Kabanata 6

2141 Words
IBAYONG sakit ang bumalot sa kaniyang buong katawan na pamilyar sa kaniya. Sa paglaki niya nga rin naman ay madalas siyang napapagdiskitahan ng kaniyang mga kaklase. Sa ginagawa ng lima sa mundong iyon binabalik niyon ang isa sa mga alaalang nais niyang makalimutan. Kusang nanigas ang kaniyang katawan dulot ng takot. Natutuwa ang mga kabataan sa pagbugbog sa kaniya. Sa sakit na nakasanayan ng kaniyang katawan, walang ano mang maririnig na pagdaing mula sa kaniyang bibig. Kung susubukan man niyang lumaban lalo lang tatagal ang pagbugbog ng mga ito sa kaniya. Hinayaan niya lamang nang tumigil ang mga ito. Nangyari nga ang naisip niya nang mga sandaling iyon. Huminto sa pananakit ang lima’t napapatitig sa kaniyang itsurang nagdurugo ang buong mukha. Imbis na tumakbo para makalayo sa mga ito, nanatili siyang nakahiga sa lupa na hindi kumikilos. Nakadilat ang kaniyang mga matang namamaga sa kawalan. “Patay na ata siya,” ang kinakabahang saad ng isa mga kabataan na bungi ang isang ngipin. Sumama ang tingin ng pinakalider sa kasamahan nito. “Paano siya mamatay sa pagsipa lang natin?” mariing sabi ng pinakalider. “Tingnan mo naman. Hindi siya kumikilos,” sumunod na sabi ng unang nagsalita. Sa inis ng pinakalider ay muli siya nitong sinipa sa tiyan. “Bumangon ka riyan,” sabi nito’t sinipa-sipa ang kaniyang paa. Hindi niya ito pinakinggan at nanatiling hindi gumagalaw. Pinigilan pa nga niya ang kaniyang paghinga na siyang bagay na mahusay siya. Sanay siyang pagpanggap na wala nang buhay na nagagamit niya para tigilan siya ng mga gumugulo sa kaniya. “Ano ang gagawin natin? Mukhang patay na nga,” mabilis na sabi ng kausap ng pinakalider. “Bakit ka natatakot riyan? Dapat matuwa ka dahil wala nang malas dito sa baryo,” pagbibigay-diin ng lider. “Hindi pa rin magandang pinatay natin siya. Uuwi na ako,” saad ng bungi ang ngipin. Mabilis itong naglakad palayo kasunod ang iba nitong mga kasamahan. Naiwan ang pinakalider ng kanilang grupo na nakatayo pa rin sa kaniyang harapan. “Bumalik kayo rito!” sigaw ng pinakalider ngunit hindi ito pinakinggan ng ibang kabataan. Patuloy lamang sa paglalakad ang grupo na hindi lumilingon pabalik. Naihatid na lamang ng lider nang masamang tingin ang mga ito hanggang sa makalampas ang mga ito sa sira-sirang bahay. Huminga nang malalim ang lider nang ibalik nito ang atensiyon sa kaniya. Pinakatitigan siya nito nang makasiguradong wala na nga talaga siyang buhay. Sinipa pa nito ang likuran ng kaniyang ulo para magkaroon siya ng reaksiyon. Kahit naramdaman niya ang sakit nanatili pa rin siyang nagpapanggap. Nang mga sandali din iyon ay dumating ang isang manglalakbay mula sa kanluran na nakasakay ng itim na kabayo. Katamtaman lamang ang bilis ng kabayo padaan sa kinaruruonan nila. Nang mapansin ng manglalakbay kung ano ang nangayayri pinahinto nito ang kabayo na malakas na humalinghing bago tumigil ilang hakbang ang layo sa kaniyang kinahihigaan. “Ano ang ginawa mo?” tanong ng lalaking nakasakay sa likuran ng kabayo. Pinakatitigan ng manglalakbay ang batang nananakit sa kaniya. Malaki ang pangangatawan ng manglalakbay kaya halatang-halata ang pag-umbok