PINAGMASDAN siya ng lalaki sa kaniyang nasabi sa paglabas nito ng mga gulay mula sa kahon na pangdagdag nito sa sahog. “Kung ganoong nagtitipid ka bakit mo binibigay sa amin?” ang naitanong sa kaniya ng lalaki.
“Sino ang mayroong nagsabi na binibigay ko sa inyo? Babayaran niyo iyan nang makabili kami ng karne gamit ang salapi,” pagbibigay alam niya sa lalaki. Mahahalatang natutuwa sa kaniya ang lalaki sa paglitaw ng manipis na ngiti sa mga labi nito.
Lumingon sa kaniya ang babae matapos nitong mailagay sa siga ang malaking palayok na naglalaman ng tubig. Lumapit ito kapagkuwan sa mesa sa pagbalat ng lalaki sa karot.
“Ilang taon ka na ba bata?” tanong sa kaniya ng babae na mayroong pagkamangha sa mga mata nito.
Nangliit siya sa pagtitig ntio sa kaniya kaya naiyuyuko niya ang kaniyang ulo. “Lima,” matipid niyang sagot dito.
“Wala sa pagsasalita mo ang pagiging lima,” ang sumunod na sabi ng babae sa kaniya. “Ano bang nangyari sa iyo’t mayroong kang pasa sa mukha? Sa edad mong iyan, nakikipag-away ka na rin?”
Napahawak siya sa kaniyang mata matapos nang sinabi nito. Sa pagkakataong iyon hindi na niya sinagot ang babae.
“Wala namang masama roon. Maganda nga kapag ganoon nang bata pa lang ay malaman niya nang makipaglaban. Kailangan iyon para sa magiging bukas niya,” ang nasabi naman ng lalaki.
“Nagkakamali ka. Sa edad niya’y dapat nagsasaya siya bilang bata. Dahil kapag tumanda siya hindi niya na malalaman kung paanong maging masaya. Wala na siyang magiging panahon para roon,” paliwanag naman ng babae. “Tingnan mo nga ang sarili mo. Dapat alam mo ang sinasabi ko,” dugtong ng babae na binalik ang atensiyon sa kaniya. “Hindi ka dapat nakikipag-away,” sabi ng babae sa kaniya’t sinagot niya na lang ng isang tao nang matigil ito sa pakikipag-usap sa kaniya.
Inilagay ng babae ang mga hiniwang karne ng koneho sa palayok nang mapakuluan iyon. Samantalang ang lalaki ay sinimulang hiwain ang mga gulay. Tiningnan siya nito sa paggalaw nang mabilis ng mga kamay nito.
“Huwag kang makinig sa kaniya,” bulong ng lalaki. “Gawin mo kung ano ang gusto mo. Basta huwag lang masama.”
Iniangat niya ang kaniyang ulo’t sinalubong ang tingin ng lalaki.
“Hindi mo kailangang sabihin sa akin ang ganiyan. Alam ko kung ano ba ang tama’t mali,” aniya sa lalaki.
“Sigurado ka ba na limang taong gulang ka lang?” paniniguro sa kaniya ng lalaki.
Hindi na niya nasagot ang lalaki nang tumigil ang isang kabayo sa harapan ng bahay. Napalingon na lamang siya rito’t nalaman niyang ang bagong dating ay ang manglalakbay na tumulong sa kaniya sa bukana ng kakahuyan. Bumababa ito kinasasakyang kabayo na nakatitig sa kaniya. Itinali nito sa nakatayong patpat ang kabayo katabi ng dalawa pang kabayo bago ito lumakad patungo sa kusina.
“Dito ka ba nakatira?” ang tanong kaagad ng manglalakbay na si Drust kahit hindi pa man ito nakakapasok ng kusina.
Napatitig na lamang ang lalaking nagluluto sa lider ng mga ito. “Kilala mo ang batang ito?” ang nagugulang sabi ng lalaki.
“Hindi,” sagot naman ng manglalakbay nang tuluyan itong makapasok sa kusina. “Nakita ko lang siyang binubugbog.”
Tumango ang lalaki nang maintindihan nito kung saan galing ang kaniyang mga pasa. Hinawakan naman siya ng mangangaso sa kaniyang ulo nang makatayo ito sa tabi ng mesa. Pinagmasdan nito ang itsura niya.
“Mukha naman maayos ang itsura mo. Mawawala rin iyang mga pasa mo,” komento ni Drust sa kaniya.
“Alam ko,” ang naiinis niyang sabi nang alisin niya ang kamay ng mangangaso sa kaniyang ulo.
“Hindi mo ako dapat kinakausap nang ganiyan. Mas matanda ako sa iyo,” pangaral ng manglalakbay sa kaniya. “Nahihiya ka ba dahil nakita kitang binugbog? Huwag mong alalahanin ang ganoon. Bahagi na iyon ng paglaki mo na makukunan mo ng aral.”
“Ano ang pinagsasabi mo?” tanong niya sa manglalakbay kahit naintindihan niya naman kung ano ang tinutukoy nito.
Muli nitong ginulo ang kaniyang buhok bago ito maupo sa katabing silya. Naging matalim ang kaniyang tingin sa lalaki sa pag-ayos niya sa kaniyang nagulong buhok.
“Wala ba kayong napapansin sa kaniya?” tanong ng manglalakbay sa mga kasamahan nito. Nagtatakang tumingin ang dalawa pabalik sa lider. Huminga nang malalim si Drust dahil hindi nakuha ng mga ito ang gusto nitong tukuyin. “Para siyang matanda na kung makipag-usap,” dugtong na lamang ng manglalakbay.
Napatango ng ulo ang lalaking manipis ang tabas ng buhok. Sinimulan na rin nitong ilagay ang mga sahog na gulay sa palayok katulong ang babae.
“Iyon nga ang napansin namin sa kaniya,” pagsangayon na lamang ng babae sa pagkagat nito sa natirang hiwa ng karot.
Pinagmasdan siya ng manglalakbay bago ito muling magsaita. “Anong nakuha niyo?” tanong nito sa kasamahan kahit hindi rito nakatingin.
“Wala namang naisasagot ang mga taga-rito. Sabi nila’y wala namang ibang nagtutungo ritong mga dayo. Siguro nga’y nagkamali lang tayo sa nalamang impormasyon,” pagbibigay alam ng babae. “Baka wala naman talagang mga nilalang na manggugulo rito.”
“Marahil ay naghahanda pa lang. Naghahanap ng magandang tiyempo,” saad ng manglalakbay na hindi tinutumbok kung sino ang nagbabalak ng manggugulo sa baryo na iyon. Pinakatitigan siya kapagkuwan nito para magtanong. “Ikaw ba bata, wala ka bang napapansin dito sa inyo?”
Pinagsalubong niya ang dalawang kilay. “Katulad ng?” tanong niya pabalik imbis na direktang sumagot.
“Mga bagay-bagay. Kakaibang mga bagay-bagay na hindi likas na nangyayari,” paliwanag ng mangangaso sa kaniya.
“Alin ba ang gusto mong sabihin? Iyong walang gaanong mahuling isda sa batis? O iyong pagtuyo ng mga lupa kahit hindi naman panahon ng tagtuyot?”
Pinaglaro ng mangangaso ang mga daliri nito sa mesa na gumagawa ng hindi nagbabagong tunog. Sumingit sa kanilang usapan ang babae nang mayroon itong maalala.
“Ikaw ba iyong batang sinasabi ng mga taga-rito? Sabi nila’y minalas na ang baryo nang ipanganak ang bata,” saad ng babae. Hinayaan nitong haluin ng lalaking manipis ang tabas ng buhok ang kumukulong niluluto ng mga ito.
“Ako nga,” tugon niya naman dito.
Itinigil ng mangangaso ang paglalaro sa mga daliri nito. “Kaya naman pala mayroong nangbubugbog sa iyo. Mayroong galit sa iyo ang mga tao rito,” puna ng manglalakbay na si Drust.
Sinalubong niya ang mga mata ng manglalakbay.
“Iyon ay dahil sa kulay ng buhok ko,” aniya rito. “Kakaiba para sa kanila.”
