KAIBIGAN

1869 Words
NOT A TYPICAL OTHER WOMAN By JOEMAR ANCHETA (PINAGPALA) CHAPTER 8 Huminga ako nang malalim. Hindi ko maiwasang mainggit sa kanya. Pagkatapos nang nasuspend ako at hindi na ako nakapagtuloy pa sa pag-aaral ay iniwasan ko na din ang mga tropa ko. Nang nag-asawa ako nang maaga ay tuluyan ko na silang iniwasan at kinalimutan. Naging abala akong buhayin ang pamilya ko at siguro dahil nahihiya na din ako sa biglang pagbulusok ng aking buhay. Hindi ko nabigyan ng importansiya ang aming pagkakaibigan dahil sa dami ng aking mga pinagdaanan. Maalala ko nga, pinagtulakan ko siya sa buhay ko. Ngayon, muli kaming pinagtagpo ng tadhana. Ano kayang pagbabago ang dala ni Mandy sa aking buhay? “Nagmamadali ka ba?” tanong niya sa akin sa akin. Naisip ko ang asawa ko at mga anak gusto kong sagutin siya ng “Oo” ngunit hindi ko magawa. Naalala ko kasi nang huli kaming nag-usap. Nang ipinagtabuyan ko siya samantalang ang nais lang naman sana lang niya noon ay ayusin ang buhay ko. Pinagsisihan ko na noon iyon at gusto kong bumawi. Kahit naman maaga akong uuwi, aawayin pa rin naman ako ni Cathy kaya anong bago? “Bakit, manlilibre ka ba?” tanong ko. “Oo ba? Anong gusto mo, dinner? Inom?” “Pwede namang dalawa. Bigatin ka naman na eh.” “Sige. Kain na muna tayo bago uminom. Sakay ka na.” “Hindi ba alangan itong suot ko?” naka-tshirt lang kasi akong luma na at short na may karumihan. Nanliliit ako sa aking sarili nang tumabi ako sa kanya. Naamoy ko ang kanyang kabanguhan. Maayos ang kanyang hitsura. Pormang mayamang babae samantalang ako, para lang niyang boy. Hindi ko tuloy alam kung sasama pa ako sa kanya kasi nanliliit ako sa aking sarili. Nahihiya akong sumakay sa mabango niyang sasakyan. Tahimik lang muna kaming dalawa. Para kasing hindi ko na kilala ngayon ang Mandy na kasama ko. Maganda na. Seksing-seksi at babaeng-babae na kumilos kahit sa puso at isip ko, siya pa rin yung tomboy na Mandy na kaibigan ko. Itinabi niya ang kanyang sasakyan sa nadaanan naming tindahan ng mga damit. “Dito ka lang ha? Sandali lang ako.” Pagkasabi niya doon ay bumaba na siya. Hindi na ako nakasagot pa. Wala naman akong magawa kundi ang hintayin na lang ang pagbabalik niya. Ilang sandali pa ay kinatok niya ang bintana ng sasakyan. Ibinaba ko. “Heto ang bagong damit mo. Mukhang kasya naman ito sa’yo. Nakausap ko na yung nagtutinda sa loob na pwede kang magpalit ng damit sa kanila.” “Seryoso ka?” “Oo naman.” “Naku nakakahiya naman.” “Ayos lang ‘yan. Hindi ko naman kasi aakalain na makikita ka rito kaya pasensiya ka na sa pasalubong na binili lang dito sa Pilipinas. Sinamahan ko na rin ng bagong sapatos.” “Huwag na. Nakakahiya eh.” “Ano ka ba? Bayad na ‘yan. Mas nakakahiya naman na ibalik ko pa ‘yan. Sige na para makakain na tayo at makapag-inuman kasi flight ko na bukas.” “Sige. Salamat dito ha?” nahihiya kong kinuha sa kanya ang shopping bags na iniabot niya sa akin. Nang maisuot ko ang binili niyang damit at tinigna ko ang kabuuan ko sa salamin ay hindi pa rin kayang itinago ng bagong damit, pantalon at sapatos ang aking itinanda. Napakapayat ko na pala. Nangitim na rin ng husto dahil kapag walang pasok sa pabrika, nagsa-sideline pa ako sa pagko-construction. Ang hirap kasi ng aking buhay kaya nahalata iyon sa aking hitsura. Nakakaawa na pala ako kumpara kay Mandy. Nang lumabas ako ay nakatingin si Mandy sa akin. Nakangiti. Nakita ko sa mga mata niya ang awa niya sa akin. Alam ko, nakakaawa naman talaga ang sinapit ko. Ngunit ito na ang buhay ko. Tanggapin ko na lang ang kahirapang pinagdadaanan ko. Sa mamahaling restaurant kami kumain. Mga pagkaing matagal ko nang hindi natitikman. Inuming matagal ko nang gustong inumin. Napagkaitan ko ang sarili ko dahil inuna kong magpadala noon sa lungkot at sawi sa buhay. Medyo alangan pa ako nang una ngunit nang lumabas ang dating ugali ni Mandy noong tropa kami ay mabilis muli kaming nagkapalagayan ng loob. Basta tingin ko sa kanya, yung dati pa ring siya. Nakakatulong iyon para hindi ako makaramdam ng hiya at pag-aalangan. Hanggang sa pumasok na kami sa bar para mag-inuman. Bar na mahina lang ang tugtog. Gusto lang naming mag-chill at hindi maglasing. Habang nakakainom kami, binabalikan na namin ang nakaraan. Ang aming kabataan. Ang aming mga kalokohan. Napansin kong ayaw niyang pag-usapan naming ang asawa kong si Cathy at ang hindi maganda naming pagkakalayo. Pero kailangan ko nang kausap. Nang kaibigang mapagsabihan ng aking mga dinadalang problema. Inipon ko kasi noon lahat at ngayon, sumasabog na ako. Wala namang choice si Mandy kung hindi ang makinig sa akin. "Nang mamatay si Mama, nagkaletse-letse na ang buhay ko bro. Akala ko matatakasan ko ang problema ko sa pamilya nang nag-asawa ako pero huli na nang nakilala ko ang ugali ni Cathy. Sobrang reklamador at bungangera. Idagdag pa ang hirap ng buhay namin bro, ilang beses na kaming halos mapalayas sa inuupuhan naming maliit na apartment dahil walang maibayad sa renta. Ang tanging nagbibigay ng ngiti at lakas sa akin para lumaban sa buhay ay ang dalawa kong anak. Kung wala siguro sila, baka bumigay na lang talaga rin ako." Alam kong nangingilid ang luha ko noon ngunit ayaw kong umiyak. Hindi ako iiyak sa harap ng kahit sino. Kahit lugmok na ako sa kahirapan. Kahit alam kong wala nang pag-asa pang umangat ang buhay ko, hindi ako kailangang magpakita ng kahinaan. Nakita ko sa mga mata ni Mandy ang awa sa akin. Siya yung nakita kong naluha sa mga ibinahagi ko sa kanyang buhay ko. Siya ang nasasaktan para sa akin. "Kaya mo yan bro. Ikaw pa e idol kaya kita sa tibay ng paninindigan mo kahit noong bata pa tayo." "Kung sana nga bro, nakakain ang paninindigan o kaya naibebenta, siguro hindi kami maghihirap ngayon ng asawa ko at mga bata. Ikaw naman bro. Ikaw naman ang kukumustahin ko. Mukhang asensado na talaga tayo ah." "Ayos lang bro, sa awa ng Diyos. Eto nagbabakasyon lang. Tulad ng sabi ko sa’yo, bukas balik ibang bansa uli ako." "Nag-abroad ka nga pala talaga ano?" "Oo, dalawang taon na rin ako doon at maayos naman ang kita at buhay ko doon kaya baka matagalan pa ako at doon na muna hanggang kumikita pa ng maayos-ayos." "Bro, tingin mo, may trabaho bang pwede sa akin doon?” “Seryoso ka?” “Nagbabakasakali lang. Kunin mo na ako kahit tiga-linis lang sa opisina ninyo puwede na, ang importante ay mabigyan ko ng marangyang buhay ang mga anak ko at matigil na din si Cathy sa karereklamo." “Iiwan mo ang asawa mo at anak?” “Wala eh. Sa ngayon, mas kailangan naming ang pera para sa mga bata. Naririndi na kasi ako sa kabubunganga ni Cathy. Baka lalo kaming magkahiwalay kung dito lang ako at di ko siya mabigyan ng magandang buhay.” "Tignan natin bro ha? Hindi ako makakabitaw ng pangako sa’yo ngayon pero gagawin ko ang lahat ng kaya ko para maihanapan kita doon ng trabaho. Basta balitaan kita."  “Salamat bro. Sa kabila ng lahat ay hindi mo nagawang makalimot gaano man kalayo ang narrating mo. Tunay ka talagang kaibigan.  Hindi ka nagsasawang suportahan ako sa kabila ng hindi ko pagbibigay ng kahit katiting na kahalagahan sa ating pinagsamahan noon.” “Magda-drama ba tayo? Okey na ‘yon ano ka ba? Mga bata pa tayo noon. Kung anuman ang mga nasabi mo sa akin, nakalimutan ko na kaya kalimutan mo na rin para makapagsimula tayong muli.” “Wala ka pa bang girlfriend?” pang-aasar ko para lang gumaan ang takbo ng usapan. “Bakit may irereto ka ba bro? Basta siguraduhin mo lang ha, na mas maganda sa akin yang irereto mo.” “Ay wala. Hindi na ako natingin ng ibang babae mula nang nag-asawa ako.” “Bakit naman?” “Ayaw kong magluko. Kahit anong mangyari, kahit gaano kasama ang ugali ng asawa ko, hinding hindi ako magluluko.” “Seryoso? Paano kung mag-aabroad ka. Dalawang taon anhg kontrata, hindi ka titikim ng iba roon?” “Open ba ang Qatar.” “Hindi kasing-open ng UAE pero hindi naman kasing-higpit ng Saudi. Kaya kung babae, marami.” Huminga ako ng malalim. “Hindi pa rin. Nangako ako kay Mama noon, nangako ako sa sarili ko, hindi ako papatol sa iba. Hindi ako tutulad kay Papa na nambabae. Hindi mararanasan ng pamilya ko ang naranasan ko bilang bata. Hindi ako papaya na mawawasak ang binuo kong pamilya.” “Yown eh! Diyan talaga ko bilib sa’yo. Iba ka talaga. May paninindigan!” “Talaga. Ibahin mo ako bro. Saka sa mukhang ito? Tingin mo may magkakamali pa?” “Kapag nakapag-abroad ka, babalik yung dating hitsura mo.” “Talaga ba? Magiging gwaping muli ako?” “Oo naman. Habulin ka uli ng tsiks doon.” “Patay tayo diyan. Trabaho ang pupuntahan ko ro’n para sa aking pamilya at hindi para mambabae.” Ngumiti lang si Mandy sa sinabi ko. “Basta tulungan mo ako bro ha?” “Kokontakin kita. Ibigay mo sa akin ang cellphone number mo para matawagan kita kapag okey na.” “Pero paano ‘yan? Wala akong panggastos kung sakali.” “Huwag mo nang isipin iyan. Basta kapag may mahanap akong pwedeng trabaho sa’yo, ako na lang ang bahala sa pagbili ng visa mo at tiket sa eroplano. Lahat ng iyon ay ako na ang sasagot pati panggastos mo rito.” “Sige. Salamat.” Lumalim ang gabi. Panay na ang tawag sa akin ni Cathy. Pinatay ko muna dahil napakarami na rin niyang text. Panigurado, away na naman ito pero nag-e-enjoy akong kainuman ang aking matalik na kaibigan. Nang lumalim na ang gabi ay nagdesisyon na ihatid ako. Bago ako bumaba ay niyakap niya ako. Mahigpit. Hindi ko alam kung dala lang ng kalasingan pero may kakaiba sa yakap niya sa akin. Naglapat kasi ang aming mga pisngi at ramdam ko ang lambot ng labi niya sa gilid ng aking labi. Mabilis ko lang inilayo ang mukha ko sa kanya. Nahihiya siyang yumuko. “Sorry. Mali yata yung beso ko.” “Okey lang, hindi naman tayo talo di ba bro?” nakangiti kong sab isa kanya. Huminga siya nang malalim. “Oo naman. Hindi tayo talo.” “Paano, dito na ako bro. Nakuha mo na ang number ko ‘no?” tanong ko. “Oo. Babalitaan kita. Sige na. Baka awayin ka na ng misis mo.” “Aawayin na talaga ako no’n pero okey lang, sanay na ‘tong mabungangaan.” “Suge bro.” “Ingat ka ha?” ginagap ko ang kamay niya. Pinisil ko iyon. Na-miss ko ang kaibigan ko. Bago ako bumaba ay niyakap ko siya ng mahigpit. Nagpasalamat ako dahil sa haba ng panahon, nakalabas ako. Nakapag-enjoy. Nabawasan ang mga dinadala kong mga aalahanin sa buhay. Sana makaalis ako. Sana mabago ko pa ang takbo ng buhay naming. Ngunit ano kayang kapalit ng pag-alis kong ito?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD