Tahimik ang gilid ng batis na pinuntahan ni Angelo. Malinaw ang umaagos na tubig na lumulusot sa mga naglalakihang bato. Nakaupo lamang siya sa malaking bato hawak ang pamingwit. Sa hindi kalayuan ay maririnig ang paghuni ng mga ibon na mistulang naging musika sa kaniyang tainga.
Madalas siyang nagtutungo roon mula nang matuto siyang maglakad. Sa bahaging iyon ng lugar malaya siyang nakakagalaw dahil bihira ang ibang taong magtungo roon na nakatira sa baryo ng kaniyang kapanganakan sa mundong iyon. Ang nakikita niya lang sa lugar na iyon ay ang mga hayop na umiinom ng tubig. Siya na ang kusang umiwas sa mga taga-baryo sa pagiging iba niya nang walang mangyaring gulo. Alam niyang naiiba siya hindi lang dahil sa naging kulay ng buhok na berde kundi dahil na rin sa katotohanang mula siya sa ibang mundo.
Pagkahanggang sa sandaling iyon, sa edad niyang limang taon, hindi pa rin siya nabibigyan ng pangalan ng kaniyang ina. Ang pangalan niyang Angelo ay hindi naman niya magamit. Hindi pinag-isipan ng ginang ang pagpapangalan sa kaniya sa paglipas ng mga taon. Sa pag-alis nga ng mangangaso, naghintay ang ginang. Ngunit walang bumalik na lalaki sa kanilang bahay kahit na anino man lang nito. Ang araw ay naging buwan. Ang buwan ay naging taon. Hanggang sa napagod sa kahihintay ang kaniyang ina.
Sa panahong iyon palagi na rin siyang kinagagalitan ng ina kaya umiiwas siya rito lalo na kung nakainom ito. Walang araw na hindi ito lasing. Sinisisi ng kaniyang naging ina ang paghihirap nitong nararanasan sa kaniya kahit na bago pa man siya dumating hindi na talaga maayos ang buhay nito. Pero lalong lumala ang sitwasyon nito matapos siyang ipanganak. Bihira nang mayroong magtungo sa kanilang bahay para uminom na siyang pinagkikitaan ng kaniyang ina ng salapi.
Hindi na nito nagagawa ang iba pang bagay sa pagkahibang nito sa mangangaso. Naghihintay pa rin ito kahit mukhang imosible na itong bumalik. Kung kaya nga siya na lamang ang gumagawa ng mga kailangan sa bahay. Hindi lang siya napapagbuhatan ng kamay ng ginang kapag wala itong kainuman. Kahit na bata pa ay ginawa na siya nitong kainuman. Dahil na rin sa katawan niya lang naman ang bata pa at ang utak ay matanda na, hindi siya nahirapang uminom. Dito lamang natutuwa ang ina sa kaniya. Nais niya ngang itanong sa babae kung bakit sa lugar pa na iyon siya nito muling binuhay. Ngunit hindi niya nga ito naitanong dahil ni minsan mula nang ipanganak siya ay hindi na ito nagpakita pa sa kaniya.
Naputol lamang ang paglalakbay ng kaniyang isipan nang gumalaw ang kaniyang pamingwit. Indikasyon na mayroong kumagat sa kaniyang pain. Hinila niya kaagad paitaas ang patpat bago pa man makatakas ang isdang kumagat. Bahagya siyang nahirapan sa paghila dahil masyado iyong mabigat. Nakuha na niyang tumayo sa kaniyang kinauupuan nang magawa niyang maalis sa tubig ang isda. Huminga siya nang malalim kasabay ng paghakbang niya hawak nang mahigpit ang patpat. Sa huling paghila niya ay tuluyan na niyang nahuli ang isda. Lumabas ang namumulang isda mula sa tubig na higit na malaki sa kaniyang ulo. Kumikinang ang kaliskis nito sa pagtama ang sinag ng araw dito.
