Tatay-tatayan, Nanay-nanayan
By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
-----
Kapitbahay namin si Manuel, isang magsasakang kasing edad ko, labing-anim na taong gulang.
Actually, med’yo may kalayuan na ang kanilang bahay sa amin dahil ang kinatitirikan ng aming bahay ay nasakop sa isang ektaryang pag-aaring lupa ng aking mga magulang bagamat sa harapan din nito ay ang daanan ng mga taga-sitio kapag tumungo sila sa palengke o sa sentro ng bayan.
Hindi naman sa pagmamayabang, ang pamilya namin ay med’yo nakakaangat sa aming sitio. Ngunit hindi rin naman iyong mayaman talaga na may kotse o magarang mala-mansiyon na bahay; iyong sapat lang na makakakain ng tatlong beses sa isang araw at nakakabili ng mga simpleng bagay-bagay. Sa aming sitio, kami lang ang may kungkretong bahay na may dalawang palapag at may kalakihan din siya sa para sa aming tatlo ng aking inay at itay. Kami lang din ang may TV bagamat dalawang channel lang ang nasasagap ng signal at malabo pa. Hindi pa naman kasi uso dati ang mga vcd at dvd kaya wala kami noon. Ni selpon nga ay hindi pa naimbento sa panahong iyon. Mga VHS pa lang at betamax ang uso. Ngunit wala rin kami noon. Ayaw ng inay at itay. Ewan. Sa panahong iyon ay associated kasi ang VHS at betamax sa mga x-rated na pelikula. Ayaw raw nilang maimpluwensyahan ako.
Anyway, matangkad na binata si Manuel. At dahil sa klase ng kanyang trabahong mabigat at bilad sa araw, medyo sunog ang kanyang balat. Ngunit matikas, at maganda ang hubog ng pangangatawan. Taglay niya ang malalaking braso, matipunong dibdib, malalaking hita. Sa hirap ba naman ng kanyang trabaho, daig pa ang naggi-gym araw-araw.
Mahirap lamang ang pamilya nina Manuel. Tatlo silang magkakapatid at siya ang panganay. Ang masaklap, namatay ang kanyang itay noong paslit pa lamang siya. Kung kaya ay sa kanyang murang edad natuto na siyang magbanat ng buto. Sa kanyang murang balikat ay nakasalalay na ang responsabilidad na sana ay pasan ng kanyang ama.
Hindi talaga kami magkaibigan ni Manuel. Ito ay dahil malayo-layo na nga ang bahay nila sa amin, wala pa kaming pagkakataon na magkausap o magsama. Paano, noong nag-aral ako ng elementarya, sa private school ako na pag-aari ng mga madre samanatalang siya ay sa public. At ang alam ko pa, hanggang grade 4 lang ang kanyang natapos gawa nang tumutulong na nga siya sa mga gawaing bukid kung saan ay ikinabubuhay nila. Habang siya ay huminto sa pag-aaral, ang dalawang kapatid naman niyang babae ang kanilang pinapag-aral.
Ngunit may isang kuwento ang aking inay tungkol sa amin ni Manuel noong kapwa anim na taong gulang pa lang kami. Napadayo ang inay ni Manuel sa bahay naming isan garaw. Ang inay ko kasi ay may isang sewing machine sa bahay. Kami lang din ang may ganoon sa sitio namin. Kaya kapag may mga nagpapatahi ng damit o napapaayos, sa inay ko pumupunta ang mga kapitbahay.
Dala-dala si Manuel ng inay niya noon. Habang nagkukuwentuhan daw sila ng aking inay, kami naman ni Manuel ay pumasok sa kuwarto ko at doon naglaro ng bahay-bahayan.
“Junjun! Anong ginawa ninyo!” ang sigaw raw ng inay noong nakitang ang mga kumot ay isinabit ko at sa loob ng nakasabit na kumot ay naroon kami ni Manuel, nakahiga at nagyayakapan daw kami.
“Nagbahay-bahayan po!” ang inosenteng sagot daw ni Manuel.
“Nagbahay-bahayan kayong dalawa?”
“Opo...”
Napangiti raw silang dalawa ng inay ko at ang inay ni Manuel. “Aber, kung nagbahay-bahayan kayo, sino ang tatay at sino ang nanay?” ang painosenteng tanong naman ng inay ko kay Manuel.
“Ako po ang tatay...” at turo sa akin, “...siya po ang nanay”
Napangiti raw silang dalawa ng inay.
“Totoo bang ikaw ang nanay-nanayan, junjun?” tanong ng inay sa akin.
Tumango raw ako at nagsalita pa ng, “Wala pa lang kaming anak...”
At doon na raw pumutok ang tawanan nilang dalawa.
Sabay singit naman ni Manuel ng, “Pag malaki na kami, siya na ang asawa ko.”
Hindi raw maaawat sa katatawa ang mga inay namin ni Manuel sa aming mga ka-enosentehan. At dahil natuwa rin ang inay ko kay Manuel, talagang kinunan pa niya kami ng litrato na nag-akbayan. May lumang camera kasi ang inay, isininagla sa kanya ng kapitbahay.
Ngunit hindi ko na nakita ang litratong iyon. At dahil 6 na taong gulang nga lang ako, wala akong natandaan tungkol sa kuwentong sinabi ng inay o sa ginawa naming iyon ni Manuel.
Hanggang sa naglalabing-apat na taon na ako. Isang araw habang nagbubuklat ako sa mga lumang family album, nakapa ko ang likod ng isang litrato. Makapal kasi ito at kung kaya ay sinuri ko.
