NOT A TYPICAL OTHER WOMAN
By JOEMAR ANCHETA (PINAGPALA)
CHAPTER 3
“Yes?” humarap siya sa akin. Malapit ang katawan niya sa katawan ko. Amoy ko ang kanyang mabangong buhok. Ang cologne na ginagamit niya. Bumilis ang t***k ng aking puso. Napalunok. Kinakabahan na hindi ko na naman alam kung paano ko sasabihin ang aking niloloob.
Huminga ako nang malalim. Bahala na pero kailangan ko nang sabihin sa kanya ang niloloob ko. Ang matagal ko nang tinitikis na nararamdaman sa kanya.
“Ano? Hahabol ka, wala ka naman palang sasabihin?”
“Mahal kita,” mahina ngunit malinaw kong pagpapapahayag ng aking nararamdaman.
“Mahal mo ako?”
“Oo, mahal kita.”
“Kaya mo naman palang sabihin e, umabot pa ng ilang buwan bago mo sa akin sabihin ‘yan ng harapan. Alam ko naman dati pa, mahal mo ako.”
“Alam mo?”
“Oo naman. Hindi ako manhid. Napapansin na kita noon pa. Torpe ka lang kasi talaga kaya nakakainis ka. Kaya okey na. Sinasagot na kita.”
“Tayo na? Girlfriend na kita?”
“Oo nga. Tayo na. Boyfriend na kita.”
Sobrang saya ko lang. Niyakap ko siya. Medyo nagdadalawang isip pero iyon kasi ang madalas kong ginagawa ng mga napapanood kong lalaki sa mga palabas sa TV. Nang lingunin ko si Mandy sa kinatatayuan niya, wala na siya. Hindi ko alam kung saan siya nagpunta ngunit nakaramdam ako ng kakaiba nang nahanap ko siya at nilapitan. Mapula ang kanyang mga mata. Malungkot pero pilit siyang ngumiti at binati ako dahil sa wakas, naging kami na rin ng babaeng matagal ko nang pinangarap.
“Anong nangyari sa’yo? Umiyak ka ba?”
“Gago! Bakit naman ako iiyak? Napuwing lang ako.”
“Ah! Akala ko naman iniyakan mo ang pagsagot sa akin ni Cathy eh.”
“Hindi no? Hindi ko gagawin ‘yon, baliw”
Isang dapit-hapon habang nagpapahinga kami galing sa ensayo ng basketball at nakikipag-aasaran sa mga tropa kong sina Mandy, John, Gino at Wally habang naroon din si Cathy na kinaibigan ni Mandy para may kasa-kasama siya at hindi naiilang na puro lalaki ang mga kasama namin. Hindi kalayuan sa amin, napansin kong may mga bisita rin si Kuya.
"Bading ba ang kuya mo, James?" tanong sa akin ni Cathy. Namula ako. Napahiya.
"Bading? Pa’nong naging bading 'yan e ang gandang lalaki. Takot na lang niya sa akin kapag babading-bading siya di ba, bro?" siko ko kay Mandy na balak agawin ang dinidribble kong bola. Bro ang tawagan namin ni Mandy mula Elementary kami. Astig daw kasi. Pinaiksing brother. Ibig sabihin kapatid at iyon kami sa isa’t isa. Para na kaming magkapatid.
"Eh kasi, sa campus kung hindi mga babae ang kasama niya, halos mga bading din lahat. Kaya nagtataka kami. Pogi pa naman niya," pagpapatuloy ni Cathy.
"Hindi 'yan. Kita mo to?" tinuro ko ang bumubukol kong bicep. "Takot na lang niya rito! Saka nakikita mo yung magandang babae na katabi niya? ‘Yan yung pinopormahan niya. Si Janine. Girlfriend nga niya yata eh."
Kahit hindi na kami close ni Kuya Daniel, gusto ko pa rin siyang ipagtanggol lalo pa’t alam ko naman ang totoo. Hindi gano’n si Kuya. Isa pa, gusto kong isipin nila na walang bading sa aming pamilya dahil wala naman talaga. Bawal. Ayaw ni Papa.
"Yun e!" si Mandy na laging bumaback-up sa tuwing nagyayabang ako sa babae. "Magkakaroon ba ng bading ang pamilyang ito ang angas at astig ng Papa nila na minana din ng mga anak! Di ba, bro?" Tuluyan niyang naagaw ang bola sa akin. Pinilit kong agawin ngunit mabilis niyang ipinasa kay Wally.
"James!" tawag ni Papa sa akin.
Nilingon ko siya sa aming pintuan.
Halatang galit kasi salubong ang kilay.
"Oh, pa’no mga tol. Bukas na lang muli. Tawag na ako ni Erpat. Mukhang wala sa timpla ang mukha!"
"Halata nga, bro." Ipinasa ni Mandy ang bola sa akin.
"Kiss ko muna, pangit!" si Cathy na nakanguso. Lumingon ako sa kinaroroonan ni Papa. Wala na siya sa pintuan. Isa kasi iyon sa ayaw niya sa amin. Ang magkaroon kami ni Kuya ng girlfriend. Ang gulo no? Ayaw niya ng bakla sa pamilya pero hindi rin naman kami pwedeng mag-syota. Basta habang nag-aaral pa lang daw, bawal na muna. Kaya nang sure ako na wala na si Papa, mabilis kong hinalikan ang labi niya sabay ng mabilis kong pagtalikod. Hindi lang dahil nahihiya ako sa tropa ko at kay Cathy kundi dahil na rin sa takot ko kay Papa.
Nagtawanan ang lahat sa nakita nilang pamumula ko. Hinampas ako sa balikat ni Cathy.
"Yun oh! Astig! May pahalik na si Bro!" si Mandy uli. Nag-apir muna kami ni Mandy. Yung signature apir namin na may kasamang handshake.
"Sarap!" sabay ng mapanuksong ngiti ni Cathy.
"Bro, paano? Ikaw na lang ang maghahatid diyan kay Cathy ha? O kayo na lang kayang lahat ang maghatid sa kanya bago kayo magsi-uwi.” Pakiusap ko sa kanila.
“Oo Bro, ako na ang bahala diyan sa syota mo.”
“Sige. Tawag na ako ni Erpat sa loob eh. Basta ah, Bro," tumingin ako kay Mandy. “Ikaw na ang bahala sa babe ko.”
"Oo nga. Ang kulit. Ako na nga ang bahala sa kaniya. Idaan ko na lang siya dala ko naman ang motor ko," sagot ni Mandy.
Pumasok ako sa loob at sinalubong ako nga galit na si Papa. "Sabihan mo ang Kuya mo na paalisin niya ang mga bisita niyang bakla dahil kung hindi ako makapagpigil ay baka kung ano ang magawa ko sa kanila!”
“Sige ho, Pa.”
“Wala talaga kayong magawang matino. Imbes na mag-aral kayo kung anu-ano ang inaatupag lalo na siguro kung wala ako. Ikaw puro ka barkada. Sige na, puntahan mo ang kuya mo!" Galit ang pagkakasabi ni Papa sa akin na parang bang pati ako ay kinagagalitan din niya. Kaya pati ako ay naiinis na rin kasi wala naman akong kinalaman sa pagbibisita ni Kuya ng mga alanganin. Pati ako ay napagtaasan na rin ng boses ni Papa. Sa lahat pa naman ng ayaw ko ay ang madamay sa galit na kung tutuusin ay wala din naman akong kinalaman talaga. Kung ako ang tatanungin noon, ayos lang naman na naroon ang mga kaibigan ni Kuya kaya lang ayaw kong nadadamay ako sa galit ni Papa dahil lamang sa mga bisita niyang mga bakla kaya hindi ko na iyon pasikretong idinaan pa kay Kuya. Pinuntahan ko sila.
"Kuya, pauwiin mo na daw ang mga baklang yan na bisita mo kasi naririndi si Papa sa mga ingay nila. Alam mo naman kasi na bawal ang mga bakla sa bahay nagpapatuloy ka pa. Umuwi na raw kayo sabi ni Papa. Hindi raw namin kailangan ang bisitang kagaya ninyo!"
Nagkatinginan ang mga bakla pagkatapos ay napako kay Kuya ang tingin nila na para bang nagtatanong kung sigurado ba ako na hindi puwede ang bakla sa bahay namin.
"Sandali lang ha!" pagkasabi ni Kuya sa mga kaibigan ay hinila na ako palayo sa mga barkada niya.
"Anong karapatan mo para bastusin at pauwiin ang mga bisita ko samantalang kapag ikaw ang nagbisita ng mga tropa mo at girlfriend ay hindi kita pinapakialaman? Alam na ba ni Papa na may girlfriend ka na?”
Napalunok ako.
“Pinakikitunguhan ko ng maayos at pinaghahanda ko sila ng miryenda at inaasikaso ko kapag wala ka tapos ganito ang igaganti mo sa mga bisita ko?"
"Kuya, hindi ako ang nagpapauwi sa kanila, si Papa," sagot ko. "Saka mga bading ang mga bisita mo e, alam mo naman na ayaw ni Papa sa mga bakla, di ba? Saka bakit? Ako lang ba ang may syota? Hayan si Janine oh. Girlfriend mo ‘yan, hindi ba?"
Hindi pa kami tapos mag-usap ng marinig namin ang makapangyarihang boses ni Papa.
Nayari na!
"Huwag ninyong gawin na parlor ang bahay namin. Hindi kami tumatanggap ng mga bisitang bakla. Maari na kayong magsiuwi." Iyon ang pumailanlang na sinabi ni Papa. Binuksan niya ang pintuan ng bahay. Lumingon ang mga napahiyang bakla at si Ate Janine kay Kuya at ang mga iba'y nagawa pang kumaway para magpaalam. Nang nakalabas na lahat ay pabagsak ni isinara ni Papa ang pinto.
"Kita mo na? Kung hindi mo sana sila pinatuloy dito. Eh, di sana hindi sila napahiya at hindi ka din napahiya sa kanila. Pasaway ka kasi Kuya eh!"
"Grabe na si Papa. Hindi ko na siya maintindihan." Bumuntong-hininga siya.
Hindi na lang ako nagsalita. Nakita kong namula ang maputi niyang mukha at napaupo. Nakailang hakbang na ako palayo sa kaniya nang makasalubong kong palapit si Papa. Huminto ako. Dinaanan niya ako at dire-diretso siya kay Kuya.
"Tapatin mo nga ako gago ka... bakla ka ba?" salubong ang kilay na tanong ni Papa. Lumapit ako. Bihira kasing manigaw o magalit si Papa. Siguro dahil takot din kaming bigyan siya ng kahit anong dahilan para magalit sa amin.