Nang lumalaki siya sa mundong kaniyang pinanggalingan pangingisda ang libangan ng kaniyang ama kaya natutunan niya rin iyon kaagad. Sa liit ng bata niyang katawan, naging madali pa rin sa kaniya na hawakan ang isda kahit na kumakawag. Inalis niya sa dulo na tali ang isda’t inihagis sa likuran ng bato na kaniyang kinauupuan kasama ang isa pang isdang nahuli niya nang araw na iyon. Pinagmasdan niya ang pagtalon-talon ng isda’t napagdesisyunan umuwi na.
Buong araw siyang naroon ngunit dalawa lang ang kaniyang maiiuwi. Mahirap manghuli ng isda sa batis na iyon sa hindi niya malamang dahilan kung kaya nga bihira na ring mayroong nangingisda roon. Ibinuhol niya ang dulo ng tali sa patpat bago siya tumalon paalis ng bato. Lumapag siya sa tabi ng mga isda’t kinuha niya ang manipis na baging. Itinali niya ang dalawang isda’t naglakad na siya paalis ng batis. Maingat siyang tumapak sa mga bato nang makarating siya sa lupa. Sa huling tapak niya sa bato’y narinig niya ang malakas na pagpalahaw sa kakahuyang kaniyang daraanan. Nanigas ang kaniyang buong katawan dahil alam niyang kung ano ang gumagawa ng pagpalahaw.
Nagmadali siyang maglakad hanggang sa makatapak sa lupa. Hindi siya nag-aksaya ng sandali’t naghanap ng daan palayo sa pinagmumulan ng palahaw. Sa pagdaan niya sa mga puno ay lumilingon siya sa kanluran. Inakala niyang makakaiwas siya ngunit sa muling pagpalahaw ay nasabi niyang ilang dipa lang ang layo niyon sa kaniya. Bumilis ang t***k ng kaniyang puso nang makita niya nga ang mabangis na oso kaaway ang puting tigre. Naghahabulan ang mga ito patungo sa kaniya. Bago pa man siya mapansin ng dalawang hayop nagtago siya ilalim ng nakatumbang puno habang itinatapon ang isda sa likuran ng halaman ilang hakbang ang layo mula sa kaniyang pinagtaguan.
Sa pagdapa niya ay napaisip siya kung bakit nag-aaway ang dalawang hayop. Iyon ang unang pagkakataon na napadako ang dalawa nang sabay sa bahaging iyon ng kakahuyan. Ang dalawang hayop ang isa sa mga rason kaya walang nagtutungo sa kakahuyan sa takot na malapa.
Nangyari nga ang kinakatakutan niya nang sandaling iyon. Sa lupa sa harapan na pinagtataguan niya tumigil ang dalawang hayop. Nagsitinginan nang masama ang dalawa habang umiikot nang lakad. Kapansin-pansin ang kalmot sa kaliwang pisngi ng oso. Tanda ng makikipaglaban nito sa puting tigre. Sa pagpalahaw ng puting tigre’y sumugod na ito. Nagharap ang dalawa na nakahanda ang mga kuko. Nagkalmutan ang mga hayop nang magtagpo ang mga ito. Inihampas ng oso ang isa nitong paa sa tigre. Ganoon din ang puting tigre. Tinaaman ng oso ang tigre sa leeg. Sa laki ng mga ito’y siguradong isang hampas lang siya ng mga ito’y patay siya kaagad.
Hindi nagpatalo ang puting tigre. Kinagat nito ang oso sa balikat. Sa galit ng oso’y tinulak nito ang puting tigre na ikinatalsik ng huli sa mga halaman malapit sa kaniyang pinagtataguan. Hindi pa man nakakatayo ang puting tigre’y napalingon na ito sa kaniya’t nagtagpo ang kanilang mga mata.