“Kakaiba nga pero wala namang masama sa kulay ng buhok mo. Huwag kang mag-aalala hindi dahil sa iyo kaya nanunuyo ang lupa rito. Dahil iyon sa nilalang na nagtatago rito sa baryo niyo.”
Sa balak nitong paghawak sa kaniya’y inilayo niya kaagad ang ulo niya nang hindi nito maituloy. Naibaba na lamang ng manglalakbay ang kamay nito.
“Ano ang gagawin natin ngayon?” tanong naman ng lalaking manipis ang tabas ng buhok. Ginamit nito ang sandok para tikman ang sabaw. Napangiwi na lamang iyon dahil sa walang lasa. Kumuha ito ng asin at paminta na dinagdag nito sa niluluto.
“Magmasid muna tayo bago tayo kumilos. Siguradong mayroong gagawin ang mga iyon ngayong alam nilang narito ang mga kabalyerong katulad natin dito,” sabi ng lider sa dalawa na abalang-abala sa pagluluto. Tinikman nang tinikman ng mga ito ang niluluto dahil wala pa ring lasa kahit anong inilalagay nila pangpalasa. “Wala na naman bang sarap?” tanong ng manglalakbay. Lumingon ang dalawa na tikom ang mga bibig. “Sino ba kasing nagsabi sa iyo na sabawan niyo? Inihaw niyo na lang sana. Nanghiram pa kayo ng palayok. Hindi naman kayo makakapagluto nang maayos.”
“Gusto namin kasing humigop ng sabaw,” pagdadahilan naman lalaking manipis ang tabas ng buhok.
Nasapo ng manglalakbay ang noo nito dahil sa narinig. “Alam niyo naman sa sarili niyo na hindi kayo marunong magluto. Kaya nga puro ihaw lang ang ginagawa natin, hindi ba? Ginawa niyo pa rin. Magpatulong na kayo sa may-ari,” ang mahaba-haba nitong sabi.
“Wala rito ang ina ko,” pagbibigay alam niya sa manglalakbay. “Nagpunta sa simbahan.”
“Tatay mo?” tanong nito sa paglingon nito sa kaniya.
“Wala ako niyon.” Tumayo siya mula sa kinauupuan at hinila ang silya patungo sa siga. “Ako na ang magsasalba.”
“Sigurado ka ba bata?” ang naitanong ng lalaking manipis ang tabas ng buhok sa kaniya.
Inilagay niya sa harapan ng siga ang upuan. Kinuha niya kapagkuwan ang pangpalasa, pagkaraa’y tumayo siya sa upuan nang magawa niyang matingnan nang maayos ang bibig ng palayok.
“Gagawin ko ba kung hindi,” ganti niya naman sa lalaki.
Hindi na niya tiningnan pa ang tatlo’t binuhos ang atensiyon sa pag-aayos ng niluto. Sa simula’y tinikman niya ang lasa ng niluluto na sobrang pait na kaniyang ikinabuntonghininga nang malalim. Nagtaktak siya ng mga pangpalasa na hindi sinusukat at hinalo ang sabaw gamit ang sandok. Matapos niyang mahalo’y tinikman niya ang sabaw. Sa pagtama ng sarap sa kaniyang dila bumaba siya ng upuan at binigay ang sandok sa babae. Hinila niya pabalik ang upuan sa mesa’t muling naupo. Ang dalawa’y tinikman ang sabaw kung kaya gumihit ang ngiti sa labi ng mga ito.
“Kaya naman para kang matanda dahil ikaw lang ang lalaki dito. Ikaw ang haligi sa bahay niyo,” komento sa kaniya ng manglalakbay.
Binalewala niya lamang ang sinabi nito. Nasanay siyang mag-isa kaya pati pagluluto’y natutunan niya. “Saan ba kayo matutulog?” ang naitanong niya sa manglalakbay. Naroon nga sa likuran ng kabundukan ang papalubog na araw. “Malapit nang gumabi.”
“Dito na sa inyo. Puwede rin naman siguro,” sabi ng manglalakbay.
“Dalawampung pilak bawat isang katao.”
“Masyado namang mahal.”
“Wala nang ibang nagpupunta rito kaya lulubusin ko na ang pagtuloy niyo,” paliwanag niya sa manglalakbay.
