Kabanata 27

2151 Words
Inabala niya ang kaniyang sarili sa paglalaro sa tabi ng ilog. Kumuha siya ng maliit na bato na siyang itinatapon niya sa tubig. Paulit-ulit niyang ginawa iyon hanggang sa magsawa siya. Tumingin siya sa kabilang ibayo ng ilog nang makita niya ang usang uminom ng tubig. Masanga ang sungay ng usa't ang balat nito'y maliwanag na kayumanggi. Napahinto siya sa pagtapon ng bato't pinagmasdan ang usa sa pag-inom ng tubig. Maging ang usa ay tumingin sa kaniya't nagkasalubong ang kanilang mga mata. Umalis din naman ito bigla nang maramdaman niya ang mabigat na puwersang tumutulak sa kaniyang likuran. Tumalon ang usa papasok ng kakahuyan. Nadagdagan ang bigat sa kaniyang likuran sa hindi niya pagkilos. Dahil dito ay lumingon na siya't sumalubong sa kaniya ang malapad na espadang inihampas sa kaniya ng manglalakbay na si Drust. Bago pa man siya matamaan niyon tumalon na siya patagilid. Nagawa niya namang makaiwas kaya tanging bato lamang ang natamaan ng lalaki na gumawa nang malakas na tunog. Sa pagtayo niya nang tuwid ay pinagmasdan niya nang masama ang manglalakbay. "Ano ang problema mo? Nagpunta ka talaga rito para patayin ako," mariin niyang sabi sa lalaki. Ibinalik ng manglalakbay ang espada nito sa likuran. "Nagkakamali ka. Sinubukan lang kita para malaman ko kung totoo nga ang sinabi ni Mara. Mukhang tama siya na mayroon kang potensiyal. Kailangan mo lang talagang magsanay," paliwanag nito sa nagawa nito. Hindi siya kaagad naniwala rito kaya naging alerto pa rin siya. Nagkaroon nga ng magandang resulta ang pagsasanay niya sa tulong ng babae kahit papaano. "Huwag kang magsinungaling. Hindi ako naniniwala sa iyo," aniya sa manglalakbay. Humakbang pa siya ulit patalikod kahit na alam niyang hindi makakatulong iyon kung sakaling sumugod nga sa kaniya si Drust. Bumagsak ang balikat ng manglalakbay sa malalim na pagbuntonghininga nito. "Nagsasabi ako nang totoo. Kausapin mo si Mara kung hindi ka naniniwala sa akin," pangungumbinsi nito sa kaniya. "Masamang tao ba ako sa paningin mo?" dagdag nitong tanong sa kaniya. Sinalubong niya ang mapanuri nitong mga mata. Hindi rin naman niya makitang kikilos pa ito para siya ay saktan. "Hindi," tipid niyang tugon dito. "Iyon naman pala't hindi ka tumayo diyan nang tuwid." Sa narinig niya rito ay huminga siya nang malalim hanggang lumuwag ang kaniyang paghinga. Ibinuka niya na rin ang kaniyang kamaong nakakumyos at tumayo nang tuwid. "Ano nga ang kailangan mo sa akin ngayon? Dadalhin mo pa rin ako sa ampunan?" pag-usisa niya rito dahil wala siyang ibang maisip na dahilan kaya lumapit ito sa kaniya nang mga sandaling iyon. "Wala na akong balak na dalhin ka sa ampunan. Hindi ko mababali ang kagustuhan ni Mara. Sabi niya sa akin tinuruan ka niya sa paghawak ng punyal. Pero hindi sapat iyon kung maglalakbay ka. Kailangan mo ring matutong humawak ng iba pang sandata katulad ng espada." "Alam ko." "Mabuti naman kung ganoon." "Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit sinasabi mo sa akin ang ganiyan," ang naguguluhan niyang saad sa manglalakbay. "Magiging guro mo ako," pagbibigay alam nito sa kaniya. "Mananatili ako rito hanggang sa masabi kung sapat na ang natutunan mo." "Ano? Bakit mo naman gagawin iyon?" Hindi siya makapaniwala sa narinig. "Imposibleng dahil lang sa nakiusap sa iyo si Mara." "Sabihin na nating ganoon na nga. Pumayag ka na lang. Wala rin namang mawawala sa iyo. Kapag sinanay kita magiging malapit pa tayo sa isa't isa. Puwede mo rin akong maging ama dahil magiging nanay mo si Mara." "Hindi ko gustong maging ama ang tulad mo. Sa nakikita ko sa iyo ay wala ka talagang sariling disesyun. Naiimpluwensiyahan ka lang ng nasa paligid mo." Inalis niya ang tingin dito't lumakad na pabalik sa babaeng naghihintay. Hindi na niya makayanan ang pagkulo ng kaniyang tiyan. Nilampasan niya ang nakatayong manglalakbay ngunit hindi siya nakatuloy nang hawakan siya nito sa kaniyang suot. Iniangat siya nito mula sa lupa. "Huwag ka munang umais. Mag-usap pa tayo," sabi ni Drust sa kaniya. "Ibaba mo nga ako." Nilingon niya ito habang buhat siya nito. "Huwag mo akong gamitin para makuha mo ulit ang loob ni Mara." "Paano mo naman nalaman?" pinagmasdan siya nito nang maigi. "Tinatanong mo pa. Samantalang kitang-kita naman." Sa nasabi niyang iyon binaba na siya ng manglalakbay. Sinamaan niya ito kapagkuwan nang tingin, pagkaraa'y mabilis na siyang naglakad pabalik sa siga. Naghihintay doon ang babae na naglalagay ng inihaw na isda sa malapad na dahon. "Ano ang sinabi niya sa iyo?" tanong nito sa kaniya nang lumapit na siya rito. "Gusto niya akong sanayin. Pinakiusapan mo ba talaga siya?" Naupo siya sa kaliwa ng babae't pinagmasdan ang inihaw na nakalagay sa dahon. Napalunok siya sa kaniyang paglalaway. "Oo. Gawin mo na. Mga ilang buwan na pagsasanay ay puwede na para sa iyo. Kailangan mo lang matutunan iyong mga pangunahing paraan at sa iyo na kung papalaguin mo pa iyon," paliwanag ng babae sa kaniya sa pagkain na rin nito ng isda. Hindi niya na ito pinagmasdan nang simulan niyang kainin ang para sa kaniya na inihaw. Higit nga rin naman makakatulong kung magsasanay nga talaga siya sa ilalim ni Drust. Nakita niya na kung paano ito makipaglaban kaya masasabi niya talagang mahusay ito. "Wala na rin naman akong magagawa pa," aniya na lamang sa babae. Hinawakan nito ang kaniyang ulo't ginulo ang kaniyang buhok. Nang pagkakataon ding iyon nakabalik na ang manglalakbay. Naupo ito sa kabilang ibayo't kumain din ng inihaw na iniwan ng babae para rito. Naging tahimik ang pagkain nila sa kanilang hindi pagsasalita. Hindi maibuka ni Drust ang bibig para kausapin ang babae sa pananahimik ni Mara. Naging malayo na naman ang tingin ng babae kaya napapauntonghininga na din nang malalim ang manglalakbay. Natapos sila sa pagkain sa pag-inom ng tubig. "Tumayo ka na riyan, Greyson. Magsisimula na tayo," sabi sa kaniya ni Drust sa pagtayo nito nang tuwid. Napatitig siya sa manglalakbay sa pagpunas niya ng kaniyang mga labi. "Ano? Nagbibiro ka lang, hindi ba?" sabi niya rito dahil hindi niya gustong kumilos matapos kumain. Sinasakyan siya ng kaniyang katamaran. "Mukha ba akong nagbibiro?" tuwid na sabi ni Drust at humakbang na ito papasok ng kakahuyan. Nilingon niya ang babae para sabihin ditong pigilan nito ang manglalakbay sa gusto nitong gawin dahil puwede namang ipagpabukas ang pagsisimula ng pagsasanay nito sa kaniya. "Sumunod ka sa kaniya," sabi lang sa kaniya ng babae. Bumagsak ang dalawa niyang balikat sa paghugot niya nang malalim na hininga. Ginagawa nga rin naman ng dalawa ang lahat para tulungan lamang siya. Hindi na dapat siya magreklamo pa dahil wala rin namang hinihininging kapalit ang mga ito sa kaniya. Tumayo na nga siya't hinabol ang manglalakbay. Huminto ito sa paglalakad nang makapasok sa kakahuyan para siya ay hintayin. Lumapit siya rito para sa gusto nitong gawin nang mga sandaling iyon. "Nakikita mo ba iyong batong iyon?" Tinuro nito ang kamay patungo sa malaking bato na makikita sa pagitan ng mga punong-kahoy. "Oo," tugon niya rito. "Ano ang ipapagawa mo?" Inalis nito ang espadang nakakabit sa likuran nito. "Dadalhin mo sa akin ang espadang nito," sabi nito sa kaniya nang pinatayo nito ang espada sa lupa. Bumaon nang malalim ang dulo niyon. Iniwan siya ng manglalakbay na walang sinasabi sa kaniya na iba pa. Naihatid niya na lamang ito nang tingin. Pagkalayo nito sa kaniya ay nilagay niya ang kaniyang buong atensiyon sa espada sa kaniyang harapan. Lumampas ang taas niyon sa laki niya. Sa nakikita niya ay mukhang mahihirapan siya na dalhin ang espada sa manglalakbay. Sa pagkabaon nito sa lupa ay alam niyang labis ang bigat niyon. Sinubukan niyang hawakan ang espada ngunit dahil nga sa bigat nabitiwan niya iyon na nagpatumba sa lupa. Napatitig na lamang siya sa sandata sapagkat hindi niya malaman ang kaniyang gagawin. Kung susuko na siya sa pagkakataong iyon dahil lang sa hindi niya mabuhat ang espada, wala siyang pag-asang mabubuhay siya nang matagal sa Kasarag. Dahil sa isipin na iyon muli niyang binuhat ang espada sa hawakan nito. Nagsilibasan ang ugat sa kaniyang mga kamay at leeg nang simulan niyang iangat iyon. Tiim ang kaniyang mga bagang sa kaniyang malalim na paghinga. Nagawa niya ngang mahila ang espada nang isang pulgada. Ngunit matapos niyon naubusan na siya kaagad ng lakas sa kaniyang katawan. Binitiwan niya ang espada na naghahabol ng hininga. Nagsimula nang siya ay pagpawisan. Inihawak niya ang kaniyang dalawang kamay sa tuhod habang nag-iisip nang gagawin. Kung maaari niya nga lang gamitin ang kaniyang kapangyarihan para hindi siya mahirapan, sa kasamaang-palad hanggang sa mga sandaling iyon hindi pa rin niya alam kung paano niya mapapalabas. Nasa punto pa rin siya na inaalam niya kung paano. Nahihirapan man siya sa pinagagawa sa kaniya ng manglalakbay, pinagpatuloy pa rin kahit nananakit hindi lang ang kaniyang kamay pati na rin ang kaniyang buong katawan. Maririnig ang malalim niyang pag-ungol at paghinga sa katahimikan ng kakahuyan. Nag-iiwan ng linya ang dinaanan ng espada. Sa tagal ng kaniyang paghila'y hindi niya namalayan ang paglubong ng araw. Nagtapon ang araw nang manilaw-nilaw na liwanag. Napagtanto niya na lang na malapit nang maggabi nang ilang dipa na lamang ang layo niya sa bato. Naroong nakahiga sa itaas ng bato ang natutulog na manglalakbay. Nakatulog na lamang ito sa paghihintay sa kaniya. Ibinuhos niya ang lahat sa paghila sa esapada't nakarating din siya paanan ng bato. Kusang binitiwan ng kaniyang mga kamay ang hawakan. Tumumba siya kapagkuwan sa lupa't nahiga na habol ang hininga. Basang-basa ang buong katawan niya ng pawis. Ang kaniyang ulo naman ay parang sasabog. Ramdam niya ang pamumula't pagpintig ng kaniyang mga kamay. Nagising na lamang ang manglalakbay matapos marinig ang kaniyang pagbagsak. Pinagmasdan siya nito mula sa itaas ng bato. "Akala ko naman ay susuko ka," ang nasabi nito sa kaniya sa pagtalon nito mula sa itaas ng