Prologue
Ang barkong binago ang pagkayari upang makalipad sa himpapawid ay umiwas sa makakapal at nangingitim na ulap. Umiihip ang malakas na bugso ng hangin sa mga layag nito kaya mabilis sa likas na bilis ang pag-andar nito. Sa unahan ng barko, sa pangalawang kubyerta nito makikita ang kapitang nakatayo. Mahigit isang oras na ito sa puwesto. Kaseryosohan ang nakaguhit sa mukha nito habang matamang nagmamasid.
Pinakatitigan nito ang bawat pagtulos ng kidlat sa kalangitan. Sa bawat pagkidlat ay siya ring pagdaloy ng nakakapunit taingang dagundong na kahit saan mang dako ng barko’y maririnig. Ang mga pahinanteng kasama sa paglalayag na apat ang bilang ay may mga hawak na lubid na nag-aabang sa bawat sulok ng barko. Sa mukha ng mga ito'y nakaguhit ang takot.
Sa likuran ng kapitan ay nanakbo ang kanang kamay nito mula sa kargahan sa ilalim ng pangunahing kubyerta nito. Mabilis nitong inakyat ang hagdanan patungo sa kinalalagyan ng kapitan. "Anong nangyayari?" tanong ng kanang kamay. Lumingon ang kapitan dito. Ang kanilang kasuotan ay nababalot ng kayumangging roba na nadadala ng bugso ng hangin, nagsasayaw sa mistulang musika na prominenteng maririnig.
"Nagkamamli tayo ng rota na nadaanan," pagbibigay alam ng kapitan sa kasama. Ang bawat salitang lumalabas sa bibig nito'y mayroong kasiguraduhan. Pinagmasdan nito ang kalangitan sa ibaba na nababalot din ng makakapal na ulap. "Ang tanging pag-asa nati'y dumaan doon," dagdag ng kapitan na nakaturo ang daliri sa silangan kung saan tila nagkaroon ng pahabang daan sa gitna ng nangingitim na mga ulap. "Magiging problelma lang nati'y kapag nakalampas tayo sa daluyan na iyan."
"Patawad at nagkamali ako sa pag-aaral ng panahon," ang paghingi ng paumanhin ng kanang kamay. Pinagmasdan ng kapitan ang kanang kamay nito.
"Huwag kang mag-aalala. Nangyayari talaga ang ganito," wika ng kapitan bago nito binalik ang atensiyon sa unahan ng barko. "Iliko mo ang barko. Pasukin mo ang daluyan," sigaw ng kapitan upang marinig ng lalaking nakahawak sa reweda sa ibabaw ng kamarote.
Sumaludo ang lalaki sabay pihit ng rewedang kahoy pakaliwa, umikot nang mabilis ang reweda dulot ng puwersang binigay nito rito. Kapwa napahawak ang kapitan at ang kanang-kamay sa kahoy sa harapan nila biglang pagliko ng barko. Isabay pa ang pagtulak ng hangin dito.
Nais na sabihin ng kanang kamay ang tunay na rason kung bakit ito naroon at kailangang kausapin ang kapitan, ngunit hindi nito maibuka ang bibig. Hindi nito nais na madagdagan pa ang dinadala ng kapitan. Mas prayoridad nito ang kaligtasan ng mga kasama at higit sa lahat ang makaalis sa sungit ng panahon. Dahil sa isipin na ito'y umalis na ito at kinalimutan ang tunay na pakay. Naiwan ang kapitan sa puwesto nito na patuloy sa pagmamasid sa paligid.
Bumalik sa kargahan sa ilalim ng pangunahing kubyerta ang kanang-kamay, pumasok sa lagusan paibaba nito kung saan nagsasayaw ang bombilya ng ilaw na umaabot ang liwanag sa labas.
Ilang saglit pa'y narating ng barko ang daluyan. Mabilis na umandar ang barko rito kaya humigpit ang hawak ng kapitan sa kahoy na gilid ng barko. Sa punto ring iyong pumaimbabaw ang malakas na sigaw mula sa loob ng kargahan.
