Sa pagkapikit ng kaniyang mga mata, higit niyang naramdaman ang lamig na nanunuot sa kaniyang balat na siyang nagpagising sa kaniyang diwa. Ang unang pumasok sa kaniyang isipan nang mga sandaling iyon ay ang senaryo ng pagsilab niya sa kaniyang sarili matapos maligo sa gasolina. Wala siyang ibang narinig na ano mang ingay kundi ang marahan niyang paghinga lamang. Sa hangin ay naglalaro ang halimuyak ng rosas na siyang pumapasok sa kaniyang ilong at pinupuno ang kaniyang baga.
Napabuntonghininga siya nang malalim hindi dahil sa natutuwa siyang nabubuhay pa siya pagkahanggang sa sandaling iyon. Ang akala niya hindi na siya magtatagal sapagkat iisang bagay lamang ang nangyari sa kaniya’t hindi niya ito inaasahan. Isang kalabisang pagkakamali na inisip niyang nagpaalam na siya sa mundong ibabaw katulad ng matagal na niyang gustong mangyari sa kaniya.
Sa katagalan ng kadiliman niyang nakikita, nagawa na niyang imulat ang kaniyang mga mata. Pinagpalagay niya na lamang na panaginip lamang ang mga nangyari sa kaniya kung paano siya pagdiskitahan hanggang sa tapusin ang sariling buhay. Muli siyang napabuntonghininga sa ikalawang pagkakataon. Hindi umaayon ang lahat sa kaniyang kagustuhan. Minsan pa’y nasabi niya sa kaniyang sarili na naging makatotohanan na lamang ang kaniyang inakalang panaginip.
Inasahan niyang ang pamilyar na madilim na kisame ng inuupahan niyang silid ang bubungad sa pagkabukas ng kaniyang mga mata. Ngunit iba ang sumalubong sa kaniya. Imbis na matigas na kisame ang naroon, ang unang nasilayan ng kaniyang mga mata ay ang puting-puti na kalangitan kung saan naglalaro ang mga maninipis na ulap sa ihip ng hangin.
Napabangon na lamang siya nang tayo’t napatitig sa kaniyang kinatatapakan. Nasa ibabaw siya ng kalmadong tubig na nakalutang. Hindi lumulubog ang kaniyang buong mga paa. Sa linaw ng tubig kitang-kita niya ang kumukulay na asul na ilalim na walang ano mang isdang lumalangoy. Napaatras siya nang hakbang sa takot na bumalot sa kaniya dahil naglaro sa kaniyang isipan na lulubog siya nang tuluyan. Sa kaba ng kaniyang nararamdaman nagkamali siya nang hakbang na siyang naging dahilan kaya siya ay natumba. Hindi rin naman si ya nahulog sa ilalim ng tubig at nanatili pa rin siya sa ibabaw niyon.
Sa puntong iyon, hindi niya na natiis ang lamig na nakabalot sa paligid. Niyakap niya na lamang ang hubad na katawan nang maibsan ang nararamdaman. Iniikot niya ang kaniyang paningin sa kalaparan ng kawalan na kaniyang kinalalagyan. Umasang makakita siya ng ibang bagay sa lugar na iyon. Sa kasamaang-palad walang ano man siyang nakita na kung ano. Hindi abot ng kaniyang mga mata ang dulo ng tubig na nagdulot ng pagkalito sa kaniya.
Mariin niyang pinikit ang kaniyang mga mata na umaasang pinaglalaruan lamang siya ng kaniyang isipan. Sa muli niyang pagmulat na inuuna ang isang mata wala pa ring nabago. Naroon pa rin siya sa kawalang kinalalagyan. Nakuha niya pang ihampas ang dalawang palad sa kaniyang mukha nang magising sa bangungot na iyon. Ngunit hindi pa rin nangyari ang gusto niya na lalo niya lamang ikinatigas. Nanginig ang kaniyang kamay hindi lang dahil sa lamig kundi dahil na rin sa dumagdag na takot sa kaniyang dibdib na lalong nagpabilis sa t***k ng kaniyang puso.
