"Hindi ako maaaring magkamali. May nakasunod sa akin. Alam kong si Julia iyon. Nakita niya kasing nasa labas at nakalutang sa ere ang kanyang anak kaya siguro mabilis niya akong nasundan."
Galit na galit si Timawa ng malamang nasundan siya ng isang tao. Alam niyang hindi hahayaan ng tao na makuha ang batang si Julius kaya nasundan siya nito.
Nguni't ang mas lalong ikinabugnot nito ay ang pakiramdam na may nakalabas na mga bata sa loob ng kanyang kaharian.
Nasa gitna na siya ng plasa ng makita niyang lumabas ang isang kawal na duwende sa lagusan.
"Mahal na reyna Timawa, nakalabas na po lahat ang mga batang kinuha natin." ang nahihintakutang nakayukong wika ng duwende.
"At sinong lapastangan ang nakapasok sa kaharian at nakalabas ang lahat ng bata?" ang nanggagalaiti sa galit na singhal nito sa kanyang kawal.
"Magsalita ka!" ang sigaw ni Timawa at pinakawalan ang isang malakas na sampal sa duwende.
"Si-si Pan-Pandelemon kamahalan. Nakapasok siya at nakalabas ng kaharian. Ginamit niya ang kanyang kapangyarihan upang mapatulog kaming mga kawal mo." ang nanginginig na sambit ng duwende.
"Hindi maaari! Ipunin ang lahat ng mga walang kwentang kawal at ilabas sila. Nararamdaman kong nasa paligid lang si Pandelemon na yan! Bilis!" ang maotoridad na utos ni Timawa sa kawal.
Nasa anyong batang babae pa rin ng mga oras na iyon si Timawa. Ibinaling niya muna ang kanyang atensyon sa batang si Julius na ngayon ay nakatayo at nakayuko pa rin ang ulo.
Alam niyang nasa panaginip pa rin ang batang masayang naglalaro sa isang napakaganda at puno ng iba't-ibang klase ng palaruan sa kanyang isip.
"PANDELEMON!LUMABAS KA'T MAGPAKITA SA AKIN KUNG AYAW MONG PUTULAN KO NG ULO ANG BATANG ITO! LUMABAS KA!"
Sigaw ng sigaw at tawag ng tawag si Timawa kay Pandelemon pero hindi pa rin ito lumilitaw.
Sa halip na si Pandelemon ang lumitaw, si Julia ang ang biglang nahagip ng kanyang mata.
"Huwag! Huwag mong patayin ang anak ko! Nagmamakaawa ako sayo!" ang pagmamakaawa ni Julia.
"Hindi ikaw ang inaasahan ko pero mukhang umaayon sa aking plano ang pagsulpot mo Julia!" ang nakangiting hilaw ni Timawa.
"A-anong ibig mong sabihin? Kilala mo ako?" ang nagtatakang tanong ni Julia.
"Matagal na kitang kilala. Matagal na matagal na!" ngiting demonyong wika nito.
Sa halip na magtanong pa si Julia ay nagsalitang muli si Timawa.
"PANDELEMON! HUWAG MONG UBUSIN ANG PASENSYA KO! ALAM KONG KASAMA MO ANG KAPATID NG BABAENG NASA HARAP KO NGAYON. LALABAS KAYO O SABAY KONG PAPATAYIN ANG KAPATID AT PAMANGKIN NI JULIO! LABAS!"
Natigilan naman si Julia ng marinig ang pangalan ng kanyang kakambal na si Julio. Hindi niya alam kung matutuwa ba siya o magagalit dahil matagal na panahon siyang nagbakasakaling masisilayan niya ang kapatid.
Sa halip na maniwala ay agad siyang tumakbo sa kinaroroonan ng kanyang anak na si Julius.
Nagtagumpay siyang mahawakan at mayakap ang anak niya. Niyugyug niya ito hanggang sa magising.
Pupunas-punas naman ng mukha si Julius at agad na niyakap ang ina.
Bago pa man yakapin ni Julius si Julia ay impit na napasigaw ang huli.
"AAAAAHHHHH..."
"MOMMMYYY..."
Parang kuryenteng nanginginig at namamanhid ang buong katawan ni Julia ng maramdamang may kung anong kidlat na tumama sa kanya at unti-unti siyang iniangat. Napabitaw siya sa kanyang anak.
"NGAYON, PANDELEMON! HINDI KA LALABAS? UUNAHIN KO ANG BABAENG ITO!"
"HUWAG! LALABAS NA AKO!"
Mula sa palikuran ay lumabas ang isang imahe ng lalaking kasing edad ni Julia.
Matangkad, matangos ang ilong, at kahit matagal na panahon itong nawala sa mundo ng mga tao ay kakikitaan mo pa rin ito ng kawangis na katulad na katulad sa kanyang pamangking si Julius.
Naluluha namang hindi makapagsalita si Julia habang pinagmamasdan ang mukha ng kakambal niyang si Julio.
"Lumabas ka rin sa wakas pero nasaan ang iyong magiting na kaibigan? Bakit hindi siya lumabas kasama ang mga bata?" ang ngingiti-ngiting tanong ni Timawa.
"Pakawalan mo ang kapatid ko Timawa. Nakauwi na sa kani-kanilang magulang ang mga bata. Kung gusto mo habang buhay na akong maninirahan at manilbihan sa kaharian mo Timawa. Pakawalan mo lang ang kapatid kong si Julia at ang pamangkin kong si Julius." ang pagmamakaawa ni Julio.
"Ano ako baliw? Hindi maaari ang gusto mo. Alam kong nagsisinungaling ka. Nararamdaman kong hindi pa nakakalabas ng plasang ito ang mga bata." ang pagsisigaw ni Timawa.
Nanatiling nakaangat sa ere si Julia habang si Timawa naman ay unti-unting nagpakawala ng mahika sa buong plasa. Tanging ang liwanag na nagmumula sa puno ang masisilayan mo sa gabing iyon.
"Mula sa kailaliman ng lupa at mga punong naririto ngayon, inuutusan ko kayong gumalaw at isarado ang buong plasang ito! AROPATI AROPATA AROPATI AROPATA KONTRATO KONTRATA!"
Sa bawat pag-usal ng mga katagang iyon ni Timawa ay unti-unting lumakas ang ihip ng hangin. Ang mga puno sa paligid ay biglang nagsigalawan.
Ang mga ugat nito ay humaba ng humaba hanggang sa maging baging at isa-isang nagdugtungan upang lumikha ng malaking pader na walang sino man ang makakalabas ng buhay.
Nagsimula na ring magsulputan ang mga duwendeng kawal ni Timawa at nagmistulang mga pulis na nakahanay sa kanyang likuran.
"NGAYON, PANDELEMON, MAGTATAGO KA NA LAMANG DIYAN? HINDI MO BA TUTULUNGAN ANG KAIBIGAN MO? HA-HA HA-HA. HINDI KA RIN NAMAN MAKAKALABAS NG BUHAY RITO KAYA PWEDE KANG MAGTAGO NG MAGTAGO. BWAHA-BWAHAHAHA."
Walang magawa si Julio ng mga oras na iyon. At dahil nasa anyong batang babae pa rin si Timawa pero nasa adulto naman ang boses nito, naisipan ni Pandelemon na pumasok sa katauhan ng umiiyak na batang si Julius.
Alam niyang hindi tamawo si Timawa kundi isang duwendeng katulad niya. Matatalo niya si Timawa kung papantayan niya ang anyo nito kaya kailangan niya ang katawan ng batang si Julius.