"Bakit walang mga batang naglalaro sa plasang ito?" ang galit na galit na tanong ni Timawa sa kanyang mga duwende.
"Kamahalan, hindi po namin alam. Baka dahil abala ang mga bata sa kanilang pag-aaral. Alam niyo naman pong pasukan ngayon eh." ang nanginginig at nakayukong sabi ng isang duwende.
"Hindi pwede! Kailangan may makuha tayong mga bata ngayong linggo! Kung wala tayong makuha sa labas, kukuha tayo sa loob. At iyon ay sa kanilang panaginip." ang nagpupungay sa ngiting wika ni Timawa.
"Kayo po ang masusunod kamahalan." ang korus na sagot ng kanyang mga duwende.
"Sige, umalis na kayo sa harapan ko. Pakainin niyo na ang mga bata.Bwaha-haha" ang nakakalokong ngiti ni Timawa habang isa-isang nagsipag-alisan sa kanyang harapan ang mga duwende.
Lingid sa kaalaman ng duwende ay may sumisilay ng maitim na binabalak ang mahal nilang Reyna.
"Kung wala akong mapipiling batang mapaglalaruan at makikita sa plasang naglalaro, ako ang mag-iimbita sa kanilang maglaro. At ang larong iyon ay ang taguan. Kapag hindi pa rin sila kumagat, bibisitahin ko sila sa kanilang panaginip. Ha-ha. Bwahahaha." ang humahalakhak na bulong ni Timawa sa kanyang sarili.
Samantala, sa loob ng kaharian ni Timawa ay may isang binatang masayang nakikipaglaro sa mga bata sa isang napakalawak na playground.
Mayroon itong swing, padulas, at iba pang larong kinahihiligan ng mga bata. Katulad din siya ng isang ordinaryong plasang makikita mo sa labas.
Subalit, isa itong plasang tanging ang mga batang nasa ilalim ng kapangyarihan ni Timawa ang makakita nito. Hindi ito makikita ng ordinaryong mga bata o kahit na mga taong naninirahan sa labas.
Ilang bata na rin kasi ang napagod sa kakalaro dito. Hindi kumakain at laro lang ng laro, umaga hanggang buong gabi ang kanilang ginagawa dahilan upang sila'y magkasakit at tuluyan ng namatay.
Nguni't hindi sa isang lalaking matagal na ring nanirahan sa kaharian ni Timawa. Siya ang bata noon na hindi kailanman nagpakita ng kahinaang makakalabas pa rin siya ng buhay.
Ang buong akala ni Timawa ay baliw siya pero nagpapanggap lang siya. Sa loob ng labinlimang taong pamamalagi niya ay wala siyang nakitang lagusan palabas.
Hanggang sa nakilala niya ang isang duwendeng si Pandelemon. Si Pandelemon ang tanging duwendeng nakakaalam ng kanyang lihim sa mahabang panahon.
Si Pandelemon din ang lagi niyang takbuhan at iniiyakan kapag naaalala niya ang kanyang pamilya. Kay Pandelemon niya rin nalaman na buhay pa sila at matiyaga niya itong binabantayan.
Pero matagal na panahon na ring hindi nakabalik sa kaharian ni Timawa si Pandelemon dahil nalaman ni Timawang labas-masok siya mundo ng mga tao at mundong kinasasadlakan niya ngayon.
Muntik na sanang mahuli si Pandelemon ni Timawa pero nagawa niyang makatakas.
Sa tuwing maalala niyang wala na siyang pag-asang makakalabas pa sa mundong iyon ay umiiyak at tumatawa na lamang siyang mag-isa. Hanggang sa magpanggap na nga siyang isang baliw sa kaharian ni Timawa.
Ang hindi alam ng lalaki ay may isa ring nilalang na tumutulo ang luha sa tuwing maaalala siya. Nakamasid lang siya araw at gabi sa gitna ng plasa. Inaabangan ang muling paglabas ni Timawa at ng kanyang mga duwende.
Sabik na sabik na siyang makasama ang kanyang kaibigang naiwan niya sa kanilang kaharian.
Malapit na malapit na tayong magkita mahal kong kaibigan. Huwag ka lang sanang panghinaan ng loob. Makakalabas rin kayo sa mundo ni Timawa. Ako ang tatapos sa kasamaan ni Timawa. Magkikita na rin kayo ng iyong pamilya.
Kasabay ng pagsambit ng mga katagang iyon ay ang pagtulo ng luha ng isang nilalang na nagsusumamong matigil na ang kasamaan ni Timawa.