Noong nakita ko na, nagtatakbo akong lumabas ng kuwarto at kinulit ang inay na abala sa kanyang pagtatahi. “Nay! Di po ba ako ito?”
Hininto ng inay ang kanyang pagtatahi at inusisa ang dala-dala kong litrato. “Iyan, ikaw...” turo niya sa isang mas maliit na bata. “...at ito naman ay si Manuel.” turo rin niya sa ka-akbayan ko. “Iyong batang ang bahay ay nasa dulo ng sitio na ito; ang nagsaka sa lupain ni Mang Tonio at minsan ay sila rin ang inanatasan nating mangopra sa ating niyugan d’yan sa may tabing ilog?”
“Ah, o-opo. Kilala ko po siya sa pangalan, at nakikita ko palagi kapag dumadaan siya sa bahay natin. Paano pong nagkaroon kami ng litrato?” ang tanong ko.
At doon na niya ikinuwento ang nangyari.
Simula noon, lihim kong itinago ang litrato sa aking wallet. Pinaliitan ko pa talaga ito upang magkasya. At iyon din ang simula kung saan ay tila may sumundot na kung ano sa aking puso na siyang pumukaw ng aking damdamin para kay Manuel.
Iyon ang simula kung saan ay naging curious ako kay Manuel. Hindi nga lang niya alam ito. Kapag ganyang nakikita ko siya, inoobserbahan ko siya, pinakiramdaman. Napagtanto kong isa siyang mabait na tao; masipag, may pagka mahiyain, ngunit lalaking-lalaki ang dating. Dahil dito, humanga ako sa kanya. At dito na rin ako nagsimulang magtanong kung ano ang aking tunay na pagkatao; kung bakit ako nagkaroon ng kakaibang atraksiyon kay Manuel.
Palagi ko siyang nakikitang dumadaan sa harap ng aming bahay na nagpapasan ng mga niyog sa kanyang balikat gamit ang mahabang kawayang pinagbalanse upang masabit sa magkabilang dulo nito ang tig-lilimang pares ng niyong. Minsan din, nakikita ko siyang nagbubuhat ng sako ng mais o palay. Minsan din nakasakay siya sa kalabaw. Halos palagi siyang nakashort lang, tagpi-tagpi pa; nakapaa, basa sa pawis, at walang damit pang-itaas. Masasabi kong mabigat talaga ang trabaho niya... at marumi. Ngunit sa nakita kong sipag at tibay ng kanyang loob, lalo pa akong humanga sa kanya.
At kapag ganyang nakita kong dumadaan na siya sa harap ng aming bahay, parang natatae na ako sa sobrang excitement. Hindi ko lubos maintindihan ang aking sarili. Lalo na kapag lumilingon na siya sa aming bahay na tila sinusuri ito o may hinahanap. Simula kasi noong naikuwento ng inay ang sinabing iyon ni Manuel na paglaki raw namin ay ako na ang asawa niya, hindi na mabura sa isip ko ang hitsura niya.
At tinablan din ako ng awa sa kanya. Kasi, hindi na nga siya nag-aaral, puro mabibigat na trabaho pa ang kanyang naranasan. May isang beses, napadaan siya sa amin at may kumausap sa kanya na kapitbahay namin. Ewan ko kung nakita niya akong nakatingin sa kanya, tinitingnan-tingnan kasi niya ang direksyon ko, panay ang ngiti niya habang kinakausap ng aming kapitbahay. Parang iba tuloy ang aking naramdaman. Iyong assuming ba na dahil sa akin kung kaya siya ay ngiti nang ngiti. Parang nangarap lang na siya ay nagpapacute sa akin. Pero, pilit ko ring iwinaglit iyon sa aking isip. Panay rin kasi ang ngiti ng kausap niyang isang sexy at magandang dalaga na kapitbahay rin namin, si Flor.
Ngunit hindi ko rin basta-bastang nabura sa aking isip ang ngiti niyang iyon. Noon ko pa lang nakita ang ganoong klaseng ngiti sa mukha niya. Bakas ang kasayahang hindi ko maintindihan. Kitang-kita ko ang dimples sa kanyang pisngi at ang mga mapuputi at pantay niyang mga ngipin. Nakakabaliw. Kahit hindi para sa akin, para rin akong naapektuhan, nakoryente, nawala sa sarili at lumulutang na sa ere. Ewan... sobrang kinilig ako.
Ngunit hanggang tingin lang ako kay Manuel. Kumbaga, hanggang pangarap lang. Hindi ko naman kasi alam kung paano siya kakaibiganin. Parang awkward naman kung pupunta ako sa kanila upang magtanong-tanong ng kung anu-ano. Hindi rin puwedeng bibigyan ko siya ng sulat. Hindi naman kami mag-pen pal? Hindi rin ako puwedeng pumunta sa bukid kung saan siya nagtatrabaho. Kasi wala naman akong dahilan upang gawin iyon.
Isang araw noong nakita kong parating si Manuel at dadaan sa harap ng bahay namin, may nabuong plano sa aking isip.
Dali-dali kong kinuha ang aking bola sa basktball at tinungo ko ang aming hagdanan. Kunyari ay nakatalikod ako at noong natantiya kong malapit na malapit na siya sa aming harapan, ipinagulong ko ang bola sa aking likod, iyong pakunyaring aksidenteng nabitiwan ko ito at gumulong na lang ito sa daan kung saan dadaan ang kalabaw na sinakyan niya. Tinantiya ko rin talaga na sa harap ng kalabaw niya mismo hihinto ang bola.