bato. Pinulot nito ang espada't nilagay sa likuran nito. "Nais ko sana kaso mas mahalagang matuto ako," aniya naman sa manglalakbay sa pagitaan ng kaniyang malalalim na paghinga. "Maganda kung ganiyan ang takbo ng isipan mo." Inilahad nito sa kaniya ang kamay para tulungan siya sa pagbangon. "Tumayo ka na riyan. Kailangan na nating umalis dito." Hindi niya tinanggap ang kamay ng manglalakbay. Tumayo siya nang mag-isa na pinagpagpag ang mga lupang kumapit sa kaniyang suot. Naibaba na lamang ng manglalakbay ang kamay nito. "Bakit?" ang naitanong niya naman dito. Itinuro ni Drust ang daliri nito sa kaliwa't napasunod siya ng tingin dito. Nanglaki na lamang ang kaniyang mga mata nang mapansin niya ang mga pares ng mga mata na nagtatago sa dilim ng mga halaman. Sa pananatili niya roon naintindihan niya kung ano ang mga iyon. Naikot niya pa ang kaniyang paningin nang magsilibasan pa ang iba. Nagsisilabasan ang mga iyon sa pagpalit ng liwanag at dilim. Pinaliguran sila ng mga tiyanak. Mayamaya nga'y nagsiliban ang mga tiyanak nang sabay-sabay. Mabilis na nasigapang ang mga ito patungo sa kanilang kinatatayuan habang umaatungal ang mga ito. "Umakyat ka sa bato," utos sa kaniya ng manglalakbay. Napasunod siya rito dahil iyon talaga ang dapat niyang gawin. Nagmadali nga siyang umakyat na siyang paglapit ng mga tiyanak. Mabilis na inalis ng manglalakbay ang espada nito sa likod at winasiwas sa mga sumugod na tiyanak. Naputol ang katawan ng mga tiyanak bago mahulog sa lupa. Sa dami ng mga tiyanak hindi natigil sa pagwasiwas ng espada ang manglalakbay. Hindi rin siya nito kaagad natulungan nang umakyat ang iba sa batong kaniyang kinatatayuan. Hindi niya naman basta lang harapin ang mga ito na walang gamit na sandata dahil kagagatin lang ng mga ito ang kaniyang kamay. Sa balak na pagtalon ni Drust patungo sa kaniya, tumalon sa likuran nito ang mga tiyanak. Hindi na natuloy nito ang balak. Nagkatipon ang mga ito sa paligid ng manglalakbay kaya hindi niya na ito makita sa dami. Naguguluhan na lamang siyang tumingin sa mga tiyanak dahil hindi niya malaman ang gagawin. Sa kabutihang palad narinig niya na lamang ang malakas ng pagkaluskos sa kakahuyan. Hindi nga siya nagkamali na dumating ang itim na ahas. Pagkalabas na pagkalabas ng ahas sa kakahuyan, nadagdagan pa ang laki nito. Nilapitan kapagkuwan ng ahas ang ulo nito sa kaniya't umakyat siya rito. Kasunod niyon ay pinaghahampas ng ahas ang mga tiyanak sa paligid kasama na ang pumipigil sa manglalakbay. Nang hindi tumigil ang mga tiyanak ubod lakas na sumitsist ang ahas. Tumigil ang mga tiyanak sa ingay na ginawa ng ahas at nagsitakbuhan palayo ang mga ito at nagtago sa dilim hanggang sa wala nang naiwan. Napatitig na lamang sa ahas ang manglalakbay nang makagalaw na ito nang maayos. Sirang-sira na ang suot nito dahil sa pagkagat ng mga tiyanak. Nagtataka itong tumingin sa kaniya dahil hindi ito makapaniwala sa nakikita nito. "Si Mara ang tanungin mo tungkol sa kaniya," aniya sa manglalakbay at nagpadulas siya likod ng ahas. Nagbago na rin ito ng anyo't bumalik sa dati nitong sukat. Nanatili ito sa kaniyang likuran sa pagtitig ng manglalakbay na para bang anong oras ay tutuklawin nito si Drust kung may balak itong gawing hindi magugustuhan ng makamandag na hayop.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD