo at muling nag-iba ng pwesto ngunit mukha ng babae sa bintana ang kanyang nakita, nakaharap sa kanya, nakatitig at duguan ang mukha. Sa gulat ay napabangon siya at napaatras. Sa muling pagtingin sa higaan ay wala na ang babaeng iyon. Ilang segundo rin niyang tinitigan ang kama na kanyang hinihigaan. Tumulo na lamang ang luha mula sa kanyang kaliwang pisngi, labis ang kanyang takot ngunit sa kaibuturan ng kanyang puso ay pakiramdam niya ay siya lamang ang nag-iisa sa lugar na iyon. Umupo siya sa harap ng kanyang typewriter, kinuha ang kaha ng yosi at sinindihan ang isa. "Nasaan ka na ba, sir?" bulong niya. Pinahid niya ang luha sa kanyang pisngi. Tinitigan niya ang lighter na binigay sa kanya ng kanyang editor. Sinalat niya ang disenyong rosas nito. Unti-unti naman ay may narinig siyang mahinang tugtog. Napakunot ang kanyang noo at tumingin sa kanyang likuran. "Ano 'yon?" bulong niya. Unti-unting lumalakas ang tunog ng tugtuging iyon. Pamilyar ang tugtugin na tila pangsayaw. Mabagal at mababa ang tono nito na animo'y nanggagaling sa ilalim ng lupa. Tumayo siya lumapit sa switch ng ilaw. Hindi sumindi ang ilaw. "Brownout?" wika niya. Kinuha niya ang kanyang cellphone, binuksan ang ilaw nito at saka nagtungo sa pinto. Pagbukas ay tila namumula nang bahagya ang paligid. Pulang ilaw ang kanyang nakikita mula sa mga bintana at ang ilaw na iyon ay tumatama sa sala sa ibaba. Napapansin niya naman ang ilang mga disenyo sa pader at sa paligid ng sala. Tila iba na ang ayos nito. Bumaba siya nang dahan-dahan habang itinututok ang liwanag ng kanyang cellphone sa kanyang daraanan. Pagkababa ay nakita niya sa gilid ang isang basag na vase. Madilim ang ilang parte nito na animo'y usok at anino lamang. Ang ilang mga disenyo sa paligid ay hindi rin masyadong maaninag. May mga pasabit na tila sira ngunit hindi malinaw kung ano ang mga ito. Tanging mga anino lamang ang mga bagay na iyon na umuusok. Maging ang liwanag ng kanyang cellphone ay walang talab sa mga iyon. "Mang Jo?" wika niya. Wala siyang narinig kundi ang alingawngaw ng kanyang boses. "May tao ba d'yan?" tanong niyang muli. Ang kanyang boses ay bumabalik lamang nang mahina. Tuloy naman ang pagtugtog ng musikang mabagal. Maya-maya pa ay narinig niyang muli ang kahol ng aso sa labas. "Buwisit. Ikaw na naman?" wika niya. Nakakaramdam sya ng takot ngunit mas nanaig ang inis sa kanya kaya't binuksan niya ang pinto. Laking gulat niya na isang duguang babae na nakasuot ng puti ang kanyang nakita. Nakatayo lamang ito sa harap ng pinto ngunit nakalutang ang kanyang mga paa. "H-haaa!" Napasalampak siya sa sahig at nalaglag ang kanyang cellphpone. Bigla namang nawala ang mabagal na tugtog sa paligid. At ang pulang paligid ay tila naging normal. Nawala ang mga kakaibang disenyo at mga anino ng mga gamit at bumalik sa normal ang lahat. Napatingin siya sa kanyang harapan, wala na ang babaeng duguan. Nag-ring naman ang kanyang cellphone at nakalagay doon ang pangalan ng tumatawag: Christine. Huminga muna siya nang malalim at pinahid ang nagbubutil nang pawis sa kanyang noo bago kinuha ang kanyang cellphone. "H-hello? Doc? Napatawag po kayo?" wika niya. Nanlaki naman ang kanyang mga mata nang marinig ang mahinang tugtugin na iyon mula sa kabilang linya. "D-doc?" wika nyang muli. Hindi sumagot ang kanyang kausap mula sa kabilang linya. Tanging hikbi at iyak lamang ng babae ang kanyang naririnig. "Doc? Ano pong nangyari?" tanong niyang muli. Napalunok ng kaunting laway si Daniel nang marinig ang boses ng kanyang kausap. "Daniel...Daniel, tulong," sambit ng kanyang kausap. "Doc? Bakit? Anong nangyari?" Tila lalong lumakas ang musika mula sa kabilang linya. "Daniel! Huwag! Tulong! Tuloooong! HAAAAAAA!" Kasabay ng sigaw na iyon ay ang paglakas ng tugtugin sa kabilang linya. Gumawa pa iyon ng matinis na tunog kaya't muling nabitawan ni Daniel cellphone. Hindi naman siya nakatakas sa sigaw at ng musika dahil muling namula ang paligid at sa harapan niya mismo ay naririnig niya na ang mga ingay. Tinakpan niya na lamang ang kanyang mga tenga at pumikit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD