Julia's POV...
Hindi ko na pinatay ang ilaw ng lamp shade sa kwarto ko at agad akong tumayo upang tingnan ang narinig kong kalabog.
Nanggaling iyon sa loob ng kwarto ng aking anak.
Dahan-dahan akong naglakad kahit kinakabahan ay nagpakatapang akong puntahan ang anak ko.
Hindi ako dapat panghinaan ng loob.
Pinihit ko ang door knob at binuksan ang silid ng aking anak. Kinapa ko ang switch ng ilaw malapit sa pintuan.
Pagkabukas ng liwanag sa loob ay nakita kong wala na sa kanyang higaan si Julius.
Inilibot ko ang aking tingin sa kaliwang bahagi ng silid pero hindi ko siya makita hanggang sa mapansin ko ang venetian blinds na nawala sa ayos.
Napatakip ako sa aking bibig at agad napasigaw.
Julius? Julius, anak! Ibalik mo sa akin ang anak ko!
Nangingilid ang mga luha kong makitang nasa ere ang aking anak na si Julius. Nakapikit pa rin ito. Wala sa kanyang ulirat ang nangyayari. Marahil ginamitan siya ng kung ano mang kulam ang tawag doon.
Tiningnan ko naman ang isang batang nakaputi. Isang batang babaeng tawa lang ng tawang nakatingin ito sa akin.
Palayo ng palayo sila sa akin kaya't dali-dali akong lumabas ng room ko papuntang parking area kung saan nakaparada ang sasakyan ko.
Diyos ko. Huwag niyo pong hayaang makuha sa akin ang anak kong si Julius. Nawalan na ako ng kapatid, ng magulang, at ng asawa. Si Julius na lang ang natitirang kadugo ko. Tulungan niyo po ako. Mahal na mahal ko po ang aking anak.
Umusal na lamang ako ng dasal habang nasa loob ng elevator. Pagkakita ko ng sasakyan ko ay agad kong pinaandar ito.
Alam kong sa plasa Libertad dadalhin ang anak ko.
Dahil wala namang masyadong sasakyang dumaraan sa dis-oras ng umagang iyon, mas lalo kong binilisan ang takbo ng kotse.
Hindi nga ako nagkamali dahil natatanaw ko na ang anak kong naglalakad sa daan patungo sa plasa.
Binagalan ko ng kaunti ang pagpapatakbo upang alamin kung makikita ko na ngayon ang punong labinlimang-taon kong hindi nasilayan. Pero hindi ibig sabihin ay hahayaan ko na lamang na makuha nila o niya ang kaisa-isang anak ko.
Lumihis ako sa ibang direksyon. Dumaan ako sa kanang bahagi sa likod ng dating munisipyo at doon pinarada ang aking kotse.
Bumaba ako ng sasakyan at lihim na sinundan ang aking anak papunta ng plasa.
Nakita kong biglang lumingon ang batang babaeng kanina ay nakangiti ito sa akin kaya agad akong nagtago sa isang sulok.
Kabadong-kabado ako na para bang iluluwa na ng katawan ko ang aking puso at isipan.
Lumingon ako ulit at nakita ang ekspresyon ng mga mata ng batang babae. Naging mabagsik at nanlilisik na ang kanyang tingin. Ramdam niya marahil na may nakasunod sa kanya.
At dahil hindi niya ako nakita ay patalon-talon siya ulit na nagtungo sa plasa. Nagsimula na ring maglakad ang anak ko sa direksyon niya.
Patago-tago lang ako sa bawat sulok o establisyimentong madadaanan ko.
Hanggang sa hindi ko na namalayan ang sarili kong nasilayan ang punong naging bunga ng pangungulila, sakit, at paghihinagpis na nanumbalik sa isipan ko.
Ang punong matagal ko ng gustong makita at malaman kung buhay pa ang kakambal ko.