By Michael Juha
gemybox@hotmail.com
-----
“At lalo na nooong isang beses na gumulong iyong bola mo sa harap ng kalabaw ko, masayang masaya ako... kasi alam ko, planted lang iyon.”
“Wahhh! Anong planted? Totoo iyon? Paano mo nasabing planted?”
“Nakita kaya kitang inilaglag mo ang bola habang nakatalikod ka.”
“Weeeh!” ang sambit ko na lang. Feeling nabuking ba at hindi na magawang lumusot.
“At may isang bagay pa na hindi ko malilimutan sa iyo.”
“Ano?”
“Unang halik. Unang pagtatalik...”
Napangiti ako. “Ako rin, iyon din ang una kong halik at pakikipagtalik...”
Tinitigan niya ako. Tahimik.
Tinitigan ko rin siya. “So, tayo na?” tanong ko uli.
“Hindi pa rin” sagot niya.
“Ay... bakit?”
“Hintayin mong ako ang manligaw sa iyo. At hindi sa panahong ito. Kapag dumating ang araw na nakapag-aral ka na sa malaking siyudad, nakatapos, nakakita ng maraming guwapo, ngunit sa kabila ng lahat ay ako pa rin ang babalikan mo at mahalin, diyan ko malalaman kung tunay mo nga akong mahal. At kapag nangyari iyan... Ako mismo ang manliligaw sa iyo. At tamang-tama rin dahil habang wala ka, magtatrabaho muna ako upang buhayin ang aking inay at papag-aralin ang aking dalawang kapatid. Maaring sa panahong iyon na natupad mo na ang iyong mga pangarap, baka nag-asawa na rin ang aking dalawang kapatid at kami na lang ni inay ang natitira sa aming barung-barong. Kapag nangyari iyan at dalawin mo ako sa aming barung-barong, alam ko na... handa ka na sa panliligaw ko.”
Niyakap ko siyang muli. “S-salamat...” sabay nakaw ko ng halik sa kanyang labi.
“Ay andaya! Ako dapat ang nagnakaw ng halik eh!”
“Sige na nga! Hala, nakaw na!” sambit ko. At hindi ko ginalaw ang aking mukha isinentro ko lang sa harap ng mukha niya. At ipinikit ko pa ang aking mga mata.
At iyon... naramdaman ko na lang ang paglapat ng aming mga labi.
At sa kubong iyon, muling nalasap namin ni Manuel ang sarap ng pagmamahal at sabay naming narating ang ruruk ng kaligayahan.
Noong nag-college na ako, sa malaking siyudad ako nag-aral. At tama nga ang sinabi ni Manuel. Sa aking pag-aaral, nakilala ko ang iba’t-ibang klaseng kaibigan at mga taong nagpapakilig din ng puso ko. May mga nagparamdam at lihim na nanligaw. Ngunit sa kanilang lahat, lamang pa rin si Manuel. Wala sila sa ipinakitang tatag, kabaitan, galing sa trabaho, sipag, at pagiging kuntento niya sa buhay. At hindi ako nagpadaig sa tukso. Sa isip ko, si Manuel lamang ang tao para sa akin. Kung si Manuel ay kayang magtiis para sa pamilya, kaya ko ring magtiis para sa kanya. “Ang problema ko ay kung paano bubuhayin ang pamilya ko; ang problema mo ay kung paano maangkin ang taong tinitibok ng puso mo. Kung kaya kong magtiis para sa mga mahal ko, dapat ay kaya mo ring magtiis para sa mahal mo... dahil ang tagumpay ko, ay siya ring tagumpay mo.” ang palagi niyang sinasabi.
At ang mga sinabing ito ni Manuel ay ang siyang naging inspirasyn ko. Siya ang nagpapasigla sa buhay ko, siya ang dahilan kung bakit ako nagsusumikap.
