TROPA
NOT A TYPICAL OTHER WOMAN
By JOEMAR ANCHETA (PINAGPALA)
CHAPTER 1
Ako si James. Lumaki ako sa isang istriktong pamilya. Naikintal sa bubot kong isip ang tama sa mali, ang katanggap-tanggap at bawal at ang pagpapahalaga sa pagkakaroon ng isang buo at masayang pamilya.
Nang Elemetary pa lang ako, nakita ko na kung paano nasaktan ang Mama ko nang sandaling nawala sa landas at nagloko ang Papa ko. Iyon na ang pinakamasakit na bahagi ng buhay ni Mama. Dinig ko ang paghikbi niya sa gabi lalo pa’t alam niyang ang Papa ko ay nasa piling ng iba. Sa tuwing tinatanong ko si Mama noon kung bakit matagal nang hindi umuuwi si Papa ay tanging malalim na buntong-hininga na lamang ang sagot niya sa akin. Hindi na niya kinayang pagtakpan ang pambabae ni Papa. Maaring kaya niyang ilihim iyon kay Kuya Daniel ngunit hindi sa akin. Alam ko ang lahat. Nasasaktan na siya dahil sa ginagawa ni Papa. Nasisira na ang aming pamilya ngunit pilit niya itong itinago sa amin.
Dahil sa pambabae ni Papa, naranasan naming maghirap ng husto. Dahil walang trabaho si Mama at umaasa lang siya sa sustento ni Papa kaya siya nanahimik na lang at nagtiis sa pagkakaroon ni Papa ng iba’t ibang babae. Madalas pinagtatakpan ni Mama si Papa pero alam ko ang totoo. Nakikita ko siyang may kasamang ibang babae hindi kalayuan sa amin. Nasaktan ako ng husto dahil pinipili pa ni Papa na umuwi sa kabit niya kaysa sa amin na original niyang pamilya pagkaraan ng ilang buwan niyang pagkakadestino sa malayong lugar. Kahit pa sabihing nasa Grade 3 pa lang ako noon, alam kong mali ang ginagawa ni Papa at nangako ako sa sarili ko na hinding-hindi ako gagaya sa kanya. Kung magkakaroon ako ng sarili kong pamilya, hindi ko hahayaang danasin ng aking mga magiging anak at asawa ang dinanas namin noon. Si Papa yung isang taong istrikto, maraming bawal, maraming patakaran ngunit hindi namin kinakikitaan sa kanya ang tunay at mabuting ama. Hindi ko sinabi iyon sa mga kapatid ko. Kinausap kasi ako ni Mama na isikreto na lang namin iyong dalawa.
Ako ang laging inuutusan ni Mama para kunin ang sustento ni Papa sa amin nang panahong hindi siya sa amin umuuwi. Minsan, pinupuntahan din kami ni Papa sa school para iaabot ang allowance namin sa buong buwan. Kung pupunta man noon sa bahay si Papa ay para lang iaabot lang aming panggastos. Ang alam ng mga kapatid ko, nadestino lang si Papa sa malayong lugar. Iyon ang gusto ni Mama na isipin nina Vicky at Kuya Daniel. Nangyari naman ang lahat. Ang ayaw ko lang na ginawa ni Papa ay ang utusan niya ang kabit niya para maghatid sa amin ng grocery at pera. Nagpang-abot tuloy sila noon ni Mama. Noon ko nakita na kahit pala tatahi-tahimik lang si Mama pero iba kung makipagsabunutan at makipagsampalan. Wala nagawa noon ang babae. Halos iwasiwas siya ni Mama. Akala ko noon, magagalit si Papa kay Mama, susugurin niya at aawayin ngunit walang nangyaring ganoon. Hindi nga lang muli pang nagpakita sa amin si Papa at pinadadala na lang niya ang aming allowance sa ibang tao. Mabuti na lang at nang nangyari iyon nasa school pa ang mga kapatid ko. Muli ako lang ang nakasaksi sa lahat.
Pero minsan pala may kabutihang naidudulot ang pananahimik ni Mama. Ang kanyang pagtitiis ay may naibubunga rin palang maganda. Grade 7 na ako nang bigla na lang nagbago si Papa. Parang walang nangyari. Naging matino siyang asawa kay Mama pero mas nagiging mahigpit naman siya sa aming mga anak niya. Hindi ko alam kung paano nagawa ni Mama na patawarin nang bigla na lang si Papa at kinalimutan na may ginawa itong pagkakasala sa amin. Halos apat na taon nagtiis si Mama sa sakit at bigla na lang kakalimutan ni Mama ang ginawa ni Papa? Pero okey na rin dahil sa wakas buo na muli ang aking pamilya at nalaman ko ang kahalagahan ng pagpapatawad. Kung si Mama nga na sinaktan at niloko. Iniwan ng mahabang panahon at ipinagpalit sa kabit ay nagawang magpatawad, ako pa kayang anak lang?
Kung kailan naging buo ang aming pamilya ay saka naman dumating ang isa pang pagsubok. Iyon ay dahil sa katigasan ng ulo ni Kuya Daniel, ang kapatid naming panganay. Mula bata kami, ipinaramdam na sa amin ni Papa na wala ni isang dapat susuway sa mg autos niya sa amin. Siya ang batas. Kailangan naming sundin ang lahat ng kanyang mga patakaran sa bahay. Isa pa na ayaw ni Papa ay ang babakla-bakla kami. Malambot kumilos at magsalita si Kuya Daniel. Aaakalain mong bakla siya ngunit hindi siya ganoon. Alam ko iyon.
Kaya naman lumaki akong hindi ako nakikisama sa mga bakla at nandidiri akong mailapat ang kahit anong bahagi ng katawan ko sa kanila. Naiirita akong nakikita sila kahit wala naman silang ginagawang hindi maganda sa akin. Basta kung may palabas sa pinapanood kong bakla, napapamura ako sa kanilang mga ikinikilos. Kasama ko si Papa noon sa pagtawa. Napapadura ako kapag may nakakasalubong akong alanganin. Kung may tumititig sa akin ay kulang na lang murahin ko sila o kaya ay ambaan ng suntok. Iyon kasi ang turo sa akin ni Papa. Nabuo sa isip ko ang pagiging homophobic at hindi ko alam kung bakit ganoon na lang ang galit ni Papa sa kanila.
Nagsimula ang lahat ng paghihirap ng aming pamilya nang nangyaring trahedya sa pamilya namin dahil sa katigasan ng ulo ni Kuya Daniel. Doon nag-ugat ang isa sa pinakamatinding kalbaryo ng aming buhay. Nagbinata akong taglay ang damdaming iyon laban sa mga kanya at galit rin ako sa mga amang nagkakaroon ng ibang kinakasama bukod sa kanilang asawa. Kung mayroon man isang pagkakamali na sukdulang ipinagbabawal ng sundalo kong Papa, iyon ay ang pagiging alanganin sa isa sa aming magkapatid.
Nang Grade 8 na ako, palaging wala na si Papa sa piling namin dahil nakadestino siya sa malayong lugar. Sina Mama, ang bunso kong kapatid na si Vicky, ang panganay naming si Kuya Daniel at ako ang laging magkakasama sa bahay. Hindi kailanman nagsasabi si Papa kung kailan siya uuwi. Basta na lang siya bubulaga sa amin habang kumakain, nanonood ng tv o kaya ay magigising na lang kami na may magkukumot sa amin o kaya ay hahalik sa aming pisngi. Lahat ng kaniyang mga utos at alituntunin sa bahay ay kailangan naming sundin, kasama man namin siya o hindi at nakikita man niya o nakatalikod. Lahat dapat ay may ginagawa. Kung nagtratrabaho ang isa, dapat lahat kumikilos din. Bawat isa ay may responsibilidad na dapat gawin. Bawal ang umuwi ng lagpas alas otso ng gabi. Bawal ang hindi magpaalam sa tuwing lalabas sa pintuan ng bahay. Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagpapatulog sa aming kuwarto ng hindi namin kamag-anak lalo na kapag babae o lalaki. Basta kahit anong kasarian, bawal pa. May kuwartong nakalaan para sa bisitang kaibigan o kamag-anak. Hindi rin pinapahintulutang magkandado ng aming mga kuwarto. Sarado ngunit hindi dapat ikinakandado sa loob. Hindi dapat tinatanong si Papa kung bakit. Kung ano ang sinabi, hindi na iyon mababali ng kahit sino at hindi puwedeng suwayin. Kung ano ang utos niya sa bahay namin iyon ang dapat sundin na hindi dapat pang kinokontra. Lumaki kaming ganoon ang mga patakaran hanggang kinalakihan na namin ang ganoong sistema. Oo, naging babaero si Papa ngunit busog kami sa kanyang pagmamahal at pagdidisiplina. Maaring may nagawa siyang mali kay Mama ngunit hindi sa amin. Hindi niya kami ginutom. Hindi pinabayaan kahit noong may babae pa siyang iba. Kahit noong may iba siyang inuuwian, patuloy pa rin ang kanyang sustento sa amin.