ng mga laman nito. Nakasuot ito ng kayumangging balute. Sa likuran nito’y nakasukbit ang malapad na espada. Hinihintay ng manglalakbay na sumagot ang nanakit sa kaniya ngunit hindi nito ibinubuka ang bibig. “Tinatanong kita. Pinatay mo ba siya?” dugtong ng manglalakbay. Mabilis na lumabas sa bibig nito ang mga salitang iyon. Imbis na sumagot ng batang lalaki, nanakbo na lamang ito palayo na ikinailing ng ulo ng manglalakbay. Pagkaalis nga ng nanakit sa kaniya, ibinaling ng bagong dating ang buong atensiyon sa kaniya. Bumaba ito ng kinasasakyang kabayo sa pagtalon nito. Nag-ingay ang kasuotan nito paglapag nito sa lupa. Lumapit ito kaagad sa kaniya’t binaluktot ang dalawang tuhod nang matingnan siya nang maigi. Sa balak nitong paghawak sa kaniyang balikat, pinalo niya ang kamay nito na ikinatigalgal nito. Iniupo niya ang kaniyang sarili kahit nanakit ang pangangatawan. Napapatitig pa rin sa kaniya ang manglalakbay. “Akala ko’y patay ka na talaga. Ang galing mong magpanggap,” komento ng manglalakbay. “Sinasaktan ka ba ng batang iyon?” dugtong nito na ang tinutukoy ay ang batang wala na roon. “Gusto ba ng tulong ko?” Tumayo siya mula sa pagkaupo na hindi nakatingin sa manglalakbay. “Hindi ko kailangan ng tulong mo,” sabi niya rito ng walang buhay. Mukha namang wala itong balak sa kaniyang masama kaya hindi siya magkakaroon ng problema kung kausapin niya ito. Sa balak niyang paglalakad ay pinigilan siya nito sa kaniyang balikat na kaniyang ikinanigas. Pinalo niya kaagad ang kamay nito’t umatras siya nang ilang hakbang para makalayo rito. “Wala akong gagawin sa iyo,” sabi nito sa kaniya. Isinuksok nito ang kamay sa sisidlang nakasabit sa tagiliran nito. Naglabas ito ng kung maliit na bote. “Ito inumin mo nang maging magadang ang pakiramdam mo. Gawa iyan ng kasamahan ko,” dugtong nito na inaabot sa kaniya ang gamot. PInagmasdan niya ang hawak nito’t napapatingala sa mukha nito. Mahahalata sa itsura nitong marami itong pinagdaanan. Nalalaman niyang kung saan-saan ito napupunta kaya mayroon siyang naisip. “Naglalakbay ka ba sa iba’t ibang lugar?” tanong niya rito na hindi kinukuha ang binibigay nito. “Bakit mo na naitatanong?” saad nito pabalik sa kaniya. “Sagutin mo na lang.” Naibaba na lamang ng manglalakbay ang kamay hawak ang gamot. “Parang ganoon na nga. Pero hindi ako naglalakbay dahil sa gusto ko,” pagbibigay alam nito sa kaniya. “Nag-iikot kami para pumuksa ng mga halimaw at masasamang elemento na siyang sumisira sa balanse ng mundo.” “At para na rin makakuha ng mga kayamanan,” dugtong niya na ikinabigla ng manglalakbay. Natawa na lamang nang mahina sa kaniya ang manglalakbay. “Kasama na rin iyon. Siyempre kailangan din naming ng mga salapi. Paano na lang ang pamilyang naiwanan namin kung wala kaming maiiuwi? Hindi sapat ang binabayad sa amin.” “Wala kang makukuha rito. Bakit nagpunta ka pa rito sa baryo namin? Kung babae ang hanap mo, wala kang mahihiraman ng gabi,” ang sumonod niyang sabi sa manglalakbay. “Bakit mo naman naisip ang ganoon?” “Hindi nga ba. Ang mga katulad mong manglalakbay ay panandaliang aliw ang hanap kaya napapadaan sa mga baryo,” paalala niya rito. Sumilay ang isang ngiti sa labi ng mangangaso. “Nagugustuhan kita bata. Para kang matanda kung makipag-usap. Ano ang pangalan mo?” “Wala akong pangalan,” sabi niya rito kapagkuwan tinalikuran niya na ito. Napasunod na lamang ng tingin sa kaniyang likuran ang mangangaso sa kaniyang paglalakad palayo rito. Hindi niya ito nilingon habang minamasahe ang kaniyang braso na nasaktan. Dumaan siya sa likuran ng mga kabahayan para makarating sa kanilang bahay. Kahit ilang dipa pa ang layo niya ay napapansin niya ang usok na nanggagaling sa kanilang siga. Senyales na mayroong niluluto ang kaniyang ina. Dahil sa kaunti na lamang ang nakukuhang alak ng kaniyang ina gumawa ito ng maliit na kainan sa gilid ng kanilang bahay. Bihira lamang mayroong kumakain doon na manglalakbay kaya nakapagtatakang mayroong usok na lumalabas. Hindi na niya pinakaisip kung bakit dahil baka nga sinuwerte ang kaniyang ina sa mundong iyon nang kinahapunan na iyon. Pagkarating niya sa likod bahay dumiretso siya sa balon sa gawing kaliwa. Hinila niya ang timbang pangsalok ng tubig mula sa ibaba’t naglinis ng kaniyang sarili. Inalis niya ang mga duming kumapit sa kaniyang katawan pati na rin ang mga dugo. Ginamit niya ang bimpo na iniiwan niya roon para sa paghihilamos sa umaga. Nakapikit ang kaniyang isang mata dulot na pamamaga niyon. Halatang-halata rin ang pamamasa ng kaniyang laman na kitang-kita sa namumutla niyang balat. Sa katapusan ng kaniyang paglilinis lumabas ang kaniyang ina sa gilid ng bahay na nagmamadali. Bitbit nito sa isang kamay ang timbang paglalagyan nito ng tubig. Ang dati nitong ganda’y nawala na sa pangangayat ng katawan nito. Pati ang pag-aayos sa sarili ay nakalimutan na rin nito. Hindi na nito nagustuhan pa ang sariling itsura. “Mabuti naman umuwi ka na!” mariing sabi ng kaniyang ina. “Minsan na nga lang mayroong bumibisita sa kainan! Wala ka pa! Hindi na nakakatulong!” Pinalusot niya lamang sa dalawang tainga ang mga narinig mula dito. Nasanay na siya sa pagbubungaga nito kaya alam niya kung kailan hindi dapat magsalita sa harapan nito. “Pupunta na,” saad niya sa ginang. Iniwan niya ito sa balon sa pagsalok nito ng tubig. Nagsalok na lamang ng tubig ang kaniyang ina na busangot ang mukha. Pumasok siya ng bahay sa likurang pinto. Pinuntahan niya ang kaniyang lagayan ng damit na kahon. Naglabas siya ng pamalit na salwal at pang-itaas na kupas na puti. Madalian niyang sinuot ang salwal at naglakad palabas ng bahay na isinusuot ang pang-itaas. Pagtulak niya sa harapang pinto’y nakita niya kaagad ang mga manglalakbay na gugagamit ng kanilang maliit na kainan. Naghahanda ng karne ng koneho ang lalaking manipis ang tabas ng buhok. Nagmumukha itong monghe sa suot nitong balabal na kulay dilaw. Ang kasamahan naman nitong babaeng puting-puti ang suot ay nagpapaapoy sa siga. Hindi umaapoy nang maayos ang mga kahoy kaya kumakapal ang usok na inilalabas niyon. Ngunit patuloy pa rin ito sa pag-ihip. “Saan ba pumunta iyon si Drust? Bakit ang tagal?” sabi ng lalaking manipis ang tabas ng buhok sa kasama nitong babae na narinig niya. “Mayroon daw siyang daraanan,” sagot naman ng babae. Hindi na natuloy ang pag-uusap ng mga ito sa pagtayo