Chapter 10: Sa Gitna ng Katahimikan

1269 Words
Napaupo siya sa kanyang kama dahil sa labis na gulat. Nagbubutil ang pawis sa kanyang noo at leeg. Mula sa malalim na bangungot ay hinila niya ang kanyang sarili upang makaahon. Naghahabol siya ng hininga habang nakapikit. Dinig pa rin niya ang tinis ng sigaw ng babae sa kanyang panaginip at ang musika na unti-unting humihina. Muling nag-ring ang kanyang cellhpone. Hindi nya muna iyon kinuha. Tinitigan muna niya ang cellphone na nakahiga sa kanyang kama, kinilatis din niya ang paligid. Sinisigurong hindi na siya nananaginip. Muli niyang tinitigan ang kanyang cellphone. Tumatawag ang kanyang editor. "Hello sir?" mangiyak-ngiyak nyang sambit. "D-Daniel? Anong nangyayari sa'yo? Bakit ka umiiyak?" wika ni Marco. "Sir, kelan po ba kayo babalik dito?" tanong ng binata. Naluluha ngunit pinipigilan ang tuluyang pag-iyak. "Bakit? Ano bang nangyari?" "Sir, hindi ko na gusto mga nangyayari dito, eh. Parang minumulto talaga ako. Hindi ko na alam. Gusto ko nang umuwi, sir," wika ni Daniel. "Teka, teka. Ayusin mo muna sarili mo. Hindi naman ganoon kadali 'yon. Bakit ano bang nangyari?" "Binangungot ako sir, eh. Yung babae, yung babae na nakita ko dito sa kwarto. Siya yun sir, eh. Duguan siya tapos...may tugtog. Mabagal. May aso pang tahol nang tahol dito pag gabi," kwento ni Daniel. Hindi niya maipaliwanag nang maayos sa kanyang kausap ang nangyayari. Mautal-utal at sunod-sunod ang kanyang pagsasalita. "Teka lang...huminahon ka muna. Uminom ka muna ng tubig dyan," utos ng kanyang editor. Huminga naman nang malalim si Daniel at tumayo. Sa kanyang mesa ay nakita niya ang isang basong tubig, ang kanyang almusal sa pagkakataong iyon na clubhouse sandwich at itlog at ang vase na laging may bagong bulaklak na nakalagay na sunflower. Agad uminom si Daniel ng tubig. Gumaan nang kaunti ang kanyang pakiramdam. Tila nahimasmasan siya at naging magaan ang kanyang dibdib. "Ayos ka na ba?" tanong ni Marco. Hindi nakapagsalita si Daniel. Napaupo lamang siya sa upuan sa harap ng kanyang typewriter at pumikit. "Daniel? Ayos ka na ba?" tanong muli ng kanyang editor. "O-opo, sir," wika ni Daniel. Inilapag niya ang baso ng tubig at muling huminga nang malalim. "Kalmado ka na ba?" "Opo, sir," sagot ni Daniel. "Ngayon, ikwento mo sa akin kung anong nangyari," wika ni Marco. "Nanaginip ako, sir. Pula lahat eh, yung sala may mga nakasabit at disenyo na kung ano-ano. Pero magulo sir, eh. Tapos, yung babae na nakita ko dito sa bintana, siya din yung babae na nakita ko dun, duguan. Di ko alam pero, may naikwento rin kasi si Mang Jojo tungkol sa nangyari sa bahay nyo dito. Hindi ko alam kung siya yung babaeng tinutukoy ni Mang Jojo," kwento ni Daniel. "Yung nangyaring sunog dyan noon? Imposible naman 'yon, Daniel. Napabasbasan ko na 'yang bahay pagkatapos na mangyari yun. Pero, hindi natin alam. Kung totoo ba 'yan. Eh, 'yan din ang reklamo mo sa akin nung huli kong tawag sa'yo. Sabihin mo nga sa akin? Okay ka lang ba talaga dyan?" tanong ng kanyang editor. Hindi muna umimik si Daniel, inisip niya rin ang matandang babae na nakasalubong niya sa magubat na parte ng lugar na iyon. "Iba kasi dito sir, parang...laging may nakamasid sa'kin. Di ko alam kung may kumukulam sa'kin dito o ano," sambit ni Daniel. "Hahaha...kow talagang bata ka," natawa na lamang si Marco. Muli namang uminom ng tubig mula sa baso ang binata. "Nagpapapaniwala ka sa ganyan," wika ng kanyang editor na tila nanunudyo. "Sir naman. Totoo nga. Kada nagsusulat ako dito may tumatahol na aso, gabi-gabi na lang. Hinabol ko kagabi. Tapos napunta pa ako sa gubat. Di ko nga alam kung bakit ko pa sinundan yun dun," kwento ni Marco. Napatigil naman ng ilang segundo ang kanyang editor. "Eh ano naman ang nakita mo dun?" pang-uusisa niya sa seryosong tono. "Wala, sir. Puro puno lang. Tapos may nakasalubong pa akong matanda dito, nakatungkod. Nakakatakot ang itsura, eh," pagpapatuloy ng binata. "Ay nako, imposible na talaga 'yan Daniel. Baka naho-homesick ka lang talaga, ah. Mamili ka, itutuloy mo 'yang pag-stay mo dyan o ititigil na natin 'to. Ako lang naman siguro 'tong umaasa kasi na makabalik ka sa pagsusulat, eh. Ite-terminate ko na ang kontrata mo kung ganyan. Okay lang naman sa akin," wika niya sa malungkot na tono. Napatigil naman si Daniel at nag-isip. "Pag-isipan mo. Kung kailangan mo na talagang umuwi." "H-hindi po, sir. Itutuloy ko po," sagot ni Daniel. Huminga siya nang malalim at napatingin sa bintana. Tuluyan nang sumilay ang haring araw at makikita ang magandang tanawin sa labas. "Sigurado ka ba r'yan?" tanong muli ng kanyang editor. "Sigurado po, sir. Titiisin ko po. Baka ako lang din ang nag-iisip ng kung ano-ano," sagot ni Daniel. "Ikaw naman kasi. Focus! Focus ka sa sinusulat mo. 'Wag puro negative. Baka naman kasi horror na 'yang sinusulat mo kaya kung ano-ano na pumapasok 'dyan. Positivity, ha?" payo ng kanyang editor. "I mean, okay din naman talaga yung mga sinusulat mong kakaiba pero...'wag mo naman masyadong dibdibin. May likod ka pa," pagbibiro niya pa. Napangisi naman si Daniel. "Opo sir." "'Yan, ganyan nga." "Pero, sir. Kung may time po, sana makausap ko si Doc Christine. Hindi ko alam pero, sa panaginip ko kasi...tumatawag siya," wika ni Daniel. Napabuntong hininga naman ang kanyang kausap. "Ganito na lang, kapag natapos mo na 'yang nobela mo...isasama ko siya papunta r'yan, okay ba?" tanong ng kanyang editor. "S-sige po, sir, pasensya na po talaga," wika ni Daniel. Tila nakokonsensya. Kung tutuusin ay ibinibigay na lahat ng kailangan niya sa lugar na iyon. Ang kailangan niya lamang gawin ay ang magsulat. Ngunit iba pa rin ang nararamdaman niya sa lugar na iyon. Muli naman niyang nakita sa kanyang isipan ang pangalan ng doktora sa kanyang cellphone. Pinikit niya na lamang ang mga mata at muling uminom ng tubig. "Eh mabalik nga tayo, wala ka ba talagang nakita sa gubat nung sinundan mo yung aso na ginugulo ka kamo?" mapang-usisang tanong ng kanyang editor. Napakunot naman ng kaunti si Daniel. Panaka-naka ay nakita niya sa kanyang isipan ang maliit na espasyo na iyon sa gitna ng kagubatan. May kung anong matinik na halaman sa gitna ng kagubatan na iyon kung saan naghuhukay ang aso na kanyang hinabol. "W-wala po, sir, bakit naman po?" "A-ah wala. Nako kung ano man 'yon wag mo na ngang masyadong isipin. Ang gusto ko ay isipin mo ang sinusulat mo. Kumusta na ba?" Kapansin-pansin ang pagpapalit ni Marco ng kanyang tanong. Umiling naman nang kaunti si Daniel, tila ginigising ang sarili. "Nasimulan ko na ho. Itutuloy-tuloy ko na lang. Siguro, by October first month, tapos na, sir. Bigyan niyo lang po ako ng kaunting panahon pa," sagot ni Daniel. "Nako, 'wag mo nga masyadong ipressure ang sarili mo. Magsulat ka lang d'yan. Minsan eh, mamasyal ka naman kasama ni Jojo. Kaya ng akita dinala r'yan para mag-enjoy ka rin." "Opo, sir," sagot ng binata. "Kung ano ang iniisip mo, isulat mo lang. Lalabas naman 'yan nang natural, okay?" "Opo, sir," wika ni Daniel na sa pagkakataong iyon ay kalmado na. "Sige. Tatawag ulit ako para kumustahin ka, ah? Sasabihan ko si Jojo na ipasyal ka dyan kahit papano para hindi ka naman nakakulong masyado dyan sa ginagawa mo," paalala ni Marco. Pinatay naman ni Daniel ang kanyang cellphone pagkatapos. Magaan na ang kanyang pakiramdam. Huminga muna siya nang malalim bago harapin ang kanyang typewriter. Matapos kumagat ng sandwich inihanda sa kanya bilang agahan ay muli siyang uminom ng tubig. Paubos na ang laman ng basong iyon at latak na lamang ang natitira. Nagsimula siyang magsulat mula sa kanyang typewriter, makikita naman ang ilang mga himulmol na puti na tila pulbo sa latak ng tubig na kanyang ininom.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD