By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
-----
“Wala. Kalimutan mo na iyon.”
“Bakit mo ako iniiwasan?”
Tiningnan niya ako. Siguro naisip na kukulitin ko pa rin siya kapag di niya sasabihin ang dahilan. “Mahirap lang kami, may kaya kayo. Wala akong panahon sa mga kaibigan,” sabay yuko, binutasan ang isang buko at ininum ang sabaw.
“Ito naman kung makapagsalita akala mo napakayaman na namin. Atsaka ano naman ang masama kung makikipagkaibigan ako sa iyo?”
“Basta...”
Sa totoo lang hindi ako kuntento sa rason niya. Kukulitin ko pa sana siya noong bigla namang sumingit sa isip ko ang, “P-pasensya ka na sa nangyari sa atin ah?”
“Wala iyon.” ang maiksi rin niyang sagot habang hinati na ang buko atsaka gumawa ng panguskos.
“P-ara sa iyo wala. Pero para sa akin... mayroon.”
Bahagya siyang natigilan. “Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong niya at nagpatuloy na sa paggawa ng panguskos at noong nakagawa na, sinimulan na niyang kuskusin ang buko.
Kinuha ko ang wallet sa aking bulsa atsaka ipinakita sa kanya ang luma at kupas na larawan namin noong mga bata pa kami. “Kilala mo ang mga batang iyan?”
Kinuha niya sa aking kamay ang wallet ko at tiningnan ang litrato. “Ikaw ba to?” Turo niya sa batang mas maliit na ako. “Ang cute mo rin pala kahit noong bata ka pa.” ang sambit niya.
Napangiti ako. “Iyang kaakbayan ko, kilala mo ba siya?”
Hindi siya kumibo. Tiningnan ako sabay sara sa wallet at abot na ito sa akin. “Ako,” ang maiksing tugon niya. Parang hindi siya masyadong interesado. Itinuloy niya uli ang pagkuskos.
“Sabi ng inay... noong kinunan nila tayo sa litrato na iyan, nagbahay-bahayan raw tayo sa kuwarto ko – doon sa bahay namin.”
“Tapos?” patuloy pa rin siya sa kanyang ginawa na parang hindi interesado.
“Tapos ang sabi mo raw ay sa paglaki natin, ako na ang asawa mo...”
Napangiti siya ng hilaw. “Bata pa ako noon. Hindi ko alam ang aking pinagsasabi.”
“Sabagay... pero alam mo, noong sumama ako sa mga kaibigan kong nagpahula kay Aling Ditas noong isang linggo, nagpahula rin ako. At ang sabi niya na ang makatuluyan ko raw sa pag-ibig ay ang isang tao na nakasama ko sa isang litrato. At malalaman ko kung totoo ang hula niya kapag may bulaklak o isang tanim na ibibigay siya sa akin...”
Natawa siya nang malakas sabay sabing, “Kalokohan.” na para bang wala lang talaga itong epekto sa kanya. “Gusto mo pang kumain?” ang pag-abot uli niya sa akin sa isang kahati na buko. “Alam mo, pamparami raw ng t***d ang buko.” ang hirit niyang biro paglihis sa usapan.
Ngunit hindi ako natawa. Hindi ko rin tinaggap pa ang buko niya. Bigla akong nakadama ng lungkot sa sinabi niya. May nag-udyok sa isip ko na sabihin na lang ang aking naramdaman upang magkaalaman na at pagkatapos, magkalimutan na lang kung talagang wala siyang naramdaman. Kasi, lalaki naman talaga siya at baka respeto na lang niya sa akin ang makikipag-usap. Iyon siguro talaga ang tunay na dahilan. Nandidiri siya sa nangyari sa amin. At total din naman, nasabi ko na ang tungkol sa litrato at kung normal ang pag-iisip niya, maitanong niya sa sarili niya kung bakit ko itinago-tago iyon sa aking wallet.
“O bakit ka biglang nalungkot?” tanong niya.
“W-wala ba talagang epekto sa iyo ang nangyari sa atin?”
Pansin ko ang biglang pagseryoso ng mukha niya. “Bakit ano ba ang gusto mong sasabihin ko?”
At doon na ako napayuko, nahiya nakaramdam ng awa para sa sarili. Para bang may kung anong bagay na tumusok sa aking puso. “K-kasi... alam mo, simula noong ikinuwento ni inay ang bahay-bahayan natin, hindi na kita mabura pa sa akig isip. Lagi na lang kitang iniisip, hinahanap. At noong panahon na sinagip mo ako sa baha, at may nangyari sa atin... iyon ang pinakamasayang sandali na naranasan ko sa aking buhay. Lalo akong humanga sa iyo. Lalo pa akong nakaramdam ng pagmamahal sa iyo. M-mahal kita Manuel...” ang tuluyan ko nang pag-amin. At hindi ko namalayang tumulo na rin pala ang aking luha.
At sa sinabi kong iyon, parang nakita kong nabilaukan siya sa kanyang kinaing buko. Hindi siya nakaimik. Nag-isip. Maya-maya, nagsalita. “Mawawala rin iyang naramdaman mo. Ang mabuti pa ay umalis ka na lang siguro. Tatapusin ko na ang aking pag-akyat ng niyog,” sabay tayo at talikod.
Ngunit imbes na umalis, nagsalita pa ako. “W-wala ka ba talagang naramdaman para sa akin, Manuel?”
Muling humarap siya sa akin. “May naramdaman man ako sa iyo o wala... hindi importante iyon. Kasi, paano ba maging tayo? Lalaki ka, lalaki rin ako. Puwede ba iyon? Si kaya tayo pagtatawanan ng mga tao? Lalaitin? At ako, naghahanapbuhay para sa aking ina at dalawang kapatid na nag-aaral pa. Ikaw, nag-aaral at kapag nagcollege ka na, pupunta ka sa Maynila o sa malalaking syudad. Ako ay maiiwan dito. Sa tingin mo ba ay may mangyayari? Wala...”
“Iyan lang ba ang problema mo?”
“Ang galing mo pala talaga ano?” ang sarcastic niyang sagot. “Talagang minamaliit mo ang pagkatao ko. Iyan lang... Oo, ito lang ang problema ko. Simple lang di ba? Pero alam mo ba kung paano kumayod upang makakain sa araw-araw ang aking inay at dalawang kapatid? Alam mo ba kung magkano ang kinikita ko kapag ang mga niyogan ninyong mga mayayaman ay inaakyat ko isa-isa at hinahakot ang mabibigat na bunga nito? Alam mo ba kung gaano kahirap ang magbilad ng katawan sa ilalim ng araw upang bungkalin ang mga lupa ninyo at makapagtanim ng mais o palay? Alam mo ba kung gaano kasakit ng kalooban na nakikitang ang mga dati kong ka-klase ay ga-graduate na ng high school samantalang ako ay nanatili sa lamang sa grade 4?”
At nakita ko na lang ang mga luhang pumatak sa kanyang mga mata na dali-dali din niyang pinahid ang mga ito. Halos hinid ko na napansin ang kanyang pagluha.
“Kaya kalimutan mo na ako Junjun. Hindi tayo nababagay. Ang problema mo ay pag-ibig. Ang problema ko ay kung paano makakain sa araw-araw. Mas malaki ang problema mo. Ang sa akin, simple lang.” Natahimik siya nang bahagya. “At kahit aminin ko man sa iyo na may naramdaman din ako, hindi ito nararapat. Hindi maari dahil iba ang mundo ko. Hanggang kailangan ako kailangan ng aking inay upang mabuhay ang pamilya namin, hanggang kailangan ako ng aking mga kapatid upang makapagtapos sila sa kanilang pag-aaral, hindi ako titigil sa pagtatrabaho para sa kanila.” dugtong niya.
Mistula akong sinampal nang maraming beses. Tama nga naman siya. Ang pinoproblema ko lang ay ang aking sarili; ang pinipintig ng aking puso. Ang problema niya ay kung paano bubuhayin ang sarili niya at ang kanyang mga mahal. Hindi ko inaashang sa likod ng kanyang kasipagan, pagkamatulungin, kabaitan, ay may iniinda rin pala siyang isang malaking pasanin.
“Pasensya na ah... Kinulit pa talaga kita. Hindi ko kasi alam.” Ang paghingi ko ng dispensa. Tumayo ako at niyakap siya. “Sorry...”
Niyakap niya rin ako. “Pasensya na rin, pinahirapan ko ang kalooban mo.”
At iyon... Halos dalawang minuto siguro kaming nagyakapan at noong nahimasmasan na, tinanong ko siya, “So... mahal mo rin ako?”
Ngumiti na siya, kinurot ang pisngi ko. “Ano iyan, nanlilgaw ka ba sa akin?”
“Ah... sasabihin na lang natin na oo, nanliligaw ako sa iyo. So, tayo na?”
“Aw... puwede namang pahirapan muna ang manliligaw, di ba?” sagot niyang biro.
“Ay daya... Sige ganito na lang. Ano ang nararamdaman mo para sa akin?”
“Iyong too?” sagot niyang tanong din.
“Hindi; iyong kasinungalingan!” ang biro naman ko sabay bawi rin ng, “Oo naman ah! Iyong totoo. Alangan namang iyong hindi totoo no? Nagtanong pa ako...”
“Ganito na lang. Sa bawat pagdaan ko sa bahay ninyo, kumakabog ang aking dibdib na hindi ko maintindihan. At palaging hinahanap kita. Palagi akong lumilingon sa bahay ninyo kung naroon ka ba. At kapag naroon ka, dederetso na ang tingin ko niyan sa harapan na kunyari ay wala akong nakitang tao sa bahay ninyo. Pa-cute ba...”
Natawa ako. Natuwa. “Ganoon?”