niya sa loob ng kainan. “Ano pa bang kailangan niyo?” ang kaagad niyang tanong sa mga ito. Napatigil na lamang ang dalawa sa ginagawa ng mga ito’t napatitig sa kaniya. “Sino ka?” tanong kaagad sa kaniya ng lalaking naghahanda sa karne ng koneho. “Anak ako ng may-ari,” sagot niya naman. Napatango ang lalaking manipis ang tabas ng buhok. Huminga ito nang malalim bago nito ibinalik ang atensiyon sa paghahanda ng hapunan ng mga ito. “Wala naman kaming kailangan na iba pa,” sabi naman ng babae sa kaniya. “Sigurado kayo?”paniniguro niya naman dito. Pinagmasdan siya ng babae sa kaniyang nasabi. “Oo. Maupo ka na lang diyan. Gusto mo ba kaming panoorin sa pagluluto?” saad ng babae na nakangiti. Sinalubong niya ang mga mata ng babae. “Hindi ako katulad ng mga bata na namamangha sa mga dumadayong manglalakbay,” sabi niya sa babae. “Kung mayroon pa kayong kailangan, ako na lang ang kausapin niyo. Huwag na ang ina ko.” Nagkatinginan pa ang dalawa sa mga sinabi niya sa mga ito na siya ring pagdating ng kaniyang ina dala ang isang timba ng tubig. Inilagay ng kaniyang ina ang timba sa gilid ng lababo. Tiningnan siya ng kaniyang ina sa pananatili niyang katayo. “Kumilos ka riyan. Hindi iyong nakatayo ka lang,” mariing sabi ng kaniyang ina. “Tumulong ka sa kanila.” “Hindi na kailangan ginang. Kaya namin ito,” sabi na lamang ng lalaking manipis ang tabas ng buhok. “Sige. Kung wala ay aalis na ako. Ang anak ko na ang maiiwan dito. Siya na lang ang kausapin niyo kapag mayroon pa kayong ibang kailangan,”sabi ng ginang at naglakad na ito paalis ng kainan. Napatingin na lamang ang dalawa sa kaniyang ina sa paglayo nito’t binalik ang tingin sa kaniya. Makikita ang pagtataka sa mukha ng mga ito ang pagtataka. Nakaalis na lamang ang kaniyang ina na walang nagtatanong kung saan ito pupunta dahil ama niya rin naman kung saan. Hindi niya iyon pinansin iyon at naupo na lamang sa mesang pinaghahandaan ng karne ng koneho. Binaik na lang din ng dalawang atensiyon sa pagluluto. “Ano’ng luto ang gagawin niyo sa karne?” tanong niya sa lalaking manipis ang tabas ng buhok. Pinagmasdan nito ang kaniyang mukha. “Sasabawan lang namin para makahigop ng mainit na sabaw,” pagbibigay-alam nito sa kaniya. “Iyan lang ang ilalagay niyo? Wala kayong ihahalo na iba?” Tinuro niya ang karot sa tabi ng mesa. “Ito lang ang natirang gulay sabi ng nanay mo,” tugon ng lalaki samantalang nakahinga naman nang maluwag ang babae sa tuluyang pag-apoy ng mga kahoy sa siga. “Dahil iyan lang ang nakikita niya. Kumuha kayo riyan sa nilagay ko. Pero dapat niyo ring bayaran,” sabi niya’t tumingala siya sa bubongan kung saan naroon nakaimbak ang mga kahong walang laman. “Iyang sa gitnang kahon, mayroong laman.” Napasunod na lamang nang tingala ang lalaki sa kaniya. Nang makita nga nito ang tinutukoy niya tumayo ito sa upuan para maabot ang kahon. Ibinaba nito kapagkuwan ang kahon na naglalaman ng ilang mga gulay na kaniyang tinira. “Bakit mo tinatago?” tanong ng lalaki paglapag nito sa kahon sa kabilang tabi ng mesa. “Masyadong magastos ang nanay ko sa gulay. Hindi niya iniisip ang mga kasunod na araw.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD