NOT A TYPICAL OTHER WOMAN
By JOEMAR ANCHETA (PINAGPALA)
CHAPTER 7
Sa hirap ng buhay, dahil wala rin akong mahanap na trabahong mataas ang sahod ay nagsimula na din ang pagbubunganga ni Cathy na nauuwi sa halos gabi-gabi naming pag-aaway. Noon ko lamang napagtanto na ang pakikipag-asawa para takasan ang problema sa pamilya ay hindi magandang paraan ng pagtakas. Hindi dapat isang pagkakamali din ang dapat isolusyon sa naunang pagkakamali. Ang gulo na, ang hirap-hirap na ng buhay at hindi ko na alam kung paano ko pa aayusin para sa aking mga anak. Para sa aking binuong pamilya.
"Ito lang? Ito lang ang putang-inang kinita mo?" pambubunganga niya nang minsang iabot ko ang kinsenas kong sahod.
Bumuntong hininga ako. "Sa iyan lang ang sinahod ko, anong magagawa ko. Kita mo namang nilalakad ko na lang papasok at pauwi kahit may kalayuan pa ang pinapasukan ko para makatipid. Hindi na ako nakain para lang kahit papaano ay buo ang mabibigay kong pera sa’yo."
"Naisip mo ba ang gastusin sa bahay? Buwanan nating renta dito sa bahay, tubig, ilaw, gatas ng mga anak mo, pagkain natin sa araw-araw! Sabihin mo nga sa akin kung paano ko mapagkakasya lahat ng 'yan." Tinapon niya sa mukha ko ang pinagpaguran ko ng labinlimang araw.
Nanlumo ako. Hindi na siya nakukuntento sa kaya kong iabot sa kaniya. Pinulot ko ang pera at nilagay ko sa mesa. Binuhat ko ang bunso namin na nakatulog na sa sahig at nilagay sa kama naming pinagkakasya naming apat.
"Ayaw ko na! Malapit na akong sumuko! Hindi ganitong buhay ang pinangarap ko, James! Kung walang pagbabago ang tang-inang buhay na 'to e mabuti pang magkaniya-kaniya na lang tayo!"
“Hindi naman natin kailangang maghiwalay Cathy. May mga anak tayo oh? Hindi naman pwede yung ganyang desisyon mo. Konting tiis lang naman.”
“Hanggang kailan ha? Hanggang kailan ako magtitiis. Kung ganito lagi e doon na lang kami ng mga anak mo sa bahay nina Mommy. Mabuti pa ro’n hindi siguro kami gugutumin kagaya ng ginagawa mong panggugutom sa amin.”
“Ginugutom ko ba kayo? Oo. Maaring salat tayo pero alam mong hindi ko kayo ginutom. Nakikita mo rin naman na ginagawa ko ang lahat para kumain kayo ng mga bata tatlong beses isang araw. Masyado ka lang mapaghangad.” Bumuntong-hininga ako. Inayos ko ang luma at butas-butas na kumot ng anak ko. Naluluha ako. Ang hirap nan ga ng buhay naming nag-aaway pa kami.
“Sino naman ang hindi maghahangad ha? Ikaw lang kasi nga wala kang pangarap makaahon dito sa pesteng hirap na ‘to.” Itinaas niya ang kanyang paa. Kinuha niya ang kanyang cellphone at nag-f*******:.
“May pagkain na bang naluto?” pag-iiba ko ng usapan.
“Anong iluluto ko? Bili na lang tayo ng lutong ulam diyan sa labas. Magsaing ka na lang kung gusto mong kumain dahil ako, pagod na pagod na ako sap ag-aalaga diyan sa mga anak mo.”
“Ako pa ang magsasaing? Hindi naman gano’n kahirap magsaing Cathy. Maging asawa ka naman sa akin.”
“Aba! Dalawa mo ang anak mo. Baka akala mo wala akong ginagawa sa bahay.”
“Hindi naman na kinakarga ang mga ‘yan. Naglalaro na nga sila. Ang sabihin mo…”
“Ano ha?” hindi na niya ako pinatapos. “Sinasabi mo na tamad ako?”
Huminga ako nang malalim. “Wala akong sinabi. Sige na. Akon ang magsaing.” Pabulong kong sagot. Natuto na akong magtiis. Natutunan ko nang papasukin sa kaliwang tainga at palabasin sa aking kanang tainga ang kaniyang mga pagbubunganga. Alam ko kasing kung patulan ko ay hindi siya patatalo at mauuwi din lang sa wala ang aking ipaglalaban. Para saan pang patulan siya kung alam ko namang lalo lang kaming magkainitan. Pasensiyahan na lang sabay ng malalim na buntong hininga.
Kahit pagod ako na lang din ang nagluto. Lumabas ako at bumili ng ulam. Inilagay ko sa mangkok ang munggo na binili ko. Tulog pa ang dalawang anak ko. Mamaya ko na sila pakainin pagkagising nila.
“Halika ka na. Kain na tayo.”
Naglagay ako ng kanin sa plato niya. Hindi pa rin siya kumikilos.
“Halika ka na. Mamaya ka na lang mag-cellphone. Kain ka.”
Tumayo siya. Tinignan niya ang binili kong ulam namin.
“Ano ‘yan?” kunot ang noo niyang tanong.
“Munggo.”
“Alam kong munggo pero tang-ina naman. Pauulamin mo akong munggo?”
“Cathy, sabi mo kulang ang iniintriga kong pera sa’yo. Baka naman kaya kung magtipid.”
“Ikaw na lang ang kumain kung gusto mo. Nakaka-bwisit ka na.”
Huminga ako ng malalim. Pinigilan ko ang sarili kong hindi magalit. “Ano bang gusto mong ulam?” tanong ko para hindi lang hahaba ang aming away.
“Manok, baboy, karne ng baka. Kahit ano huwag lang sanang gulay at munggo.”
Muli akong huminga ng malalim. Pinapaalala ko sa sarili kong kailangan kong habaan ang aking pasensiya.
“Sige. Bibili akong gusto mong ulam. Sandali lang.”
Tumayo ako. Nakapahirap pagtiisan ang ugali ng misis ko pero kailangan. Gagawin ko ang lahat hindi lang mawasak ang aking pamilya.
Mahal ko ang asawa ko. Kahit nagkukulang siya sa akin sa pag-aalaga ay minahal ko siya. Kahit pa binubungangaan niya ako ay nagtitiis ako at nananahimik. Hindi na ako yung dating James. Nawala na yung dating ako dahil iniisip ko lagi ang mga bilin ni Mama sa akin. Kung kayang magtiis, magtitiis ako para sa mga bata. Para sa aking pamilya.
Kahit may mga gabing gusto ko siyang sipingan ay sisikuin lang ako't sasabihing pagod at walang gana ay hindi ako nagpipilit. Kaya ko namang magsolo para lang ilabas ang init sa aking katawan huwag lang kaming mag-away. Kahit hindi niya ako pinagsisilbihan katulad ng ibang mga asawa na nakikita ko sa mga katrabaho ko ay okey lang. Lulunukin ko ang sakit. Tanggap ko naman, masyado akong nagmamadaling magkapamilya. Kaya tuloy nagkamali ako ng piniling makatuwang sa buhay. Alam ko naman iyon ngunit nandito na 'to. Kailangan ko na lamang panindigan. Siguro dahil iniisip ko ding siya at ang mga anak ko na lamang ang alam kong natitirang nagmamahal din sa akin. Pero minsan napapaisip na ako, mahal pa rin kaya ako ng misis ko?
Kahit maraming pagkukulang si Cathy ay pilit kong iniintindi ang lahat para huwag lang mawala ang Mama ng mga anak ko. Kahit pagod ako galing sa trabaho ay ako pa rin ang nag-aalaga sa kanila at minsan wala pang nakahandang pagkain. Kailangan ko pang gawin lahat ng iyon dahil hindi sanay si Cathy sa gawaing bahay. Hindi sanay o tamad lang talaga. Hindi ko alam. Hindi ko na lang siya inoobliga. Hindi din naman lahat ng oras ay napagpapasensiyahan ko lalo na kung dumadating yung araw na wala na akong maisuot na damit dahil tinamad siyang maglaba. Marami siyang mga dahilan, pagod siya sa mga bata, bagong manicure and kaniyang mga kuko at baka masira, nakaligtaan niya dahil may dumating na mga kaibigan niya noong college ngunit kahit ano pa ang kaniyang dahilan masakit sa aking isiping hindi siya ang Cathy na akala ko handa niya akong samahan at tulungan sa oras ng aming kagipitan.
Isang araw, habang naglalakad ako pauwi sa aming nirerentahan ay may magarang kotse na pumarada sa mismong dadaanan ko. Huminto ako. Gumilid ng husto para makadaan pero binuksan ng lulan ng kotse ang kanyang pinto kaya tumigil ako.
“James!” tawag niya sa akin. Isang maganda, maputi, matangkad at seksing babae ang lumabas.
“Kilala mo ako?” tanong ko. “Sino ka nga uli?”
“Ano ka ba? Ako ‘to? Bro.”
“Mandy? Ikaw si Mandy, tama?”
“Oo ako nga?”
“Anong nangyari sa’yo?” nagtataka kong tanong. Ngunit inaamin ko, ang ganda niya. Malayo na sa dating kalaro ko lang noon ng basketball. Ang tropa kong babae na mas astig pa sa akin.
“Bakit? Ano ba dapat ang mangyari sa akin?”
“Naging babae ka na bro.” Natatawa ako.
“Gago ka ba? E, babae naman talaga ako.”
“Pero hindi ba tomboy ka? Nakakailang tuloy. Hindi na ikaw yung Mandy na kilala ko eh.”
“Ako pa rin naman ito. Kailangan lang maging ganito ako manamit, magsalita at kumilos kasi bawal naman sa bansa kung saan ako nagta-trabaho ang babaeng mukhang lalaki.”
“Ibig sabihin, napilitan ka lang magdamit at maging ganyan dahil sa bawal sa bansang napagtrabahuan mo, tama?”
Tumango siya. Alanganing pagtango.
“Ikaw, anong nangyari sa’yo?” tanong niya sa akin.
“Hayon, may dalawa nang anak. Nagta-trabaho ako sa pabrikang ‘yan. Pilit pinagkakasya ang kita. Hindi kagaya mo, mukhang bigtime ka na.”
“Hindi naman. Nakatapos lang at nakapagtrabaho sa ibang bansa.”
Huminga ako nang malalim. Hindi ko maiwasang mainggit sa kanya. Pagkatapos nang nasuspend ako at hindi na ako nakapagtuloy pa sa pag-aaral ay iniwasan ko na din ang mga tropa ko. Nang nag-asawa ako nang maaga ay tuluyan ko na silang iniwasan at kinalimutan. Naging abala akong buhayin ang pamilya ko at siguro dahil nahihiya na din ako sa biglang pagbulusok ng aking buhay. Hindi ko nabigyan ng importansiya ang aming pagkakaibigan dahil sa dami ng aking mga pinagdaanan. Maalala ko nga, pinagtulakan ko siya sa buhay ko. Ngayon, muli kaming pinagtagpo ng tadhana. Ano kayang pagbabago ang dala ni Mandy sa aking buhay?