NOT A TYPICAL OTHER WOMAN
By JOEMAR ANCHETA (PINAGPALA)
CHAPTER 6
Hanggang sa narinig ko na lang na may padating ng ambulansiya. Kitang-kita ko si Mama na parang wala nang buhay na isinakay nila sa ambulansiya. Ngunit nagdasal ako. Ipinagdadasal ko habang hawak ko ang kamay niya na sana makarating pang buhay si Mama sa hospital. Hindi ko mapapatawad si Papa at si Kuya kung may mangyari sa kanya. Hindi ko kakayaning mawalan kami ng ilaw ng tahanan.
Napakabilis ng pangyayari. Paulit-ulit kong ibinubulong kay Mama noon na lumaban siya. Huwag niya kaming iiwan. Nagdadasal ako sa Diyos na huwag kunin sa amin ni Mama. Kaya lang nadala man namin si Mama sa hospital ngunit ayon sa mga doctor, dead on arrival na siya. Hindi napaghandaan ng aming pamilya ang pagkawala ng ilaw ng aming tahanan kaya nang nangyari iyon ay lahat kami ay nangapa. Hindi namin alam kung paano muling magliliwanag ang aming tahanan. Sobrang nasaktan ako sa nangyari. Ni hindi ko alam kung kanino ako magagalit. Kay Papa ba na nagiging makitid ang utak at masyadong istrikto sa aming kanyang mga anak o kay kuya na matigas ang ulo at hindi nirespeto ang mga alituntunin ni Papa sa bahay. Ngunit ang tanging alam ko ay namatay si Mama dahil sa katigasan ng ulo ni Kuya. Kung hindi sana suwail si kuya hindi sana nangyari ang lahat ng ito. Kung sana sumunod na lang siya, kung sana sa ibang bahay na lang sila natulog ni Ate Janine, san hindi nagalit si Papa. Kung hindi siya nagpatulog ng babae sa kaniyang kuwarto at nahuling may katalik, sigurado buhay pa sana si Mama ngayon.
Nakita ko kinabukasan si Kuya na gustong dumalas sa labi ni Mama. PInagbawalan ko siya. Hindi niya ako pinansin. Mabilis niyang tinungo ang bahay na para bang walang katakot-takot. Maraming tao sa paligid namin at naramdaman ko ang galit ngunit hindi ko alam kung paano ko ilalabas iyon. Mabilis na tinungo ni Kuya ang kabaong ni Mama ngunit hindi pa siya nakakalapit pinuntahan ko muli siya at baka makita lang siya ni Papa. Magkagulo na naman.
“Ano kasing ginagawa mo rito?”
“Gusto kong makita si Mama.”
“Gusto mong makita ang bunga ng ginawa mo? Ikaw ang dahilan kung bakit namatay si Mama! Ang katigasan ng ulo mo ang dahilan kung bakit siya nabawian ng buhay.”
“Hindi ko naman ginustong maging ganito at kung buhay si Mama, sasabihin niya sa’yo na wala akong kasalanan.”
“Wala kang kasalanan? Sa tingin mo magkakagulo tayo sa bahay kung nakinig ka sa akin? Mangyayari ba yung aksidente kung sinunod mo lang ang gusto ni Papa? Ang simple ng hiling ni Papa sa atin. Mag-aral na lang muna. Namatay si Mama dahil sa katigasan ng ulo mo. Namatay si Mama kasi inuuna mo lang ang gusto mo. Namatay siya dahil makasarili ka!”
“Patawarin mo ako, James. Pero sana payagan mo akong makita si Mama kahit sa huling pagkakataon lang!”
“Wala kang karapatang lumapit pa sa amin, hayop ka! Umalis ka dito! Umalis ka dito dahil baka makalimutan kong kuya kita!" Paninigaw ko sa kanya dahil sa aking galit.
"James, hindi ko sinasadya. Patawarin mo ako. Hindi ko gustong mangyari ito kay Mama." Pakiusap niya. Humahagulgol na siya.
