Julia's POV...
"Mommy, punta tayo ng plasa. Doon oh! Please?" ang naka-puppy eyes na sambit ng aking anak.
Kasalakuyan kasi kaming naglilibot sa buong siyudad at sandaling napadaan sa isang malawak na pasyalan.
"Sige anak. Pero saglit lang tayo roon ha? Hindi tayo pwedeng magpagabi. Bibili pa tayo ng lulutuing pagkain sa supermarket." ang pagsang-ayon ko sa kanyang kagustuhan.
"Opo Mommy. Good boy po ako sabi ni Daddy di ba?" ang napakalapad na ngiting ganti nito sa akin na agad kong niyakap.
"Aba, aba, si Daddy lang ba ang nagsabing good boy ka?" ang pagpapanggap kong nagseselos sa sinabi niya.
"Mommy, stop acting like you don't know. Of course, you and Daddy ang nagsabi na good boy ako. Kapag lumaki na ako, I will protect you from all evil monster. Raawwwr! Para hindi ka na umiyak!" ang nakayakap na wika nito sa akin.
Muntik ng tumulo ang luha ko sa huling sinabi niya kaya ibinaling ko na lamang ang atensyon ko sa paghahanap ng parking area para iwan pansamantala ang aking sasakyan.
Nakahanap naman ako ng pwesto at agad na pinarada ang sasakyan. Bumaba ako kasama si Julius at nagsimula ng maglakad sa plasa.
Namangha ako sa lugar kung saan nakatayo ang plasa. Nasa gitna kasi ito ng mga kilalang establisyemento sa siyudad.
Sa kaliwang bahagi nito ay ang dating town hall ng siyudad. Sa kanang bahagi naman nito ay ang mga maliliit na apartment o paupahan. Sa harap naman ng plasa ay ang PNB o Philippine National Bank dati pero ngayon ay mukhang hindi na napapansin. At sa likod naman ng plasa ay ang old Cathedral o simbahan.
Kompleto sa palaruan ang plasang ito dahil naroroon ang swing, padulas,seesaw at iba pang agaw atensyon sa mata ng mga bata.
Pero ang ipinagtataka ko ay kung bakit walang namamasyal roon. O baka naman kasi busy lang sa school ang mga bata. O baka naman mamayang hapon o dapit-hapon pa sila pupunta.
Sa pagmumuni-muni kong iyon ay hindi ko na napansing nawala na pala sa paningin ko si Julius.
Agad ko namang hinanap ang aking anak hanggang sa mapadpad ako sa pinakasentro ng parke. Napatingala ako at nabasa ang nakapaskil na malaking hugis bahagharing karatula - Welcome to Plaza Libertad.
Napatakip bigla ang kamay ko sa aking bibig ng mabasa ko ang nakasulat doon.
Bigla akong nakaramdam ng lamig. Lamig na nanunuot sa aking buong katawan. Kahit tirik na tirik ang araw at tanging mga lilim ng mga dahon ng puno lamang ang nakatakip sa buong plasa ay ramdam ko pa rin ang ginaw.
Nakaramdam ako ng paninigas ng aking mga kamay at paa. Hindi makagalaw at hindi makakilos. Gusto kong sumigaw pero wala ni isang salitang lumabas sa aking bibig.
Naalala ko biglang nawawala pala si Julius kaya naipikit ko ang aking mata at nag-usal ng panandaliang panalangin.
Diyos ko, ako at ang aking anak ay iadya mo po sa masamang espiritu. Huwag niyo pong hayaang may mangyaring masama sa anak ko. Ayaw ko pong mawala siya katulad ng pagkawala ng kapatid ko. Tulungan niyo po ako.
Pagkadilat ko ng aking mga mata ay naramdaman kong may humihila sa laylayan ng aking palda.
Agad kong nilingon ito at laking gulat kong si Julius pala ang kumakalabit sa akin.
"Mommy, are you okay? I've been trying to find you here sa plasa. Nilibot ko na po kasi ang plasa sa kakahanap sa iyo." ang naguguluhang sabi niya sa akin.
"Julius, anak, ikaw ba yan? Hindi naman ako umalis ah. At saka, ilang oras mo na ba akong hinahanap?" ang maluha-luhang sagot ko habang sinusuri siya. Nang mapagtantong kong siya nga ang anak ko ay agad ko siyang niyakap.
"Two hours and thirty minutes and five seconds." ang nakatingin sa relo niyang sagot sa akin.
"Pe-pero...Paano mo ako nakita?" ang nagtataka kong tanong sa kanya.
"Tinulungan po ako ni-" ang putol na sagot nito habang tinitingnan ang kanyang likuran kong may kasama o wala.
"Sinong hinahanap mo anak?" ang nahihintakutan kong tanong sa kanya habang hawak-hawak ang kanyang kamay.
"Isang taong grasa po Mommy. Siya po ang tumulong sa akin para mahanap kayo. Marungis, mabaho, at puro mga bote ng plastik ang nakasabit sa kanyang katawan. Meron din po siyang -" ang hindi ko na pinatapos na pagsasalita niya dahil agad ko na siyang hinila papunta sa aming sasakyan.
"Anak, we're going home and we are not going back in this plaza. Okay?" ang nagmamadali kong paglalakad.
Habang binabagtas ang daan palabas ng plasa ay naramdaman kong lumakas ang ihip ng hangin. Nagsipaglaglagan ang mga tuyong dahon at ang mga sanga ng mga punong kahoy sa paligid ay animo'y nagwawala.
Agad kong kinarga si Julius at nagtatakbo palabas. Mabuti na lamang at hindi kalayuan ang kotse ko kaya agad ko itong nakita.
Ipinasok ko na sa loob si Julius. Pero bago pa man ako pumasok at sasarhan ang pinto ng aking kotse ay napadako ang aking tingin sa plasa.
Patuloy lang sa pagwawala ang mga sanga ng puno maging ang mga dahon ay unti-unting natatanggal.
Kinilabutan na talaga ako ng mga oras na iyon. Mas lalo pang dumoble ang kilabot sa aking katawan ng maaninag ko ang isang imahe ng isang batang lalaking kawangis ng anak kong si Julius.
Julio?