Hating-gabi. Malakas ang ihip ng hangin. Maririnig mo ang mga huni ng kuliglig at kulisap ng mga oras na iyon.
Sa lakas din ng hangin ay maririnig mo ang mga kalansing ng basyo ng latang iginugulong-gulong nito sa magkakaibang direksyon.
Tanging mga ilaw sa bawat sulok ng plasa Libertad ang iyong maaaninag.
At sa tuwing sasapit ang hating-gabi, makikita mo ang isang malaking puno sa gitna ng plasa.
Punong tuwing hating-gabi mo lamang makikita.
Punong walang nakakaalam na nakatayo ito sa gitna ng plasa.
At sa loob ng punong ito ay may nakatirang isang uri ng nilalang na kung tawagin ay Tamawo.
Tamawong sa ibang salin ay nangunguha ng magagandang babae upang maging kanilang mapapangasawa.
Pero hindi ang isang katulad ni Timawa. Siya ang reyna ng mga tamawong naninirahan sa punong nakatayo sa gitna ng plasa.
Siya ang tanging tamawong nangunguha ng mga batang lalaking nasa edad walo pataas.
Siya ang namumukod tanging tamawong nakatira sa siyudad. Halos lahat ng kanyang mga pamilya at lahi ay nasa probinsiya nagtatago.
Pero hindi ang katulad ni Timawa ang natatakot sa mga tao. Kaya't sa loob ng labinlimang-taong pamamalagi niya sa plasa Libertad ay wala pa ni isang nakakatuklas ng kanyang lihim.
Maliban na lamang sa kambal ng isa sa mga kinuha niya na nakakita ng pagbabagong anyo ng puno labinlimang-taon na rin ang nakalipas.
Tulad ng kanyang nakagawian, gamit ang kanyang kapangyarihang gumawa ng isang lagusang bilog na tanging siya lamang ang makakakita sa mundo ng mga tao, tinitingnan niya ang iba't-ibang klase ng bata na masayang naglalaro sa plasa Libertad.
At kapag natiyempuhan niyang may mga batang walong taong gulang pataas ang napadpad at naglalaro sa parkeng iyon, minamarkahan niya ito.
Pagkatapos markahan ay binibisita niya ito sa panaginip at mag-aanyong bata siyang makikipaglaro rito upang sumama sa kanya.
Natatawa na lamang siya kapag nakikitang napapasunod niya rito ang mga bata. Mas lalong humahagikgik siya sa kakatawa kapag nakikita niyang hindi magkandaugaga ang mga yaya o magulang ng mga bata sa kakahanap sa kanilang mga alaga o anak.
Hanggang sa ngayong gabi ay sinadya niyang pumasok sa panaginip ng isang batang minarkahan niya.
"Psst! Bata!" ang paniniktik nito sa loob ng kwarto ng batang lalaki.
"Sino ka?" ang pupunas-punas ng mata na tanong ng bata.
"He-he. Gusto mo maglaro? He-he" ang mahihinang tawa ni Timawa sa bata.
"Antok na ako eh. At baka pagalitan ako nila mommy at daddy." ang pagtanggi ng bata at agad na humiga sa kanyang higaan.
Sa inis ni Timawa ay ginamitan niya ito ng hipnotismo para mapasunod ang bata.
Sa ngalan ng aking kapangyarihang itim.
Sa bisa ng aking mahika.
Inuutusan kitang sumunod sa aking kagustuhan.
Tumayo ka at sumunod sa akin.
Sa bawat pagsambit ni Timawa ng mga katagang iyon ay ang unti-unting pagbangon at pagdilat ng mga mata ng bata.
Bumangon ito sa kanyang kama at lumabas ng kwarto. At dahil hawak ni Timawa ang bawat galaw at isip nito, nakalabas ang bata ng walang ka-ingay-ingay sa kanilang bahay.
Samantala, tatalon-talon at sasayaw-sayaw naman si Timawa sa katauhan ng isang batang babae habang dinadala ang batang lalaki sa plasa Libertad.
"Halika, bilis! Laro tayo dito sa loob ng puno. He-he." ang pag-aya ni Timawa sa bata.
"Sige." ang parang robot na sagot naman ng bata.
Nang makarating na sila sa plasa, lumitaw ang kumikinang sa gandang puno sa gitna ng plasa.
Punong nababalutang ng iba't-ibang klase ng palamuti kagaya ng mga lobong may iba't-ibang kulay.
"Wow..." ang masayang sambit ng bata.
"Halika, samahan na kita. He-he" ang tatawa-tawang wika ni Timawa.
Ang punong kanina lang ay nabalutan ng liwanag ay unti-unting umikot paharap at bumukas ang isang lagusan. Isang malaking butas ang iyong makikita.
"Open Sesame!" ang pag-uutos ni Timawa at sinabayan pa niya iyon ng tatlong katok bago naging isang maliit na pintuan.
Pagkapasok ng bata ay sumunod si Timawa. Bago niya sarhan ang pinto ay sinigurado niya munang walang nakapansin sa kaniyang ginawa.
Ito ay upang manatiling lihim ang kanyang pangingidnap sa mga bata.
Ha-ha. Hahahaha. Bwahahaha. Nagtagumpay na naman ako! Bukas, tingnan natin kung hindi ako makakarinig ng pagtangis, pag-iyak at paghikbi ng mga tao. Bwahahaha...
Matapos sarhan ang pinto, umikot muli ang katawan ng puno at namatay ang liwanag. Kasabay ng pagkawala ng liwanag ay ang paglaho ng puno sa gitna ng plasa.
Ang hindi alam ni Timawa ay may matagal na palang nagmamasid sa kanyang ginagawa.
Isang taong grasang laging nagkukubli sa loob ng malaking basurahan sa plasa.