"Wala nang silbi pa ang mga sinasabi mo. Hindi na niyan kayang maibabalik pa ang buhay ni Mama! Umalis ka na! Tama ang sinabi ni Papa. Suwail ka! Sarili mo lang ang iniintindi mo! Umalis ka na!" mas malakas na sigaw ko. “Tandaan mo ang sasabihin ko sa’yo. Hindi kita mapapatawad kahit kailan. Kalimutan mo nang may kapatid ka, kalimutan mo nang may pamilya ka!”
Ilang sandali pa ay nakita ko na si Papa na may hawak na itak. Humahangos palapit sa amin.
"Nandiyan na si Papa. Papatayin ka niyan kaya kung gusto mo pang mabuhay, umalis ka na kuya! Bilis!" tinulak ko siya. Kahit ganoon ang ginaw ni Kuya hindi ko gustong may mangyari sa kanyang masama. Napaupo man siya sa lakas ng pagkakatulak kong iyon ngunit kailangan na niyang umalis. Ilang dipa na lang ang layo ni Papa sa kanya at nang nahimasmasan siya ay kumaripas na siya ng takbo.
Dumaan ang araw ngunit mas lalong tumindi ang sakit ng loob ko kay kuya. Hindi lang sa kaniya kundi nadamay na din lahat. Galit ako sa mundo. Galit ako sa lahat.
Papasok kami noon sa aming campus ni Mandy nang may baklang titig na titig sa akin. Dati-rati hindi ko na lang noon pinapansin kung may mga baklang nagpapalipad hangin sa akin o kaya kibit-balikat lang ako kung may mga naririnig akong mga pasaring ng pagkagusto ngunit ngayon abot-langit na ang inis ko. Actually kahit sino naman ang kakanti sa akin noon, lalabanan ko. Masasaktan ko kasi nga pakawala na ang buhay ko. Naghahanap ako ng mapagbalingan ko ng aking galit. Tinignan ko na yung baklang iyon ng masama ngunit nagawa pa niyang magparinig nang nakatapat na siya sa akin. Dinig na dinig ko ang sinabi niyang...
"Guwapo nga pero suplado naman!"
Sa narinig kong iyon ay parang biglang tumaas ang aking dugo,
"Anong sinabi mo 'tang-ina mong bakla ka!"
Hinatak ko ang kuwelyo ng uniform niya at saka sinuntok sa panga. Nang binalak akong kalmutan sa mukha ay muli kong dinagukan at nang namilipit at ambaan ko ng isa pang suntok sa mukha ay mabilis si Mandy na pinigilan ang aking kamao kaya isang malakas na tadyak ang aking pinakawalan.
"Tama na bro. Walang kasalanan yung tao. Tama na!" Yakap ako noon ni Mandy at dahil sa tindi ng takot ay nagsisigaw ang bakla dahilan para makuha ang atensiyon ng aming school guard at binibitbit ako hanggang sa aming Dean's Office.
Duguan ang nguso ng baklang binugbog ko nang pinatawag ako ng VP Admin namin at nagkataon din palang anak niya ang napuruhan ko. At dahil doon ay pinatawan ako ng suspension, ang suspension na iyon ay naging tuluy-tuloy nang hindi ako pumasok. Ayaw ko nang mag-aral pa. Wala na rin naman si Mama. Wasak na rin naman ang buhay naming. Para saan pa ang lahat?
Lalo pang tumindi ang galit ko sa mundo nang tinamaan si Papa ng depresyon. Hindi makatulog, hindi makakain hanggang tuluyan na siyang tinanggal sa serbisyo. Masyado niyang dinidibdib ang pagkawala ni Mama lalo pa't batid niyang isa siya sa mga dahilan ng maagang pagkawala niya sa amin. Lagi siyang lasing. Lagi siyang wala sa sarili. Hanggang unti-unti ng nawawaldas ang lahat ng kaniyang mga pinaghirapan. Buwanan na kung ibenta ang mga nabili nila ni Mama na mga appliances. Sa akin na lahat naiatang ang mga responsibilidad ng isang ina at ama. Hindi ako handang pasanin ang mga responsibilidad na iyon. Hanggang pati ang pag-aaral ng bunso naming si Vicky ay hindi na din nito kayang suportahan.
“Anong nangyayari sa’yo? Hindi ka naman ganyan dati ah?” pakiusap sa akin ni Mandy. Noon ko lang siya nakitang umiyak nang sinabi ko sa kanyang hindi na ako mag-aaral pa.
“Anong nangyayari sa akin? Okey ka lang? Wala na akong future. Sira na ang buhay ko, Mandy.”
“Sira ang buhay mo, dahil ikaw mismo ang sumisira. Bro naman. Nandito ako oh! Tutulungan kita.”
“Madali lang sabihin ‘yan sa’yo kasi maayos ang buhay mo. Ako? May buhay pa ba ako?”
“Hindi ko na alam kung anong gagawin ko sa’yo. Inaaraw-araw kitang pinupuntahan. Araw-araw kita halos kinakausap pero hindi ka sa akin nakikinig. Hindi mo ako nakikita. James, bakit ba ang hirap mong tulungan? Ang hirap mong ayusin?”
“Sandali nga! Bakit hiniling ko bang puntahan moa ko? Sinabi ko bang tulungan mo ako? Hindi naman di ba? Kaya kung sawa ka na! Kung pagod ka na! layuan moa ko! Iwan moa ko kasi wala ka naman mapapala sa akin. Wala akong pakialam sa’yo!”
“Gano’n?” nakita ko ang luha sa kanyang mga mata. “Ganoon na lang ‘yon? Gusto mo layuan kita. Gusto mo, mawala na lang ako sa’yo. Sa tagal ng pinagsamahan natin, ganoon lang ang sasabihin mo sa akin?”
“Alam mo, kung da-dramahan mo lang ako ng ganyan, mabuti pa, umalis ka na! Punung-puno na ng kadramahan ang buhay ko. Hindi kita kailangan. Hindi ko kailangan ang tulad mo sa buhay ko! ”
Huminga siya ng malalim. Pinunasan niya ang kanyang luha. “Oo nga naman. Ano pa bang ginagawa ko rito? Hindi mo naman talaga ako kailangan. Hindi rin naman ako kahit kailan naging mahalaga sa’yo. Hindi mo ako naramdaman.”
“Alis na!” itinulak ko siya. “Andami mo pang sinasabi eh!”
“Huwag mo naman akong ipagtulakan, James.”
“Eh ang kulit mo eh! Ayaw ko na. Magkanya-kanya na tayo. Mula ngayon, wala na akong tropa. Wala na akong kaibigan. Layuan ninyo akong lahat. Iwan ninyo ako! Ako na ang bahala sa buhay ko! Hindi ko kayo kailangan, okey!”
“Okey! Diyan ka masaya? Sige! Layuan kita! Hindi na kita lalapitan pa kahit kailan. Hindi kaibigan ang kailangan mo. Doktor. Doctor sa pag-iisip.”
“Ano? Anong sabi mo?”
“Baliw ka na, James! Hinayaan mong lamunin ka ng kalungkutan mo! Hinayaan mong pagharian ng kasamaan ang buhay mo! Nababaliw ka na!”
Dahil sa sinabing iyon ni Mandy ay isang malakas na suntok sa mukha niya ang pinakawalan ko. Hindi ko na inisip na babae siya. Wala na akong pakialam pa kung ano siya. Hindi ko lang gusto ang sinabi niyang nababaliw na ako. Hindi ako baliw. Hindi ako gagaya kay Papa na nababaliw!
Tumayo siya. Tumingin siya sa akin. Nakita kong may dugo ang nguso niya. May luha sa kanyang mga mata. Titig na titig siya sa akin at para akong nahimasmasan. Nasaktan ko ang bestfriend ko. Nasuntok ko siya samantalang wala naman siyang ibang gustong gawin sana kundi ang tulungan akong makalimot at makabangon.
Lalapitan ko pa lang sana siya para humingi ng tawad ngunit lumayo na siya sa akin. Pinulot niya ang bag niya. Ipinukol ang bola sa akin. Mabilis niyang sinakyan ang kanyang motor at pinaharurot. Naiwan ako doong umiiyak. Nasasaktan rin pala ako na ang kaisa-isang taong naroon lag isa tabi ko ay pinagtulakan ko pa para layuan ako. Ang hindi ko napapansin na taong nagparamdam sa akin na may pamilya ako, na may nagmamahal sa akin, ang huling baraha ko ay pinatalo ko pa.