Bago pa man mahuli ang lahat umalis siya sa kaniyang pinagtataguan. Kumaripas siya nang takbo palayo sa dalawang mabangis na hayop. Sumunod kaagad sa kaniya ang puting tigre na tumalon pa mula sa itaas ng tumbang puno para maabot siya. Sa paglingon niya ay ilang dangkal na lamang ang layo nito sa kaniya. Nag-iba siya ng direksiyon upang lituhin ang tigre nang mapagtanto niyang hindi niya dapat madala patungo sa baryo ang dalawang hayop. Sa paglapag ng tigre’y binangga ito ng oso na mayroong kasamang kalmot. Hindi lang away ang ginawa ng dalawa’t nag-unahan ang mga ito sa paghabol sa kaniya.
Sa kaniyang pagtakbo’y nag-isip siya nang puwede niyang pagtaguan upang hindi siya masaktan. Nagkamali siya ng tapak kung kaya napatid siya ng nakausling ugat. Sa nangyari’y gumulong siya sa paibabang lupa na tumatama ang mga tuyong dahon at mga patpat sa kaniyang mukha. Tumigil lamang siya sa paggulong nang marating ang ibaba na dahilig. Pagtayo niya’y naroon na ang dalawang mabangis na hayop na paibaba na rin na malayo sa isa’t isa.
Hindi siya nag-aksaya ng mga sandali’t pinagpatuloy ang pagtakbo. Napapangiwi siya sa biglang pagsakit ng kaniyang paang nabali. Gayunman hindi pa rin siya tumigil. Tumakbo siyang umiikang-ikang hanggang sa makarating siya sa bitak sa pagitan ng dalawang lupa. Sa likuran niya’y ilang hakbang na lamang ang layo ng oso’t tigre. Dinagdagan niya ang bilis habang tinitiis ang sakit makarating lang sa bitak.
Nagawa niya namang maipasok ang limang taong gulang niyang katawan. Kamuntikan lang siyang makalmot ng puting tigre sa likuran ng kaniyang ulo. Sa pagpasok niya nga’y muling nag-away ang mga mababangis na hayop sa labas. Tiningnan niya saglit ang mga ito’t lalong pumailalim sa bitak nang patagilid. Nang hindi na siya makatuloy umakyat na siya paitaas ng bitak. Mahigpit ang kapit siya sa mga batong bumuo sa bitak.
Sa kaniyang pagpaitaas ay naririnig niya pa rin ang pag-aaway ng dalawang mabangis na hayop. Nabawasan lang ang palahaw nang makarating siya sa tuktok ng bitak. Inalis niya ang kaniyang sarili sa bitak sa pagbuhat niya sa sariling bigat. Pinagpag niya ang mga kumapit na dahon at lupa sa kaniyang suot na salwal at pang-itaas. Nakuha niya pang lumingon sa pinangagalingan ng ingay bago siya nagpatuloy sa paglalakad. Nanghihinayang siya sa isda niyang nahuli. Maipangpapalit niya pa sana iyon ng bigas. Iyon nga lang hindi siya puwedeng bumalik dahil naroon pa ang oso’t tigre. Napabuntonghininga na lamang siya nang malalim para sa nangyari.
Tumayo siya sa malaking ugat kung saan niya natatanaw ang itaas ng tore ng simbahan ng baryo sa kalayuan. Bumaba siya kapagkuwan na nagpapalambitin sa ugat. Sa pagbitiw niya’y nakatayo rin naman siya nang maayos sa kasunod na ugat. Lumakad siya sa ugat na iyon nang makarating sa pantay na lupa. Hapong-hapo siyang nakarating sa dulo niyon. Gayunman wala na ring sumunod sa kaniya na mabangis na hayop.
Sa kaniyang paglalakad ay inisip niya pa rin kung paanong nagkagulo ang dalawang mabangis na hayop. Hindi niya maalis na may rason kung bakit nga ba nagkakagaanon. Sigurado siya sa bagay na iyon.
