Malinaw ang umaagos na tubig sa batis na kanilang pinuntahan ni Mara upang mangisda. Kitang-kita ang mga itim na bato sa ilalim at ang mga isdang lumalangoy paitaas ng ilog. Hindi mainit ang panahon dahil sa mga punong nakapaligid sa bahaging iyon ng lupain. Walang ibang maririnig na ingay kundi ang pag-agos lamang na sinasabayan ng matitinis na paghuni ng mga ibon. Pagkarating nga nila sa ilog, pumuwesto ang babae sa gilid ng mataas na lupa. Sa ibaba niyon ang bahagi ng ilog na malalim at hindi gumagalaw na tubig. Inihanda nito ang dala nitong pamingwit matapos nitong lagyan ng pain na uod.
Nais niya sana itong tanungin tungkol sa nangyaring pagsugod ng dati nitong kaibigan ngunit sa tuwing makikita niya ang malayo nitong tingin hindi niya na lamang tinutuloy ang balak. Mula nang bumalik ito galing sa pagpupulong hindi niya ito gaanong nakakausap nang matagal. Kakausapin lamang siya nito kapag nagsasanay at mayroong iuutos sa kaniya.
Hinayaan niya na lamang ito nang mga sandaling iyon. Nagtungo ito sa ilog para hindi lang mangisda kundi para na rin makapag-isip isip. Napabuntonghininga siya nang malalim sa paglayo niya nang ilang hakbang dito't naupo na rin sa damuhan. Nakuha niya pang silipin ang ibaba ng mataas na lupa. Napagmasmdan niya nga ang mga isdang malayang lumalangoy sa malinaw na tubig. Hindi niya maiwasang mapatitig dahil nga sa nasanay siyang walang makita sa ilog na kalapit ng baryo ng kaniyang pinanggalingan.
Inihanda niya na rin ang kaniyang pamingwit na gawa sa maliit na kawayan. Kinuha niya ang dulo ng tali't naglagay ng uod mula sa dala niyang lagayang bilugang kahoy. Kumawag-kawag ang uod sa kaniyang daliri ngunit nagawa niya pa rin naman itusok ang manipis na kawit sa mataba't mapula-pulang katawan nito. Inilagay niya ang kawayan sa kaniyang likuran habang hawak pa rin ang dulo ng tali.
Hindi niya pinatagal pa ang sandali't inihampas ang kawayan patungo sa ilog. Sa puwersa ng paghampas niya, sumunod dito ang tali na kaniyang mabilisang binitiwan. Tumalsik ang tali na mayroong pain sa dulo't lumubog sa tubig. Nagulo ang kalmadog tubig dahil sa kaniyang ginawa.
Inasahan niyang lalapit kaagad ang mga isda sa pain na nilagay niya sa kawit. Ngunit walang kumakain sa uod kahit na isang isda man lang. Dahil dito'y ginalaw-galaw niya nang bahagya ang hawak na manipis na kawayan. Mayamaya nga'y unti-unting nagkatipon ang mga isda sa paligid ng kaniyang pain. Pumipitik ang tali dahil sa pag-aagawan ng mga isda. Nang maramdaman niyang hinihila ang tali matapos malunok ng isang isda ang kawit, buong puwersa niyang tinaas ang hawak na kawayan. Sa lakas ng isda ay nahila nito pabalik ang patpat. Dulot ng pagkabigla ay kamuntikan niya nang mabitiwan ang kawayan. Mabuti na lamang nabawi niya kung kaya muli niyang hinila ang kawayan. Nakuha niya na ring tumayo upang madagdagan pa ang puwersang binibigay niya sa kaniyang hawak. Humakbang siya patalikod nang isa upang hindi siya mawala sa kaniyang balanse. Hinayaan niya saglit na mahila ng isda ang tali't nang lumuwag iyon ibinuhos niya ang kaniyang buong lakas sa paghila sa isda.