Hindi na nga nagpakita pa si Mandy sa akin. Iniwasan na niya ako kahit pa madalas ko pa rin siyang inaabangan sa gate. Ayaw na niya akong makausap. Hanggang sa tinigilan ko na rin siya. Noon ko naramdaman ang kalahagahan ng bestfriend ko. Yung kahit nakaupo lang kami at hindi nag-uusap ramdam kong nandiyan siya. Yung kahit nagtatalo kami at nag-aaway, alam kong may isang tao para sa akin na pilit umuunawa.
Dahil sa paglayong iyon sa akin ni Mandy lalo nang gumuho ang mundo ko. Mag-isa na lang ako. Wala nang makapitan pa. Wala na akong matakbuhan. Solo ko na ang mundo kong wasak.
Dahil sa gusto kong takasan ang responsibilidad na hindi naman dapat sa akin ay sumama ako sa girlfriend kong si Cathy at iniwan ko sina Papa at Vicky sa bahay. Naging masyadong mabilis ang mga pangyayari. Nasarapan kami ni Cathy sa aming mga p********k. Malungkot ako. Siya naman ay nagrebelde sa pamilya niya. Swak kami sa isa’t isa. s*x ang naging takbuhan naming para matakasan ang wasak naming mundo. Hanggang sa napag-usapan naming na magsama na lang kami bilang mag-asawa ni Cathy. Nang nabuntis siya sa aming panganay, doon na umalma ang pamilya niya. Sa mayor lang kami ikinasal ni Cathy dahil iyon ang gusto ng kanyang mga magulang. Hindi na pumunta pa si Papa sa kasal ko. Ako lang ang naroon. Wala akong masabing pamilya. Gastos ng mga magulang ni Cathy ang lahat. Utang dawn a kailangan kong bayaran kapag makahanap ako ng trabaho. Tanggap ko lahat. Ang nasa utak ko lang kasi dati ay bahala na. Wala na akong pakialam sa kinabukasan. Mangyari na kung anong mangyari. Sira na rin lang naman ang kinabukasan ko at buhay.
Ilang taon pa ay nabalitaan kong nag-asawa na rin daw si Vicky sa edad niyang labinlima. Nakaramdam ako ng awa sa aking kapatid. Dahil sa ginawa ni Kuya at Papa, sa maagang pagkamatay ni Mama, naging miserable ang buhay naming lahat. Nang namatay si Mama at nagkawatak-watak kaming lahat. Gustuhin ko mang pasyalan si Papa sa bahay ay hindi ko na magawa dahil abala din ako para buhayin ang dalawang magkasunod na ipinanganak na supling namin ni Cathy.
Sa tulad kong hindi nakatapos ng pag-aaral, pinasok ko na ang halos lahat ng puwedeng pagkakakitahan. Kahit ano basta pwedeng pagkakitaan para sa aking pamilya. Kapag kasi nakikita ko ang dalawang lalaking anak ko, iniisip ko lagi ang kabataan ko. Nagkaroon ng direksiyon ang buhay ko. Naisip ko si Mama. Ang mga pangaral niya sa akin. Ipinangako ko sa mga anak ko na hindi ako gagaya kay Papa. Hindi ako tutulad sa kanya kahit anong hirap ng buhay. Buo kami ng kanilang Mama. Hindi ako mambabae. Hindi mawawasak ang pamilya ko tulad ng pagkawasan ng pamilya naming noon. Hindi nila pagdadaanan ang pinagdaanan ko noong bata ako lalo nang nang nagbinata na.
Sa hirap ng buhay, dahil wala rin akong mahanap na trabahong mataas ang sahod ay nagsimula na din ang pagbubunganga ni Cathy na nauuwi sa halos gabi-gabi naming pag-aaway. Noon ko lamang napagtanto na ang pakikipag-asawa para takasan ang problema sa pamilya ay hindi magandang paraan ng pagtakas. Hindi dapat isang pagkakamali din ang dapat isolusyon sa naunang pagkakamali. Ang gulo na, ang hirap-hirap na ng buhay at hindi ko na alam kung paano ko pa aayusin para sa aking mga anak. Para sa aking binuong pamilya.