Puno ng ingay ang lansangan dahil sa mga taong nagkatipon dito. Papunta't paparito ang pinaghalong residente at mga manglalakbay habang sumisigaw ang mga nagtitinda sa mga kubol ng mga ito. Sa dami ng mga tao'y lalong uminit ang hangin kahit na malayo pa ang katanghalian. Umiiwas si Greyson sa mga taong kaniyang nakakasalubong. Hindi niya malaman kung alin ang kaniyang uunahin nang mga sandaling iyon dahil sa tuwang kaniyang nararamdaman. Iyon ang unang pagkakataon na pinayagan siya ni Mara na magtungo sa bayan mula nang kunin siya nito. Hinayaan siya ng babae bilang regalo sa kaniyang ikalabinglimang kaarawan na nangyari dalawang linggo ang nakakaraan.
Huminto siya sa paglalakad sa harapan ng kubol ng nagtitinda ng mga makukulay na bato. Ginagamit ang mga iyon para mapalakas ang enerhiyang taglay ng isang tao sa loob ng ilang mga sandali. Pinagmasdan niya nang maigi ang mga bato kaya nalaman niyang mababang klase lamang ang mga iyon. Napapatitig na lamang sa kaniya ang matandang lalaki na naninilaw ang ngipin. Nakasuot ang matanda ng mahabang damit na tumatakip sa mga paa't tuhod nito. Ang buhok nito ay natatabunan ng putong na kulay pula.
"Sigurado ka bang bibili ka?" ang naitanong sa kaniya ng ahas sa loob ng kaniyang isipan. "Hindi makakatulong sa iyo ang mga bato. Tingnan mo't wala ngang bumibili dito. Ang bibili lang dito ay iyong mga kulang ang kaalaman."
Nagtatago ang ahas sa loob ng kaniyang suot na puting pang-itaas. Inalabas ng ahas ang maliit na ulo nito sa kaniyang leeg na hindi pansin ng matanda upang pagmasdan din ang mga bato.
"Napansin ko nga. Sinigurado ko lang baka mayroong naiiba," sagot niya naman sa ahas.
Sa nasabi niyang iyon lalo siyang pinagmasdan ng matandang lalaki na nagtitinda. Kahit nasa kabilang ibayo ito ng lagayan ng mga paninda nito, nasisinghot niya pa rin ang hindi kaayaayang amoy ng matanda.
"Ano ang bibilihin mo? Bagong dating lang ang mga iyan ngayong araw," wika ng matanda sa kaniya.
Hindi siya naniniwala sa narinig ngunit sinalubong niya ang mga mata nito. "Pasensiya na. Mukhang hindi maganda itong mga bato na ibinebenta mo," pagbibigay alam niya sa matanda nang malaman nitong hindi siya nito maloloko.
"Mahusay bata," masayang sabi ng matanda sa kaniya't ngumiti ito nang malapad kaya kitang-kita ang mga naninilaw nitong mga ngipin. "Sinadya kong ang mga iyan ang ilagay para subukan ang mga mamimili. Pero hindi iyan talaga ang ibinebenta ko. Mayroon ako ditong natatagong bato. Mataas na klase ng bato. Nakuha pa ito sa kailaliman ng isang kuweba sa kabundukan ng Sumara."
"Talaga?" Pinagmasdan niya nang maigi ang matanda. Hindi ito nagsisinungaling sa nasabi nito.
"Ito tingnan mo't baka magustuhan mo," anang matanda na hindi nawawala ang saya sa tinig nito.
Tumalikod ito saglit sa kaniya't inalis ang mga maliliit na kahong pinagpatong-patong nito hanggang sa makita nito ang mapulang maiit na kahon. Kinuha nito ang pulang kahon at muli siyang hinarap. Binuksan nito ang kahon para makita niya. Nakalagay sa ibabaw ng malambot na tela ang bilog na bato. Pinakatitigan niya ang bato dahil sa mistulang ulap na naglalaro sa loob niyon.