Nagkaroon ng magandang resulta ang kanyang paghila. Naalis ang isda't nag-iwan ng tumalsik na tubig. Sa laki ng isda ay manghihinayang siya kapag naputol ang tali't mahulog ito pabalik. Manilaw-nilaw ang kaliskis ng isda na kumikinang sa pagtama ng sinag ng araw dito. Humakbang siya patalikod habang hinihuli ang tali ng pamingwit. Nang mahawakan niya nga iyon binaba niya na ang isda sa damuhan na maraming hakbang ang layo sa ilog. Kumawag-kawag ang isda sa damuhan sa pagakawala nga nito sa tubig.
Hindi tumitigil sa pagkawag ang isda kaya binato iyon ni Mara ng punyal sa ulo. Kumawag-kawag pa nang kaunti ang isda bago ito tuluyang tumigil. Umabot ang sukat ng isda sa haba ng kaniyang braso.
"Magaling ka talaga sa pangingisda," ang nasabi sa kaniya ni Mara na inaalis ang pamingwit sa tubig. "Ako na ang maghahanda sa apoy. Kaya mo bang linisan?" dugtong nito sa pagtayo nito mula sa pakaupo.
"Oo," tugon niya naman dito.
Pinatayo niya ang kaniyang pamingwit sa lupa't nilapitan ang isda. Inalis niya ang punyal na bumaon sa ulo kasama na ang kawit. Hinawakan niya kapagkuwan sa nguso ang isda nang mabuhat niya iyon nang maayos. Lumakad na si Mara papasok sa kakahuyan upang kumuha ng mga tuyong kahoy. Siya naman ay bumababa sa ilog dala ang malaking isda. Lumalabas ang ugat sa kaniyang kamay sa bigat ng kaniyang dala.
Nakarating siya sa mabatong tabi ng ilog na hindi siya nadudulas. Maingat siyang humakbang sa mga bato't naghanap ng mapagpupuwestuhan. Nakakita naman siya ng mayroong kalaparan na bato. Lumapit siya rito't nilapag ang malaking isda. Sinimulan niyang linisan iyon na walang lumalabas sa kaniyang bibig. Sa talas ng punyal hindi siya nahirapang alisin ang kaliskis at ang mga lamang loob nito. Isinasalok niya ang kaniyang kamay sa umaagos na tubig na siyang pinanglilinis niya sa isda. Nang matapos na nga siya ay nilublob niya ang isda sa tubig upang malinis nang mabuti.
Natapos siya sa ginagawa na nanakit nang bahagya ang kaniyang batok. Gayunman hindi pa rin naman siya nagreklamo. Tumayo na lamang siya't naglakad pabalik sa tinigilan nila ni Mara dala ang malinis na ngang isda. Nadatnan niya ang babae na nakapagpaapoy na ng kahoy. Naglagay ito ng dalawang sumangang kahoy sa magkabilang ibayo ng siga't lumingon ito sa kaniya hawak ang isa pang kahoy na matulis ang dulo. Binigyan niya rin naman dito ang isda nang maintindihan niya kung ano ang nais nitong gawin. Maingat na hinawakan ng babae ang isda sa isang kamay nang hindi mahulog iyon sa damuhan. Tinusok nito ang matulis na patpat sa bibig ng isda hanggang lumabas ang dulo niyon sa buntot. Nang masiguradong hindi yon dudulas inilagay na ng babae ang isda sa ibabaw ng apoy nang maihaw na iyon.
"Maupo ka na. Ako na ang bahala sa pagluluto," ang nasabi sa kaniya ng babae sa pagpuwesto nito katabi ng siga. "Sino ba ang nagturo sa iyo na mangisda?"
Pinagmasdan niya ang babae sa naging tanong nito sa kaniya. "Ako lang ang nagturo sa sarili ko," saad niya rito sa kaniyang pag-upo sa damuhan sa kaliwa nito. Hindi rin naman siya nito inusisa pa kung nagsasabi ba siya nang totoo. Hindi naman niya puwedeng sabihin dito na ang yumao niya ama sa pinanggalingl mundo ang nagturo niyon sa kaniya.
Wala na ring lumabas sa bibig ng babae sa pagbuhos nito ng atensiyon sa pag-ihaw sa isda. Nilagyan pa ni Mara iyon ng katas ng mga halamang pangpalas. Napatitig naman siya sa apoy sa kaniyang pananahiimik. Nagbabalik sa kaniyang isipan ang mga alaalang nais niyang kalimutan. Madalas na iniihaw din ng kaniyang ama ang isdang kanilang nahuhuli sa pangingisda nito nang nabubuhay pa ito. Malayo na rin ang tingin ng babae dahil maging ang isipan nito ang ay tunatakbo sa kung saan.
Sa paglipas ng mga sandali na wala pa ring nagsasaita sa kanila, unti-unit na ngang naluluto ang inihaw na isda. Nagsisimula na iyong umamoy. Kumulo ang kaniyang tiyan nang masinghot niya ang mabangong halimuyak niyon.
Tahimik sana ang kanilang pananatili sa tabi ng ilog kung hindi lang dahil sa ingay na nagmumula sa kakahuyan. Kapwa sila napatitig ng babae sa pinanggalingan ng ingay. Tinigil ng babae ang pag-ihaw sa isda't naging alerto sa mangyayari na hindi umaalis sa kinauupuan. Hindi nga rin naman malayong hayop lamang ang gumawa ng ingay. Ngunit sa paglapit ng pagkaluskos ng mga sanga't dahon, nasigurado nilang hindi lang basta hayop ang gumawa niyon.
Mabilisang inilagay ni Mara ang kamay nito sa likuran na siya ring paglabas ng punyal at tumayo nang tuwid. Maging siya ay napatayo na rin na nakahawak sa punyal na hindi niya naibabalik sa babae. Pinakatitigan ni Mara ang katapusan ng kakahuyan bago ang kanilang kinalalagyan. Napapalunok na rin siya ng laway dahil iniisip niyang mayroon namang sumugod na kaaway nito. Ilang sandali pa ay nakaabot na nga ang ingay sa kinaroonan nilang dalawa ni Mara. Lumabas mula sa kakahuyan ang manglalakbay na nakayumangging balabal. Napabuntonghininga ang babae nang tumama ang mga mata nito sa mukha ng bagong dating. Naglaho ang punyal sa kamay nito't binalikan ang pag-iihaw.
Naiwan siyang nagulat dahil hindi niya inasahang makikita niya ulit ang manglalakbay na si Drust. Kahit ang manglalakbay ay napatitig sa kaniyang kinatatayuan. Makikita rin ang pagkagulat sa mga mata nito.
"Ano ang ginagawa mo rito?" ang una nitong tanong sa kaniya.
Naihakbang niya ang kaniyang paa patalikod nang ilang beses at humigpit ang kapit sa hawak na punyal. Pinagmasdan niya ang babaeng abala pa rin sa pag-iihaw. Hindi niya sinagot ang tanong ng manglalakbay sa kaniya't kinausap ang babae. "Kilala mo ang manglalakbay na iyan?" tanong niya rito.
Nilingon siya ng babae na nagtataka. "Bakit? Kilala mo rin ba siya?"
"Oo. Siya ang manglalakbay ng nagdala sa akin dito sa Kingon," sagot niya at binaling ang atensiyon sa manglalakbay. "Inutusan ka ba ng prinsipe na tapusin ang buhay ko matapos mong malaman na buhay ako?"
Kumunot ang noo ni Drust sa lumabas sa kaniyang bibig. Lalo itong naguluhang tumingin sa kaniya.
"Saan mo nakuha ang ideyang iyan? Hindi ko nga alam na narito ka. Akala ko ay patay ka na dahil hindi ka namin mahanap. Narito ka lang pala," ang nasabi ng manglalakbay sa kaniya.
"Mamamatay sana ako kung hindi ako tinulungan ni Mara. Binayaran ng prinsipe ang mga mangangasong nakita natin sa tuluyan para patayin ako," pagbibigay alam niya rito.
"Wala akong alam sa bagay na iyan. Ang batang prinsipe iyon ay wala ring nasabi sa amin nang mahatid namin siya sa kakilala niya. Kung si Mara nga ang tumulong sa iyo, hindi na kita iisipan pa. Magiging maayos ka sa kaniya." Lumakad ito patungo sa siga nang makaharap ang babae. "Akala ko ba ay hindi mo gustong may kasamang iba sa bahay mo?" tanong nito sa babae sa pag-upo nito.
"Nagbago ang isip ko," tugon naman ng babae.
"Kung ganoon puwede na akong tumira na rin sa bahay mo," sumunod na sabi ng manglalakbay.
"Hindi pa rin maaari," matigas na sabi ng babae. Hinampas nito ang kamay ng manglalakbay nang balak nitong kurutin ang hindi pa natatapos ng ihaw na isda. "Magpaalam ka muna kay Gresyon. Siya ang nakahuli niyan."
Nilingon siya ng manglalakbay at pinakatitigan siya nito. Sa nakita niya sa dalawa ay mukhang magkakilala nga talaga ang mga ito. Niluwagan niya ang hawak sa punyal at naupo sa tabi ni Mara para kung mayroong sakaling may gawin sa kaniya ang manglalakbay mapipigilan nito. Hindi naaalis ang tingin ni Drust sa kaniya kaya hindi niya naiwasang makaramdam ng kaba.
"Ano bang nangyari sa iyo bago ka mapulot ni Mara?" unang tanong nito sa kaniya.
Sinalubong niya ang nagtatanong nitong mga mata. "Wala akong balak na sagutin ka," tugon niya naman dito.
Humugot nang malalim na hininga ang manglalakbay. "Alam ko namang balak mong umalis at hindi mo gustong magpaiwan sa bahay-ampunan. Sinuwerte ka kay Mara. Pero kung minalas ka wala ka na ngayon," paalala nito sa kaniya't ibinaling ang atensiyon sa babae. "Ano ang binabalak mo't kinuha mo siya? Malayo ito sa mga balak mo matapos mong tumigil sa paglalakbay."
"Balak ko siyang gawing anak. Pareho kaming wala ng pamilya kaya magiging nanay niya ako," sagot naman ng babae na patuloy sa pag-ikot sa iniihaw na isda.
Iyon ang unang pagkakataon na narinig niya ang bagay na iyon. Hindi iya alam na mayroong ganoong plano ang babae kaya napapatitig siya sa mukha nito. Sa palagay niya naman ay nagsasabi ito ng totoo.
"Nahihibang ka ba?" ang tanong nito ng manglalakbay.
Nag-iba ang ekspresiyon sa mukha ng babae sa lumabas sa bibig ng manglalakbay. Nalagyan ng galit ang mga mata nito. "Wala kang karapatang sabihin sa akin ang bagay na iyan," mariing sabi ni Mara. "Ano ang masama kung aampunin ko siya? Wala naman. Kaysa namang mag-isa ako sa pagtanda ko. Mabuti na iyon mayroon akong masasabing anak." Nakuha pa siyang lingunin ng babae. "Ayos lang sa iyo, hindi ba?" dugtong nito sa sinagot niya ng isang tango.
"Bahala ka kung iyan ang gusto mo," ang nasabi na lamang ni Drust. Mahahalatang hindi nito kaya baliin ang kagustuhan ni Mara.
"Ano naman ang dahilan mo't nagpunta ka rito? Sa pagkakaalam ko, wala ka nang pakialam sa akin," anang babae upang mabuksan ang usapan kung bakit napunta ang manglalakbay.
"Sino ang may sabi na wala? Nag-aalala ako sa iyo. Nabalitaan ko ang nangyari."
Sumama ang mukha ng babae nang mabanggit ng manglalakbay ang nangyari nang isang araw. Tumayo siya sa kaniyang kinauupuan sa pagsisimula ng usapan ng mga ito. "Maiwan ko muna kayo nang makagpausap kayo nang maayos," sabi niya't napatitig sa kaniya ang babae. "Hindi ako lalayo. Sa tabing ilog lang ako."
Hindi niya na hinintay pa na mayroong sabihin sa kaniya ang babae. Lumakad na siya patungo nga sa ilog kahit gusto niya nang kumain sa pagkalam ng kaniyang sikmura. Nilingon niya pa ang manglalakbay na nakatingin sa kaniya't nagpatuloy sa paglalakad.