Pinihit ng kapitan ang katawan nito patungo rito't napansin na tila nagkakagulo sa loob ng kargahan. Nilisan ng kapitan ang puwesto nito saka maingat na tumungo rito. Pagkababa nito ng hagdanan ay nanunuot sa tainga nito ang malakas na ungol ng lalaking nagdedeliryo. Nakatali sa bawat sulok ng silid ang mga kargada at kalakal na nakasilid sa kahong gawa sa kahoy.
Hinanap ng kapitan ang nagdulot ng pagsigaw at nakita nito ang pagwawala ng lalaking tinulungan nilang makaalis sa kaparangan. Pinipigilan ng kanang kamay ang lalaki sa leeg nito kasama pa ang isang binatang pasahero na nagngangalang Grayson na nakahawak sa mga paa ng lalaki. Nakahiga ang lalaki sa sahig at nakatitig sa kisame na animo'y may nakikitang kung ano roon. Marumi ang suot nitong polo, nabahiran ng putik ang harapan at manggas.
"Hindi ka dapat bumaba rito kapitan. Ako na ang bahala rito," ang sabi ng kanang kamay upang gawing mas magaan ang nagaganap. Ngunit hindi ito pinakinggan ng kapitan.
"Anong problema niya?" usisa ng kapitan. Nilapitan nito ang tatlo at pinakatitigan ang lalaki.
Makakapal ang kilay ng lalaki't kapansin-pansin ang sugat sa pisngi nito dulot ng patalim. Unti-unting sinara ng lalaki ang mga mata nito sa pagbigat ng talukap ng mga mata nito. Ang kulay ng balat nito'y sobrang putla na tila baga hindi nadadaluyan ng dugo.
"Bigla-bigla na lang siyang nagwala. Hindi ko alam kung ano ang tunay na dahilan." Binitiwan na rin ng kanang kamay ang lalaki nang masiguradong hindi na gagalaw pa ito.
Ang binatang pasahero na si Grayson ay bumalik sa puwesto niya sa duyan na isinabit sa dalawang poste sabay pinakatitigan ang lalaking nakahiga sa sahig.
Sumandig ang kapitan sa posteng kahoy sabay nagsindi ng sigarilyo. Naglaro ang apoy mula sa hawak nitong pangsindi sa dulo ng sigarilyo bago ito nasindihan. Huminga nang malalim ang kapitan bago pinalabas ang usok sa bibig.
"Tama nga ang hinala ko na mayroong hindi maganda sa lalaki na iyan. Hindi na natin siya dapat isinakay," ang nasabi ng kapitan sa kalagayan ng nakahigang pasahero. Umayos nang tayo ang kanang kamay sabay tingin sa mukha ng kapitan. Sinisisi nito ang sarili sa hindi magandang nangyari sa paglalayag nila nang gabing iyon.
"Pero kapitan tenedor de libro siya sa bayan ng Mordhoc. Hindi naman natin siya puwedeng iiwan sa siyudad sa Zuln. Pumunta lang naman siya dahil sa isang pagpupulong layon sa pag-unlad," ang nakuhang sabihin ng kanang kamay.
"Pag-unlad? Isa ng kaparangan ang lugar na iyon. Ano pa ang halaga ng pagpupulong? At saka puwede naman siyang sumakay sa ibang barkong madalas na naglalayag."
"Sabi niya kailangan niyang makabalik ng Mordhoc kaagad kaya hinayaan ko siyang sumakay," pagkumbinsi ng kanang kamay upang hindi makagalitan.
"Iyon ang pagkakamali mo," matigas na sabi ng kapitan.
Ang nagawa nalang ng kanang kamay ay iyuko ang ulo dulot ng takot mula sa kapitan.
"Dapat itapon niyo na ang lalaki sa barko bago pa mahuli ang lahat," ang biglang sabi ni Grayson mula sa duyan na ikinalingon ng dalawang matanda sa kaniya. Ang gilid ng mga mata niya'y nangingitim sa kakulangan ng tulog. Magulo ang kaniyang buhok at madungis ang mukha.
"Ano bang alam mo bata?" subok naman ng kanang kamay sa kaniya.
"Mas mabuting huwag niyo nang alamin," pinihit ng binata ang katawan niya't tumalikod nang higa sa dalawang matanda. Namagitan ang katahimikan sa loob dahil sa narinig mula sa binata.
Pinasawalang bahala na lamang ng kapitan ang narinig mula sa kaniya nang huli. Ngunit sa paglalakad nito upang lumabas ulit, naibalik nito ang tingin sa lalaki. Bigla itong naupo sa sahig. Makikita ang pagkagulat sa mukha ng kanang kamay. Ang lalaki pa'y binabale-bale ang leeg sabay titig sa kapitan. Ang mga mata nito'y nangingitim kasing itim ng gabing langit.
Sa pag-uga ng barko dahil sa paglampas nito sa daluyan at sumabak sa malakas na bugso ng hangin, umindap-indap ang ilaw na nakakabit sa kisame. Bumangon ang lalaki sa pagpulupot ng mga paa nito saka bumalik sa dating ayos, bumaliktad at nagtagpo. Gumuhit ang pagkagutom sa mukha ng lalaki sa ilalim ng umiindap na ilaw hindi dahil sa pagkain.
Ang binata'y bumaba ng duyan saka humawak sa poste sa lalo pang pag-uga ng barko. Pati ang kapitan at ang kanag kamay ay naghanap narin ng makakapitan. Nagkiskisan ang mga kahoy na kahon sa lakas ng puwersa ng hangin.
Ilang sandali pa'y sumugod ang lalaki kung saan nakatayo ang kapitan. Bumitiw ang kapitan sa poste sa paglapit ng lalaki rito.
Tumalon ito patungo sa kapitan. Ang kapitan naman ay nagpadulas sa ilalim ng mga kamay ng lalaki saka mabilis na bumangon sabay siko sa likuran ng lalaki na ikibinagsak nito sa sahig.
Walang sinasabi ang lalaking nagbago ang katauhan. Umungol ito nang umungol sa pagbangon nito sa dalawang kamay at paa. Tumutulo ang itim na laway mula sa bibig nito na ikinasunog ng sahig.
Nakakagimbal pa nang umikot ang ulo nito nang makailang ulit na tila baga nawalan ng buto. Maging ang katawan nito'y ganoon din ang nangyari hanggang sa baliktad na ang lahat rito.
Lalo pang napaatras ang kanang kamay nagtago sa likuran ng kapitan.
Nanakbo ang lalaki patungo sa kapitan kasabay ng pagpihit ng kapitan sa paa nito patalikod at humanda sa pagsugod ng lalaki.
Inilagay ng kapitan ang buong puwersa sa paa sabay sipa sa lalaki na kinatalsik nito palabas ng kargahan. Tumakas ang malakas na ungol sa lalaki sa pagbagsak nito sa ibabaw na sinundan ng sigaw ng isa sa mga pahinante.
Kaagad na pumaitaas ang kapitan dahil sa narinig ngunit nahuli na ito sapagkat nakadagan na ang lalaki sa isa mga pahinante habang ang iba'y nagsilayo sa kanilang mga puwesto sa labis na takot.
Umiba ang direksiyon ang barko sa pagkaalis ng mga lubid sa talian ng mga ito kaya nahirapan na kontrolin ng lalaki ang rewida. Dahil dito'y nagpa-ikot ikot ang barko dulot ng malakas na hangin. Hawak ng lalaki ang mukha ng pahinante kasabay ng paglabas ng itim na bagay mula sa pahinante na hinigop ng lalaki't nilamon.
Sa pag-ikot-ikot ng barko tumalsik ang kapitan at hindi ito nakalapit sa lalaki. Tumama ang likuran nito sa matigas na kahoy sa gilid ng barko. Tumakas ang impit na ungol sa bibig ng kapitan dahil sa nangyari.
Matapos ng ginawa ng lalaki sa pahinante, pinaikot nito ang paningin habang patuloy pa rin sa pagsirko ang sasakyang panghimpapawid. Sa puntong iyon lumabas mula sa kargahan si Grayson saka mabilis na tumakbo patungo sa lalaki at buong lakas nitong tinulak na ikinahulog ng huli sa barko. Ang mga naduwag naman na pahinante ay hinuli ang mga lubid na naglalaro sa hangin saka bumalik sa kanilang puwesto. Ilang saglit pa'y bumalik sa dating ayos sa paglipad ang barko.
Tumayo ang kapitan at doon narin lumapit dito ang kanang kamay. Pareho nilang pinagmasdan ang pagkahulog ng lalaki sa kalangitan, nilamon ng mga makakapal na ulap kung saan naglalaro ng habulan ang mga kidlat.
Nilingon ng kapitan si Grayson nang mayroon siyang sabihin. “Hindi pa natatapos ang lahat. Magbabalik siya,” babala niya sa mga ito. “Dapat maging alerto kayo.”
“Ano ang ibig mong sabihin?” nagtatakang tanong sa kaniya ng kapitan.
“Akala ko ba’y matagal ka nang naglalayag?” ang nasabi ni Grasyon sa kapitang nakatitig sa kaniya nang mariin. “Hindi ka dapat dumaan dito. Iniiwasan ng mga manglalakbay ang bahaging ito ng kalangitan dahil sa mga masasamang nilalang na naglalaro sa ulap.”
“Sa pagkakaalam ko lamang ay madalas na masungit ang panahon dito,” pagbibigay alam ng kapitan sa kaniya sa bagay na alam nito.
“Diyan ka nagkakamali,” pagtama niya sa akala ng kapitan.
Hindi pa man natatapos ang kanilang pag-uusap maririnig muli sa kabuuan ng barko ang pagsigaw. Kapwa silang dalawa napalingon sa pinanggalingan ng sigaw. Makikita sa kabilang gilid ng barko ang isa pang pahinante na kumakawag ang buong katawan. Napapatras na lamang ang ibang mga kasama nito mula sa pahinante imbis na tulungan ang naging kalagayan nito. Napatakbo na lamang patungo rito ang kapitan.
“Ano ang ginagawa niyo?! Tulungan niyo siya!” matigas na sabi ng kapitan na nakaguhit sa mukha ang galit. “Hawakan niyo!”
Nagkatinginan ang dalawang pahinante sa isa’t isa. Nag-aalangang lumapit kapagkuwan ang mga ito sa kasamahang hindi maganda ang sitwasyon, pagkaraa’y hinawakan ng mga ito ang huli sa mga paa’t kamay nang matigil ito sa pagkakawag. Nailalayo na lamang ng dalawa ang kanilang mga mukha sa pahinante nang umatungal ito nang malakas. Pinilit na kumawala ng pahinanteng pinipigilan na nagawa rin nito. Sa malakas na pagkawag nito sa katawan tumalsik na lamang ang dalawang pahinante palayo’t tumama ang mga likod sa matigas na harang ng barko. Hindi na nakabangon ang mga ito sa pagkawala ng malay-tao.
Napalapit na lamang ang kapitan sa pahinante nito’t iniluhod nito ang isang paa sa dibdib nito habang nakapigil ang mga kamay sa mga braso na pahinante. Lumingon ito para hanapin ang kanang kamay nito. Ngunit hindi naman nito nakita sa pagtago ng kanang kamay nito sa sulok ng karagahan.
Naibaling na lamang ng kapitan ang tingin nito kay Grayson na papalapit dito.
“Dapat mong ihulog na lamang siya mula sa barko,” ang napiling sabihin ni Grayson sa kapitan.
Lumaki ang mga mata ng kapitan dahil hindi ito makapaniwala sa mga narinig mula sa kaniya.
“Nasisiraan ka ba ng ulo? Hindi ko maaaring patayin ang mga pahinante ko,” malakas na sabi ng kapitan sa kaniya.
“Kahit tulungan mo pa siya wala pa ring mababago. Mistula na lamang siyang magiging rebulto na kikilos lamang kung kusa mong ginalaw,” paliwanag niya sa kapitan.
Hindi na nakapagsalita pa ang kapitan nang maging ang dalawa pang tumalsik na mga pahinante at ang lalaking mayroong hawak sa rewid ay kumawag-kawag. Napalingon na lamang ang kapitan sa mga ito. Sa pagkawala ng atensiyon kapitan sa pinipigilang pahinante, natulak ng pahinante ang kapitan at dumagan dito.
Pinigilan ng kapitan ang mukha ng pahinante nang hindi nito magawa ng balak. Ang pahinante namang nakapatong ay binabaon ang mga daliri sa mukha ng kapitan kaya napapasigaw na lamang ang may-ari ng barko. Kasunod niyon ang pagtigil sa pagkawag ng tatlong pahinante pa. Mabilis na gumapang kapagkuwan ang mga ito patungo sa kapitan.
Bumuntong-hininga na lamang nang malalim si Grayson sa nangyayari dulot ng pagkadismaya. Gayunman naglakad pa rin naman siya papatungo sa kapitan. Bago pa man makadikit ang tatlo pang pahinante sa kapitan sinipa niya ang isa sa ulo na ikinatalbog nito papalayo. Sinunod niya kaagad ang isa na tumalon naman patungo sa kaniya. Sumalubong sa tiyan ng pahinante ang kaniyang paa na siyang naging dahilan kaya tumalsik ito patungo sa poste na kinakabitan ng layag. Ang pangatlong pahinante naman ay sinuntok niya sa mukha na bumagsak sa sahig. Kapagkuwan ay hinila niya sa likuran ng suot ang pahinanteng nagpapahirap sa kapitan at sinipa na ikinagulong naman nito sa basang sahig ng barko.
“Tulungan mo sila,” saad ng kapitan nang bumangon ito mula sa pagkahiga.
Pinagmasdan siya ng kapitan na mayroong takot na nakaguhti sa mukha nito.
Isa na namang malalim na buntonghininga ang kaniyang pinakawalan dahil dito.
“Sinabi ko na sa iyo, wala na silang pag-asa. Ang tanging makakatulong sa kanila nang makalaya sa nangyayari sa kanila’y kamatayan,” ang mabilis niyang sabi sa kapitan.
Hindi pinaniwalaan ng kapitan ang kaniyang mga nasabi.
“Alam kong mayroon kang magagawa pa,” pamimilit ng kapitan.
“Ano’ng pinanggalingan ng kagustuhan mong tulungan ang mga pahinante samantalang hindi mo nga sila pinapahalagahan. Hindi ba’t kulang ang binibigay mo sa kanilang bayad bilang pahinante. Kinuha mo sila sa subastahan ng mga alipin. Inaaabuso mo rin ang kanilang mga karapatan. Ilang beses ka na ring nasangkot sa mga ilegal na gawain katulad na lamang ng pagbebenta mo ng mga ibang mga lahi sa mga maharlika.”
Napatitig na lamang sa kaniya ang kapitan. Mahahalatang hindi ito makapaniwala sa mga narinig na mababanaag sa nanlalaki nitong mga mata.
“Sino ka ba?” ang naitanong ng kapitan sa kaniya. “Paano mo nalaman ang mga bagay na iyon?”
“Hindi na mahalaga kung sino ako. Wala kang maasahan sa akin. Kung papipiliin ako’y mas nais ko pang tulungan ang mga pahinante kaysa sa iyo,” ang walang buhay niyang sabi sa kapitan.
Gumuhit ang galit sa mukha ng kapitan. “Isang pagkakamaling hinayaan kitang sumakay rito sa barko ko. Bumaba ka ngayon din,” ang mariin sabi ng kapitan na tiim ang mga bagang.
“Hindi ko susundin ang sinasabi mo,” aniya sa kapitan.
Matapos ng kaniyang sinabi’y tumakbo patungo sa kaniya ang kapitan upang itulak siya paalis ng barko. Hindi niya rin naman pinagbigyan ang balak nito sa kaniya. Sa isang paghakbang niya lang patungo sa kanan ay nakaiwas na siya rito. Sa pag-iwas niya’y bumangga na lamang ang kapitan sa matigas na kahoy na harang ng barko.
Nang ibalik ng kapitan ang tingin nito sa kaniya mayroon ng nag-iba rito. Bumali-bali na rin ang katawan nito habang sumisigaw ito sa sakit. Sa huli’y bumagsak ang kapitan sa sahig na nakaluhod. Kumilos lamang siya sa kaniyang kinatatayuan nang bigla na lamang gumapang nang matulin ang kapitan patungo sa kaniya kasabay ng apat pang mga pahinante. Tumalon siya patungo sa itaas ng kamarote’t iinikot ang kaniyang paningin sa kabuuan ng barko. Hindi naman niya nakita ang kaniyang hinahanap kung kaya tumingala na lamang siya sa tuktok ng layag.
Naroon nga sa dulo niyon nakatungtong ang nilalang na ubod ng itim na mahahaba ang mga kamay at paa. Hindi siya nag-aksaya pa ng ano mang sandali. Sa paggapang ng kapitan at apat na pahinante sa dingding ng kamarote para makarating sa kaniya tumalon siya patungo sa poste ng layag. Kapagkuwan ay tumakbo siya paitaas na siya ring pagbuga ng nilalang sa kaniya ng matutulis na mga tinik.
Umalis siya sa tinatakbuhang poste’t lumipat sa mismong layag. Dumaan lamang sa likuran niya ang mga matutulis na tinik at tumama sa sahig sa ibaba. Maingat siyang kumilos sa tari’t bumalik sa poste.
Sa muling pagbuga ng nilalang sa kaniya ng mga tinik umikot siya sa poste hanggang makarating siya sa pinakatuktok na kinatututungan ng nilalang. Inihampas nito sa kaniya ang mahahaba nitong mga kamay na matutulis ang mga kuko. Nang makaiwas sa pagsugod nito’y tumalon siya paalis ng poste. Sa pananatili niya sa himpapawid, sinipa niya ang pahabang ulo ng nilalang.
Sa ginawa niya’y tumalbog pabulusok paibaba ang nilalang. Bumagsak ito sa itaas ng kargahan na siyang naging dahilan kaya nawasak iyon. Hindi pa man nakababangon ang nilalang, nagpatihulog siya paibaba matapos niyang tumuntong sa tuktok ng poste. Paglapag niya’y sumuksok ang nilalang sa butas na nagawa sa itaas ng kargahan at nagtago ito sa loob niyon.
Hindi siya kaagad nakasunod sa nilalang dahil sa apat na pahinante’t kapitan na papasugod sa kaniya. Dahil dito’y iniikot niya ang kaniyang katawan. Lumabas mula sa kaniya ang hanging nagpatalbog sa lima palayo sa kaniya. Nagsibagsak ang mga ito sa iba’t ibang bahagi ng gitna ng barko. Pumasok siya kapagkuwan sa hagdanan paibaba ng kargahan.
Tinapakan niya lamang ang mga tablang gawa ng butas na binagsakan ng nilalang. Huminto lamang siya sa paglalakad nang makita niya ang nilalang na hawak ang kanang kamay ng kapitan. Nakatayo ang nilalang sa likuran ng kanang-kamay.
Hindi na siya nakakilos nang lamunin ng nilalang nang buong-buo ang ulo ng kanang kamay hanggang sa leeg bago nito kinagat. Bumisirit mula sa kanang kamay ang mapulang dugo’t bumagsak ang katawan nito sa sahig na pugot ang ulo. Sa paglunok ng nilalang ay umingay pa ang lalamunan nito. Sa pagbalik nito ng atensiyon sa kaniya’y pumalahaw pa ito. Kasunod niyon ang paglabas na mahahabang mga tinik sa maitim nitong katawan na siyang pumuno sa kabuuan ng kargahan.
Umaatras na lamang siya nang talon palabas nang hindi siya maatusok ng mga tinik. Sa paglapag niya’y kamuntikan nang matusok ang kaniyang mga mata ng ilang tinik na gahibla na lamang ang layo sa kaniyang mukha.