“Sige. Sige. Babayaran kita ng anim-napung pilak sa pagpapalipas namin ng gabi sa bahay niyo,” pagpayag ng manglalakbay. “Tutal tinulungan mo naman kami sa pagluluto.”
“Mabuti naman,” aniya sa manglalakbay.
Tumayo siya mula sa kinauupuan at nilinis ang mesa na siya ring paglagay ang babae ng mga mangkok na naglalaman ng mainit na niluto. Umuusok pa iyon.
“Ikaw ba? Gusto mong kumain?” ang tanong ng babae sa kaniya.
“Hindi,” simple niyang sagot sa pagtapon niya ng mga basura sa sakong naroon sa sulok.
Sa pagbalik niya sa mesa’y kinuha niya ang lampara na sinindihan niya sa siga. Nagliwanag sa kusina dahil sa apoy na gawa ng lampara. Nilapag niya ang ilaw sa gitna ng mesa sa pagsisimula ng tatlo sa pagkain. Magkatabing nakaupo ang lalaking manipis ang tabas ng buhok at ang babae sa kabilang ibayo ng mesa.
“Maupo ka na,” sab sa kaniya ng manglalakbay nang hawakan nito ang malalim nitong kutsara. Tinuro pa nito ang mangkok na para sa sa kaniya.
“Hindi ako nagugutom,” aniya sa manglalakbay ngunit hindi sumangayon ang kaniyang tiyan. Kumulo iyon na dinig na dinig ng tatlo. Natawa na lamang ang dalawang kasama ng manglalakbay.
Sinenyas ng manglalakbay ang ulo nito’t hindi na siya nagdalawang-isip pa. Naupo na rin siya sa kaliwa ng manglalakbay. Sinimulan niya ang paghigop ng sabaw na hindi tumitingin sa tatlo.
“Saan naman ang tatay mo?” ang naitanong sa kaniya ng manglalakbay sa pagnguya nito sa karne ng koneho.
“Hindi ko alam,” tugon niya kahit na mayroong lamang gulay ang kaniyang bibig.
“Ano ang ibig mong sabihin?” paglilinaw ng manglalakbay dahil naguguluhan ito.
“Hindi ko na siya nakilala.”
Sa gutom ng dalawang nasa kabilang ibayo ng mesa’y natapos kaagad nila ang unang mangkok ng niluto. Umalis ang mga ito ng mesa’t upang magsalin ng pangalawa.
“Ano bang gusto mong gawin sa buhay mo?” pag-usisa sa kaniya ng manglalakbay kaya napatitig siya rito. “Walang mangyayari sa iyo kung narito ka lang sa baryo niyo. Hindi ka uunlad.”
Naisip niya na rin naman kung ano ang gusto niyang gawin sa buhay niya sa mundong iyon. “Kapag malaki na ako, aalis na ako rito. Hinihintay ko lang na madagdagan ang aking edad.” Pinagpatuloy niya ang pagnguya sa pagkaing kaniyang isinubo. Nalulusaw lang ang patatas sa kaniyang bibig sa pagkagat niya rito.
“Gusto mo bang sumama sa amin?” pang-iingganyo ng babaeng mangangaso sa kaniya.
Tinaas niya ang mangkok nang mahigop niya ang natitirang sabaw. Ibinaba niya lamang ang mangkok na walang natira. Bumalik naman ng mesa ang dalawang nagsalin ng niluluto. Mabilisanng inilapag ng mga ito ang mangkol sa init niyon.
“Hindi,” tugon niya’t umalis siya ng mesa. “Ihahanda ko ang higaan niyo.”
Napatingin na lamang sa kaniya ang manglalakbay sa paglalakad niya patungo sa harapang pinto ng bahay. Pumasok siya roon na tinutulak ang sara. Nang makapasok siya’y huminga siya nang malalim. Naisip niyang maganda rin namang mayroon siyang makakasama sa pag-alis niya ng baryo na iyon. Makatutulong sa kaniya ang mga ito lalo na’t kaunti pa lamang ang alam niya sa mundong iyon. Kaya nga lamang hindi siya puwedeng magtiwala sa mga ito. Hindi siya sigurado kung tunay ngang mabuti ang mga ito.