Paulit-ulit siyang lumingon sa kaniyang pagtayo’t tumakbo pa siya nang walang direksiyon. Mistulang nag-uunahan ang kaniyang mga paa sa kaniyang pagtakbo habang tumatalsik ang tubig na kaniyang natatapakan. Kahit anong pilit niya ay wala siyang nararating na katapusan. Napatigil na lamang siya upang habulin ang kaniyang hininga’t napaluhod sa panghihina ng kaniyang mga paa. Sinabunatan niya na rin ang kaniyang sarili dahil wala siyang kaalam-alam sa nangyayari. Magigising dapat siya sa sakit kung panaginip nga lang iyon. Ngunit dahil nga sa walang bahid ng paglalakbay ng isipan ang tagpong iyon, naibaba niya na lamang ang kaniyang kamay sa tubig.
Pinagmasdan niya ang kaniyang mukha sa repleksiyon. Ang mukhang nakikita niya ay hinndi na pamilyar sa kaniya. Nagmukha siyang sisiw dahil sa basa niyang buhok na tumabon sa kaniya kalahating mukha. Naisip niya pang kung siya nga ba talaga ang nasa repleksiyon. Sa paggalaw ng kaniyang ulo ay sumusunod din naman ang mukha. Sumuko na lamang siya’t naupo na magkatagpo ang mga tuhod. Huminga siya nang malalim upang pakalmahin ang kaniyang sarili na naging epektibo rin naman. Sinubukan niyang bigyan ng kasagutan kung ano ang tunay na nangyayari sa kaniya ngunit hindi pa rin naman siya nakahanap ng sagot sa kaniyang sarili.
Iniangat niya ang kaniyang paningin mula sa tubig nang makarinig siya nang malumanay na tinig na nagmumula sa kaniyang likuran.
“Gising ka na,” saad ng tinig. Kasunod niyon ang paglitaw ng imahe mula sa manipis na hangin.
Unang nabuo sa imahe ay mukha ng babae’t sinundan ng mahabang puting buhok nito. Dumagdag kapagkuwan ang buong katawan, pagkaraa’y lumitaw na rin ang maputing magarbong blusa na siyang bumalot sa kahubdan nito. Nanatili itong nakalutang sa himpapawid kahit wala naman itong ginagawa. Ang mahaba nitong buhok at kasuotan na nakakasilaw ay sumasayaw na para bang nasa ilalim ito ng tubig.
Marahan siyang lumingon sa takot na kung anong makikita niya sa kaniyang likuran. Pagtama ng kaniyang paningin sa babae’y napatingala na lamang siya rito. Gumuhit kaagad sa kaniyang mukha ang pagtataka sapagkat namumukhaan niya ito --- ang babae sa panaderya’t ang nagpakita sa kaniya bago siya malagutan ng hininga.
“S-sino ka?” ang nag-aalangan niyang tanong sa babae. Tumayo siya’t umatras nang ilang hakbang nang lumayo rito.
“Hindi mo ako dapat tinatanong nang ganiyan. Ako lang naman ang nagligtas sa iyo,” ang marahang sabi ng babae na naging malinaw sa kaniyang pandinig.
“Ano ang sinasabi mo?” ang sumunod niyang sabi sa babae dala ng pagkalito.
“Nakalimutan mo na kaagad kung ano ang ginawa mo.” Pumaikot ng lutang sa kaniya ang babae kaya napapasunod siya ng tingin dito. “Kung gayon ay dapat ko lamang ipaalala sa iyo. Nagpaalam ka na sa mundong ibabaw. Tinapos mo ang sarili mong buhay na isang malaking kasalanan.”
Bahagyang nanglaki ang kaniyang mga mata sa narinig. Pinili niya pa rin namang paniwalain ang sarili na panaginip lamang ang lahat. Sapagkat lilitaw nga rin naman ang katulad ng babae sa panaginip niya lang.
“Kung patay na ako, hindi ako dapat nananaginip nang ganito. Panaginip lamang ito,” ang nakuha niyang sabihin sa babae. Pinagmasdan niya ang kaniyang mga kamay na namumutla. Nais niyang ipilit ang bagay na iyon sapagkat sa pananaw niya ay imposibleng mangyari ang bagay na nangyayari na nga sa kaniya.
“Hindi naman kita masisi kung itatanggi mong namatay ka na. Likas na sa katulad mong tao na magduda. Ngunit isa lamang ang masasabi ko sa iyo. Hindi ka nananaginip,” pagbibigay alam ng babae. “Dinala ko ang kaluluwa mo rito dahil balak kitang bigyan ng isang malaking regalo. Ipapakita ko sa iyo na nagsasabi ako nang totoo.”
Lumutang palapit sa kaniya ang babae kaya napaatras siya nang palayo naman dito. Hindi naman siya nakalayo sa babae nang sampalin siya nito. Sa lakas ng sampal nito ay natumba na lamang siya’t umalingawngaw ang tunog niyon sa buong paligid.
Pinagmasdan niya ang babae sapo ang namumulang pisngi na kanina lamang ay namumutla. Sa labis na sakit na kaniyang natamo umabot siya sa sitwasyong naniniwala siya nang bahagya sa babae. Madali rin namang mabago ang kaniyang isipan kapag mayroong patunay. Ang hindi niya lang maintindihan ay kung bakit sa kaniya pa nangyayari iyon.
“Bakit ako?” ang nakuha niyang itanong sa babae.
Umatras ang babae nang nakalutang at muli siya nitong inikutan. Hindi niya sinundan nang tingin ang babae nang sandaling iyon. Pinag-isipan niya na lamang kung ano ang gagawin niya upang makaalis sa kawalan na iyon.
“Nagustuhan ko ang sitwasyon mo,” paliwanag sa kaniya nang babae pag-ikot nito nang pabalik. “Nakakaawa ka.”
Sinalubong niya ang mga mat anito.
“Hindi mo dapat ako niligtas. Gusto ko nang mamatay. Bakit mo pa ako dinala rito?” ang sumunod niyang tanong sa babae.
Sumilay ang manipis na ngiti sa mga labi ng babae. “Sinabi ko sa iyo, bibigyan kita ng malaking regalo. Bubuhayin kita sa ibang mundo, malayong-malayo sa pinanggalingan mo.”
“Huwag kang magbiro. Hindi nakakatuwa.” Tumayo siya nang tuwid. Hindi niya alintana na hubo’t hubad siya sa harapan ng babae.
“Hindi ako nagbibiro. Totoo ang sinasabi ko. Maniwala ka.”
“Paano mo naman magagawa ang bagay na iyon?” pag-usisa niya rito.
“Hindi mo na dapat tinatanong baka lalo kang magulat.” Tumawa nang mahina ang babae.
Mabilis na umandar ang kaniyang isipan dala ng sitwasyon. “Ano naman ang kapalit? Sigurado akong mayroon,” aniya matapos niyang maisip ang bagay na iyon.
“Gusto ko kung paano ka mag-isip. Hindi na ako kailangang magpaliwanag pa sa iyo.”
“Ano nga ang kapalit? Naniniwala akong mayroon pang ibang dahilan. Hindi lang dahil sa nagustuhan mo,” pag-ulit niya sa naging una niyang tanong dito.
“Wala naman.”
“Imposible,” pagbibigay niya ng diin.
“Hindi nga kita sisingilin sa pagtulong ko sa iyo. Pero nais kong maging masaya ka sa magiging panibagong buhay mo na hindi ko rin nararanasan.”
“Mahihirapan kang paniwalain ako pagdating sa bagay na iyan,” pagbibigay niya nang diin.
Tumalikod sa kaniya ang babae. “Hindi mo kailangang maniwala ngayon. Kailangan mo nang umalis bago pa mahuli ang lahat,” sabi nito sa pagtaas nito sa kanang kamay.
Sa pagkilos nito’y lumitaw ang tatlong pulang pinto sa ibabaw ng tubig ilang dipa ang layo mula sa kinalalagyan ng babae. Dumulas lamang ang tubig sa mga pinto na hindi man lang nabasa kahit nang kaunti. Huminto sa paggalaw ang mga pinto nang maging buo na ang mga ito. Nanlalaki na lamang ang kaniyang mga mata na nakatitig dito.
“Sino ka bang talaga?” ang muli niyang tanong sa babae dahil nalalaman niyang hindi ito ordinaryong nilalang.
Ibinalik ng babae ang atensiyon sa kaniya’t lumapit ito sa kaniyang kinatatayuan. “Sabihin na nating isa akong diyosa.” Lumutang ito sa kaniyang kanan at nanatili roon. “Mamili ka sa tatlong pinto. Dahil hindi rin naman kitang puwede pilitin. Ikaw pa rin ang makakapagdesisyun sa sarili mo kung nais mo pa ring mabuhay o hindi. Sa gitnang pinto ay patungo sa mundong sinasabi ko. Sa kanan ay ang magdadala s aiyo sa langit. Impyerno naman sa kaliwa. Ano ang nais mong mangyari sa iyo?”
Pinagmasdan niya nang mataman ang tatlong pulang pinto. Una niyang pinakatitigan ang pinto sa gawing kaliwa. Naisip niyang nararapat lamang sa kaniyang mapunta sa dagat-dagatang apoy dahil sa wala siyang kuwentang tao. Kung tutuloy siya roon hindi niya makikita ang kaniyang magulang na posibleng naroon sa langit.
“Puwede rin naman siguro akong humiling sa iyo?” ang nag-aalangan niyang sabi nang lingunin niya ang babae.
“Ano ang hiling mo?” tanong nito pabalik indikasyon na pagbibigyan siya nito.
“Gusto kong makita ulit ang magulang ko,” sagot niya naman dito.
PInakatitigan siya nang babae sa kaniyang mga mata dahil sa nasabi niya. “Makikita mo sila kung sa kanang pinto ka pumasok,” pagbibigay-alam nito sa kaniya.
“Ibig sabihin naroon nga sila sa langit.”
“Oo naman. Mabuting tao ang magulang mo kaya doon talaga sila mapupunta. Bakit? Gusto mo bang samahan sila? Hindi mo ba gustong mabuhay ulit? Mas magiging masaya ka sa bagong mundo.”
“Hindi ko alam,” sabi niya na lamang dahil hindi niya alam kung paano sasagutin ang babae.
Humakbang siya papalapit sa pintong nasa gitna. Hinawakan niya lamang ang busol niyon at hindi binuksan. Malinaw sa kaniyang hindi niya nais pang mabuhay pa kung kaya nga hindi siya tumuloy. Lumapit na lamang siya sa pintong nasa kanan patungong langit. Walang pagdadalawang-isip na binuksan niya iyon. Naiharang niya ang kaniyang kamay sa kaniyang mga mata dahil sa nakakabulag na liwanag na nagmumula sa loob ng pinto. Nilingon niya ang babae bago siya pumasok.
“Kung iyan ang desisyun mo’y wala na akong magagawa. Hindi kita masisisi kung nais mo talagang makasama ang magulang mo,” sabi nito sa kaniya.
“Maraming salamat,” sabi niya na lamang dito.
Binigyan siya ng babae ng makahulugang ngiti na hindi niya gaanong binigyang-pansin. Hindi na siya nagtagal pa sa labas na pinto’t humakbang na siya patungo sa loob. Tinakip niya pa rin ang kaniyang kamay sa harapan dahil nga sa liwanag. Pagkapaosk niya’y bigla na lamang nagsara ang pinto. Nanatili siyang nakatayo. Hindi niya alam kung dapat ba siyang maglakad nang makarating sa langit. Lumipas ang mga sandal na walang nangyayari sa kaniya’t naisip niya pa ngang marahil pinaglalaruan lang siya ng babae. Bago pa man siya makapag-isip pa ng ibang bagay bigla na lamang siyang nahulog kasabay ng pagkawala ng liwanag. Napalitan iyon ng dilim na bumabalot sa kaniyang paligid.