Naintindihan ko si Papa sa mga patakaran niya maliban kay kuya na nang nagbinata ay tuwiran na ang pagsuway sa kaniyang mga utos. Dala na rin siguro sa mga ginawa ni Papa sa amin noong bata pa kaming pag-iwan kaya naman nagrerebelde na si Kuya kay Papa. Hindi niya ito iniintindi. Hindi siya sumusunod sa mga rules and regulation ni Papa sa amin.
Hindi man pinapaliwanag ni Papa sa amin ang katuwiran niya kung bakit sobrang higpit niya sa amin ngunit alam kong para sa aming kabutihan ang lahat ng kaniyang patakaran. Sa aming paglaki ay nakasanayan na naming umuwi ng maaga pa sa curfew namin at hindi pagpapatulog sa aming mga bisita sa kuwarto namin kasama na doon ang hindi pakikihalubilo sa mga bakla, durugista o kahit sinong sa tingin namin ay magiging bad influence sa amin. Bawal din muna ang manligaw o magkaroon ng girlfriend na hindi pa tapos sa pag-aaral. Ngunit tuwing wala si Papa sa bahay ay halos hating gabi na kung umuwi si Kuya. Pinaalala ko sa kaniya ang mga ayaw ni Papa ngunit hindi siya nakinig sa akin. Dahil pareho kami ng pinapasukang Unibersidad ay malimit ko siyang makita na kasama niya ang mga lantad at tagong mga bakla sa campus pero kasama niya lagi si Janine. Si Janine na alam kong kasintahan niya ngunit hindi niya sa amin inaamin. Hindi ko tuloy siya kinakausap at pinapansin. Ayaw kong magalit si Papa sa akin. Kaya nga iniiwasan ko na lang siya at hindi rin ako nagsusumbong kay Papa. Naging malayo tuloy ang damdamin ko kay Kuya. Para lang kaming estranghero sa isa't isa sa loob ng campus at kahit sa loob ng aming bahay.
Matipuno ang katawan ni kuya, gwapo at malakas ang karisma nito sa mga babae ngunit ni minsan ay hindi pa siya nagkakaroon ng girlfriend maliban sa mga kaibigan niyang babae na dumadalaw sa kaniya na si Janine.
Ako naman ay matinong lalaki. Alam ko kung paano nasaktan si Mama noon kaya kahit marami sa akin ang nagkakagusto ay si Cathy lang talaga ang lihim kong kinahuhumalingan. Dahil torpe, ang kababata at betsfriend kong si Mandy ang gumagawa ng paraan noon para makilala ko at makausap si Cathy pero dahil likas na torpe ay hindi ko talaga magawang ligawan.
Si Mandy ang kasanggang dikit ko mula noong Elemetary kami. Noong una, nahihiya pa akong makipag-usap sa kanya. Loner kasi ako noon. May sariling mundo dahil nga sa problema namin sa pamilya. Si Mandy ang makulit na babaeng laging nalapit. Laging may dalang kung anu-anong pagkain. Ayaw ko talaga sa kanya noon dahil bukod sa mas astig pa siya sa akin noon kumilos ay lagi pang napapaaway sa mga kaklase naming lalaki. Tingin ko sa kanya noon pa, tomboy kasi nagsusumbrero ng patalikod at laging maangas ang kilos. Kung hindi siya ganoon noon at kung babaeng-babae siya, malayong mapansin ko siya at maging kaibigan. Nasanay na lang kasi ako noon dahil lagi siyang nakadikit. Hanggang sa tinanggap ko na lang na bahagi talaga siya ng buhay kabataan ko at tropa na kami noon. Siya ang pinakamatalik kong babaeng kaibigan. Kung babae nga talaga siya.
Habang ang mga tropa ko noon ay panay ang palit ng girlfriend, ako naman ay sa isa lang natingin. Isa na hindi ko naman kayang pormahan kahit anong tulong ang ginagawa sa akin ni Mandy para mapalapit kay Cathy. Wala e, torpe lang siguro ako. Hanggang sa naunahan na lang ako ng iba. Nagkaroon si Cathy ng boyfriend na hindi man lang ako nakapanligaw.
“Ang hina mo kasi! Tinaturuan na kita ng tamang diskarte para maligawan mo, hindi mo pa ginawa.” Napapailing na wika ni Mandy noon sa akin habang nakatingin kaming dalawa kay Cathy na may ka-date ng iba sa silong ng akasya.
“Kinakabahan kasi talaga ako e.”
“Bakit ka naman kabahan? Ang sabihin mo, torpe ka lang talaga.”
“Aba! Nagsalita. Bakit? Ikaw ba meron nang syota?”
“Bakit mo ibinabalik sa akin? Ikaw itong may gusto ro’n eh. Ganito na lang, paturo ka muna ng diskarte diyan kay Jake. Matinik ‘yan sa babae.”
“Huwag na, si Cathy lang ang gusto ko e.”
“Oh? Aba sayang naman kung hanggang tingin ka na lang? Mga ganyang tipong babae ba ang gusto mo bro?” Kumindat pa si Mandy. “Kaya kong maging ganyan kagaya ni Cathy.”
“Tang-ina, tumigil ka nga. Nakakadiri ka gago. Hindi tayo talo.”
“Aba. Baka ma-inlove ka sa akin niyan kapag makita mong ganyan na kapula ang labi ko at ganyan kaayos ang kilay ko kagaya nang sa kanya.”
“Hindi mangyayari ‘yon. Hindi kita magugustuhan. Ikaw nakakadiri ka talaga.”
“Diring-diri?”
“Oo kasi parang lalaking tropa na ang tingin ko sa’yo. Baliw!”
“Ah okey.”
“Magsyota kang babae para sabay tayong mag-date hindi yung ako pa ang pinagti-tripan mo, baliw.”
“Ayaw mo no’n. Hindi ka na mahihirapang manligaw sa akin. Sagot agad. Date mo agad ako.”
“Tumigil ka na nga. Naalibadbaran ako sa sinasabi mo.”
“Kasi nga bro, paano ka magkaka-girlfriend kung ganyan ka ka-torpe. Kaya pag-praktisan mo ako. Ako muna.”
“Seryoso ka?” Kunot na ang noo kong nakatingin sa kanya. Tinitigan ko siya. Hindi ko maiwasang maikumpara siya kay Cathy.
Si Mandy ay parang lalaki kumilos. Magaslaw samantalang si Cathy, pino. Babaeng-babae. Makapal ang kilay ni Mandy, morena dahil kung saan kami maglalaro ng basketball o kahit saan kami pupuntang magto-tropa, lagi siyang kasama kahit pa sa katirikan ng araw samantalang si Cathy, parang binalatang bawang. Maputi. Mamula-mula ang pisngi at labi. Seksi ang makurbang katawan samantalang si Mandy…
“Oh, hayan nakatitig ka na sa akin.Tinatamaan ka na yata e. Ano, gusto mo na ako?”
“Baliw! Tara na nga. Uwi na ako. Angkas na lang ako sa motor mo kasi natamad na ako mag-commute eh”
“Tara! Kahit magkaibang direksyon ang mga bahay natin, uunahin na lang kitang idaan.”
“Yown! Inakbayan ko siya.” Ganoon kami ni Mandy. Tropa. Kaya kahit ramdam kong parang may gusto siya sa akin, hindi ko pinansin kasi alam kong kalokohan lang din naman ang kanyang mga banat. Hindi ko sineryoso kasi alam ko namang wala lang ‘yon sa kanya at hindi kami talo. Hindi ko siya kailanman magugustuhan.