"Bilhin mo na," sabi ng ahas sa kaniyang isipan. "Magagamit mo iyan para maikulong ang kahit anong halimaw."
"Kung bibilhan ko siya. Hindi ko na mabibili ang iba ko pang kailangan," aniya pabalik sa ahas.
"Mas mahalaga iyan," pangungumbinsi ng ahas sa kaniya at sumagitsit ito.
"Sige na nga," pagpayag niya na lamang sa suhestiyon ng ahas. Binalik niya ang atensiyon sa naghihintay na matanda. "Puwede ko bang hawakan?" tanong niya sa matandang lalaki.
"Oo naman," tugon ng matanda na inilalapit pa sa kaniya ang kahon.
Kinuha nga niya ang bato sa loob ng kahon. Pagdikit pa lang ng daliri niya sa bato'y naramdaman niya kaagad ang bigat ng puwersang taglay nito. Pinakatitigan niya iyon nang maiigi na ilang dangkal ang layo sa kaniyang mga mata. Nang sandaling iyon ay mayroong dumaan sa kaniyang likuran na binatang mabilis ang takbo. Nakabalabal ang tumatakbo't sumisiip nang bahagya ang maputi nitong buhok sa talukbong. Tumalon ang t***k ng kaniyang puso nang mapatitig siya sa kulay ng buhok. Hindi niya naman mamukhaan ang lalaki. Ngunit bumalik sa kaniyang isipan ang batang prinsipe. Sinundan niya pa nang tingin ang binata sa pagtakbo nito palayo hanggang sa mawala na ito sa kaniyang paningin sa paghalo nito sa iba pang mga taong naroon.
"Ano ang problema?" ang naitanong sa kaniya ng ahas.
Binalik niya ang atensiyon sa tindahan. "Wala naman. Akala ko ay kilala ka iyong dumaan," aniya't kinuha ang supot sa kaniyang bulsa. "Magkano ba ito?" tanong niya sa matanda.
"Isang libong pilak," sabi ng matanda.
Nagsalubong ang kilay niya sa mahal ng batong iyon. "Masyadong mahal. Limang daang pilak lang ang mayroon ako," sabi niya sa matandang lalaki. Hindi siya nagsinungaling patungkol sa bagay na iyon.
Pinag-isipan ng matanda ang kaniyang sinabi't matapos nitong huminga nang malalim nagsalita na rin ito.
"Sige. Kunin mo na," ang walang pag-aalangang saad ng tindero nang ilapit nito sa kaniya ang palad.
Nilagay niya ang supot na naglalaman ng pilak sa kamay ng matanda. Winasiwas nang bahagya kapagkuwan ang kamay upang maitago ang batong asul. "Hindi ko na kailangan iyang kahon. Kompleto iyang laman ng supot kahit bilangin mo pa," ang huli niyang sabi sa matanda't umais na siya sa harapan ng tindahan nito. Sumipol-sipol ang matanda habang nagbibilang ng pilak. Hindi naalis ang saya sa mukha nito.
"Mas maibebenta niya ang bato sa malaking halaga. Pagkatapos ibinigay sa iyo ng limang daan lang na pilak," komento ng ahas nang ilabas pa nito ang ulo. Pumantay na ito kaniyang pisngi.
"Wala marahil talaga sa kaniyang bumibili kaya binigay niya na lang. Saka kung tatagal pa sa kaniyang kamay. Hindi malayong mayroong magnakaw. Lalo lang siyang mawalan. Kaya nga hindi niya inilalabas," ang nasabi niya sa itim na ahas. Tumabi siya nang dumaan ang kalesa na hila ng dalawang puting kabayo. Naglalakad lang ang mga kabayo kaya hindi gaanong maingay ang mga takatak ng paa ng mga ito.
"Tama rin naman ang sinabi mo," pagsangayon naman sa knaiya ng ahas. "Saan na ngayon ang punta mo?"
"Sa mananahi. Kukunin ko iyong pinagawang damit ni Mara."
Naglakad siya sa kahabaan ng lansangan na patingin-tingin pa rin sa mga tindahan. Nadaanan niya rin ang mga nagpapalaro sa gilid ng daan kung saan nagkakatipon ang mga kalalakihan. Hindi na niya sinilip dahil mandaraya naman iyong nagpapalaro. Sa patuloy niyang paghakbang kumulo ang kaniyang tiyan. Inilabas niya mula sa dala niyang sisidlang nakasukbit sa likod ang biluhabang tinapay. Pinalamanan niya iyon ng ginawa niyang palaman na gawa sa gatas ng baka, itlog at litsugas. Kinagat niya iyon na lumilingon kaliwa't kanan. Sa kaniyang tainga ay pumapasok ang ingay na nagmumula sa inuman. Lumalabas sa pinto ang malakas na tawanan ng mga manglalakbay na umiinom sa loob.
Sa katapusan ng lansangan ay ang interseksiyon na sumanga sa tatlong daan. Kinuha niya ang nasa pinakagitna't makalipas ang ilang mga sandali ay nakarating na siya sa patahian ng damit. Tinapos niya ang pagkain sa tinapay sa pagdila sa kumapit na palaman sa kaniyang daliri. Nakalagay sa labas ang makukulay at mahahabang telang binebenta ng may-ari. Hindi siya kaagad nakatuloy nang pasok dahil sa kaguluhang nangyari. Hinahabol ng isang matabang lalaki na hawak ang makapal na kutsilyo ang isang nakabalabal. Napapatingin na lamang ang ibang mga taong nadaanan ng mga ito.
"Magnanakaw! Bumalik ka rito!" sigaw na malakas ng matabang lalaki nang mapadaan sa kaniya ang nakabalabal.
Nang mapagtanto niya kung ano ang nangyayari, humila siya ng dilaw na telang nasa labas ng pataihan. Mabilisan niyang nirolyo iyon at tinapon patungo sa lumalayong nakabalabal. Nagawa niya namang maipulupot sa paa ng tumatakbo ang itinapon niyang tela kaya natigil ito sa pagtakbo. Bago pa ito magawang makatakas, itinapon niya kasunod ang kabilang dulo ng tela na hindi niya nirolyo. Bumalot iyon sa katawan ng nakabalabal na siyang nagpatumba rito. Tumakbo siya kapagkuwan palapit dito't pinatihaya niya ito nang makita niya ang itsura nito.
Nang alisin niya ang talukbong nakarinig na lamang siya nang malakas na pag-angil sa taong soro. Kamuntikan pa siya nitong kagatin kaya nailayo niya ang kaniyang kamay nito. Pulang-pula ang mahaba nitong buhok kasinkulay ng mga mata nito. Sa itsura nito'y tantiya niya ay hindi nalalayo ang edad nito sa kaniya. Sa paglapit ng mangangatay sa kanila, pinatalim ng taong soro ang mga kuko nito't pinunit ang nakabalot na tela sa katawan nito. Naiwan na lamang nito ang malaking karne sa pagtakbo nito palayo't lumiko patungo sa kaliwa. Nakarating naman sa kaniyang kinalalagyan ang mangangatay kaya kinuha niya ang karne't binalik dito.
"Binigyan niyo na lang sana nang kahit kaunti," sabi niya pa sa mangangatay kaya sumama ang mukha nito.
Hindi niya hinintay na magpasalamat ang mangangatay sa kaniya at tinupi na lamang ang ginamit niyang punit na ngang tela. Pumasok siya ng tahian na dala nga ang tela. Lumapit siya kapagkuwan sa mananahi sa mesa nito na abala sa pagtatahi. Mabilis na gumagalaw ang mga kamay at paa nito sa makina. Sa bawat sulok ng tahian ay nakalagay ang mga estante kung saan nakatabi ang mga iba't ibang klase ng tela. Sa bandang gitna ng silid ay nakalagay ang mga nakasabit namang damit na tinahi.
Iniangat ng babaeng mananahi ang tingin nito sa paglapit niya sa mesa nito. Tinulak pa nito ang suot na salamin upang matingnan nang maigi ang kaniyang hawak. Nakasuot ito ng bulaklaking damit at ang mahaba nitong buhok ay nakaipit sa likuran ng ulo.
"Ano ang ginawa mo?!" mariing sabi ng mamanahi sa kaniya. Tumayo ito sa mula sa kinauupuan. Nilapitan siya kapagkuwan at kinuha ang tinuping tela sa kaniyang kamay. Lalong sumama ang mukha nito nang makita nitong sirang-sira na iyon.
"Mayroong nangyari sa labas. Nagamit ko," ang nag-aalangan niyang sabi sa mananahi.
Sinamaan siya nang tingin ng mananahi. "Idadagdag ko ito sa dapat bayaran ng magulang mo," wika nito sa kaniya't tinugon niya ng isang tango.
Inalis nito ang atensiyon sa kaniya sa paghakbang nito patungo sa tabi dala ang napunit na tela. Binitiwan nito ang napunit sa mesa't iInalis nito sa estante ang manipis na kahong kulay rosas na gawa sa papel. Bumalik ito sa kaniyang kinatatayuan na dala iyon at binigay sa kaniya. Tinanggap niya naman ang kahon na mayroong kasamang pagyuko ng ulo. Isinenyas ng mananahi ang kamay nito kaya lumabas na rin siya na walang sinasabi dito. Sa paglalakad niya papalabas ng tindahan ay tinitingnan niya ang kahon.
"Ano bang klaseng damit iyan at nakakahon pa?" tanong sa kaniya ng ahas.
"Hindi ko alam. Nag-aalangan akong buksan baka pagalitan ako. Malalaman din naman natin pag-uwi ng bahay." Hinawakan niya na lamang iyon nang mabuti sa tuluyan niyang paglabas sa pintuan.
Pagbalik niya sa daan ay lumingon siya kaliwa't kanan para pag-isipan kung saan dapat dumaan. Napapatitig na lamang siya sa daan sa pagkinang ng kuwintas. Nilapitan niya ang kuwintas na hugis kalahating buwan ang pabitin. Naisip niyang naiwan iyon ng taong soro kung kaya nga ay pinulot niya iyon. Sinundan niya ang daang tinakbuhan ng taong soro imbis umuwi na nang diretso.
"Saan ka pupunta?" nagtataka tanong sa kaniya ng ahas.
Pinagmasdan niya ang kuwintas sa kaniyang kamay. Kuminang ang pabitin sa pagtama ng araw dito. "Ibabalik ko lang itong kuwintas sa taong soro," tugon niya sa ahas.
"Alam mo bang masyadong agresibo ang lahing ganoon? Masasaktan ka lang sa binabalak mo," paliwanag sa kaniya ng ahas upang hindi na siya tumuloy. "Kaya ka niyang patayin kahit mag-isa lang."
"Huwag kang mag-aalala. Walang mangyayari sa akin," paniniguro niya naman sa ahas habang isinisilid sa bulsa ang kuwintas. "Tulungan mo na lang kaya akong hanapin siya."
"Sa kaliwa," pagbibigay alam kaagad sa kaniya ng ahas.
Lumiko siya sa kaliwa't dinala siya niyon sa makipot na daan. Pumasok siya rito na walang iniisip na ibang bagay. Nagkalat ang mga basura sa daan na iyon kaya iba ang amoy. Sa haba ng daan hindi niya pa rin nakita ang taong soro. Nakarating siya sa dulo na dalawa ang sanga. Iginalaw ng ahas ang ulo nito na hindi nagsasalita patungo sa kanan na kaniya rin namang sinunod. Hindi umaabot ang sinag ng araw sa daan na kaniyang pinasok. Natigil na lamang siya nang makarinig siya ng malalim na pag-ungol. Nang tumingala siya ay papatalon na paibaba sa kaniya ang taong soro na nakahanda ang matatalilm na kuko at ang mga ngipin.