Tahimik ang kakahuyan sa kaniyang paglalakad. Nababasag lamang iyon ng kaniyang paghakbang dahil sa natatapakang mga tuyong dahon. Muli na namang tumimo sa kaniyang isipan na wala talaga siyang balak na tulungan ng babae kahit malagay sa kahit anong klaseng kapahamakan. Wala na siyang maasahan dito matapos siyang maipadala sa mundo na iyon. Hindi niya rin alam kung makikita niya pa ito ulit. Dumating nga rin naman siya sa edad na iyon na hindi ito lumilitaw sa harapan niya.
Nasapo niya ang kaniyang tiyan sa pagkulo niyon. Buong araw na nga rin siyang walang kain. Pinagpanalingan niyang mayroon pang natitirang pagkain sa kanilang bahay kahit gulay man lang. Napapaikutan nga ang baryo ng kakahuyan ngunit wala naman makukuhang makakain dito. Puro punong kahoy ang tumutubo’t kaunti lang ang mga prutas. Kung mayroon man namamatay din dahil inaaubuso ng mga taga-baryo. Hindi tinitigilan kahit kabubunga pa lang. Hindi rin puwedeng maghanap ng mga kabute dahil puro nakakalason. Ang palayan naman at guluyan sa tabi ng baryo’y unti-unti na ring namamatay kaya kaunti na rin ang naani. Ang bahagi nga ng lupa na para sa kanila’y hindi na matamnan dahil sa natutuyong lupa kahit hindi naman panahon ng tag-init. Isa lang ang masasabi niya mahirap talagang mabuhay sa baryo na iyon. Kaya ang balak niya kapag dumating na siya sa edad na maari na siyang magtrabaho’y lilisanin niya ang baryo na iyon. Kung ngayon siya aalis magiging delikado ang buhay niya kahit na matanda na siya mag-isip. Hindi niya magagawang iligtas ang sarili kung sakaling maipit ang bata niyang katawan sa isang sitwasyon na mahirap niyang iwasan.
Hindi rin nagtagal nakarating na rin siya sa katapusan ng kakahuyan. Pagkalabas niya’y bumungad sa kaniya kaagad ang mga batang naglalaro sa lupa na lima ang bilang, gumuguhit ang mga ito ng kung anu-anong imahe. Lamang ang edad ng mga ito sa kaniya nang mahigit limang taon. Tumigil ang mga ito sa pagguhit at humarang sa kaniyang daraanan. Kahit mas matanda siya sa mga ito pagdating sa utak kinakabahan pa rin naman siya dahil sa hindi nga rin naman siya marunong makipag-away. Hindi niya magawang makapanakit, wala sa ugali niya ang bagay na iyon. Walang pagkakataon na hindi siya pinagdidiskitahan ng mga ito sa tuwing makikita siya. Bumabalik lang sa isipan niya ang mga lalaking bumubugbog sa kaniya sa dati niyang buhay.
“Ano ang ginagawa mong baliw dito sa labas?” ang saad ng pinakalider ng grupo. Umabot lang ang taas niya sa tiyan nito. Tinuro-turo nito ang kaniyang noo na kaniyang ikinaatras. “Dapat doon ka lang sa bahay niyo baka mamaya madamay kami sa kamalasan mo. Mula nang ipanganak ka ang dami nang masamang nangyari rito sa baryo.”
Naririnig niya rin naman ang usapan na iyon sa tuwing lalabas nga siya ng bahay. Tingin ng lahat siya talaga ang mayroong kasalanan sa pagiging iba ng kaniyang buhok.
Naikumyos niya na lamang ang kaniyang kamao sa galit na hindi niya naman kayang ilabas. Sa hindi niya pagsasaita’y bigla na lamang siyang tinulak ng kumakausap sa kaniya. Hindi siya kaagad nakatayo nang pagsisipain siya ng mga ito. Hindi tumigil ang mga ito kaya naihaharang niya na lamang ang kaniyang dalawang kamay sa kaniyang ulo nang maproteksiyunan iyon.