Hindi natigil ang nilalang sa pagsugod sa kaniya. Umatras ang mga tinik kasunod nang matuling paggapang ng nilalang palabas ng kargahan. Sa laki ng nilalang nasira niyon ang pasukan. Itinaas ng nilalang ang kanang kamay nito sa paglapit nito, ang mga kuko nito’y lalong tumulis. Dahil dito’y muli siyang napatalon patungo sa ibabaw ng kamarote. Tumayo siya tabi ng rewida.
Sa pananatili niya roon tinusok ng nilalang ang lima ng pinalabas nitong mga tinik at kinain ang mga ulo ng mga ito nang sabay-sabay. Bumisirit na lamang ang dugo ng mga ito sa sahig ng barko. Nang pakawalan ng nilalang ang mga katawan iniangat nito ang tingin patungo sa kaniya kasunod nang malakas na atungal. Inilapag nito ang dalawang kamay sa sahig. Sa likod nito’y nagsilitaw ang mga makakapal na tinik na siyang papakawalan nito patungo sa kaniya.
Hindi niya hinintay pa na magawa nitong patamaan siya ng mga tinik. Pinihit niya nang malakas ang rewida na siyang nagtulak sa barko na mabilis na umikot sa himpapawid. Sa nangyari’y nahirapang tumayo ang nilalang sa sahig. Humawak naman siya katawan ng rewida nang hindi siya matumba. Malakas na tumatama sa kaniyang buong katawan ang hangin na dulot ng pag-ikot ng barko. Bumangga ang nilalang sa poste ng layag kaya naputol iyon.
Bumagsak patungo sa kaniya ang layag dahil sa hangin kaya natubanan siya niyon. Bago mahuli pa ang lahat inilabas niya ang kaniyang patalim mula sa kaniyang likuran na siyang pinangpunit niya sa layag. Sa paglabas niya’y papatama na sa kaniya ang mga tinik na pinakawalan ng nilalang. Ang mga kamay at paa ng nilalang ay binaon nito sa sahig nang hindi ito madala ng pag-ikot ng barko.
Mabuti na lamang nagawa niya pa ring maiwasan ang mga tinik. Nadaplisan lamang siya sa kaniyang balikat. Tumakbo siya kapagkuwan patungo sa nilalang kahit na umiikot ang barko.
Umikot siya rito hanggang sa makarating siya sa likod nito. Nagpakawala pa rin ito ng mga tinik kahit nakatalikod ito sa kaniya kung kaya nga ay nagpadulas siya sa ilalim nito. Tinusok niya ang hawak na patalim sa dibdib nito. Umatungal na lamang ang nilalang sa ginawa niyang iyon. Hindi niya itinigil ang pagtusok hanggang hindi lumabas ang kaniyang kamay sa likuran nito.
Tumulo sa kaniyang mukha ang maitim na dugong nagmumula rito. Hindi na nakakakilos ang nilalang sa ginawa niya’t tuluyang nawalan ng buhay. Mayamaya’y nagsimula na itong maglaho na parang nasusunog na papel kaya naibaba niya rin ang kaniyang kamay hawak ang patalim.
Sa pagkawala ng nilalang ay lumitaw sa manipis na hangin ang nagliliwanag na perlas. Itinaas niya ang kaniyang nakabukang palad kung saan bumaba ang perlas. Naglaho rin naman ang mga perlas sa mumunting ilaw kahit hindi pa nakadidikit sa kaniyang kamay. Naisara niya na lamang ang kaniyang kamay na siya ring paghawak niya harang sa patuloy na pag-ikot ng barko.
Hindi na nga natigil sa pag-ikot ang sasakyan. Napatingin na lamang siya sa kamarote nang magsimula ring maglaho ang barko katulad ng mga mumunting ilaw sa gabing madilim. Nang umabot na sa kaniyang mga paa ang paglaho, tumalon na lamang siya sa himpapawid at nagpabulusok paibaba ng kalangitan.