Second year college na ako noong nabalitaan kong namatay ang kanyang inay. Atake sa puso. Umuwi ako, nag-absent ng dalawang araw upang damayan si Manuel. Sobrang lungkot din ang aking nadama gawa nang naging malapit rin sa akin ang kanyang ina. Naalala ko pa isang beses, tinangka kong akyatin ang isang kahoy na sa pinakadulo nito ay may kakaibang klase ng ligaw na orchid. Mahilig kasi ako sa orchids. Natuto akong mag-alaga nito dahil sa aking inay na mahilig din nito. Kaya kapag may nakita akong orchid, lalo na kapag kakaiba, hindi ko lulubayan ito hanggang hindi ko nakukuha.
“Junjun! Huwag kang umakyat. Ano ba ang pakay mo sa puno na iyan?” sigaw ng ina ni Manuel noong panahon na nakita niyang umakyat ako sa puno.
“Iyong orchid po...” turo ko sa orchid na namumulaklak na sa pinakamatas na sanga. “Kukunin ko po.”
“Ay... huwag mo nang pag-aksayahan ng panahon iyan. May orchid ako sa bahay, nakuha ni Manuel. Bibigyan kita. Huwag kang umakyat d’yan. Baka kung mapaano ka,” sambit niya.
At binigyan nga niya ako ng orchids. At kakaiba rin. Noong itinanim ko na ito sa taniman namin ng orchids, pati ang aking inay ay namangha sa ganda nito.
Isa iyon sa hindi ko malimutang eksena kung saan naappreciate ko ang kabaitan ng ina ni Manuel sa akin.
Third year ako noong nabalitaan ko naman na nakapag-asawa ng Canadian ang isa sa dalawang kapatid na babae ni Manuel. Ikinatutuwa ko ito dahil sa wakas, makakaahon na sila sa hirap at panahon na rin sigurong sarili naman ni Manuel ang kanyang intindihin. At hindi lang iyan, matutupad na rin siguro ang sinasabi niyang liligawan niya ako. “Kapag nangyari iyan... hindi ko na siya pahihirapan. Sasagutin ko na kaagad siya,” sa isip ko lang.
Subalit, ang inaakala kong ikatutuwa ko ay siya rin palang maging mitsa upang hindi kami mgkaunawaan ni Manuel. Noong semestral break bago ang second semester ng huli kong taon sa college, napag-alaman kong inalok si Manuel ng kanyang brother-in-law na Canadian na doon na siya manarbaho sa Canada, sa kanyang plantation ng mga orange. At tinanggap ito ni Manuel.
“Akala ko ba ay maligaya ka na rito? Akala ko ba ay ito ang mundo mo?” ang tanong ko sa kanya noong kinausap ko siya. Pareho kaming nakaupo sa bangkong kawayan sa kubo ng niyogan kung saan ay siya ang nagsaka.
“Buong buhay ko Junjun... puro hirap ang aking naranasan. Siguro naman ay karapatan kong lumigaya rin, di ba? Oportunidad na itong kumatok sa aking pintuan... Atsaka may visa na rin ako. Sa darating na Marso ang aming pag-alis. Nakapagdesisyon na ako...”
Hindi agad ako nakakibo. Para bang na shocked talaga ako sa bilis ng mga pangyayari. Ni hindi man lang niya ako kinunsulta muna. Ang sakit. Parang “Ano ba to? Nalimutan na ba niya ang lahat ng mga ipinangako niya sa akin?” sa isip ko lang. “E, di s-sige. Kung iyan ang pasya mo, good luck na lang sa iyo. Babalik na lang ako sa boarding house ko at siguro, ito na ang huling pagkikita natin.” ang nasambit ko na lang sabay tayo at kinamayan siya.
Iniwanan ko siya na hindi ko man lang naipalabas ang aking saloobin. Iniwan ko siya na hindi nakita ang pagpatak ng aking mga luha. “Kaligayahan naman kasi niya iyon kung kaya... sino ba ako upang humadlang sa kanya” sa isip ko lang.
