Nakapasok sa lagusan si Pandelemon. Pagkapasok nito ay namangha pa rin siya sa ayos ng mala-palasyong kaharian ni Timawa.
Ang taong grasa niyang anyo ay napalitan ng kanyang tunay na katauhan bilang isang duwende.
Makikita mo sa di-kalayuan ang mga batang masayang naglalaro sa isang playground. Ang iba ay aktibong-aktibo pa samantalang ang iba ay hapong-hapo na at payat na payat na rin.
Napapailing na lamang si Pandelemon sa kanyang nasaksihan. Kailangang maibalik na ang mga bata sa kani-kanilang magulang.
Dahan-dahan siyang naglakad sa pasilyo upang hanapin ang kanyang kaibigang si Julio.
Sa kanyang paglalakad ay nakita niyang bawat pasilyo ay may nakabantay na kawal ni Timawa.
At dahil alam niya ang pasikot-sikot sa loob ay nagpasya siyang puntahan ang tambayan nila ni Julio.
Malakas ang kutob niyang naroroon ang kaibigan kaya dumeretso siya doon.
Hindi naman siya nagkamali dahil nakatunganga lang ito. Umiiyak.
"Kumain ka muna kaibigan." ang masayang panggugulat ni Pandelemon kay Julio.
Natigilan naman si Julio at napako saglit. Inalam muna kung saan nanggagaling ang tinig. Pamilyar na pamilyar ang tinig na iyon.
Nang mapag-alamang boses iyon ng kanyang matalik na kaibigan dati at hanggang ngayon ay lumingon siya.
"Pan-pandelemon?" ang naluluhang sambit ni Julio at agad na niyakap ang kaibigan.
"Ako nga kaibigan. Ako nga si Pandelemon." ang sagot nito at agad na ginantihan ng yakap si Julio.
"Nguni't, paano, saan, ano?" mga tanong na bigla na lamang lumabas sa bibig ng kaibigan.
"Wala na akong oras para sagutin ang mga tanong mo kaibigan. Nasa panganib ang pamangkin mong si Julius at ang kakambal mong si Julia. Kailangan na nating makalabas dito kasama ang ibang mga bata." ang pagsisiwalat ni Pandelemon.
Tumango na lamang si Julio at agad na sumunod kay Pandelemon.
Tinungo nila ang silid kung saan nakakulong ang ibang bata bago puntahan ang playground kung saan naglalaro naman sa kanilang kamatayan ang ibang mga bata.
At dahil may nakabantay na kawal, ginamitan ni Pandelemon ng mahika ang mga ito upang makatulog.
Unti-unti namang tumalab ang kapangyarihan nito at nakatulog na ang mga kawal.
Isa-isang binuksan ni Julio ang mga kulungan at pinalabas ang mga bata habang sa pintuan naman nakaabang at nagbabantay si Pandelemon.
Nang masiguradong lahat ay nakalabas na, sinunod naman nilang pinuntahan ang playground.
Patutulugin na sana ni Pandelemon gamit ang kanyang power ang mga bantay ng makita niyang isa-isang pinatumba ni Julio ang mga ito.
Pagkatapos ay tumingin ito sa kanya kamot-kamot ang kanyang ulo at nag-peace sign pa sa kanya.
Napailing-iling na lamang si Pandelemon sa ginawa ng kaibigan. Kahit paano ay natutunan rin pala nito kung paano patumbahin ang kalaban gamit ang lakas.
Hindi na rin siya mukhang baliw dahil panahon na para makaalis sa lugar na ito upang makasama ang kaniyang pamilya.
"Uy, uy, kanina ka pa nakatulala diyan kaibigan. Tara na! Nakuha ko na ang mga bata. Alis na tayo." ang nakangiting sambit ni Julio.
Hindi niya namalayang nailabas na pala nito ang ibang bata sa playground.
At dahil nasa kapangyarihan pa rin ni Timawa ang mga bata, ginamit niya ang kanyang kapangyarihan para bumalik na ito sa kani-kanilang sarili.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata at nag-usal ng mga katagang 'Makapangyarihang Diyos sa langit, alisin niyo po sa isipan ng mga batang ito ang kapangyarihan ng demonyo'.
Pagkatapos sambitin ang mga iyon ay nawalan ng ulirat sandali ang mga bata. Ilang minuto ang nakalipas ay nagising na sila at takang-taka kung paano sila napadpad sa lugar na iyon.
Wala nang inaksayang oras sina Pandelemon at Julio. Nagtatakbo na sila palabas ng lagusan. Alam niyang malapit ng makabalik si Timawa kaya't kailangan nilang magmadali bago pa sila maabutan.
Nagtagumpay namang narating ng magkaibigan ang lagusan at nakabukas pa rin ito.
Naunang lumabas si Pandelemon at isa-isang inalalayan ang mga bata. Pinagsabihan niyang magtago sila muna sa likod ng isang palikuran ng plasa at huwag lalabas hangga't hindi niya sinasabi.
Ang huling lumabas ay si Julio na tuwang-tuwang nasilayan ang lupa. Ang plasa kung saan labinlimang-taon niya itong hindi napagmasdan.
"Kaibigan, magtago muna tayo dahil nararamdaman ko ng papalapit na si Timawa rito. Ramdam kong hawak na niya ang iyong pamangkin at kailangang mailigtas natin siya." ang pagsasalita ni Pandelemon na agad hinawakan ang kamay ni Julio at nagtago sa kinaroroonan ng mga bata.
Bumalik sa taong grasang anyo si Pandelemon na ikanakamot naman ng ulo ni Julio. Hindi naman nagreklamo ang kaibigan dahil alam niyang si Pandelemon ito.
Ilang saglit pa ay tanaw na tanaw na niya si Timawa na patalon-talong naglalakad habang nakasunod naman sa kanya ang isang bata - si Julius.