Dumating ang araw ng pag-alis ni Manuel. Hindi na talaga kami nagkita pa. Masakit ngunit pilit kong tinanggap ang masakit na katotohanang minsan pala, may mga taong sadyang magbabago ang isip, malilimutan ang mga pangako. Sa araw at mismong oras ng kanyang flight ay sinadya kong magtungo sa sea wall. Hapon iyon at palubog ang araw. Dala-dala ko ang ibinigay niya sa aking bato na kakaiba ang hitsura. Malapad ito, oblong na kasing laki ng itlog ng native na manok. Kakaiba kasi siya. Parang marble ngunit may iba’t-ibang kulay. Napulot daw niya ito sa tabi ng ilog. “Ala-ala ko para sa iyo...” ang sabi niya. “Kapag na-miss mo ako, kausapin mo siya, haplus-haplosin. Sa pamamagitan nito, mararamdaman ko ang iyong haplos at makakarating sa aking isip ang iyong pananabik sa akin.” ang sabi niya noong ibinigay niya ito sa akin.
Para akong tanga na hinaplos-haplos ito at kinakausap. Sa ibabaw mismo ng sementadong sea wall sa harap ng palubog at mamula-mulang araw, ibinulong ko ang aking panalangin na sana ay magtagumpay siya sa kung saan man siya mapadpad; na sana ay mahanap niya ang tagumapay sa kanyang mga pangarap. Imposible mang maging bahagi pa ako ng buhay niya, ipinapanalangin ko pa rin ang kanyang kaligayahan. “Paalam Manuel... sana ay sa iyong paglisan, dadalhin mo ang aking pagmamahal...”
At sumingit din sa isip ko ang hula sa akin na ang makakatuluyan ko raw sa pag-ibig ang isang taong nasa litratong kasama ko at magbbigay sa akin ng bulaklak. Napatawa na lang ako ng hilaw. “Mga manghuhula talaga o... Kahit ano na lang ang puwedeng sabihin magkakapera lang...”
Binitiwan ko ang isang malalim na buntong-hininga. Nanatili muna ako roon ng may tatlong minuto pa. Pinagmasdan ko ang maaliwalas na dagat, ang matiwasay na kapaligiran. Tahimik ang lahat, mistulang nakiramay ang kalikasan sa aking paghinagpis.
Natapos ang graduation. May honors akong natamo bilang “magna c*m laude” sa aking kurso. Perpekto na sana ang lahat dahil sa pagtapos kong iyon na rin sana ang kasukdulan ng “pagtitiis” na sinabi ni Manuel. Nagtagumpay ako sa pagkamit ng mataas na marka sa klase, nagtagumpay rin ako sa sinabi niyang “pagtitiis” ko. Sobrang ironic nga lang dahil ang sinabi niyang tagumpay niya ay tagumpay ko rin, ngunit hindi pala. Ang tagumpay niya ay tagumpay niya lang; hindi ako kasali. Ang tagumpay ko naman... sa akin lang din. Pilit ko mang isudlong ang tagumpay ko sa tagumapy niya, hindi maaari dahil siya mismo ang tumanggal sa pagkasudlong ng mga ito. Wala akong magagawa.
Noong umuwi na ako sa aming sitio, dumeretso ako sa kubo na nakatayo kung saan ang niyogan na dating sinasaka ni Manuel. Imbes na sa bahay namin, pinili kong doon pumunta at doon unang i-presenta ko ang aking mga medalya at award na natanggap. Iyon kasi ang lugar kung saan palagi kaming nagtatagpo kapag ganoong dumadalaw ako sa kanya. Mahalaga ang lugar na iyon para sa akin. Sa lugar na iyon ay marami kaming pinagsaluhan. Ang kubong iyon ay ang naging tila katuparan sa bahay-bahayan na aming nilalaro noong kami ay kapwa paslit pa lamang. Sa kubong iyon kami nagluluto ng totoong pagkain. Sa kubong iyon pinupunasan ko ang kanyang pawis. Sa kubong iyon ko nalasap ang tamis ng kanyang pagmamahal.
Ngunit... ito rin pala ang lugar kung saan ko siya huling makita at makausap. Parang nananadya lang ang tadhana. Ang bahay-bahayan ay naging isang kubo kung saan halos totoo na sana ang lahat ngunit sa isang iglap lang, mistula ring isan gbulang naglaho ang kapareha kong kalaro sa bahay-bahayang iyon. “What an irony!” sa isip ko lang.